Sinubukan Kong Maglingkod sa Dalawang Panginoon
Sinubukan Kong Maglingkod sa Dalawang Panginoon
AYON SA SALAYSAY NI KEN PAYNE
Isinilang ako noong 1938 at lumaki sa rantso ng aking lolo sa New Mexico, E.U.A. Ito ay isang 9,700 ektarya ng mga batis at malalawak na kabukirang may tanawin ng kabundukan sa gawing likuran. Ang naalaala kong mga tunog ay yaong sa mga tupa, baka, at mga kabayo gayundin ang kalansing ng mga espuwelas ng mga koboy. Kung minsan ay pinakikinggan ko ang magkaibang tunog ng hampas ng hangin sa mga damo at ang malakas at mataginting na iyak ng mga ibong “killdeer” sa palibot ng mga tangke ng tubig.
ANG maagang mga impluwensiya sa buhay ng isa ay makagagawa ng malalim at namamalaging impresyon. Gumugol ako ng maraming oras kasama ng aking lolo, na maraming alam na mga kuwento tungkol sa wild West. Kilala pa nga niya maging ang mga taong nakasama ni Billy the Kid, isang kabataang kriminal na naging tanyag dahil sa marami siyang pinaslang, na natapos nang siya’y mamatay noong 1881 sa edad na 21.
Ang aking mga magulang ay mga Saksi ni Jehova, at isinasama nila ako sa ministeryong Kristiyano sa malulungkot na rantso at simpleng mga tahanan sa buong libis ng Hondo. Karaniwan nang gumagamit sila ng ponograpo na may mga rekording ng boses ni J. F. Rutherford hinggil sa mga paksa sa Bibliya, na tumimo sa aking isipan. * Ipinaririnig namin ang kaniyang mga pahayag sa lahat ng uri ng tao—mga rantsero, magsasakang Mexicano, at Katutubong mga Amerikano, tulad ng mga Apache at Pueblo. Nasisiyahan ako sa pamamahagi ng magasin sa gawaing pagpapatotoo sa lansangan—yamang kaunti lamang ang tumatangging kumuha ng magasin mula sa isang maliit na bata, kahit noong panahon ng digmaan.
Oo, nagkaroon ako ng mahusay na pundasyon. Gayunman, nabigo akong makinig sa babala ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Masasabi ko sana na nagkaroon ako ng kapana-panabik na buhay sa buong-panahong ministeryo. Ngunit may isa pang impluwensiya noong bata pa ako, isa pang “panginoon,” ang naglihis sa akin sa landasing iyon, na nagsimula noong ako’y tatlong taóng gulang. Ano ba ang nangyari?
Nahumaling Ako sa Pagpapalipad ng Eroplano
Noong 1941, isang maliit na eroplanong Piper Cub ang lumapag sa tabi ng kamalig. Ginagamit iyon sa paghuli ng mga coyote (lobong parang) na tumatangay sa aming mga tupa. Mula noon, sa gulang
na tatlo, nagpasiya ako na gusto kong maging piloto. Lumipas ang mga taon ng aking pagkabata, at sa gulang na 17, umalis ako sa amin at nagtrabaho sa isang paliparan sa Hobbs, New Mexico, nagwawalis ng sahig ng mga hangar (silungan ng eroplano) at nag-aasikaso sa mga eroplano kapalit ng mga leksiyon sa pagsasanay sa pagpapalipad. Ang ministeryong Kristiyano ay naging pangalawahin na lamang sa aking buhay.Nag-asawa ako sa edad na 18, at nang maglaon, kaming mag-asawa ay nagkaroon ng tatlong anak. Ano ang naging hanapbuhay ko? Ako ay nagpalipad ng mga eroplanong nag-iisprey ng pamatay-insekto sa mga pananim, paupahang mga eroplano, at mga eroplanong panghuli ng maninilang mga hayop at pagtuturo sa pagpapalipad ng eroplano. Makalipas ang anim na taon ng ganoong hanapbuhay, nagsimula akong magpalipad para sa Texas International Airlines, mula sa Dallas, Texas. Naging mas matatag na ang buhay ko dahil dito, at nakapaglingkod pa nga ako bilang isang elder sa Kongregasyon ng Denton. Nakapagdaos din ako ng ilang pag-aaral sa Bibliya, kabilang na sa isang kapitan ng eroplanong pampasahero, sa kaniyang asawa, at kanilang pamilya, na yumakap lahat sa katotohanan sa Bibliya.
