Ondol—Isang Pambihirang Sistema ng Pagpapainit sa Loob ng Bahay
Ondol—Isang Pambihirang Sistema ng Pagpapainit sa Loob ng Bahay
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA REPUBLIKA NG KOREA
PALIBHASA’Y nangangatog dahil sa maginaw na taglamig sa Korea, inanyayahan kami sa tahanan ng isang nakangiting may-bahay. Pinainit ng kaayaayang hangin sa loob ng bahay ang aming nilalamig na mga katawan, bagaman wala naman kaming nakikitang pampainit o radyetor. Pagkatapos hubarin ang aming mga sapatos sa pasukan, nagpaa kami sa sahig at nasumpungang mainit iyon. Nararamdaman naming umiinit ang aming napakalamig na mga kamay habang nakaupo kami sa lapag at nakalagay ang aming mga kamay sa sahig.
Sa Korea, halos lahat ng bahay ay may ganitong uri ng pagpapainit sa sahig. Tinatawag itong ondol. Paano gumagana ang pambihirang sistema ng pagpapainit na ito sa loob ng bahay? Ano ang epekto nito sa paraan ng pamumuhay sa Korea? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, isaalang-alang muna natin ang kasaysayan ng tradisyonal na ondol.
Ang Kasaysayan ng Pagpapainit sa Sahig
Ang kasaysayan ng pagpapainit sa sahig ay matatalunton sa panahon bago pa nabuhay sa lupa si Jesu-Kristo. Ayon sa mga natuklasan ng arkeolohiya at makasaysayang mga ulat, maaaring ang sinaunang mga Romano ang kauna-unahang gumamit ng sistema ng pagpapainit sa sahig. * Pagsapit ng ikaapat o ikalimang siglo C.E., naging popular ang isang sistema ng pagpapainit sa sahig sa buong Peninsula ng Korea, at nang dakong huli ay tinawag itong ondol. Ang pangalan ay hinango mula sa mga karakter ng Tsino na nangangahulugang “maiinit na hukay.” Binanggit ng makasaysayang ulat ng mga Tsino sa Books of Old Tang ang tungkol sa ondol, na sinasabi: “Kapag taglamig, ang mga [Koreano] ay nagpapainit sa pamamagitan ng paggawa ng mahahabang hukay at saka pinaaapuyan ito.”
Kung Paano Gumagana ang Tradisyonal na Ondol
Karaniwan na, ang apuyan ang pinagmumulan ng init para sa ondol. Maaaring ito ay nasa kusina o nasa panlabas na dingding ng sala. Ang isang kusina na may dalawa o tatlong apuyan ay maaaring palibutan ng katumbas na dami ng mga silid na pinaiinit sa pamamagitan ng ondol. Sa sinaunang kusina sa Korea, makasusumpong ka ng isa o dalawang malalaking kawa sa apuyan. Kaya ang apoy na ginagamit sa pagluluto ng kanin o sabaw ang siya ring
ginagamit upang painitin ang silid sa tabi ng kusina! Matipid, hindi ba?Karaniwan na, ang kusina ay itinatayo na mas mababa nang halos isang metro kaysa sa silid na pinaiinit. Ang pagkakaiba ng taas na ito ang nagpapadali para dumaan ang usok at mainit na hangin sa ilalim ng sahig ng nakataas na silid. Dumaraan ang usok sa ilalim ng sahig? Oo, iyan ang sekreto ng ondol.
