Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pananaliksik sa Stem Cell Bihira akong magkomento sa inyong mga artikulo; nasanay na ako sa di-nagbabagong magagandang katangian ng Gumising! Gayunman, naudyukan akong sumulat para sabihin na ang serye ng “Mga Stem Cell—Lumalampas Na ba ang Siyensiya sa Makatuwirang Hangganan Nito?” (Nobyembre 22, 2002) ay pinakamagandang halimbawa ng napakahusay na akda hinggil sa mga paksang mahirap maunawaan. Napakaraming ibinabalita sa media tungkol sa pananaliksik sa stem cell anupat mahirap unawain ang mga totoong bagay hinggil dito. Napakalinaw na naipaliwanag ito ng inyong mga artikulo samantalang nagtutuon ng pansin sa mga usapin sa moral, etika, at lipunan.
K. M., Estados Unidos
Panggigipit ng Kasamahan Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Panggigipit ng Kasamahan—Talaga Bang Gayon Ito Kalakas?” (Nobyembre 22, 2002) Hindi ko akalain na ako mismo ay naimpluwensiyahan ng panggigipit ng kasamahan. Marami ang nag-aasawa nang napakabata pa sa aming lugar. Gusto ko munang manatiling walang asawa at maging isang espirituwal na kabataang babae. Pero palagi akong tinatanong ng mga tao, “Kailan ka mag-aasawa?” (Ako’y 16 na taóng gulang lamang.) Nag-isip tuloy ako na baka nga hindi ako dapat manatiling walang asawa! Tinulungan ako ng artikulong ito na maintindihan kung gaano talaga kalakas ang panggigipit ng kasamahan.
E. A., Estados Unidos
Tulong sa mga Biktima ng Baha Maraming salamat sa artikulong “Pagpapakita ng Pag-ibig—Isang Matagalang Pagtulong.” (Nobyembre 22, 2002) Nagulat akong malaman kung gaano kalaki ang pinsala ng baha sa Houston, Texas. Wala akong kaalam-alam sa kahabag-habag na kalagayang sinapit ng aking mga kapatid na Kristiyano roon. Nakikinikinita ko kung paano babalik sa isang magandang kalagayan ang lupa pagkatapos ng Armagedon dahil sa napakaorganisadong gawain sa pagtulong.
M. I., Hapon
Henetikong Kodigo Ibig kong itawag pansin ang paraan ng paggamit ninyo sa inyong publikasyon ng terminong “henetikong kodigo.” Halimbawa, sa artikulong “Paano Nagsimula ang Uniberso at ang Buhay?” (Hunyo 8, 2002), binanggit ninyo “ang kamakailang masugid na pagsisiyasat sa henetikong kodigo ng tao.” Bilang isang biyologo, ibig kong banggitin na hindi tama ang gayong paggamit ng termino.
A. R., Russia
Sagot ng “Gumising!”: Ang totoo, tama ang ating mambabasa. Hindi ginagamit ng mga siyentipiko ang terminong “henetikong kodigo” para ilarawan mismo ang mga “gene.” Sa halip, ang kodigong iyon ay tumutukoy sa paraan o kalipunan ng mga alituntunin na nagpapahintulot sa mga selula na “basahin” o unawain ang mga “gene” at maglabas ng mga protina. Magkagayunman, ang “Gumising!” ay pinatutungkol sa publiko—hindi sa mga siyentipiko. Sa pangkaraniwang gamit, ang terminong “henetikong kodigo” ay kadalasang mas malawak at di-teknikal ang pakahulugan.
Maruming Tubig Bilang punong opereytor ng wastewater plant, tuwang-tuwa ako na mabasa ang artikulong “Saan Napupunta ang Tubig?” (Oktubre 8, 2002) Napakaraming tao ang naililigtas ng wastewater treatment mula sa impeksiyong sanhi ng mikrobyo. Noon, laganap sa buong daigdig ang tipus, kolera, at iba pang sakit na nakukuha sa tubig. Kapansin-pansin, ang makabagong wastewater treatment ay gumagamit ng likas na proseso, na kadalasang kaunti lamang o wala pa ngang ginagamit na kemikal na mga sangkap. Sa aming planta, ang ultraviolet na liwanag ang ginagamit upang disimpektahin ang maruming tubig na pinoproseso. Salamat sa pagpapakita sa amin ng nagliligtas-buhay na proseso ng wastewater treatment.
E. P., Estados Unidos
Ambar Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Nabihag sa Ginintuang Luha.” (Setyembre 22, 2002) Aaminin ko na hindi ko gaanong pinapansin noon ang ambar. Subalit pagkatapos kong basahin ang artikulong ito, sa tuwing mapapadaan ako sa isang tindahan ng alahas, hindi ko maiwasang suriing mabuti ang mga detalye ng hiyas na ito—isang bagay na itinuturing ko noon na pangkaraniwan lamang at hindi nakabibighani.
F. L., Pransiya