Kapaki-pakinabang sa Komunidad
Kapaki-pakinabang sa Komunidad
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
SA LOOB ng maraming siglo, namahagi ng mga lupa ang mga lunsod sa Espanya para sa mga dako ng pagsamba. Naniniwala ang mga pamahalaang lunsod na ang relihiyosong pananampalataya ay magiging kapaki-pakinabang sa kanilang mga komunidad. Yamang ang Katolisismo ang relihiyon ng Estado, halos karaniwan nang iniaabuloy ang ari-arian ng munisipyo sa Simbahang Katoliko lamang. Ngunit nagbago na ang panahon.
Noong 1980, isang batas sa Espanya na gumagarantiya sa kalayaan ng relihiyon ang nagsabi na “walang partikular na pananampalataya ang magiging opisyal na relihiyon ng Estado.” Ito ang nagpakilos sa ilang opisyal ng lunsod na kilalanin sa madla ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Bilang patotoo sa pagkilalang ito, nag-abuloy sila ng lupa para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall.
Ang iba’t ibang pangasiwaan ng lunsod ay nagpahayag ng opinyon na ang gayong mga abuloy ay nararapat lamang dahil sa “gawaing pagtuturo ng [mga Saksi],” gayundin sa “pangmadla at panlipunang kapakinabangang dulot nito.” Binanggit naman ng ibang opisyal “ang kahalagahan ng paninirahan ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod” at “ang kanilang di-pinagkakakitaang gawain.”
Maraming Kingdom Hall ang naitayo sa loob ng 48 oras sa pamamagitan ng pantanging pamamaraan ng pagtatayo na ginamit ng mga pangkat ng konstruksiyon ng mga boluntaryong Saksi. Ganito ang komento ng alkalde ng La Línea, sa timog-kanluran ng Espanya: “Hangang-hanga ako sa pagiging bukas-palad ng mga boluntaryo, at sa palagay ko’y nararapat silang tumanggap ng ating suporta. Kailangan natin ang ganitong uri ng espiritu sa nababahaging daigdig sa ngayon.” Tinawag niya ang bagong Kingdom Hall na “isang monumento para sa espiritu ng pagtutulungan.”
Napansin din ng mga kapitbahay ang ganitong espiritu ng pagsasamahan. Noong itinatayo ang dalawahang Kingdom Hall sa Vitoria, sa hilagang Espanya, sinabi ni Marian, na naninirahang malapit doon: “Kung ipakikita ng lahat ng tao ang ganitong uri ng pag-ibig, hindi natin mararanasan ang mga problema natin sa ngayon.” Pagkatapos mapanood ang pagtatayo ng gusali, isang lokal na arkitekto ang napabulalas: “Gusto kong maging Saksi ni Jehova upang madama ko ang kagalakan ninyo!”
Sa lunsod ng Zaragoza, sa hilagang-silangan ng Espanya, pinagkalooban ng mga opisyal ang mga Saksi ng isang 600-metro-kuwadradong lupa, nang walang bayad. Inilarawan ng isang lokal na pahayagan ang lugar ng pagtatayo bilang “pugad ng mga langgam ng mga Saksi ni Jehova, kung saan daan-daang maliliit na langgam ang sama-samang nagtatrabaho.” Malugod na tinanggap ng mga kapitbahay ang mga manggagawa. Ganito ang sabi ng isa sa kanila: “Nawala ang pananampalataya ko dahil sa mga pari, pero ibinalik ninyo ito sa akin.”
Nagpapasalamat ang mga Saksi sa tulong ng mga kapitbahay at ng lokal na mga awtoridad sa pagtatayo ng kanilang mga dako ng pagsamba. Desidido silang gamitin ang kanilang mga Kingdom Hall para sa pinakamahusay na gawaing pagtuturo na magagawa para sa komunidad—ang pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos.
[Larawan sa pahina 31]
La Línea, Cádiz, Espanya