Ang pahalang na mga pálabasan ng hangin—mga daanan ng init at usok—ay nasa ilalim ng sahig ng silid, na nakadugtong sa apuyan at tsiminea. Ang mainit na hangin mula sa apoy ay dumaraan sa pálabasan ng hangin at nagpapainit sa bato at putik sa sahig. Hindi ito gayon kasimple. Kailangang matugunan ang dalawang magkasalungat na kahilingan. Para
mag-apoy nang husto ang panggatong, kailangang dumaan agad ang usok nito sa pálabasan ng hangin at lumabas nang tuluy-tuloy sa tsiminea. Ang tuwid at maiikling pálabasan ng hangin ang pinakamabuti para magawa iyan. Gayunman, para uminit ang sahig, ang mainit na hangin at usok ay dapat manatili nang mas matagal sa mga pálabasan ng hangin hangga’t maaari. Para magawa ito, ang buong ilalim ng sahig ay nilalatagan ng mga pálabasan ng hangin, sa gayo’y naiiwasang lumabas agad ang mainit na hangin sa tsiminea. Kapag tama ang bilis ng paglabas ng usok at mainit na hangin, maaaring painitin ang silid sa buong magdamag sa pamamagitan ng apoy na nagdingas lamang nang halos dalawang oras.Diumano’y may isang silid na ondol noon—mga daan-daang taon na ang tanda—na di-kapani-paniwala ang kahusayan ng sistema sa pagpapainit. Dahil sa disenyo ng pálabasan ng hangin sa silid, ang sahig nito ay maaaring manatiling mainit sa loob ng 45 araw na minsan lamang pinainit! Ipinapalagay na maaaring manatili ang init sa loob ng 100 araw. Nakalulungkot, nawasak ang silid na iyon noong Digmaan ng Korea nang unang mga taon ng dekada ng 1950. Noong 1982, isinauli ng mga inhinyero ang gusali, at makapupunta pa rin sa silid na ondol ang mga turista. Hindi na gayon kahusay ang kasalukuyang sistema ng pagpapainit kung ihahambing sa orihinal na sistema ng silid noon. Ngunit, pagkatapos painitin nang minsan, ang sahig ay nananatiling mainit sa loob ng sampung araw kapag tagsibol at taglagas, at sa loob naman ng tatlong araw kapag taglamig, kahit na -10 digri Celsius ang temperatura.
Ang isa pang sekreto ng sistema ng pagpapainit ng ondol ay nasa disenyo ng sahig mismo. Bago ilatag ang sahig, ginagawa muna ang mga pálabasan ng mainit na hangin. Pagkatapos, ang mga pálabasan ng hangin ay tinatabunan ng malalapad at maninipis na bato na mga dalawa o tatlong pulgada ang kapal. Yamang mas mainit ang sahig na malapit sa apuyan, mas makakapal na bato ang ginagamit para hindi makalabas ang init. Sumunod, nilalagyan ng dilaw na luwad ang ibabaw ng mga bato, at saka pinapantay ang sahig. Sa kahuli-hulihan, ilang patong ng pilyego ng nilangisang papel ang idinidikit sa pinakasahig.
Sa isang silid na karaniwang pinaiinit ng tradisyonal na sistema ng ondol, ang sahig sa dulung-dulo ng silid ay hindi gaanong mainit. Kaya naman, ang mga may-edad na, gaya ng mga lolo’t lola o mga magulang, gayundin ang mga panauhin ang pinauupo sa mas mainit na lugar. Pagpapakita ito ng paggalang sa kanila.
Ang mga silid ng tradisyonal na ondol na natuklasan sa bandang hilaga ng Peninsula ng Korea ay medyo naiiba sa katimugan. Sa hilaga, walang dingding sa pagitan ng pinainit na silid na ondol at ng kusina. Ang init na nagmumula sa apuyan at sa sahig ng ondol ang nagpapainit sa silid. Sa timog naman, may dingding sa pagitan ng kusina at sala, para hindi makainis ang usok sa mga taong nakaupo sa sala.
Pangkaraniwan nang ginagamit ng mga Koreano ang kahoy bilang panggatong sa apuyang ito. Kaya bago pagdingasin ang ondol, nagsasalansan muna sila ng tuyong kahoy na panggatong sa tabi ng apuyan. Pagkatapos ay gumagamit sila ng papel at dayami para magparingas. Ginagamit din ang uling bilang panggatong. Subalit noong ika-20 siglo, nagsimulang gumamit ang mga Koreano ng maliliit na bloke ng uling. Siyempre pa, mahalaga na mamantini ang silid na ondol. Kapag nagkaroon ng lamat sa isang pálabasan ng hangin, maaaring pumasok ang carbon monoxide sa sala mula sa ilalim ng sahig, na posibleng makamatay.
Makabagong Ondol
Sa ngayon, ang tradisyonal na sistema ng ondol ay bihira nang makita sa mga tahanan sa Korea. Sa halip, ang makabagong mga bahay, kasali na ang nagtataasang mga apartment, ay gumagamit na nang modernong sistema ng ondol—ang hydronic radiant floor heating. Gumagamit ito ng mainit na tubig sa halip na mainit na hangin para painitin ang sahig. Kapansin-pansin, hindi ang mga Koreano ang nakaisip ng sistemang ito.