Pagsapit ng 1973, halos tatlong taon na akong nagpapalipad ng mga propjet (eroplanong may mga elise na pinatatakbo ng turbinang de-gas), ngunit nagsimula akong mawalan ng interes nang alisin sa serbisyo ang DC-3 (isang modelo ng pampasaherong eroplano). Ang totoo, hinahanap-hanap ko pa rin ang New Mexico. Ngunit kung titigil ako sa pagpapalipad, ano naman ang magiging hanapbuhay ko?
Nahumaling Ako sa Sining
Mula noong 1961, bilang isang libangan, nagpipinta ako ng mga larawan ng Kanlurang Amerika, at mabili ang mga ito. Kaya nagbitiw ako sa kompanya ng eroplano at bumalik sa New Mexico, ang lupain ng kaluguran, gaya ng tawag dito. Gayunman, hindi ako naging balanse. Hinayaan ko ang aking sarili na mahumaling sa pag-ibig sa sining. Ang pagpipinta at nang maglaon ang eskultura, pati na ang manaka-nakang pagpapalipad, ang umubos ng lahat ng aking panahon. Nagtatrabaho ako nang 12 hanggang 18 oras sa isang araw. Humantong iyon sa labis na pagpapabaya sa aking pamilya at sa aking Diyos. Ano nangyari?
Gumuho ang aking buhay may-asawa, na humantong sa diborsiyo. Lumipat ako sa hilaga sa Montana at bumaling sa pag-inom. Dahil sa di-makakristiyanong istilo ng pamumuhay, ang buhay ko ay naging katulad ng landasin na tinahak ng alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus. (Lucas 15:11-32) Hanggang sa isang araw, natanto kong wala ako ni isa mang tunay na kaibigan. Kapag nakasusumpong ako ng mga taong nasa kagipitan, sinasabi ko sa kanila: “Hanapin ninyo ang mga Saksi ni Jehova. Talagang matutulungan nila kayo.” Ang kanilang magiging sagot: “E bakit hindi ka Saksi?” Aaminin ko na hindi maaaring maging Saksi ang isa at pagkatapos ay mamumuhay na gaya ng ginawa ko.
Sa wakas, noong 1978, bumalik ako sa New Mexico, sa kongregasyon kung saan kilala ako ng mga Saksi. Ngayon lang ako uli nakadalo sa isang Kingdom Hall pagkaraan ng ilang taon, at wala akong magawa kundi umiyak. Napakamaawain ni Jehova sa akin. Ang mga kaibigan ko sa kongregasyon ay
napakabait at tinulungan nila ako na tahakin ang landas pabalik kay Jehova.Isang Bagong Katuwang at Isang Bagong Simula
Noong 1980, pinakasalan ko si Karen, isang magandang Saksi na ilang taon ko nang kilala. Mayroon siyang dalawang anak na lalaki, sina Jason at Jonathan, mula sa kaniyang unang pag-aasawa. Dahil sa kaniyang malalim na pag-ibig kay Jehova, nagdulot siya ng katatagan sa aking buhay at ng dalawa pang kahanga-hangang mga anak na lalaki, sina Ben at Phillip. Ngunit hindi laging madali ang buhay. May trahedyang naghihintay sa amin sa hinaharap.
