Ang Lagay ng Panahon—May Abnormalidad Ba?
Ang Lagay ng Panahon—May Abnormalidad Ba?
“KAPAG nagkita ang dalawang taga-Inglatera, ang una nilang pag-uusapan ay ang lagay ng panahon.” Iyan ang biro ng bantog na manunulat na si Samuel Johnson. Pero, nitong nakalipas na mga taon, lalo nang naging paksa ng usapan ang lagay ng panahon. Ito’y naging isang seryosong bagay na ikinababahala ng mga tao sa buong daigdig. Bakit? Sapagkat ang lagay ng panahon—na hindi na nga mahulaan noon pa man—ay lalo nang hindi mahulaan sa ngayon.
Halimbawa, noong tag-araw ng 2002, ang Europa ay hinampas ng nakapaninibagong bagyo na may napakalakas na pag-ulan. Sa katunayan, humantong pa nga ito sa pagkakalarawan bilang “ang pinakamalulubhang pagbaha sa gitnang Europa sa nakalipas na mahigit na isang siglo.” Pansinin ang sumusunod na mga balita:
AUSTRIA: “Buong lakas na hinampas ng matinding bagyo na may malalakas na pag-ulan ang mga lalawigan ng Salzburg, Carinthia, at Tirol. Maraming lansangan ang naging mabuburak na latian, na may makakapal na putik at basurang umabot nang hanggang 15 metro [50 piye] ang taas. Sa istasyon ng Südbahnhof sa Vienna, isang makulog at makidlat na bagyo ang naging dahilan ng aksidente sa tren na puminsala sa maraming tao.”
CZECH REPUBLIC: “Nakapangingilabot ang nangyari sa Prague. Pero mas grabe ang trahedya sa mga lalawigan nito. Umabot sa 200,000 katao ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan. Binaha ang buong kabayanan.”
PRANSIYA: “Dalawampu’t tatlo ang namatay, 9 ang nawawala, at libu-libo ang matinding napinsala . . . Tatlo katao ang namatay sa tama ng kidlat noong bagyo ng Lunes. . . . Namatay ang isang bombero matapos iligtas ang mag-asawang nasa kagipitan; inaanod sila ng tubig habang nasa loob ng kanilang sasakyan.”
ALEMANYA: “Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Republika Pederal na mawalan ng tao ang mga bayan at mga nayon nang ganito kalubha sa panahon ng ‘bahang [ito] ng siglo.’ Libu-libong residente ang lumikas mula sa kani-kanilang sariling bayan. Marami ang gumawa nito bilang pag-iingat. Halos malulunod na lamang ang ilan nang masagip mula sa baha sa pamamagitan ng bangka o helikopter.”
ROMANIA: “Mga 12 katao na ang namamatay mula noong kalagitnaan ng Hulyo dahil sa mga bagyo.”
RUSSIA: “Di-kukulangin sa 58 katao ang namatay sa mga pampang ng Dagat na Itim . . . Mga 30 kotse at bus ang naroroon pa rin sa pusod ng dagat, at imposibleng hanapin ang mga iyon yamang nagpalabas ng babala na mayroon na namang panibagong bagyo.”
Hindi Lamang sa Europa
Noong Agosto 2002, ang pahayagan ng Alemanya na Süddeutsche Zeitung ay nag-ulat: “Pininsala ng muling pagbuhos ng malalakas na ulan at paghampas ng bagyo ang Asia, Europa, at Timog Amerika. Noong Miyerkules, di-kukulangin sa 50 ang namatay dahil sa gumuhong lupa sa Nepal. Isang bagyo ang pumatay sa walong tao sa timugang Tsina at nagdala ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa gitnang Tsina. Ang mga pagbaha sa Tsina ang dahilan ng pagtaas ng tubig ng Ilog Mekong na umabot sa pinakamataas na antas nito sa nakalipas na 30 taon, anupat lumubog ang mahigit na 100 bahay sa hilagang-silangan ng Thailand. . . . Sa Argentina, di-kukulangin sa lima katao ang nalunod matapos ang malakas na pag-ulan. . . . Mahigit na isang libo katao na ang namamatay dahil sa mga pagbagyo nitong panahon ng tag-araw sa Tsina.”
Habang sinasalot ng tubig ang maraming bahagi ng daigdig, ang Estados Unidos naman ay dumaranas ng matinding tagtuyot. Iniulat: “Nababahala na ang buong bansa dahil sa mababaw at tuyong mga balon, mababaw na agos ng tubig sa maraming batis, at malalaking sunog na mahigit na doble kaysa sa karaniwan. Dahil sa pagkasira ng pananim at mga pastulan, kakapusan ng tubig na maiinom, malalaking sunog at bagyo ng alikabok, tinataya ng mga eksperto na ang pagkalugi sa ekonomiya ay aabot sa bilyun-bilyong dolyar.”
Dumaranas na ng mapangwasak na tagtuyot mula pa noong mga taon ng 1960 ang mga bahagi ng hilagang Aprika. Ayon sa ulat, “ang pag-ulan ay dalawampu hanggang apatnapu’t siyam na porsiyentong mas mababa kaysa noong unang kalahati ng ika-20 siglo, anupat nagdulot ito ng taggutom at kamatayan.”
Ang panahon ng El Niño—na resulta ng pag-init ng tubig sa gawing silangan ng Pasipiko—ay pana-panahong nagdudulot ng pagbaha at iba pang mga pagbabago sa lagay ng panahon sa Hilaga at Timog Amerika. * Iniulat ng organisasyon ng pagbabalita na CNN na ang El Niño noong 1983/84 ang “may kagagawan sa mahigit na 1,000 pagkamatay, na nagdudulot ng mga sakunang may kaugnayan sa lagay ng panahon sa halos bawat kontinente at ng pinsala sa mga ari-arian at hayupan na umabot sa $10 bilyon.” Ang di-inaasahang kaganapang ito ay paulit-ulit na nangyayari (tuwing mga apat na taon) mula nang ito’y matuklasan noong ika-19 na siglo. Subalit naniniwala ang ilang eksperto na “dadalas ang El Niño” at na ito’y “mas malimit na lilitaw” sa darating na panahon.
Isang artikulong inilathala ng U.S. National Aeronautics and Space Administration ang nagbigay ng katiyakang ito: “Karamihan sa ‘kakatwang’ lagay ng panahong iyan na nararanasan natin—gaya ng nakapagtatakang mainit na taglagas o ng partikular na maulang taglamig—ay dahil sa karaniwan at panrehiyong mga pagbabago sa lagay ng panahon.” Gayunpaman, may mga palatandaan na maaaring magdulot ito ng malubhang problema. Ganito ang prediksiyon ng organisasyon ng aktibistang pangkapaligiran na Greenpeace: “Ang buong planeta ay patuloy na pipinsalain ng mapanganib na takbo ng lagay ng panahon kasali na ang mas malalakas na buhawi at malalakas na ulan. Ang pinakamukha ng Lupa ay literal na babaguhin ng matitinding tagtuyot at mga pagbaha, na hahantong sa pagkawala ng mga lupain sa baybayin at pagkawasak ng mga kagubatan.” May katibayan kaya ang ganitong mga pahayag? Kung oo, ano kaya ang dahilan ng ganitong mga “mapanganib na lagay ng panahon”?
[Talababa]
^ par. 14 Tingnan ang artikulong “Ano ba ang El Niño?” sa Marso 22, 2000, isyu ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 2, 3]
Pagbaha sa Alemanya (sa itaas) at sa Czech Republic (sa kaliwa)