Kasing-aga ng dekada ng 1900, noong nagtatayo ng otel sa Hapon ang kilalang Amerikanong arkitekto na si Frank Lloyd Wright, inanyayahan siya sa tahanan ng isang maharlikang Hapones. Doon nakapasok si Wright sa isang silid na naiiba sa karaniwang mga silid ng Hapones. Ang sahig ay nalalatagan ng nilangisang papel at mainit. Iyon ay isang Koreanong silid na ondol! Nakapasok noon ang maginoong Hapones sa silid na ondol sa Korea at hindi na niya malimutan iyon. Kaya pagbalik niya sa Hapon, nagpagawa siya ng silid na ondol sa kaniyang bahay. Humanga si Wright “sa hindi maipaliwanag na kaginhawahan na dulot ng init sa sahig.” Agad na nakagawa siya ng konklusyon na ang ondol ang angkop na angkop na sistema sa pagpapainit at isinama niya iyon sa kaniyang pagtatayo ng mga gusali. Naimbento ni Wright ang radiant floor heating, na gumagamit ng mainit na tubig na dumadaloy sa mga tubo sa halip na mainit na hanging nagmumula sa mga pálabasan.
Ang sistemang radiant floor heating ay tamang-tama sa istilo ng pamumuhay ng mga Koreano noong panahong iyon. Nang sinimulang gamitin ito sa Korea, ang pinasimpleng sistemang ito ay agad na naging popular. Sa ngayon, halos lahat ng mga tahanan sa Korea ay gumagamit nito.
Ang Ondol at ang Istilo ng Pamumuhay
Napakalaki ng epekto ng ondol sa istilo ng pamumuhay ng mga Koreano. Ang isang epekto ay na, dahil sa mas mainit ang sahig kaysa sa hangin sa loob ng bahay, natural na nauupo sa mainit na sahig ang mga tao sa halip na sa malalamig na silya. Kaya ang mga Koreano ay nauupo, kumakain, nagsasama-sama, at natutulog sa sahig. Para gawing mas mainit ang sahig, kung minsan ay nilalatagan nila ito ng makapal na kubrekama na tinatawag na ibul. Kapag pumasok sa loob ng bahay ang mga miyembro ng pamilya, ikinukumot nila sa kanilang malamig na mga binti ang kubrekama para sama-sama silang masiyahan sa nakagiginhawang init—isang tunay na pagbubuklod!
Habang lalong naiimpluwensiyahan ng mga taga-Kanluran ang istilo ng pamumuhay ng mga Koreano, kadalasang mas pinipili ng mga kabataan sa ngayon na maupo sa mga silya ng mesa at matulog sa kama. Subalit, gusto pa rin ng maraming Koreano ang ginhawang mula sa sahig ng ondol, na gumagamit ng mainit na tubig sa sistema ng pagpapainit ng sahig. Kung mamamasyal ka sa Korea, tiyak na masisiyahan ka sa pambihirang sistema ng pagpapainit na ito sa loob ng bahay—ang ondol.
[Talababa]
^ par. 6 Ang sentrong sistema ng pagpapainit na ginawa ng mga Romano ay tinawag na hypocaust. Binubuo iyon ng apoy sa ilalim ng lupa at baldosang mga pálabasan ng hangin na siyang nagkakalat ng init.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Larawan mula sa itaas ng balangkas ng pálabasan ng hangin
1 Apuyan
2 Pahalang na mga pálabasan ng hangin
3 Tsiminea
→ → 2 → →
→ → 2 → →
→ → 2 → →
● 1 → → 2 → → ● 3
→ → 2 → →
→ → 2 → →
→ → 2 → →
[Mga larawan]
Ang apuyan ay ginagamit noon kapuwa sa pagluluto ng pagkain at pagpapainit sa katabing silid
Mahalaga ang mahusay na sistema ng tsiminea at pálabasan ng hangin para magkaroon ng epektibong “ondol”
[Credit Line]
Lugar: Korean Folk Village
[Larawan sa pahina 24, 25]
Sa loob ng isang silid na “ondol,” ang pinakamainit na lugar ay nakareserba sa mga may-edad na
[Credit Line]
Lugar: Korean Folk Village