Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pangglobong Epidemya ng Sobrang Taba na mga Bata
“Ang sobrang katabaan sa mga bata ay nagiging pangglobong epidemya at dapat lutasin ang problema mula sa pinakaugat nito na sitsirya,” ang ulat ng The New York Times. “Ayon sa International Obesity Task Force, mahigit na 25 porsiyento ng mga batang 10 taóng gulang sa ilang bansa sa buong mundo ang sobra sa timbang o sobrang taba.” Ang Malta (33 porsiyento), Italya (29 na porsiyento), at Estados Unidos (27 porsiyento) ang mga nangunguna sa talaan. Sangkapat ng mga batang apat hanggang sampung taóng gulang sa Chile, Mexico, at Peru ang sobra sa timbang o sobrang taba. Sa ilang lugar sa Aprika, napag-alaman na mas maraming bata ang sobra sa timbang kaysa sa kulang sa timbang. Bakit napakaraming sobra ang katabaan? “Taun-taon, nakakakita ang isang karaniwang bata sa [Estados Unidos] ng 10,000 patalastas sa pagkain, 95 porsiyento sa mga ito ay para sa fast food, mga soft drink, kendi at matatamis na cereal—pawang mga produktong malaki ang tubo at kulang sa sustansiya,” ang sagot ng The Washington Post. “Iniuugnay ng mga propaganda sa pagbebenta ang fast food at mga soft drink sa mga laruan, palaro, mga bagay na kinokolekta, mga panoorin at kilaláng mga personalidad. . . . Nakapagtataka ba na ang mga bata sa ngayon ay kumokonsumo ng mga 15 porsiyento ng kanilang kabuuang kaloriya mula sa fast food, 10 porsiyento mula sa matatamis na soft drink at kalahati lamang mula sa iminungkahing dami ng mga prutas at gulay?”
Hinahadlangan ng mga Bubuyog ang mga Elepante
Dumarami ang populasyon ng elepante sa Kenya, ngunit ito ay nagdulot ng mga problema. Sinisira ng naglipanang mga elepante ang mga puno at mga pananim, at may aberids na isang tao tuwing dalawang linggo ang natatapakan ng mga elepante hanggang sa mamatay. Gayunman, ang biyologong si Fritz Vollrath ng Oxford University ay nakatuklas ng isang posibleng panghadlang dito. Kapag nabulabog ng mga elepante ang isang bahay-pukyutan, ang sabi niya, “hindi nila ito basta ipinagwawalang-bahala. Nagtatatakbo sila at hinahabol naman ng mga bubuyog ang mga ito kahit ilang kilometro na ang layo.” Kinakagat ng mga bubuyog ang mga elepante sa maseselang bahagi ng paligid ng mga mata, likuran ng mga tainga, ilalim ng nguso, at sa tiyan nito. Naglagay si Vollrath ng may laman at walang-laman na mga bahay-pukyutan ng bubuyog ng Aprika sa ilang punungkahoy na tumutubo sa kagubatan na madalas puntahan ng mga elepante. Iniulat ng New Scientist na iniwasan ng mga hayop ang lahat ng punungkahoy na may bahay-pukyutan na may laman at sangkatlo ng may bahay-pukyutan na walang laman. Ngunit sinalakay nila ang 9 sa 10 punungkahoy na walang bahay-pukyutan. Napag-alaman din ni Vollrath na iniiwasan ng mga elepante ang tunog ng mga galít na mga bubuyog kahit na ito ay pinatutugtog lamang sa mga laud-ispiker.
