Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo

Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo

Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo

MULA SA MGA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA, AUSTRIA, MEXICO, AT KOREA

NOONG taóng 2002, maraming sakunang dulot ng masamang lagay ng panahon ang nangyari sa maraming lupain. Sunud-sunod ang mapangwasak na baha sa Europa. Sa ibang bahagi ng daigdig, ang Mexico ay dinaanan ng mapangwasak na buhawi, at binagyo naman ang Korea. Bagaman kalunus-lunos ang mga pangyayaring ito, pinatibay nito ang buklod ng pag-ibig na umiiral sa gitna ng tunay na mga Kristiyano.

Pagkatapos ng mga pagbaha sa Europa noong 2002, tinanong ang dating kansilyer ng Kanlurang Alemanya na si Helmut Schmidt kung anong tulong ang kailangan ng mga biktima. Ang sagot niya: “Kailangan ng mga tao ang pagkain at tirahan, kailangan din nila ang pera, at kailangan nila ang espirituwal na pangangalaga.” Malaki ang ginampanang papel ng mga Saksi ni Jehova sa paglalaan kapuwa ng pisikal at espirituwal na tulong sa mga biktima ng bagyo. Isaalang-alang ang kanilang gawaing pagtulong sa Alemanya, Austria, Mexico, at Korea.

Mga Handang Tumulong sa Alemanya

Nang mabalitaan ang banta ng nalalapit na sakunang dulot ng baha, maraming Saksi ni Jehova sa Alemanya ang nakiisa sa pagsisikap ng publiko na pansamantalang hadlangan ang tubig-baha. Ganito ang sabi ng 19-na-taóng-gulang na si Kathleen, na nakatira sa Dresden: “Hindi ako puwedeng magsawalang-kibo lamang. Nang mabalitaan ko na may mga taong nanganganib mawalan ng lahat ng kanilang ari-arian, nadama kong kailangan ko talagang tumulong.”

Ang mga Saksing Aleman mismo ay kumilos upang magbigay ng mabilis at epektibong tulong. Bilang mga Kristiyano, nakadama sila ng pantanging obligasyon na tumulong sa kanilang espirituwal na mga kapatid. Ngunit nagpakita rin sila ng pag-ibig sa kanilang kapuwa. (Marcos 12:31) Kaya mahigit na 2,000 boluntaryo ang hinati sa mga grupo na tig-8 hanggang 12 katao, at binigyan ng pantanging atas ang bawat grupo sa lugar ng sakuna. Sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Alemanya, itinalaga ang 13 linya ng telepono para sagutin ang libu-libong tawag ng mga taong nagtatanong tungkol sa sakuna at nag-aalok ng tulong.

Sina Ronnie at Dina ay buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, na gumugugol ng kanilang panahon upang tulungan ang kanilang mga kaibigan at mga kapuwa na malaman ang katotohanan sa Bibliya. Nang mabalitaan nila ang paparating na tubig-baha, pumunta muna sila sa sentro ng lunsod ng Dresden para tumulong sa madaliang pagsisikap na iligtas ang makasaysayang mga gusali nito. Nang humupa na ang baha, sumama sina Ronnie at Dina sa iba pang mga Saksi sa paglilinis ng Kingdom Hall sa Freital, na binaha ng maruming tubig. Pagkatapos, tumulong ang grupo sa kanilang mga kapitbahay. Nakahinga nang maluwag ang may-ari ng isang restawran na nasa tapat ng Kingdom Hall nang linisin ng mga Saksi ang kaniyang bodega sa silong at unang palapag na punô ng durog na mga bato at lusak.

Sina Siegfried at Hannelore ay nakatira sa Colmnitz, isang nayon na mga 40 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Dresden. Ang batis na karaniwang umaagos sa nayon ay umapaw at lumakas ang agos, anupat binaha ang kanilang bahay at halamanan. Nang humupa ang tubig, nagulat ang mga kapitbahay na makitang dumating ang humigit-kumulang 30 Saksi, na hindi mga tagaroon, upang tumulong sa paglilinis ng bahay nina Siegfried at Hannelore. Sumunod, nilinis din ng grupo ang katabing mga halamanan. Nagtanong ang ilang taganayon kung ano ang nag-udyok sa kanila na magbiyahe nang 100 kilometro upang tumulong sa mga taong hindi naman nila kakilala. Sa gayon, ang mga Saksi ay nakapagbigay ng espirituwal na pampatibay-loob sa mga biktima sa Colmnitz.

