Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Wala Nang Sakunang Dulot ng Lagay ng Panahon!

Wala Nang Sakunang Dulot ng Lagay ng Panahon!

Wala Nang Sakunang Dulot ng Lagay ng Panahon!

“NAWALAN na ng paggalang ang tao sa lupa dahil sa kaniyang kasakimang guminhawa, bumilis at makinabang.” Iyan ang mababasa sa nakabalot na pabalat ng aklat na 5000 Days to Save the Planet. Nabubuhay tayo ngayon taglay ang mga bunga ng kasakiman ng tao. At kung totoo man o hindi ang mga teoriya tungkol sa pag-init ng globo, isang bagay ang tiyak​—sinisira ng tao ang ating magandang planeta. Ang tanging pag-asa natin ay ang katuparan ng pangako ng Bibliya na ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’​—Apocalipsis 11:18.

Papalitan ng Diyos ang tiwaling sistema ng pamumuno ng tao ng isang ganap na panibagong sistema. Bago ituring ang ideyang ito bilang walang-kawawaang paniniwala sa relihiyon, isaalang-alang muna ito: Sino kaya ang makaaalam sa mga pangangailangan ng kapaligiran ng lupa nang higit kaysa sa Maylalang nito? Hindi ba’t siya ang may lubos na karapatan sa nangyayari sa planetang ito? Nililiwanag ng Bibliya na siya nga, anupat sinasabi sa Isaias 45:18 na si Jehova ang “tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.” Upang matupad ang layuning iyan, kayang makialam ng Diyos at siya’y tiyak na makikialam.

Gagawin ito ng Diyos sa pamamagitan ng pagdadala ng isang bagong pamahalaan, o kaharian, upang mangasiwa sa lupa. Kapag nananalangin ang mga Kristiyano ng tinatawag na Panalangin ng Panginoon at nagsasabing, “Dumating nawa ang iyong kaharian,” hinihiling nilang manungkulan na sana ang pamahalaang ito. (Mateo 6:9, 10) Ipakikita ng Kaharian, o pamahalaan, ng Diyos ang kaunawaan nito tungkol sa masalimuot at likas na siklo ng lupa. Kaya, maisasauli nito ang mga lugar sa lupa na sinira ng polusyon at pang-aabuso sa kapaligiran. Ang Isaias 35:1, 6 ay nagsasabi: “Ang disyertong kapatagan ay . . . mamumulaklak na gaya ng safron. . . . Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan.”

Hanggang sa Makialam ang Diyos

Pagkatapos ng mga pagbaha noong 2002, si Helmut Schmidt, ang dating kansilyer (chancellor) ng Kanlurang Alemanya, ay sumulat: “Walang sinuman ang makahahadlang sa likas na pag-agos ng tubig sa mga prinsa. Patuloy na magaganap ang mga sakuna.” Totoo. At kapag naminsala ang mapamuksang lagay ng panahon, walang magagawa ang mga tao kundi harapin ito sa abot ng kanilang makakaya. Subalit sa kabila ng lahat ng panganib na idinudulot ng gayong mga trahedya, ang mga ito’y maaaring may kapaki-pakinabang na epekto naman. Nauudyukan nito ang mga tao na magpakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kanilang kapuwa. (Marcos 12:31) Halimbawa, sa wari’y ganito ang naging epekto ng mga pagbaha sa Europa para sa ilan. Isang pahayagan ang sumulat: “Ang sabik na mga boluntaryo ay dumating mula sa buong Alemanya upang isagawa ang tungkulin [ng pagtulong]. Ito ang pinakamalaking operasyon ng pagboboluntaryo mula noong Digmaang Pandaigdig II.”

Kasama sa mga boluntaryong ito ang maraming Saksi ni Jehova. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang pagtulong na isinagawa ng mga Saksi sa apat na iba’t ibang lupaing sinalanta ng malalakas na bagyo. Ang paggawi ng mga Kristiyanong ito ay patikim lamang ng magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng dumarating na pamahalaan ng Diyos, kung saan mananaig ang pag-ibig at pagmamalasakit bilang magkakapatid​—hindi ang pagkagahaman at kasakiman.​—Isaias 11:9. *

Nakaaaliw sa mga Kristiyano ang pangako ng Diyos sa sinaunang mga Israelita: “Tiyak na magbibigay naman ako ng ulan para sa inyong lupain sa takdang panahon nito, ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol.” (Deuteronomio 11:14) Magkakatotoo rin ang pangakong ito sa mga magkakapribilehiyong mamuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos​—isang sanlibutang ligtas sa mga sakunang dulot ng lagay ng panahon.

[Talababa]

^ par. 7 Kung nais mong matuto nang higit pa tungkol sa pangako ng Bibliya na isang pamahalaan ng Kaharian, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Sakdal na Pagkontrol sa Lagay ng Panahon

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na matatakot ang mga tao na baka sirain ng abnormal na mga bagyo ang kanilang tahanan o mga pananim. (2 Pedro 3:13) Nililiwanag ng Bibliya na lubos ang kakayahan ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na kontrolin ang lagay ng panahon. Isaalang-alang ang sumusunod na mga teksto.

Genesis 7:4: “Pitong araw na lamang at magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa nang apatnapung araw at apatnapung gabi.”

Exodo 14:21: “Pinasimulan ni Jehova na paurungin ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan sa buong magdamag at ang lunas ng dagat ay ginawa niyang tuyong lupa, at ang tubig ay nahawi.”

1 Samuel 12:18: “Tumawag si Samuel kay Jehova, at si Jehova ay nagpasapit ng mga kulog at ulan nang araw na iyon, anupat ang buong bayan ay lubhang natakot kay Jehova at kay Samuel.”

Jonas 1:4: “Si Jehova ay nagpabugso ng isang malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat; at kung tungkol sa barko, iyon ay malapit nang magiba.”

Marcos 4:39: “Nang magkagayon ay bumangon siya [si Jesus, na binigyang-kapangyarihan ng Diyos] at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, at nagkaroon ng lubos na katahimikan.”

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na tayo matatakot sa mapanganib na lagay ng panahon