Huling Balita, Maagap na Reaksiyon
“Hindi pamilyar sa matataas na gusali ang mga Masai na nakatira sa liblib na lugar [Enoosaen] ng Kenya, kung saan ang matataas na bagay lamang sa malawak na kapaligiran nito ay mga puno ng akasya at mga giraffe na nanginginain sa mga ito,” ang ulat ng The New York Times. “Kaya nang bumalik kamakailan si Kimeli Naiyomah sa maliit na nayong ito mula sa kaniyang pag-aaral sa Estados Unidos, natuklasan niya na halos walang kaalam-alam ang mga kapuwa niya Masai tungkol sa nangyari sa malayong lugar na tinatawag na New York noong Set. 11. Ni hindi man lamang nabalitaan ng ilan sa mga pagala-galang grupong ito ng mga tagapag-alaga ng mga baka ang tungkol dito.” Nang ikuwento ni Naiyomah, na kasalukuyang namamasyal sa Manhattan noong Setyembre 11, sa mga taganayon ang personal niyang nasaksihan mga walong buwan na ang nakalipas, lungkot na lungkot sila, at gusto nilang makatulong. Ang resulta ay 14 na baka, isa sa pinakamahahalagang bagay na maaaring ibigay ng isang Masai, ang iniabuloy nila upang tulungan ang mga biktima ng sakuna. Dahil may problema sa transportasyon, ang opisyal ng embahada ng Estados Unidos na tumanggap sa mga ito ay nagsabi na “marahil ibebenta [na lamang niya] ang mga baka at saka bibili ng alahas ng Masai upang ibigay sa Amerika,” ang ulat ng Times.
Mga Babaing Maton
“Ang pagiging maton ng mga lalaki ay karaniwan nang ginagawa sa pamamagitan ng pananakit sa pisikal,” ang ulat ng pahayagang Toronto Star, samantalang “sa mga babae, ang mga taktika naman ay halos sa paraang mental at emosyonal.” Sinasabing kapag ang mga batang babae ay tumuntong na sa mga taon ng kanilang pagiging tin-edyer, tumitindi ang antas ng pagkatakot at pagkabalisa nila, kasama na ang pagkabahala tungkol sa kung paano sila minamalas ng mga hindi nila kasekso. Ang mga eksperto sa paggawi ay naniniwala na “ang mga batang babae ay nagpapaligsahan ‘kung sino ang mas maganda sa kanila,’ palibhasa’y nauudyukan ng seksing mga larawan sa media.” Si Denise Andrea Campbell, dating presidente ng National Action Committee on the Status of Women, ay nagsabi: “Maraming batang babae ang hindi nakaaalam kung paano susupilin ang kanilang mga damdamin ng galit at selos.” Kaya naman, ang gayong mga damdamin ay “naipamamalas sa di-tuwiran at nakapipinsalang mga paraan.” Maaaring puntiryahin ng mga batang babae ang ibang batang babae, sa pamamagitan ng mga taktikang tulad ng di-pagkibo, pagsimangot, pagtsitsismis, at pagkakalat ng kung anu-anong balita.
Kaigtingan sa Pinagtatrabahuhan
“Halos isa sa limang taga-Canada ang nagsabi na sila ay nakararanas ng lubhang kaigtingan anupat halos naiisip na nila ang pagpapatiwakal upang matapos na ang panggigipit,” ang ulat ng The Globe and Mail. Ano ang pinagmumulan ng kaigtingang ito? Sa isang surbey sa 1,002 indibiduwal, 43 porsiyento ang bumanggit na ang dahilan ay ang kanilang trabaho. “Sa mga pinagtatrabahuhan ngayon, sinasagad natin ang pisikal na lakas at mental na kakayahan ng mga tao,” ang sabi ni Shimon Dolan, isang organizational psychologist at propesor sa University of Montreal. “Ginigipit sila nang husto sa trabaho ngunit, kasabay nito, naroroon din ang labis na kawalang-katiyakan—hindi mo alam kung may trabaho ka pa bukas.” Paano hinaharap ng mga taga-Canada ang kaigtingan? Ang pag-eehersisyo ang pinakapopular na paraan, sabi ng Globe, “na sinusundan ng pagbabasa ng aklat, paglilibang at paglalaro ng mga isport, pakikisalamuha sa iba at paggugol ng panahon kasama ng pamilya.”
