Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Nadarama Kong Kailangan Akong Maging Perpekto?

Bakit Nadarama Kong Kailangan Akong Maging Perpekto?

“Dahil guro ang aking ama, inaasahan ng lahat na matataas ang marka ko. Kung minsan, umiiyak na lamang ako hanggang sa ako’y makatulog.”​—Leah. *

“Perpeksiyonista ako. Dapat na ako ang pinakamagaling sa isang bagay o gawin ko ito sa talagang naiibang paraan dahil kung hindi ay bale-wala ito.”​—Caleb.

NADARAMA mo bang kailangan kang laging maging perpekto? Palagi ka bang nag-aalala na gaano man kapuspusan ang pagsisikap mo, hindi pa rin sapat ang nagawa mo? Hindi mo ba matanggap ang anumang uri ng kritisismo? Kapag hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, sinisisi mo ba ang iyong sarili, anupat pinaparatangan ang iyong sarili na isang hangal, mababa ang uri, o di-karapat-dapat? Kung gusto mong gawin sa tamang paraan ang isang bagay, nadarama mo bang kailangang ikaw mismo ang gumawa niyaon? Kung minsan ba ay takot na takot kang mabigo anupat ipinagpapaliban mong gawin ang isang bagay o hindi ka na kumikilos upang magawa ito?

Kumusta naman ang iyong pakikitungo sa iba? Nakikita mo bang wala kang kaibigan dahil wala kang makita sa paligid mo na nakaaabot sa iyong pamantayan? Labis ka bang nababahala sa mga pagkakamali at pagkukulang ng iba? Kung ang sagot mo ay oo sa alinmang tanong na binanggit, marahil ay nakikipagpunyagi ka sa tinatawag na perpeksiyonismo. At kung ganiyan nga ang kalagayan mo, hindi ka nag-iisa. Karaniwan na ang katangiang ito sa mga kabataan​—partikular na sa mga kabataang may pantanging abilidad o napakatalino. *

Ano ba ang sanhi ng perpeksiyonismo? Mga teoriya lamang ang nabuo ng mga mananaliksik. Sinasabi ng aklat na Perfectionism​—What’s Bad About Being Too Good?: “Ang perpeksiyonismo ay hindi isang karamdaman; hindi ito nakahahawa. Hindi namamana ang perpeksiyonismo; hindi ka isinilang na taglay ito. Kaya paano ka naging isang perpeksiyonista? Naniniwala ang ilang eksperto na nalilinang ang perpeksiyonismo sa panahon ng pagkabata. Ang panggigipit ng pamilya, sarili, lipunan, media, at ang pagtulad sa mga taong hindi makatotohanang maging huwaran ang siyang bumubuo sa Malaking Puwersa na nag-uudyok sa mga tao na habang-buhay na mag-alala, makadama ng pagkakasala, at magpagal nang labis-labis.”

Anuman ang sanhi nito, ang palaging paghahangad na maging perpekto ay makasisira sa iyong buhay. Higit nating suriin ang perpeksiyonismo at tingnan kung bakit ito nakapipinsala sa iyo.

Ano ba ang Perpeksiyonismo?

Higit pa sa basta pagsisikap na maging mahusay o masiyahan sa mainam na trabaho ang nasasangkot sa perpeksiyonismo. Kung sa bagay, sa Kawikaan 22:29 ay pinupuri naman ng Bibliya ang taong “dalubhasa sa kaniyang gawain.” Positibo rin ang pagkakabanggit ng Bibliya sa ilang indibiduwal na nakapaglinang ng iba’t ibang kasanayan sa isang mahusay na antas. (1 Samuel 16:18; 1 Hari 7:13, 14) Kaya mabuti naman ang magsikap upang maging mahusay, at magtakda ng matataas ngunit makatotohanang mga tunguhin. Sa gayon, ang isa ay maaaring “magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”​—Eclesiastes 2:24.