Ang mga karatig-pook ng bayan ng Wittenberg ay binaha rin. Isang mag-asawang Saksi na nagngangalang Frank at Elfriede ang nakipagtulungan sa kanilang mga kapitbahay sa loob ng ilang araw bago bumaha, anupat kanilang pinunô at isinalansan ang mga sako ng buhangin para patibayin ang mga pampang ng ilog. Nang humupa ang baha, dinalaw nina Frank at Elfriede ang mga biktima, anupat dinalhan pa nga sila ng pagkain at inaliw sila. Nagunita ni Frank: “Hindi makapaniwala ang isang babaing dinalaw namin na kami, mga taong hindi nila kilala, ay naghatid ng pagkain sa kaniya nang hindi nagpapabayad. Sinabi niya sa amin na walang sinuman sa kaniyang simbahan ang dumalaw sa kaniya. At ang organisasyon na nagdadala ng mga pagkain niya ay naniningil sa tuwing pumupunta sa kaniya. Namangha ang mga tao na makita ang mga Saksi ni Jehova na may dalang mainit na pagkain sa halip na literatura sa Bibliya.”

Austria​Mabilis na Pagtugon sa Sakuna

Winasak din ng tubig-baha ang kalapit na bansang Austria. Tatlong komite ang binuo upang mangasiwa sa mga ginagawang pagtulong. Binigyan ng priyoridad ang pagkukumpuni ng tatlong Kingdom Hall na nawasak nang husto. Isa pa, sa mga Saksi ay halos 100 pamilya ang naapektuhan ng baha, at 50 bahay ang binaha. Ang natira na lamang sa ari-arian ng iba ay ang damit na suut-suot nila. Ipinagbigay-alam ng tanggapang pansangay sa Austria sa lokal na mga kongregasyon ang kalagayan, at isinaayos ang paglikom ng pondo para sa pagtulong. Pagsapit ng Setyembre, mahigit na $34,000 ang nalikom.

Isang ina ang sumulat: “Napakatipid ng aking walong-taóng-gulang na anak na lalaki at nakaipon siya ng halos $14. Gayunman, nang mabalitaan niya na ang ilan sa ating mga kapatid ay nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian, handa niyang iabuloy ang lahat ng kaniyang naipon sa pondo para sa sakuna.”

Sa tagubilin ng mga Regional Building Committee (RBC), na karaniwang nangangasiwa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, inorganisa ang mga pangkat upang kumpunihin ang mga bahay na nasira ng baha. “Dapat ibalita ng mga pahayagan kung ano ang nagagawa ninyo rito,” ang naibulalas ng isang nagmamasid. Nabago pa nga ang pangmalas ng ilan sa mga Saksi ni Jehova. “Hanggang sa ngayon,” ang sabi ng isang magulang na Saksi, “ang mga anak ko, na hindi mga Saksi, ay ayaw makinig sa akin kapag ibinabahagi ko ang aking paniniwala sa kanila. Pero ngayon ay nakikinig na sila sa kauna-unahang pagkakataon!”

Sinikap ding tulungan ang maraming tao na hindi mga Saksi. Halimbawa, labis na naantig ang damdamin ng isang babae nang isang Saksi ang dumating sa kaniyang tahanan noong alas 7:30 n.u. at nagtanong kung kailangan niya ng tulong. Kinailangang ilikas ang babae, yamang pumapasok na ang tubig sa kaniyang tahanan. Gayunman, nang bumalik ang babae, nasumpungan niya ang isang maikling sulat na nakasabit sa pinto ng kaniyang halamanan na nagmula sa mga Saksi. Ganito ang isinasaad: “Kung kailangan ninyo ng tulong, agad na ipaalam ninyo ito sa amin.” Tinulungan siya ng mga Saksi na mag-alis ng lusak at mga basura sa kaniyang tahanan at mga ari-arian.

