Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mabibigyang-Katuwiran ba ang Etnikong Pagkapoot?

Mabibigyang-Katuwiran ba ang Etnikong Pagkapoot?

ANO kaya ang madarama mo kung ituring kang mapanlinlang, marahas, hangal, o imoral dahil lamang sa kabilang ka sa isang etnikong grupo? * Tiyak na ikagagalit mo ito. Nakalulungkot, ganiyan ang karanasan ng milyun-milyong tao. Karagdagan pa, di-mabilang na inosenteng mga tao sa buong kasaysayan ang inabuso at pinatay pa nga, dahil lamang sa kanilang lahi o nasyonalidad. Sa katunayan, ang karamihan sa madudugong alitan na nangyayari sa ngayon ay dahil sa etnikong pagkapoot. Gayunman, maraming sumusuporta sa gayong karahasan ang sa katunayan ay nag-aangking naniniwala sila sa Diyos at sa Bibliya. At may nagsasabing mananatili ang pagtatangi ng lahi​—isang bahagi ng kalikasan ng tao.

Kinukunsinti ba ng Bibliya ang gayong etnikong pagkapoot? May mga kalagayan ba na nagbibigay-katuwirang mapoot sa mga taong naiiba ang kultura o lahi? May pag-asa ba na magkaroon ng isang kinabukasan na walang etnikong pagkapoot? Ano ba ang pangmalas ng Bibliya?

Hinatulan Dahil sa Kanilang mga Gawa

Ang pahapyaw na pagrerepaso sa pakikitungo noon ng Diyos sa sangkatauhan ay maaaring umakay sa isa na magkaroon ng maling konklusyon​—samakatuwid nga, na aktuwal na sinuportahan ng Diyos ang etnikong pagkapoot. Hindi ba’t ipinakikita ng ilang ulat sa Bibliya na ang Diyos ay tagapuksa ng mga tribo at mga bansa? Oo nga, ngunit ipinakikita ng mas masusing pagsusuri na hinatulan ng Diyos ang mga taong ito dahil sa kanilang imoral na pagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos at hindi dahil sa kanilang etnikong pinagmulan.

Halimbawa, hinatulan ng Diyos na Jehova ang mga Canaanita dahil sa kanilang balakyot na seksuwal at demonistikong mga ritwal. Sinusunog pa nga nila ang mga bata upang ihandog sa mga diyus-diyosan! (Deuteronomio 7:5; 18:9-12) Gayunman, sa ilang kaso, may mga Canaanita na nagpamalas ng pananampalataya sa Diyos at nagsisi. Dahil dito, iniligtas ni Jehova ang kanilang buhay at pinagpala sila. (Josue 9:3, 25-27; Hebreo 11:31) Naging ninuno pa nga ng ipinangakong Mesiyas, si Jesu-Kristo, ang isang babaing Canaanita, si Rahab.​—Mateo 1:5.

Ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ay nagpapakitang hindi siya nagtatangi. Sa kabaligtaran, nagpapamalas siya ng tunay na pagmamalasakit sa kapakanan ng lahat ng uri ng tao. Sa Levitico 19:33, 34, masusumpungan natin ang sumusunod na mahabaging utos ng Diyos sa mga Israelita: “Kung ang isang naninirahang dayuhan ay manirahang kasama mo bilang dayuhan sa inyong lupain, huwag ninyo siyang pagmamalupitan. Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” Masusumpungan ang gayunding mga utos sa mga aklat ng Exodo at ng Deuteronomio. Maliwanag, hindi binibigyang-katuwiran ni Jehova ang etnikong pagkapoot. Ang mahalaga sa kaniya ay ang etnikong pagkakaisa.

Itinaguyod ni Jesus ang Etnikong Pagpaparaya

Nang nasa lupa si Jesus, may hilig ang mga Judio at mga Samaritano na hamakin ang isa’t isa. Minsan, itinaboy si Jesus ng mga taong nasa isang nayon ng mga Samaritano dahil lamang sa isa siyang Judio na patungo sa Jerusalem. Paano ka kaya tutugon sa gayong pagtanggi? Marahil ay naaninag sa mga alagad ni Jesus ang pagtatanging laganap noon nang tanungin nila siya: “Panginoon, ibig mo bang sabihin namin sa apoy na bumaba mula sa langit at lipulin sila?” (Lucas 9:51-56) Pinahintulutan ba ni Jesus na maimpluwensiyahan siya ng may-pagtatanging espiritu ng kaniyang mga alagad? Sa kabaligtaran, sinaway niya sila at mapayapang naghanap ng matutuluyan sa ibang nayon. Di-nagtagal pagkatapos nito, ibinigay ni Jesus ang talinghaga hinggil sa madamaying Samaritano. Mapuwersang inilarawan nito na hindi nagiging kaaway ang isa dahil lamang sa kaniyang etnikong pinagmulan. Sa katunayan, baka siya pala’y isang napakabuting kapuwa-tao!

Etnikong mga Grupo sa Kongregasyong Kristiyano

Sa kaniyang makalupang ministeryo, pangunahin nang nagtuon ng pansin si Jesus sa paggawa ng mga alagad sa mga tao mula sa kaniyang lupang tinubuan. Ngunit ipinahiwatig niya na sa dakong huli ay magiging mga tagasunod niya ang ibang mga tao. (Mateo 28:19) Tatanggapin kaya ang mga indibiduwal mula sa lahat ng etnikong grupo? Oo! Ganito ang sabi ni apostol Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Nang maglaon ay sinuportahan ni apostol Pablo ang konseptong ito sa pamamagitan ng maliwanag na pagsasabing hindi mahalaga sa kongregasyong Kristiyano ang etnikong pinagmulan ng isa.​—Colosas 3:11.

Ang isa pang patotoo na tinatanggap ng Diyos ang mga tao mula sa lahat ng etnikong grupo ay masusumpungan sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Sa isang pangitain na kinasihan ng Diyos, nakita ni apostol Juan ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na tumanggap ng pagliligtas ng Diyos. (Apocalipsis 7:9, 10) Ang “malaking pulutong” na ito ang magiging pundasyon ng isang bagong lipunan ng tao kung saan ang mga tao mula sa lahat ng pinagmulan ay magkakasamang mamumuhay sa kapayapaan, na nagkakaisa dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos.

Samantala, dapat labanan ng mga Kristiyano ang hilig na hatulan ang iba dahil sa kanilang etnikong pinagmulan. Ang pagturing sa mga tao bilang mga indibiduwal, gaya ng pagturing sa kanila ng Diyos, at hindi bilang mga miyembro lamang ng etnikong mga grupo ay makatarungan at maibigin. Hindi ba’t ganiyan ang gusto mong pagturing sa iyo? Angkop na pinaaalalahanan tayo ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang pamumuhay nang walang etnikong pagkapoot ay kalugud-lugod. Nagbubunga ito ng higit na kapayapaan ng isip at pakikipagpayapaan sa iba. Higit sa lahat, nagiging kaisa tayo ng ating di-nagtatanging Maylalang, ang Diyos na Jehova. Tunay na isang matibay na dahilan upang itakwil ang etnikong pagkapoot!

[Talababa]

^ par. 3 Ang terminong “etnikong grupo” na ginamit sa artikulong ito ay tumutukoy sa mga taong nagmula sa iisang lahi, bansa, tribo, o kultura.