Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pornograpya—Magkakasalungat na Pangmalas

Pornograpya—Magkakasalungat na Pangmalas

Pornograpya​—Magkakasalungat na Pangmalas

“Lumilikha ito ng matitinding pagnanasa na hindi dapat taglayin ng isa, ginigising nito ang mga pita na hindi dapat sapatan kailanman.”​—Tony Parsons, kolumnista.

HINDI kailanman ginusto ni John na maging sugapa sa ‘sekso sa Internet.’ * Tulad ng maraming iba pang tao na di-sinasadyang nahantad sa pornograpya at mga chat room ukol sa sekso, gumagamit siya ng Internet isang araw nang aksidenteng makita niya ang isang site na nag-aalok ng gayong mga chat room. Di-nagtagal, gumon na gumon na siya sa cybersex. “Hihintayin kong pumasok sa trabaho ang aking asawa,” ang naaalaala niya, “mabilis akong babangon sa kama at gugugol ng maraming oras sa harap ng computer.” Sa matagal niyang paggamit ng Internet, hindi man lamang siya tumitigil para uminom o kumain. “Hindi ako nakadarama ng gutom,” ang sabi niya. Nagsimula siyang magsinungaling sa kaniyang asawa tungkol sa lihim na mga gawain niya. Naaapektuhan na nito ang kaniyang konsentrasyon sa trabaho, at nagiging lalo siyang mapaghinala. Nagkaproblema siya sa kaniyang pag-aasawa, at sa dakong huli, nang isinaayos niyang aktuwal na makipagkita sa isa sa kaniyang mga kapareha sa cybersex, nalaman ito ng asawa niya. Sa ngayon, ginagamot si John sa kaniyang pagkasugapa.

Binabanggit ng mga aktibistang kontra-pornograpya ang mga kuwentong tulad nito bilang patotoo sa nakasasamang mga epekto ng pornograpya. Sinasabi nilang sinisira nito ang mga ugnayan, hinahamak ang mga babae, inaabuso ang mga bata, at nagdudulot ng isang pilipit at nakapipinsalang pangmalas sa sekso. Sa kabilang panig naman, ipinagtatanggol ng mga sumusuporta rito na ang pornograpya ay malayang kapahayagan at itinuturing nila na ang mga pumupuna rito ay masyadong maselan sa paggawi ng iba. “Hindi dapat ikahiya ng mga tao ang kanilang pinagnanasaan sa sekso o mga pagnanasa,” ang isinulat ng isang tagapagtaguyod nito. “Ang pornograpya ay magagamit upang pasimulan at pukawin ang prangkang mga pag-uusap tungkol sa sekso.” Iminumungkahi pa nga ng ilan na ang paglaganap ng pornograpya ay tatak ng isang malaya at matinong lipunan. “Ang isang lipunan na sapat ang pagkamaygulang upang makayanan ang lantarang paglalarawan sa pagtatalik ng dalawang sumasang-ayong adulto ay malamang na isang lipunang di-naiilang sa pagkakaiba-iba ng sekso at pagiging pantay ng mga babae sa mga lalaki,” ang sabi ng manunulat na si Brian McNair.

Nagiging katanggap-tanggap ba ang pornograpya dahil sa magkakaibang pangmalas ng lipunan? Bakit napakalaganap nito? Talaga bang mapanganib ang pagtataguyod ng pornograpya? Isasaalang-alang ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.