Nagpapakalma sa mga Bata ang Pagbabasa Kasama ng mga Magulang
“Ang regular na pagbabasa kasama ng isang magulang ay lubhang nakababawas sa pagiging galít sa mundo ng mga batang magugulo na nakikipag-away, nagnanakaw at nagsisinungaling,” ang ulat ng pahayagang The Times ng London. Sa sampung-linggong pag-aaral na isinagawa ng Institute of Psychiatry sa mahigit na 100 batang may edad na lima at anim na nakatira sa sentrong Lunsod ng London, tinagubilinan ang mga magulang na “patayin muna ang kanilang mga mobile phone bago umupo at magbasa kasama ng kanilang mga anak, buurin ang kuwento bago magsimula at huwag magmadali sa paglipat ng mga pahina at pagtingin sa mga larawan.” Ang mga resulta ay “isang malinaw na katibayan na ang isinaplanong mga gawain na simple at binigyan ng atensiyon ay maaaring maging lubhang mabisa sa pagpapasulong ng paggawi ng isang bata kahit nasa murang gulang pa lamang ito,” ang sabi ng pahayagan. “Ang talagang gusto ng mga bata ay atensiyon,” ang sabi ng nanguna sa pagsasaliksik na si Dr. Stephen Scott. “Matatamo nila ito sa pamamagitan ng pagbabasa kasama ng kanilang mga magulang.”
Maliligayang Boluntaryo
“Sinasabi ng mga taong nag-uukol ng kanilang panahon sa boluntaryong gawain na sila ay higit na maligaya sa kanilang trabaho, mga oras ng pagtatrabaho, pakikipag-ugnayan sa komunidad at espirituwalidad kaysa sa ibang grupo,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Natuklasan sa isang surbey na isinagawa ng isang grupo ng mga mananaliksik sa Australia na ang boluntaryong mga manggagawa ay “lubos na nasisiyahan sa kanilang kalusugan, dami ng libreng panahon at kung paano nila ito ginagamit,” ang sabi ng report. Iniulat ni Propesor Bob Cummins ng Deakin University na ang bilang ng boluntaryong trabahador sa Australia ay napakarami—32 porsiyento ng mga Australiano ay nagboboluntaryo. Ang Herald ay nag-ulat din na yaong nagtatrabaho nang mahigit sa 60 oras sa isang linggo—ang karamihan ay mga babaing tagapag-alaga—“ay higit na nasisiyahan sa kanilang kalusugan at trabaho kaysa sa mga taong nagtatrabaho nang ilang oras lamang.”
Paglalayag sa Northeast Passage
Sa ikaapat nitong pagtatangka, isang grupo ng mga manggagalugad na Aleman ang nagtagumpay sa paglalayag gamit ang isang 18-metrong barkong de-layag sa Northeast Passage, ang ulat ng The Independent ng London. Ang rutang ito sa dagat ay malapit sa hilagang baybayin ng Russia na kadalasang napalilibutan ng yelo. Una itong tinawid noong 1879 ng isang Swekong manggagalugad na si Adolf Nordenskjöld, gamit ang isang barkong pinatatakbo ng singaw at layag. “Ngayong tag-init ko lang nakitang walang gaanong yelo ang daanang ito,” ang sabi ng lider ng grupo na si Arved Fuchs. “Sa tingin namin, ito ay dahil sa pinagsamang pagtaas ng temperatura ng buong globo at kakaibang mga kondisyon ng hangin, na nagpapanatiling malayo sa baybayin ang mga tipak ng yelo kung kaya kami nakaraan.” Sa tulong ng napakagaan na eroplanong pandagat at mga kuha ng satelayt sa galaw ng mga tipak ng yelo, ngunit walang gamit na barkong icebreaker, nakumpleto nila ang 15,000-kilometrong paglalakbay mula Hamburg, Alemanya, hanggang Provideniya, Russia, sa Dagat Bering, sa loob ng 127 araw. Sa loob ng barko, ang kinain ng mga lalaki ay katulad niyaong mga prineserbang pagkain ng astronaut. Gayunman, ang sabi ng isa: “Ang mahirap lamang ay ang makasama sa isang maliit na espasyo ang 11 iba pang mga tao sa loob ng apat na buwan.”