Subalit ang perpeksiyonista ay hindi nakadarama ng gayong kasiyahan. Pangunahin nang hindi tama ang kaniyang pangmalas sa tagumpay. Ayon sa ilang eksperto, kasama sa perpeksiyonismo ang “di-makatotohanang mga tunguhin (samakatuwid nga, ang maging perpekto), at ang patuluyang pagkadama ng kawalan ng kasiyahan, anuman ang naisagawa.” Bunga nito, ang perpeksiyonismo ay “palaging pinagmumulan ng kaigtingan, anupat karaniwan nang ipinadarama nito sa indibiduwal na siya ay isang bigo.” Kaya binibigyang-kahulugan ng isang reperensiya ang perpeksiyonismo bilang “ang di-makatuwirang paniniwala na ikaw at/o ang iyong kapaligiran ay dapat maging perpekto.” Ito ay isang “nananaig na saloobin na anumang bagay na nais mong gawin sa buhay, dapat itong maging perpekto hanggang sa kaliit-liitang detalye nang walang mintis, pagkakamali, o pagkakasalungatan.”

Pero hindi ba sinabi ni Jesus: “Dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal”? (Mateo 5:48) Oo, ngunit hindi sinasabi ni Jesus na ang isa ay maaaring maging lubos na sakdal. Tutal, itinuturo ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Jesus? Sa Bibliya, ang salitang “sakdal” ay nangangahulugan ng pagiging kumpleto. (Mateo 19:21) Nang sabihin ni Jesus na dapat tayong maging sakdal, tinatalakay niya ang pag-ibig at pinasisigla niya ang kaniyang mga tagasunod na maging higit na ganap sa kanilang pag-ibig. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapaabot ng kanilang pag-ibig kahit sa kanilang mga kaaway. Iniulat ng manunulat ng Bibliya na si Lucas ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.”​—Lucas 6:36.

Gayunman, ang mga perpeksiyonista ay nagpapagal taglay ang ilusyon na posibleng maging lubos na sakdal. Kaya maaaring malaki ang inaasahan nila sa ibang mga tao. Ayon sa aklat na Never Good Enough​—Freeing Yourself From the Chains of Perfectionism, ang mga perpeksiyonista ay “mga taong nasisiphayo sa kalidad ng trabaho ng iba . . . Sa tingin nila, ang mga tao sa palibot nila ay walang pakialam sa mahusay na pagtatrabaho, ni nasisiyahan man sa kanilang pagtatrabaho.”

Bilang halimbawa, magaling si Carly sa paaralan, yamang ipinasok siya sa isang programa na para sa mga estudyanteng may pantanging abilidad. Gayunman, hindi siya naging matagumpay sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa iba. Dahil gusto niyang maging perpekto ang lahat ng bagay, nawala ang karamihan sa kaniyang mga kaibigan. “Sa tingin ko ay wala na silang nagawang tama,” ang paliwanag niya.

Ang ilan ay maaaring naghahanap ng kasakdalan sa ibang mga tao, ngunit hindi sa kanilang sarili. Ipinaliliwanag ng aklat na Never Good Enough na nadarama ng gayong mga tao na “sila o ang kanilang mga kilos ay hindi sapat . . . , at partikular [silang] nababahala sa kung ano ang iisipin ng iba sa kanila.”

Ang Problema sa Pagsisikap na Maging Perpekto

Samakatuwid, sa halip na makabuti at maging kapaki-pakinabang, kadalasan nang ang pagsisikap na maging perpekto ay nakasasama at nakapipinsala. At sa halip na malinang ang kahusayan, ang gayong pangmalas ay madalas na humihikayat ng kabiguan. Naalaala ng isang lalaking Kristiyano na nagngangalang Daniel nang pinagpaguran niya nang husto ang isang iniatas na presentasyong ipapahayag niya sa isang klase sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Marami sa mga tagapakinig ang pumuri sa kaniyang mahusay na pahayag. Pagkatapos ay nakatanggap si Daniel ng ilang mataktika at nakatutulong na mungkahi mula sa tagapagturo. Pinasisigla tayo ng Bibliya na ‘makinig sa payo at tumanggap ng disiplina.’ (Kawikaan 19:20) Ngunit sa halip na malugod na tanggapin ang nakapagtuturong kritisismo, nakadama si Daniel ng kabiguan. “Gusto kong magtago,” ang sabi niya. Hindi siya mapagkatulog sa loob ng maraming linggo.

