Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Mong Kalimutang Magdala ng Payong!”

“Huwag Mong Kalimutang Magdala ng Payong!”

“Huwag Mong Kalimutang Magdala ng Payong!”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

SA ISANG pangkaraniwang araw sa Britanya, maraming tao ang nagdadala ng payong. Hindi mo talaga matitiyak kung uulan. “Huwag mong kalimutang magdala ng payong!” ang sinasabi namin sa isa’t isa pag-alis namin sa bahay​—at pagkatapos ay baka di-sinasadyang maiwanan natin ito sa bus o sa tren o sa isang tindahan. Oo, may hilig tayo na ipagwalang-bahala ang ating payong, yamang palagi naman tayong makabibili nito. Ngunit ang payong ay hindi basta ipinagwawalang-bahala noon.

Isang Marangal na Nakaraan

Lumilitaw na walang kinalaman sa ulan ang unang mga payong. Mga sagisag ito ng ranggo at karangalan, at para lamang sa mahahalagang tao. Ipinakikita ng sinaunang mga eskultura at ipinintang mga larawan na mula sa Asirya, Ehipto, Persia, at India na pinapayungan ng mga alipin ang mga tagapamahala upang ipagsanggalang sila sa araw. Sa Asirya, ang hari lamang ang pinahihintulutang magkaroon ng payong.

Sa paglipas ng kasaysayan, ang payong ay patuloy na lumarawan sa kapangyarihan, lalo na sa Asia. Tumataas ang katayuan ng isang tagapamahala alinsunod sa dami ng kaniyang mga payong, gaya ng ipinakita ng haring taga-Burma na tinawag na Panginoon ng Dalawampu’t Apat na Payong. Kung minsan, mahalaga ang bilang ng andana ng payong. Ang payong ng emperador ng Tsina ay may apat na andana, at ang hari ng Siam ay may pito o siyam. Sa ngayon, ang payong ay nananatiling sagisag ng awtoridad sa ilang bansa sa Silangan at sa Aprika.

Relihiyosong mga Payong

Sa unang bahagi ng kasaysayan nito, naugnay ang payong sa relihiyon. Inakala ng sinaunang mga Ehipsiyo na sinisilungan ng diyosang si Nut ang buong lupa sa pamamagitan ng kaniyang katawan, kagaya ng isang payong. Kaya naglalakad ang mga tao sa ilalim ng kani-kanilang nabibitbit na mga “bubong” upang matanggap ang kaniyang proteksiyon. Sa India at Tsina, naniniwala ang mga tao na ang isang bukás na payong ay kumakatawan sa arko ng langit. Ginagamit ito ng mga sinaunang Budista bilang sagisag ni Buddha, at ang mga simburyo ng kanilang mga monumento ay kadalasan nang napapatungan ng mga payong. May bahagi rin ang mga payong sa Hinduismo.

Lumaganap ang mga payong sa Gresya pagsapit ng 500 B.C.E., kung saan ginagamit ang mga ito sa imahen ng mga diyos at diyosa at sa relihiyosong mga kapistahan. Ang mga babaing taga-Atenas ay pinapayungan ng kanilang mga alipin, ngunit iilang lalaki lamang ang gumagamit ng gayong payong. Ang kaugalian ay lumaganap mula sa Gresya hanggang sa Roma.

Inilakip ng Simbahang Romano Katoliko ang payong sa mga damit nitong panseremonya. Nagsimulang gumamit ang papa ng payong na seda na may guhit-guhit na pula at dilaw, samantalang kulay lila at berde naman sa mga kardinal at obispo. Ang mga basilika hanggang sa ngayon ay may upuan para sa papa na may ombrellone, o payong, taglay ang mga kulay na iniuugnay sa papa. Ang kardinal na nagsisilbing ulo ng simbahan sa panahon ng kamatayan ng isang papa at ng eleksiyon ng susunod na papa ay may ombrellone rin bilang kaniyang personal na sagisag noong panahong iyon.

Mula sa Pananggalang sa Araw Tungo sa Pananggalang sa Ulan

Ang mga Tsino o posibleng ang mga kababaihan ng sinaunang Roma ang nagpasimulang magpahid ng langis at pagkit sa mga papel na payong bilang proteksiyon sa ulan. Gayunman, ang ideya ng isang pananggalang sa araw o pananggalang sa ulan ay naglaho sa Europa hanggang ika-16 na siglo nang muling gamitin ito ng mga Italyano, at ng mga Pranses nang maglaon.

Pagsapit ng ika-18 siglo, nagsimulang magdala ng mga payong ang mga babae sa Britanya, bagaman tumanggi pa rin ang mga lalaki na magdala ng itinuring nilang abubot ng mga babae. Mga eksepsiyon ang mga may-ari ng tindahan ng kape, na nakatanto sa bentaha ng pagkakaroon ng nakahandang payong upang ipagsanggalang ang mga parokyano sa masamang lagay ng panahon pagbaba nila sa kanilang mga karwahe. Nasumpungan din ng mga klerigo na lubhang kapaki-pakinabang ang mga ito kapag bumubuhos ang ulan habang idinaraos nila ang mga serbisyo sa libing sa mga bakuran ng simbahan.

