Mga Mungkahi sa Paglalakbay Mula sa Isang Makaranasang Piloto
Mga Mungkahi sa Paglalakbay Mula sa Isang Makaranasang Piloto
GUSTUNG-GUSTO kong sumakay sa eroplano—kahit noon pa man. Hindi ka lamang malayang makapaglalakbay nang mabilis sa iba’t ibang lugar kundi magagawa mo ring maglakbay sa gitna ng kaulapan sa isang makulimlim na araw at pumaimbulog sa sikat ng araw na nagniningning sa kaitaasan. Tuwang-tuwa ako sa pagsakay sa eroplano mula pa nang una akong sumakay rito nang bata pa ako noong 1956. Ang pagkahumaling na ito ang nagtulak sa akin na gawing karera ang maging isang propesyonal na piloto, pero gumugol din ako ng panahon bilang isang imbestigador sa mga aksidente sa eroplano.
Gaano ba kaligtas ang maglakbay sa himpapawid? At anong mga pag-iingat ang dapat mong gawin kapag nagkaroon ka ng pagkakataong maglakbay sakay ng eroplano?
Higit na Pag-iingat Para sa Ligtas na Uri ng Paglalakbay
Taun-taon sa buong daigdig, halos 18,000 eroplano ng iba’t ibang kompanya ang regular na lumalapag at lumilipad sa libu-libong paliparan, habang inihahatid ng mga ito ang mahigit na 1.6 bilyong pasahero sa kani-kanilang destinasyon—na pawang kakaunti ang mga aksidente. Sa katunayan, tinataya ng Lloyd’s of London, isang kilalang kompanya ng seguro, na 25 ulit na mas ligtas ang sumakay sa eroplano kaysa sa sumakay sa kotse. Kung gayon ayon sa estadistika, ang pinakadelikadong bahagi ng iyong paglalakbay ay ang papunta at pauwi mula sa paliparan. Gayunman, makatutulong ang ilang makatuwirang mga pag-iingat sa pagsakay ng eroplano upang gawing mas ligtas sa paanuman ang ligtas na uring ito ng paglalakbay.
● Piliing mabuti ang eroplanong sasakyan mo: Hindi lahat ng kompanya ng eroplano ay may magkakaparehong rekord pagdating sa kaligtasan. Ang matatag na mga kompanya ng eroplano ay kadalasang ligtas na sakyan. Sila ay nagpapalipad ng makabagong mga eroplano at may mabuting reputasyon dahil sa kanilang rekord sa kaligtasan at mahusay na pagmamantini.
● Pag-isipang mabuti kung ano ang iyong isusuot: Nanganganib sa apoy at usok ang mga nakaliligtas sa pagbagsak ng eroplano. Kaya ang pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas at mga pantalon o mahabang palda ang pinakamahusay na sanggalang sa iyong balat mula sa apoy at init. Mabuting pananggalang ang mga damit na yari sa natural na hibla, subalit ang sintetikong mga materyal ay kadalasang natutunaw o dumirikit sa balat kapag nainitan, na posibleng maging dahilan ng malalang pagkasunog ng balat. Ang mga damit na yari sa katad ay maaari ring dumikit sa balat kapag nainitan kung kaya hindi ito inirerekomenda. Ang susun-suson na damit ay mas mabuting pananggalang kaysa basta isang suson lamang ng damit ang suot, at mas nagbabalik ng init ang mapusyaw na mga kulay kaysa sa madidilim na kulay. Ang mga sapatos na walang takong, lalo na ang mga de-sintas, ay mas malamang na manatiling nakasuot sa iyong mga paa at maiingatan ka mula sa mga hiwa at paso, at mas mabuti ang mga lanang medyas kaysa sa mga sintetiko.
