Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Polen—Salot o Himala?

Polen—Salot o Himala?

Polen​—Salot o Himala?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

Hatsing! Ang pagbahin na iyan, na may kasamang pagluluha, pangangati ng mga mata at pagtulo ng sipon, pangangati ng ilong, ay tanda ng pagdating ng tagsibol para sa milyun-milyong tao. Ang kanilang alerdyi ay karaniwang dulot ng kapaligirang punô ng polen. Tinataya ng BMJ (dating British Medical Journal) na 1 sa 6 katao sa mauunlad na bansa ang pinahihirapan ng pana-panahong mga alerdyi dahil sa polen, na tinatawag na hay fever. Hindi naman kataka-taka ang bilang na iyan kung iisipin ang pagkarami-raming polen na isinasaboy ng mga halaman sa hangin.

Tinataya ng mga siyentipiko na ang kagubatan ng mga puno ng spruce (isang uri ng punungkahoy na pino) sa sangkatlong bahagi lamang ng timugang Sweden ay naglalabas ng 75,000 tonelada ng polen taun-taon. Ang isang halamang ragweed lamang, ang sanhi ng hay fever ng mga taga-Hilagang Amerika, ay nakapaglalabas ng milyun-milyong polen sa isang araw. Palibhasa’y tangay ng hangin, ang polen ng ragweed ay pumapaibabaw hanggang sa taas na 3 kilometro mula sa lupa at umaabot naman sa layong 600 kilometro sa dagat.

Pero bakit naaalerdyi ang ilang tao sa polen? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, suriin muna nating mabuti ang polen at pagmasdan ang kahanga-hangang disenyo na matatagpuan sa munting butil na ito.

Mumunting Butil ng Buhay

Ang polen, sabi ng The Encyclopædia Britannica, ay “nabubuo sa anter, o panlalaking bahagi ng bulaklak, ng mga halamang nagkakabinhi at naililipat sa iba’t ibang paraan (hangin, tubig, mga insekto, atb.) patungo sa pistil, o pambabaing bahagi ng bulaklak, kung saan nagaganap ang pertilisasyon.”

Ang mga polen ng namumulaklak na mga halaman ay binubuo ng tatlong magkakaibang bahagi​—isang nukleo ng punlay at dalawang suson na bumubuo sa balat ng butil. Ang mas matigas na panlabas na suson ay napakatibay at nakatatagal sa matatapang na asido, alkaline, at kahit sa matinding init. Gayunman, maliban sa ilang eksemsiyon, ang polen ay nabubuhay sa loob lamang ng ilang araw o mga linggo. Subalit ang matigas na balat ay maaaring tumagal nang libu-libong taon nang hindi nabubulok. Kaya naman, napakaraming butil ng polen ang masusumpungan sa lupa. Sa katunayan, maraming natutuhan ang mga siyentipiko tungkol sa botanikal na kasaysayan ng lupa dahil lamang sa pag-aaral ng polen na masusumpungan sa mga sampol ng lupa na kinuha mula sa iba’t ibang lalim.

Maaaring tama nga ang kasaysayang iyan, dahil sa magkakaibang disenyo na nasumpungan sa panlabas na balat ng mga polen. Depende sa uri ng polen, ang balat ay maaaring makinis, kulubot, may disenyo, o nababalutan ng mga tinik at mga umbok. “Kaya para sa pagkakakilanlan ng mga uri nito, ang polen ng bawat uri ng halaman ay maaasahan gaya ng bakas ng daliri,” ang sabi ng propesor sa antropologo na si Vaughn M. Bryant, Jr.

Kung Paano Nagaganap ang Polinisasyon sa mga Halaman

Kapag dumikit ang polen sa istigma, ang bahagi ng pistil sa mga halamang babae, nagkakaroon ng kemikal na reaksiyon na nagiging sanhi ng paglaki ng polen at pagsibol ng tubo na umaabot hanggang sa ovule. Pagkatapos, ang punlay sa loob ng polen ay bumababa sa tubo patungo sa ovule, anupat doon nagiging pertilisado ang binhi. Kapag gumulang na ang binhi, kailangan lamang nitong pumirmi sa tamang kapaligiran para sumibol.

Bagaman nagiging lalaki o babae ang ilang halamang nagkakabinhi, ang karamihan ay nagkakaroon ng mga polen at mga ovule. Nagagawa ng ilang halaman ang polinisasyon sa sarili nito (self-pollination); ang iba naman ay naglilipat ng polen sa ibang halaman na kauri nito o malapit sa uri nito (cross-pollination). Ang mga halamang naglilipat ng polen sa iba “ay kadalasang umiiwas na maglipat ng polen sa sarili nito sa pamamagitan ng kusang pag-aalis ng polen nito bago pa man o pagkatapos na tanggapin ito ng mga istigma ng halaman ding iyon,” ang sabi ng Britannica. Ang iba naman ay nagtataglay ng kemikal na pamamaraan upang makilala ang pagkakaiba ng sariling polen nito at ng polen ng ibang halaman na kauri nito. Kapag nakilala ang sariling polen nito, ginagawa nitong di-aktibo ang polen sa pamamagitan ng pagpigil sa paglaki ng tubo ng polen.

