Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakayayamot na mga Tagapagdalisay ng Tubig

Nakayayamot na mga Tagapagdalisay ng Tubig

Nakayayamot na mga Tagapagdalisay ng Tubig

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, isang molusko na kasinlaki ng kuko ng hinlalaki sa kamay na tinaguriang zebra mussel ang nakarating nang di-sinasadya sa Great Lakes sa Hilagang Amerika mula sa tubig na nagsisilbing ballast (pabigat sa barko upang maging balanse ito) ng mga barkong pangkargamento mula sa Europa. Sinabi ng Maclean’s, isang magasing pambalita sa Canada, na ang kabibi ay “naging pangunahing halimbawa ng mga nilalang sa tubig na mabilis dumami.” Bakit?

Ang isang babaing kabibi ay makapangingitlog ng 500,000 sa isang taon. Isa pa, kumakapit ang mga kabibing ito nang kulu-kulumpon sa anumang matigas na ibabaw. Maaaring magkasya sa isang metro kuwadrado ang 700,000 kabibi. Dahil dito, nababarahan nito ang mga tubo na humihigop ng tubig papasok sa mga plantang dumadalisay ng tubig at mga istasyong pinagmumulan ng kuryente. Napakagastos din ng problemang idinudulot nito sa mga may-ari ng barko at daungan.

Subalit may positibong aspekto naman ang labis na kinayayamutang nilalang na ito. Di-magtatagal at ang mga zebra mussel ay magagamit na para pangalagaan ang ating kalusugan. Batid ng mga siyentipiko sa kapaligiran, na matagal nang nagsusuri sa disenyo at gamit ng nilalang na ito, na ang zebra mussel ay matibay ring tagapagdalisay ng tubig. Ang parasitologist na si Thaddeus K. Graczyk, ng Johns Hopkins University sa Baltimore, at ang siyentipiko sa pananaliksik ng Environment Canada na si Yves de Lafontaine, ng Montreal, ay nagtulungan upang pag-aralan ang kabibing ito. Iniulat ng Maclean’s na kayang tunawin ng zebra mussel ang “halos lahat ng uri ng lumulutang na mga partikula gaya ng tributyltin, isang nakalalasong sangkap sa pinturang pantubig, gayundin ang nakamamatay na parasitong Cryptosporidium at ang baktiryang E. coli.”

Ang Cryptosporidium ay kasinliit ng pulang selula ng dugo ng tao at mahirap alisin sa iniinom na tubig. Hindi na ito tinatablan ng pinakakaraniwang mga uri ng pamatay-mikrobyo, gaya ng chlorine at ozone. “Subalit napakadaling nasasala ng zebra mussel ang mga partikula na gayon kaliit,” ang sabi ng Maclean’s. Sa katunayan, sinabi ng mga mananaliksik na “sa mga buwan ng tag-init, kayang salain ng bawat adultong kabibi ang halos isang litro ng tubig sa isang araw, anupat inaalis ang lumot, mga partikula ng mineral, mga dumi at iba pang mikrobyo at baktirya na posibleng magsapanganib ng buhay.” Tinataya nila na kayang tunawin ng isang metro kuwadradong kulumpon nito ang 13 milyong parasito sa loob ng halos dalawang oras.

Tunay nga, ang natutuklasan ng siyensiya tungkol sa kakayahan ng moluskong ito na maglinis ay isang kamangha-manghang katibayan ng sakdal na pagkabalanse ng lahat ng nilikha ng Diyos.

[Picture Credit Lines sa pahina 31]

Mga daliring may hawak na zebra mussel: U.S. Geological Survey; lahat ng iba pang kabibi: © Rob and Ann Simpson/Visuals Unlimited; Cryptosporidium: H.D.A. Lindquist, U.S. EPA