Nag-aral ako ng sining at gumugol ng maraming oras sa pag-aaral ng anatomiya ng tao at hayop—lalo na ang anatomiya ng mga kabayo—gayundin ng komposisyon, proporsiyon at perspektiba. Bumaling ako sa paggawa ng eskultura na yari sa luwad, lalo na ng mga larawan ng Old West—mga kabayo, Indian na nakasakay sa kabayo, koboy, at maging ang isang sinaunang doktor na naglalakbay sakay ng karwahe na hila ng kabayo. Nagsimula akong magtagumpay. Kaya nagpasiya kaming magbukas ng isang galerya. Naisip ni Karen ang pangalang Mountain Trails Gallery.
Noong 1987, bumili kami ng isang galerya sa Sedona, Arizona, at iyon ang ipinangalan namin. Habang si Karen ang namamahala sa galerya, naiiwan naman ako sa aming tahanan at nagtatrabaho sa istudyo at nagbabantay sa mga bata. Gayunman, nagkasakit ang mga bata, at humina ang benta. Nagpasiya kaming magpalit ng lugar upang maalagaan ni Karen ang mga bata sa bahay. Dinala ko ang aking ginagamit na luwad sa tindahan at nagsimulang gumawa ng eskultura sa harap mismo ng mga kliyente. Kaylaking pagbabago ang nagawa nito!
Nagsimulang magtanong ang mga tao tungkol sa mga eskulturang tanso na ginagawa ko. Habang ipinaliliwanag ko ang aking trabaho sa kanila at binabanggit ang sinaunang mga bagay na ginagamit kong basehan sa aking mga disenyo, binibigyan ko sila ng aralin sa kasaysayan ng Old West kasama ang mga pangalan, lugar, at mga pangyayari na natutuhan ko mula sa aking puspusang pagbabasa. Nagpakita ng tunay na interes ang mga tao sa mga modelong ginagawa ko, at ang ilan ay gustong magdeposito ng pera sa bagay na nakita nilang ginagawa ko pa lamang, at saka babayaran ang balanse kapag ito ay nahulma na sa tanso. Iyan ang pasimula ng tinatawag na “precast sale.” Mabilis ang tagumpay. Lumago ang aking negosyo hanggang sa magkaroon kami ng tatlong galerya at isang malaking pagawaan ng hulmahan ng metal na may 32 empleado. Ngunit labis nitong inuubos ang aking lakas! Nag-iisip kami ni Karen kung paano namin matatakasan ang gayong walang-katapusang rutin. Ipinanalangin namin ito. Isa na akong elder sa kongregasyon at alam kong marami pa akong magagawa para kay Jehova.
Paglilingkod Muli sa Isang Panginoon
Noong 1996, dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito sa aming kongregasyon at inanyayahan kami na mananghalian kasama niya. Bago pa kami magsimulang kumain, nagbangon siya ng isang nakagugulat at di-inaasahang tanong—maaari ba naming isaalang-alang na lumipat sa reserbasyon ng mga Navajo Indian upang tumulong sa pagtatatag ng isang kongregasyon sa Chinle? Napakalaki ngang hamon nito! Ilang beses na kaming dumalaw sa reserbasyong iyon at tumulong sa gawaing pangangaral sa ilang malalayong teritoryo nito, at ito ngayon ang nagbigay sa amin ng bagong tunguhin. Ito na ang aming pagkakataon upang makatakas sa walang-tigil na rutin ng materyalismo at mag-ukol ng higit na panahon kay Jehova at sa kaniyang bayan. Nanunumbalik na kami sa paglilingkod sa isang panginoon!
Isa pang elder at ang kaniyang pamilya, na ang apelyido ay Carusetta, na matalik naming mga kaibigan, ang inanyayahang sumama sa amin sa pakikipagsapalarang ito. Pareho naming ibinenta ang aming komportableng mga bahay at bumili ng mga mobile home na maaari naming gamitin sa reserbasyong iyon. Ibinenta ko ang mga galerya at nang dakong huli ang pagawaan ng hulmahan ng metal. Pinasimple namin ang aming buhay, at kami ay naging malaya upang palawakin ang aming ministeryong Kristiyano.