● Makinig na mabuti sa mga tagubilin sa kaligtasan: Magbibigay sa inyo ang mga tauhan sa eroplano ng kumpletong mga tagubilin sa kaligtasan bago lumipad ang eroplano. Kung sakaling magkaroon ng aksidente, baka kakailanganin mong lumabas sa eroplano na ginagawa ang lahat ng iyong natatandaang mga tagubilin sa kaligtasan. Kaya makinig na mabuti sa impormasyong ibinibigay. Isiniwalat ng isang surbey hinggil sa mga taga-Canada na sumasakay ng eroplano na 29 na porsiyento lamang ng mga pasaherong nakasakay sa eroplano ang nagbabasa o tumitingin sa pangkaligtasang kard na nasa upuan ng eroplano. Magbigay ng panahon para pag-aralan ang mga tagubilin sa kaligtasan, lalo na yaong nagpapakita kung paano bubuksan ang mga pinto o bintanang labasan, baka sakaling ikaw ang mauna roon. Pag-isipan din kung paano mo masusumpungan ang labasan kung wala kang makita dahil sa dilim o usok. Ang isang simpleng paraan ay bilangin ang mga hanay ng upuan mula sa iyong kinaroroonan hanggang
sa mga labasan. Sa gayon, kahit na madilim, masusumpungan mo at mabubuksan ang emergency exit.● Limitahan ang iyong bitbit na mga maleta: “Ang paulit-ulit na aksidenteng nangyayari [sa mga pasahero] ay ang pagkalaglag ng mga maleta mula sa mga lalagyang nasa ulunan sa panahon ng normal na paglipad, ito man ay dahil sa hindi gaanong naisara ang mga lalagyan o binuksan ito ng mga pasahero habang lumilipad ang eroplano, anupat nagiging sanhi ng malubhang pinsala sa ulo at ng kamatayan pa nga,” ang sabi ng babasahing Flight International. Kaya tandaan, maaaring makadisgrasya ang mabibigat na maleta. Kung gayon, sa panahon ng kagipitan, iwan mo ang LAHAT ng iyong dala-dalahan. Pagtuunan mo ng pansin kung paano ka makaliligtas! Mapapalitan mo rin ang iyong mga maleta sa kalaunan.
Sa Panahon ng Kagipitan
Ang pinakamapanganib na paglisan sa eroplano ay kapag may apoy at usok. Isang ulat hinggil sa aksidente ang nagsabi: “Nang lumapag ang eroplano, halos walang makita sa loob ng cabin sa taas na mahigit sa isang talampakan mula sa sahig nito [dahil sa usok]. Sinabi ng mga nakaligtas na halos wala na silang lakas at hindi makapag-isip nang malinaw upang makapunta sa mga labasan.” Ang kaligtasan ay nakadepende sa mabilis na paglabas sa eroplano.
Ang mga tauhan sa eroplano ay sinanay upang tumulong sa mabilis at ligtas na paglabas ng mga pasahero sa eroplano. Kaya agad na sumunod sa kanilang mga tagubilin. Gayunman, hindi laging nangyayari ang inaasahan. Baka mawalang-saysay ang puspusang pagsisikap ng mga tauhan sa eroplano dahil sa mga problema sa sound system, pagkapinsala ng mga tauhan sa eroplano, kalituhan, at mga epekto ng ingay, init, at usok. Maaaring hindi ginagamit ang iyong wika sa sinakyan mong eroplano, at ito rin ay makahahadlang sa mabuting pakikipag-usap mo sa tauhan sa eroplano.
Ipinakikita ng mga pagsusuri sa aksidente na ang iyong determinasyon na mabuhay ang pinakamahalagang salik para ikaw ay makaligtas sa panahon ng kagipitan. Kailangang mayroon kang espesipikong plano na gagawin at maging handa sa pagliligtas ng iyong sarili. Dapat na kasali sa iyong plano ang sinumang kasama mong naglalakbay, lalo na ang mga bata o ang mga may-edad, at mga paraan para magkasama-sama kayo upang magtulungan sa panahon ng paglabas. Ganito ang mungkahi ng magasing Flying Safety: “Kung kailangan mong lumisan sa gitna ng mausok na kapaligiran, sabihin mo sa kanila na maghawak-hawak. Ang kanilang paghawak sa iyong sinturon ay maaaring maging kaligtasan nila.” Sabihin mo sa iyong kasama o mga kasamang naglalakbay kung ano ang plano mong gawin sakaling magkagipitan na.
Ang lahat ng uri ng paglalakbay ay may kaakibat na mga panganib, subalit tinutulungan tayo ng makabagong pampasaherong mga eroplano na iwasan ang maraming panganib at inihahatid tayo sa ating pupuntahan na maginhawa ang pakiramdam at handa para magtrabaho o maglibang. Maging handa subalit huwag mabalisa. Magrelaks at masiyahan sa iyong pagsakay sa eroplano—iyan ang lagi kong ginagawa.—Ipinadala.
[Larawan sa pahina 13]
Pagsasanay para sa paglabas sa eroplano sa panahon ng kagipitan
[Larawan sa pahina 13]
Makinig sa mga tagubilin sa kaligtasan