Samakatuwid, ang perpeksiyonismo ay maaaring maging balakid sa pagkatuto ng isa. Sa isang artikulong lumitaw sa isang Web site hinggil sa mga kabataan, isang kabataang babae na nagngangalang Rachel ang sumulat: “Nang maghaiskul ako, determinado akong mag-aral nang mabuti. Palaging matataas ang mga marka ko at wala akong nakikitang anumang dahilan upang magbago ito.” Ngunit di-nagtagal, natuklasan ni Rachel na nahihirapan siya sa algebra at nakatanggap ng markang pangalawa “lamang” sa pinakamataas. “Para sa iba, mahusay na itong marka,” ang gunita ni Rachel, “pero sa akin . . . kahiya-hiya ito. Nagsimula akong matakot at mangamba . . . Natatakot akong humingi ng tulong sa aking guro dahil iniisip ko na kapag inamin kong kailangan ko ang tulong sa aking takdang-aralin, para na rin itong pag-amin na hindi ko ito naintindihan. . . . Kung minsan ay halos makumbinsi ko ang aking sarili na mas mabuti pang mamatay kaysa sa mabigo.”

Udyok ng takot na mabigo, iniisip pa nga ng ilang kabataan na magpatiwakal. Mabuti na lamang, ang karamihan sa mga kabataan ay hindi nag-iisip ng gayon kalubhang hakbang. Subalit gaya ng napansin ng eksperto sa kalusugan ng isip na si Sylvia Rimm, maaaring sikapin nilang iwasan ang pagkabigo sa pamamagitan ng hindi talaga paggawa ng takdang-aralin. Ayon kay Rimm, ang ilang perpeksiyonista, ay “hindi nagpapasa ng mga takdang-aralin, hindi sila nasisiyahan sa kanilang trabaho, kinalilimutan nilang gawin ang kanilang takdang-aralin sa bahay, at gumagawa sila ng mga dahilan.”

Sa kabilang dako naman, ang ibang mga kabataan ay maaaring magpakalabis sa kanilang ginagawa upang tiyakin sa kanilang sarili na sila’y magtatagumpay. “Nagpupuyat ako para gawin ang aking mga project sa paaralan upang tiyaking tama ang mga ito,” ang pag-amin ni Daniel. Ang problema ay karaniwan nang negatibo ang epekto ng gayong labis-labis na paggawa. Mas mahina sa klase ang antuking estudyante.

Hindi kataka-taka kung gayon na ang perpeksiyonismo ay iniuugnay sa pagiging magagalitin, pagkadama ng kawalang-halaga, pagkadama ng pagkakasala, pesimismo, mga sakit na nauugnay sa pagkain, at panlulumo. Subalit ang pinakamalubhang epekto ay ang maidudulot na pinsala ng perpeksiyonismo sa espirituwalidad ng isa. Halimbawa, inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na ipahayag ang kanilang pananampalataya sa iba. (Roma 10:10; Hebreo 10:24, 25) Gayunman, isang kabataang nagngangalang Vivian ang nag-atubiling magkomento sa mga Kristiyanong pagpupulong dahil natatakot siyang magkamali sa kaniyang sasabihin. Isang kabataang babae na nagngangalang Leah ang nagpahayag ng gayunding pagkatakot. Sinabi niya: “Kapag mali ang masasabi ko, magkakaroon ng maling palagay ang iba hinggil sa akin. Kaya sinasarili ko na lang ang sasabihin ko.”

Kung gayon, maliwanag na ang pangangailangan na maging perpekto ay nakapipinsala at hindi nakapagpapalusog. At kung taglay mo ang alinman sa mga katangiang inilarawan sa artikulong ito, maaaring makita mo ang pangangailangan na gumawa ng ilang pagbabago sa iyong pag-iisip. Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung paano mo ito magagawa.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 6 Ayon sa pagsusuri sa isang paaralan, 87.5 porsiyento ng mga estudyanteng may pantanging abilidad ang may tendensiya na maging perpeksiyonista.

[Larawan sa pahina 12]

Ang takot na mabigo ay nakahahadlang sa ilang kabataan na tapusin ang kanilang mga takdang-aralin

[Larawan sa pahina 13]

Ang perpeksiyonismo ay maaaring magdulot ng panlulumo at mababang pagtingin sa sarili