Noong Oktubre 1996, idinaos ng aming bagong Kongregasyon ng Chinle ang kauna-unahang pagpupulong nito. Mula noon, ang gawaing pangangaral ay lumaganap sa gitna ng mga taong Navajo, at ang aming kongregasyon ay may mahuhusay na payunir na Navajo na nagsasalita ng kanilang wika. Unti-unti kaming natuto ng mahirap na wikang ito, para baka-sakaling tanggapin kami kahit hindi kami mga Navajo. Sa pahintulot ng mga Indian na nasa awtoridad, nakakuha kami ng lupa at nakapagtayo ng isang Kingdom Hall sa Chinle, na inialay noong Hunyo ng taóng ito.
Dumating ang Trahedya!
Noong Disyembre 1996, dinala ni Karen ang mga bata sa Ruidoso, New Mexico, para magbakasyon sandali. Kinailangan kong maiwan sa Chinle. Gunigunihin ang aming pagkasindak at pamimighati nang ang aming 14-na-taóng-gulang na anak na si Ben ay sumalpok sa isang malaking bato habang nag-iiski at namatay! Isa itong napakatinding pagsubok para sa aming lahat. Nakapagpalakas sa amin
ang pag-asa ng Bibliya na pagkabuhay-muli upang makayanan ang trahedyang ito. Ang pag-alalay ng aming mga kapatid na Kristiyano ay isa ring napakalaking tulong. Nang idaos namin ang diskurso ng libing sa Kingdom Hall sa Sedona, kung saan kami nanirahan nang ilang taon, noon lang nakakita ang aming mga kapitbahay nang gayon karaming Navajo. Ang mga kapatid na lalaki’t babae mula sa reserbasyon ay naglakbay nang may layong mahigit na 300 kilometro upang suportahan kami.Isa ngang pagpapala na makita ang naging pagsulong sa espirituwal ng nakababatang kapatid ni Ben, si Phillip. Mayroon siyang mainam na espirituwal na mga tunguhin at nagdulot iyon sa amin ng malaking kaligayahan. Nakapagdaos siya ng ilang pag-aaral sa Bibliya, lakip na sa isang guro. Ngunit minimithi naming lahat na muling makita si Ben sa bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova.—Job 14:14, 15; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4.
Kami ay pinagpala ng isang mapagmahal at mapagkalingang pamilya. Ang aking inampong anak na si Jonathan ay naglilingkod kay Jehova kasama ang kaniyang asawang si Kenna, gayundin ang aking bunsong anak mula sa aking unang pag-aasawa, si Chris, kasama ang kaniyang asawa, si Lorie. Ang aming mga apo, sina Woodrow at Jonah, ay nagbibigay ng mga pahayag bilang mga estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ang aking ama ay namatay noong 1987, ngunit ang aking ina ay aktibo pa rin sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng edad na 84, gayundin ang aking kapatid na si John, at ang kaniyang asawang si Cherry.
Natutuhan ko mula sa aking karanasan na totoo ang mga salita ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon . . . Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” Kahit sa ngayon ang sining ay maaaring maging isang labis na mapanibughuing panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit natutuhan ko ang kahalagahan ng pagiging balanse at maingat, upang ang aking sining ay hindi na muling maging pangunahin sa aking buhay. Di-hamak na mabuti ang sumunod sa payo ni apostol Pablo: “Mga kapatid kong minamahal, maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:58.
[Talababa]
^ par. 5 Si J. F. Rutherford ang nangunguna noon sa mga Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1942.
[Larawan sa pahina 18, 19]
Ang aking eroplano noong 1996 sa Chinle
[Larawan sa pahina 19]
Isang eskulturang tanso na tinawag na “No Time to Dally”
[Larawan sa pahina 21]
Pagtitipon para mag-aral ng Bibliya kung saan itinayo ang aming Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ang aking asawang si Karen
[Larawan sa pahina 21]
Pangangaral sa isang karaniwang “hogan” (bahay na gawa sa kahoy at putik) ng mga Navajo