Mga Kristal na Tulad ng mga Sinag ng Buwan
Mga Kristal na Tulad ng mga Sinag ng Buwan
Noong Abril 2000, pinasabog ng mga minero malapit sa Chihuahua, Mexico, ang isang tunel na halos 300 metro ang lalim sa lupa para maghanap ng mahahalagang metal. Habang gumagapang sa isang maliit na butas ang 40-taóng-gulang na si Eloy Delgado, natuklasan niya ang isang yungib na punô ng pagkalalakí at tinatagusan ng liwanag na mga kristal. “Napakaganda niyaon,” ang sabi niya, “gaya ng liwanag na umaaninag mula sa baság na salamin.” Sinabi ng isa pa na para iyong “mga sinag ng buwan na biglang naging solido.”
Ipinalalagay na ang mga kristal na iyon ang pinakamalaki sa buong daigdig. Ang ilan ay kasinlaki ng magulang na mga puno ng pino, na hanggang 15 metro ang taas at tumitimbang nang mahigit sa sampung tonelada! “Talagang hindi mo maubos maisip na makakakita ka ng mga kristal na napakalaki at walang depekto,” ang sabi ni Jeffrey Post, isang tagapangasiwa sa mga mineral sa Smithsonian Institution sa Washington, D.C. Sinabi niya na ang karamihan sa mga kristal sa lupa ay maliliit at maaaring magkasya sa iyong palad.
Bilang paglalarawan sa pagkabuo ng mga kristal na ito, ganito ang ulat ng magasing Smithsonian ng Abril 2002: “Tinutunaw ng tubig sa ilalim ng lupa sa mga kuwebang ito, na sagana sa asupre mula sa katabing mga deposito ng mineral, ang mga dingding ng apog, anupat naglalabas ng pagkarami-raming kalsyum. Ang kalsyum naman na ito ang humahalo sa asupre upang mabuo ang mga kristal sa laki na hindi pa kailanman nakita ng mga tao.”
Bagaman ang temperatura at halumigmig sa loob ng mga yungib ay tamang-tama para sa mga kristal, nakasasamâ naman ito sa mga tao. Ang temperatura ay nananatiling halos nasa 65 digri Celsius, at 100 porsiyento naman ang halumigmig. Ang manggagalugad na si Richard Fisher, ang kauna-unahang taga-Hilagang Amerika na bumisita sa mga yungib, ay nagsabi: “Para kang pumapasok sa isang lumalagablab na hurno kapag pumasok ka sa malaking yungib.” Sinabi pa niya na halos anim hanggang sampung minuto lamang ang maaaring itagal ng isang tao sa ganitong mga kalagayan. Pagkatapos niyan, hindi na makakayanan ng isa ang labis na init at halumigmig.
Ang pagkatuklas sa pagkalalakíng mga kristal na ito ay isa pang paalaala ng kagila-gilalas na kababalaghan at kasaganaan ng lupa, na ang karamihan sa mga ito ay maaaring hindi pa rin natin natutuklasan. Hindi ka ba sasang-ayon sa sinabi ng salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha”?—Awit 104:24.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Lahat ng larawan: © Richard D. Fisher