Sa mga lugar na maraming pananim, ang hangin ay maaaring magdala ng napakarami at iba’t ibang polen. Paano nasasala ng mga halaman ang polen na kailangan ng mga ito? Ginagamit ng ilan ang masalimuot na mga prinsipyo ng aerodynamics. Kuning halimbawa ang mga puno ng pino.

Paggamit sa Hangin

Kumpul-kumpol kapag sumibol ang mga lalaking kono ng punong pino at, kapag magulang na, nagsasaboy ito sa hangin ng pagkarami-raming polen. Natuklasan ng mga siyentipiko na nakokontrol ng mga babaing kono ang daloy ng hangin, sa tulong ng tulad-karayom na mga dahon na nakapalibot sa mga ito, para paikut-ikutin ang polen na nasa hangin at tuwirang pabagsakin ito sa bahagi kung saan nabubuo ang binhi ng mga kono. Sa mga babaing kono na handang tumanggap ng polen, ang mga bahaging ito ay nalalantad kapag bahagyang bumuka ang mga takip nito, anupat nagkakahiwa-hiwalay ang mga ito.

Nagsagawa ng masusing pagsisiyasat ang mananaliksik na si Karl J. Niklas hinggil sa napakahusay na disenyo ng mga kono ng punong pino. Sa magasing Scientific American, sumulat siya: “Isinisiwalat ng aming pag-aaral na ang pambihirang hugis ng kono na nalilikha ng bawat uri ng halamang ito ay nagiging dahilan ng kakaibang [pantanging] paraan ng paghihip ng hangin . . . Gayundin, ang natatanging laki, hugis at densidad ng bawat uri ng polen ang dahilan para sumunod sa hihip ng hangin ang polen sa pambihirang paraan.” Gaano ba kabisa ang mga pamamaraang ito? Ang sabi ni Niklas: “Sinala ng karamihan sa mga konong pinag-aralan namin ang ‘sarili’ nitong polen subalit hindi ang polen ng ibang uri ng halaman.”

Siyempre pa, hindi lamang sa pamamagitan ng hangin nadadala ang polen sa lahat ng halaman​—na ipinagpapasalamat naman ng maraming may alerdyi! Marami ang gumagamit ng mga hayop.

Naakit sa Nektar

Ang mga halamang dinadalhan ng polen ng mga ibon, maliliit na mamal, at mga insekto ay karaniwang gumagamit ng mga bagay na gaya ng kawit, mga tinik, o malalagkit na hibla para dumikit ang polen sa katawan ng hayop na naghahanap ng pagkain. Halimbawa, ang mabalahibong bubuyog ay nakahahakot ng mga 15,000 polen sa isang pagdapo nito!

Sa katunayan, ang mga bubuyog ang pangunahing tagapagdala ng polen sa mga halamang namumulaklak. Sinusuklian naman ng mga halaman ang mga bubuyog ng makakain at matamis na nektar at polen, na siyang pinagkukunan ng mga ito ng mga protina, bitamina, mineral, at mga taba. Sa isang pantanging paraan ng pagtutulungan, maaaring dumapo ang mga bubuyog sa mahigit na 100 bulaklak sa isang lipad nito, subalit kukuha naman ang mga ito ng polen, nektar, o pareho nito mula sa iisang uri lamang ng halaman hanggang sa makakuha nang sapat o hanggang sa maubusan na ito ng suplay. Ang kahanga-hanga at likas na katangiang ito ay tumutulong upang matiyak ang mahusay na polinisasyon.

Nalinlang ng mga Bulaklak

Sa halip na mag-alok ng matatamis na pagkain, dumedepende ang ilang halaman sa kaakit-akit na pain para hikayatin ang mga insekto na magdala ng mga polen sa mga ito. Isaalang-alang ang hammer orchid, na tumutubo sa Kanlurang Australia. Ang bulaklak ng hammer orchid ay may talulot sa gitna na, maging sa paningin ng tao, ay halos katulad na katulad ng mapintog at walang-pakpak na babaing thynnid wasp (putakti). Ang bulaklak ay naglalabas pa nga ng samyo na katulad ng sex pheromone, o pang-akit na halimuyak, ng tunay na babaing putakti! Ang malagkit na sisidlan na punô ng polen ay nasa dulo ng tangkay sa bandang itaas ng nakaaakit na paing ito.