Isang pangkat ng 100 Saksi ang nagtungo sa kabayanan ng Au upang tumulong sa mga Saksing tagaroon at sa kanilang mga kapitbahay. Pinuntahan ng mga lider ng pangkat ang bawat bahay at tinanong ang mga residente kung kailangan nila ng tulong. Namangha ang mga tao na makitang nakahanda ang mga Saksi na dala-dala ang kagamitang pang-alis ng tubig at panlinis, gaya ng mga pambomba, walis, at mga pala. Ang trabaho na karaniwang tinatapos ng mga may-bahay sa loob ng isang linggo ay natapos sa loob lamang ng ilang oras. Napaiyak ang mga tao habang pinagmamasdan sila.

Humigit-kumulang 400 lokal na mga Saksi ang sumama sa gawaing pagtulong​—kadalasang nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi nang walang tigil. Para sa mga nagmamasid, isang kahanga-hangang patotoo ito ng kapangyarihan ng tunay na Kristiyanismo.

Humampas ang Buhawing Isidore sa Mexico

Ang buhawing Isidore ay isang tropikal na bagyo mula sa hilaga ng Venezuela. Noong Setyembre 22, 2002, hinampas ng buhawing Isidore na may signal number 4 ang Yucatán Peninsula ng Mexico. Taglay ang hanging may lakas na 190 kilometro bawat oras at malalakas na pagbuhos ng ulan, naidulot nito ang pinakamalaking pinsala sa kasaysayan ng mga estado ng Yucatán at Campeche sa Mexico at napinsala rin nito ang estado ng Quintana Roo. Sa Yucatán lamang, mga 95,000 kabahayan ang labis na nasira, na nakaapekto sa halos 500,000 katao.

Gayon na lamang kahusay ang ginampanang bahagi ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagtulong sa Yucatán anupat isang ulong-balita sa diyaryo sa hilagang Mexico ang nagsabi: “Sumagip ang mga Saksi ni Jehova.” Patiunang binuo ang isang komite sa pagtulong bago pa man dumating ang bagyo. Gumawa sila ng mga kaayusang pangkagipitan para patuluyin ang ilang daang lokal na mga Saksi. Nagbigay ng mga pondong pangkagipitan ang kalapit na mga kongregasyon. Ipinamigay ang mga damit, gamot, at mahigit na 22 toneladang pagkain sa mga biktima ng bagyo, kasali na ang maraming di-Saksi. Inatasan ang mga lokal na elder na dalawin at patibaying-loob ang mga biktima ng buhawing Isidore.

Pagkatapos humampas ang bagyo, binuo ang lokal na mga komite sa pagtulong upang hanapin ang nawawalang mga Saksi. Natagpuan ang ilan sa kagubatan at sa iba pang lugar na sa loob ng tatlong araw ay walang pagkain at tubig na maiinom. Sa ilang lugar, gayon na lamang kataas ang tubig anupat lumubog ang mga poste ng ilaw! Kaya kumuha sila ng mga bangkang de-motor at ginamit ito sa paghahanap ng mga biktima, pagpapakain sa kanila, at paglilipat sa kanila sa mas ligtas na mga lugar.

Nagpahiram ang lokal na mga awtoridad ng mga bangka at iba pang kagamitan sa mga Saksi, na nag-alok na tumulong sa mga lugar kung saan bihira ang nangangahas na pumunta. Noong una, hindi pinayagan ng isang opisyal ng hukbo ang mga Saksi na maghanap sa gayon kapanganib na mga lugar. Gayunman, nang makita niya ang kanilang katapangan, sinabi niya: “Kumbinsido ako na pupunta pa rin kayo gamit ang mga helikopter, kung kinakailangan, para sagipin ang inyong mga kasama. Magagamit ninyo ang aming mga sasakyan para dalhin ang inyong mga kasamahan kung saan man ninyo nais.”

Isang may-ari ng tindahan ang nagtataka kung bakit napakaraming nakabotelyang tubig ang binili ng ilang Saksi. Ipinaliwanag nila na iyon ay para sa kanilang espirituwal na mga kapatid at sa iba pang nangangailangan niyaon. Ipinasiya ng lalaki na ibigay ang lahat ng kaniyang nakabotelyang tubig​—nang walang bayad. Kinabukasan, nagbigay pa siya ng mas maraming tubig​—talagang pagkarami-rami. Sa isa pang tindahan, tinanong ng isang mamimili ang mga Saksi kung bakit napakarami nilang binibiling pagkain. Nang malaman niya na para iyon sa mga biktima ng baha, nagbigay siya ng pera upang bumili ng mas marami pang pagkain.

