Mga Pagpili na Nakaaapekto sa Iyong Kalusugan
Mga Pagpili na Nakaaapekto sa Iyong Kalusugan
ANG pagkain nang tama at pananatiling malusog ay kadalasang naghaharap ng hamon. Sa ilalim ng mga panggigipit sa ngayon, waring mas kumbinyenteng kumain ng naproseso nang “komportableng pagkain” sa halip na maghanda ng sariwang mga pagkain at mas madaling gumugol ng libreng panahon sa harap ng TV o computer sa halip na makibahagi sa pisikal na gawain. Gayunman, ang mga pagpipiliang ito ay maaaring maging dahilan upang dumanas ng malulubhang problema sa kalusugan ang lumalaking bilang ng mga adulto at mga bata.
Sa Asia, ang sabi ng magasing Asiaweek, “ang matatabang pagkain at lumulubhang mga kaugalian ng pagiging palaupo ay lumilikha ng isang epidemya ng diyabetis.” Nakababahala, pinahihirapan ng sakit na ito ang pabata nang pabatang mga miyembro ng lipunan. At sa Canada ay “nasumpungan ng mga mananaliksik na isa lamang sa pitong bata na wala pang 13 anyos ang kumakain ng sapat na dami ng mga prutas at gulay [at] na mahigit lamang nang kaunti sa kalahati ang sapat na nakapaglalaro para pawisan,” ang ulat ng The Globe and Mail. “Pinabibilis [ng gayong istilo ng pamumuhay ng mga kabataang ito] ang pagkakaroon nila ng sakit sa puso pagsapit sa edad 30 pataas,” ang sabi ng ulat.
Sa katulad na paraan, sinasabi ng mga eksperto sa pagtulog na maaaring kailanganin ng mga adulto ang mga walong oras na tulog bawat gabi at baka higit pang oras na tulog ang kailanganin ng mga kabataan. Sa katunayan, sa isang pag-aaral sa University of Chicago, ang malulusog na kabataang lalaki na natulog lamang nang apat na oras sa loob ng anim na sunud-sunod na gabi ay nakitaan ng mga tanda ng problema sa kalusugan na kadalasang nauugnay sa mga may-edad na. Bagaman isinasakripisyo ng maraming tao ang mahahalagang oras ng pagtulog alang-alang sa trabaho, eskuwela, o kaluguran, ang mga resulta nito ay maaaring maging kontra sa pagiging produktibo. “Isang bagay ang kumilos,” ang sabi ng mananaliksik sa pagtulog sa Cornell University sa New York na si James Maas, “iba naman ang maging alisto, malikhain, at hindi makaidlip habang nagmamaneho sa expressway.”
Sabihin pa, nakaaapekto rin sa kalagayan ng ating katawan ang ibang mga salik. Halimbawa, ang pagkakaroon ng positibong pangmalas ay makabubuti sa ating kalusugan. At ang pagkakaroon ng tunay na layunin sa buhay ay makagaganyak sa atin na gumawa ng mga pagpili na makatutulong sa atin na manatiling malusog.