Ang manlalakbay at pilantropong si Jonas Hanway ang siyang nagpabago sa kasaysayan ng payong sa Inglatera. Iniuulat na siya ang kauna-unahang lalaking nagkaroon ng lakas ng loob na magpayong sa publiko sa London. Palibhasa’y napansing ginagamit ito ng mga lalaki nang siya’y maglakbay sa ibang bansa, determinado siyang batahin ang galit at pangungutya ng mga kutsero na sadyang pinadaraan ang kanilang mga karwahe sa bangketa para matilamsikan siya ng putik. Sa loob ng 30 taon, laging nakikita si Hanway na dala ang kaniyang payong, at nang mamatay siya noong 1786, masaya nang nakapagdadala ng mga payong ang mga lalaki’t babae.

Noong panahong iyon, tunay na isang hamon ang paggamit ng payong. Ang gayong mga payong ay malalaki, mabibigat, at mahirap gamitin. Ang mga telang seda o kambas na nilangisan at ang mga tadyang at mahahabang tangkay na gawa sa kania o sa panga ng balyena ang dahilan kung bakit mahirap buksan ang mga ito kapag basâ, at tinatagos ng tubig ang mga ito. Magkagayunman, lalo itong naging popular, yamang mas mura ang bumili ng payong kaysa sa mamasahe sa karwahe kapag umulan. Dumami ang mga gumagawa at nagbebenta ng payong, at ibinaling ng mga imbentor ang kanilang pansin sa pagpapaganda sa disenyo nito. Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ipinarehistro ni Samuel Fox ang modelong Paragon, na may magaan ngunit matibay na balangkas na gawa sa bakal. Ang dating mabibigat na tela ay pinalitan ng magagaan na telang tulad ng seda, bulak, at linong may pagkit. Dumating na ang makabagong payong.

Gamit na Pampalamuti

Ang payong ngayon ay naging napakapopular bilang isang eleganteng gamit na pampalamuti para sa makabagong babae ng Inglatera. Palibhasa’y makikita rito ang nagbabagong mga moda, ang maliit na payong ay lalong lumaki at ginamitan ng lahat ng uri ng telang seda at satin na may matitingkad na kulay. Kadalasang ibinabagay ito sa kaniyang damit at napapalamutian ng mga punyas, palawit, laso, at maging ng balahibo ng ibon. Pagpasok ng ika-20 siglo, walang disenteng babae na nag-iingat ng kaniyang maselang kutis ang hindi nagdadala ng payong.

Noong dekada ng 1920, nauso naman ang pagkakaroon ng kulay-kapeng kutis sa pamamagitan ng pagpapaaraw, at halos nawala ang mga payong. Dumating naman ngayon sa Inglatera ang panahon ng mga lalaking tagalunsod na nakasuot ng mistulang uniporme na binubuo ng itim na damit at sombrero, at dala-dala ang nakatiklop na itim na payong, na nagsisilbi ring tungkod na pansunod sa moda.

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, pinahusay ng bagong teknolohiya ang disenyo ng mabibiling mga payong, tulad ng uring natitiklop na kagaya ng teleskopyo, gayundin ang mga dahon nito na yari sa telang nylon, polyester, at plastik na di-tinatagos ng tubig. Mayroon pa ring ilang tindahan na gumagawa ng magaganda, mamahalin, at gawa-sa-kamay na mga payong. Ngunit sa ngayon, gumagawa nang maramihan ang mga pabrika ng payong sa murang halaga sa lahat ng kulay at sukat, mula sa malaking golf at patio umbrella hanggang sa natitiklop na 15-sentimetrong payong na kasyang-kasya sa isang maliit na bag.

Bagaman itinuturing noon na isang luho at sagisag ng katayuan sa lipunan, madali na ngayong makabili ng payong, at halos palagi itong nangunguna sa listahan ng mga nawawalang bagay. Napakakapaki-pakinabang na gamit ito sa pagharap sa anumang lagay ng panahon saanmang dako sa daigdig, at ang orihinal na gamit nito bilang pananggalang sa araw ay nauuso ulit sa ilang lupain, yamang dumarami ang mga babala hinggil sa panganib ng pagkahantad sa araw. Kaya marahil pag-alis mo sa bahay ngayon ay maririnig mo rin ang paalaalang: “Huwag mong kalimutang magdala ng payong!”

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

Pagbili at Pangangalaga sa Iyong Payong

Mamilì ka kung ang gusto mo ay kaalwanan o tibay. Ang mas murang uri na natitiklop at naipapasok sa isang malaking bulsa ay malamang na mas kakaunti ang tadyang ngunit di-gaanong matibay sa malalakas na hangin. Sa kabilang dako naman, baka mas mahal ang karaniwang payong na may mahabang tangkay ngunit karaniwan nang mas nakatatagal ito sa lagay ng panahon at mas matibay. Sa katunayan, ang isang mahusay na payong ay nagtatagal nang maraming taon. Anumang uri ang piliin mo, ingatan ito laban sa amag at kalawang anupat pinananatili itong bukás upang matuyo ito nang husto bago tiklupin. Ang pagtatago sa lalagyan nito ay magpapanatili ritong malinis at hindi naaalikabukan.

[Mga larawan sa pahina 19]

Pinapayungan ng alipin ang isang Asiryanong hari

Isang babae sa sinaunang Gresya na may hawak na payong

[Credit Line]

Mga drowing: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck

[Larawan sa pahina 20]

Payong, noong mga 1900

[Credit Line]

Culver Pictures