Bagaman halos 3,500 pamilyang Saksi ang nawalan ng materyal na ari-arian dahil sa buhawing Isidore, lumabas na wala ni isa mang Saksi ni Jehova ang nawala o namatay. Gayunman, dahil 331 tahanan ng mga Saksi ang nasira o nawasak, kailangan ang isang programa para sa pagtatayong muli. Pinuntahan ng mga Saksi na may karanasan sa pagtatayo ang bawat tahanan at Kingdom Hall para suriin ang pinsala. Sa kasalukuyan, mga 258 tahanan ang nakumpuni na at 172 ang naitayong kapalit na mga bahay. Gayundin, kasalukuyang itinatayong muli ang 19 na nasirang mga Kingdom Hall.

Isang elder sa isang kongregasyon sa estado ng Yucatán ang naudyukang magsabi: “Nabasa ko sa ating mga publikasyon ang tungkol sa gawaing pagtulong na ginawa sa ibang mga bansa. Pero, iba pala kung ikaw mismo ang makaranas nito. Ang pananampalataya ko gayundin ang pananampalataya ng maraming kapatid ay napatibay sa pagkakita sa kung ano ang nagawa ng pagkamaagap at pagmamalasakit ng organisasyon ni Jehova at ng ating mahal na mga kapatid upang tulungan kami.”

Sinabi ng isang babae: “Masaya sana ako kung tumulong ang aming simbahan gaya ng ginawa ninyong mga Saksi.” Isa pang babae, na nasagip ng mga Saksi, ang nagsabi: “Salamat sa mga Saksi ni Jehova, hindi kami namatay. Ipinakita nila ang kanilang pag-ibig at itinaya ang kanilang buhay upang sagipin kami nang lumubog sa tubig ang aming bahay.”

Isang Bagyo ang Humampas sa Korea

Noong Agosto 31 at Setyembre 1, 2002, pininsala ng Bagyong Rusa ang malaking bahagi ng Korea. Sinabi ni Song-pil Cho, isang elder sa kongregasyon: “Para akong nasa ilalim ng isang dutsa. Walang tigil ang ulan.” Umabot nang mahigit na 870 milimetro ang bumuhos na ulan sa loob ng wala pang 24 na oras​—ang pinakamalakas na pag-ulan sa loob ng isang araw na naitala kailanman doon.

Ayon sa The Korea Herald, sa buong bansa 28,100 kabahayan at 85,000 ektarya ng bukirin ang lumubog sa tubig. Mga 70,000 katao ang napilitang lumikas. Pinatay ng bagyo ang 301,000 hayupan, pinalubog ang 126 na barko, at pinatumba ang daan-daang poste ng kuryente. Mahigit na 180 katao ang iniulat na namatay o nawawala. Kabilang sa mga ito ang dalawa sa mga Saksi ni Jehova.

Katulad ng nangyari sa Europa at Mexico, mabilis na tumugon ang mga Saksi ni Jehova. Dumagsa ang mga kontribusyon mula sa mga Saksi sa buong bansa. Kasali rito ang mga damit, kumot, at iba pang mga pangangailangan. Ang ilang miyembro ng kongregasyon ay nakatira pa rin sa mga lugar na hindi marating ng mga tagasagip at nakabukod. Nasira ang mga daan, at nawasak ang mga tulay. Walang kuryente o serbisyo sa telepono. Kaya inorganisa ang mga pangkat para maglakbay at magbigay ng kinakailangang tulong. Ganito ang paglalarawan ni Song-pil Cho, na kasama sa isa sa mga pangkat, hinggil sa isang lugar kung saan sila tumulong: “Nasira ang pitong tulay at malaking bahagi ng daan. Nang sa wakas ay makarating kami sa bayan, sira at wasak ang lahat ng bahay. Napakabaho ng lugar, at nagkalat ang patay na mga hayop. Pero tuwang-tuwa kaming matagpuan ang anim sa ating Kristiyanong mga kapatid! Nawala ang kanilang mga ari-arian, subalit silang lahat ay buháy at ligtas.”