Palibhasa’y naakit ng halimuyak ng di-totoong pheromone, susunggaban ng lalaking thynnid wasp ang pain at sisikaping itakas ang “babae.” Subalit habang papalipad ito, bigla itong mauuntol at babaligtad at saka mapadidikit sa malalagkit na sisidlan ng polen. Pagkatapos na mabatid ang kaniyang pagkakamali, bibitiwan niya ang pain​—na matibay na nakakabit sa pinakagitna ng bulaklak at muling bumabalik sa dating ayos nito​—at saka ito lilipad, anupat malilinlang na naman ng susunod na hammer orchid. * Subalit sa pagkakataong ito, nakapagdala na ito sa orkid ng polen na nakuha nito sa unang dinapuan.

Pero kung may tunay na mga babaing thynnid wasp, mas pipiliin ng mga lalaking putakti ang isa sa mga ito, hindi ang impostor. Mabuti na lang, namumukadkad ang orkid mga ilang linggo bago lumitaw ang mga babaing putakti mula sa bahay-uod nito sa ilalim ng lupa, anupat pansamantalang nakikinabang dito ang bulaklak.

Bakit May mga Naaalerdyi?

Bakit naaalerdyi ang ilang tao sa polen? Kapag napunta sa ilong ang mga butil ng polen, nadidikit ang mga ito sa uhog. Mula roon ay bumababa ito sa lalamunan, kung saan ito nalululon o naidadahak, na karaniwan nang wala namang masasamang epekto. Subalit kung minsan ay ginagawang aktibo ng polen ang sistema ng imyunidad.

Ang problema ay nasa protina ng polen. Sa ilang kadahilanan, itinuturing ng sistema ng imyunidad ng isang may alerdyi na panganib ang ilang uri ng polen. Nagkakaroon ng sunud-sunod na reaksiyon ang katawan na nagiging dahilan ng paglalabas ng sobra-sobrang histamine ng mga mast cell, na matatagpuan sa himaymay ng katawan. Ang histamine ay nagiging dahilan ng pamamaga ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo at nagiging mas madaling daanan ng mga substansiya, anupat naglalabas ang mga ito ng likido na sagana sa selulang nagmumula sa sistema ng imyunidad. Sa normal na mga kalagayan, ang mga selulang ito ng sistema ng imyunidad ay dumadaloy sa mga sugat o impeksiyon, kung saan tumutulong itong mag-alis ng nakapipinsalang mga kaaway ng katawan. Subalit para sa mga may alerdyi, nagbibigay ng maling hudyat ang polen na nagiging sanhi ng pangangati ng ilong, pagtulo ng sipon, pamamaga ng himaymay, at pagluluha.

Ipinalalagay ng mga mananaliksik na ang pagkakaroon ng alerdyi ay namamana sa mga magulang, bagaman baka walang kaugnayan ang tendensiyang magkaroon ng alerdyi sa espesipikong pinagmumulan ng alerdyi. Maaari ring maging sanhi ng alerdyi ang polusyon. “Sa Hapon, natuklasan na may tuwirang kaugnayan ang pagiging sensitibo sa polen at ang pagiging malapit sa mga lugar na maraming partikula ng krudo na ibinubuga sa hangin,” ang sabi ng BMJ. “Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral sa hayop na nagpapalubha ng alerdyi ang mga partikulang ito.”

Mabuti na lamang, may mga antihistamine na pumapawi sa mga sintomas ng maraming may alerdyi. * Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, lumalaban ang mga gamot na ito sa histamine. Ngunit sa kabila ng nakayayamot na mga epekto ng polen, talagang lubos na hahangaan ng isa ang kahusayan na makikita kapuwa sa disenyo at sa pagkakalat ng pagkaliliit na mga partikulang ito ng buhay. Kung wala ang mga ito, talagang magiging isang tigang na dako ang planetang Lupa.

[Mga talababa]

^ par. 23 Ang bulaklak ay tinatawag na hammer orchid dahil ang pain (ang talulot) ay tumataas at bumababa sa pinagkakabitan nito, na nagpapangyari ritong pumalo na gaya ng isang martilyo.

^ par. 29 Noon, ang mga antihistamine ay nakaaantok at nakatutuyo ng bibig. Nabawasan ng mas bagong mga gamot ang masasamang epektong ito.

[Dayagram sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pistil

Ovule

Obaryo

Tubo ng polen

Istigma

Polen

Istamen

Anter

Talulot

[Credit Line]

NED SEIDLER/NGS Image Collection

[Larawan sa pahina 25]

Iba’t ibang uri ng polen kapag tiningnan sa mikroskopyo

[Credit Line]

Polen: © PSU Entomology/PHOTO RESEARCHERS, INC.

[Mga larawan sa pahina 26]

Nakakatulad ng babaing putakti ang bahagi ng bulaklak na “hammer orchid”

[Credit Line]

Mga larawan ng hammer orchid: © BERT & BABS WELLS/OSF

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Polen: © PSU Entomology/PHOTO RESEARCHERS, INC.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Polen: © PSU Entomology/PHOTO RESEARCHERS, INC.