Ang totoo, nakahandang mabuti ang mga Saksi ni Jehova sa sakunang ito. Yamang karaniwan na ang pagbaha kapag panahon ng tag-ulan, ang kanilang RBC sa Seoul ay nagsimula nang maghanda para sa mga sakunang mangyayari sa hinaharap. Simula noong 1997, itinaguyod nito ang taunang mga sesyon ng pagsasanay upang maging handa sa pagtulong ang mga boluntaryo kung sakaling magkaroon ng kagipitan.

Noong Setyembre 2, dumating ang mga miyembro ng RBC sa silangang baybayin ng lunsod ng Kangnŭng at nagtatag ng punong-himpilan sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang unang priyoridad? Magdala ng malinis na tubig sa mga nakaligtas. Kapag nangyayari ang matinding pagbaha, karaniwan nang nasisira ang mga tubo ng tubig; napakarumi ng tubig-baha. Nagsaayos ang RBC ng malalaking trak na may tangke na punô ng tubig para ipadala sa mga lugar na apektado.

Nang humupa ang baha, natabunan ng mabaho at makapal na putik ang lahat ng bagay. Gayunman, isinagawa ang epektibong paraan ng paglilinis. Yamang ang lahat ng bahay sa lugar na iyon ay yari sa semento, maaaring linisin ang mga ito sa pamamagitan ng pagtuklap sa mga wallpaper at linolyo sa mga silid at saka ito ginagamitan ng hose na may malakas na presyon ng tubig.

Hindi na napapakinabangan ang karamihan sa mga kasangkapang de-kuryente kapag lumubog sa baha ang mga ito. Gayunman, kapag sa loob ng ilang araw, ang mga kasangkapang gaya ng mga repridyeretor at boyler ay kinalas at pagkatapos ay nilinis na mabuti, tinuyo, at binuong muli ng mahuhusay na elektrisyan, kadalasan nang mapaaandar pa rin ito. Inorganisa ang RBC para gawin iyon. Ang mga boyler na hindi na kailangang palitan ay magagamit upang tuyuin ang mga bahay. Gugugol ng dalawa hanggang tatlong linggo ang prosesong ito.

Dapat ding labhang mabuti ang mga damit at kumot na lumubog sa baha pagkalipas ng ilang araw lamang para magamit pa itong muli. Ang mga boluntaryo mula sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tumulong sa pagtitipon ng narumihang mga gamit ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Ang mga lusak na nanuot sa mga damit ay napakahirap tanggalin​—kailangang kusutin ito sa napakalamig na batis. Nang mapag-alaman ng isang reporter ng pahayagan ang gawang ito ng pag-ibig, lumabas sa lokal na pahayagan ang malaking larawan ng mga Saksing gumagawa nito.

Tinangay ng mapangwasak na mga baha sa Europa, Hilagang Amerika, at Asia ang mga bahay, ari-arian, at kinitil ang buhay ng napakaraming tao. Bagaman kalunus-lunos ang mga ito, karaniwan na ang gayong mga pangyayari sa “mga huling araw” na ito ng sistema ng mga bagay, na tanda ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang gayong mga sakuna ay maaari ring magsilbing malinaw na paalaala ng katotohanang ito: Iniibig ng tunay na mga Kristiyano ang isa’t isa at ang kanilang mga kapuwa. Ang gayong walang-imbot na pag-ibig ay isang bagay na hindi matatangay ng bagyo.

[Larawan sa pahina 10]

ALEMANYA​—Isang bahay na winasak ng bagyo

[Mga larawan sa pahina 11]

ALEMANYA​—Mahigit na 2,000 boluntaryo ang mabilis na tumulong

[Mga larawan sa pahina 12]

AUSTRIA​—Kinukumpuni nila ang kanilang Kingdom Hall sa Ottensheim

Kaliwa: Isang pangkat ng mga boluntaryo ang bumalik mula sa Au, kung saan tinulungan nila ang mga Saksing tagaroon at ang kanilang mga kapitbahay

[Mga larawan sa pahina 13]

MEXICO​—Kanan: Isang komite sa pagtulong ang nagbibigay ng maiinom na tubig sa mga nakaligtas sa bagyo

Ibaba: Pagtatayo ng kapalit na bahay

[Mga larawan sa pahina 15]

KOREA​—Mula kaliwa pakanan: Isang bahagi ng lunsod na binaha; paglilinis na gamit ang tubig na may malakas na presyon; paglalaba sa malapit na batis