Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nabigasyon sa Pamamagitan ng Tubig, Kalangitan, at Hangin

Nabigasyon sa Pamamagitan ng Tubig, Kalangitan, at Hangin

Nabigasyon sa Pamamagitan ng Tubig, Kalangitan, at Hangin

NATATAKOT ka bang mahulog sa gilid ng lupa? Marahil hindi. Subalit noon, lumilitaw na iyan mismo ang ikinatatakot ng ilang magdaragat. Marami ang naglayag malapit sa baybayin. Ngunit naalis ng ibang matatapang na marinero ang kanilang takot at naglayag sa laot.

Mga 3,000 taon na ang nakalipas, naglayag ang mga magdaragat na taga-Fenicia mula sa kanilang tinubuang mga daungan patungo sa silangang baybayin ng Mediteraneo upang makipagkalakalan sa Europa at sa Hilagang Aprika. Noong ikaapat na siglo B.C.E., isang Griegong manggagalugad na nagngangalang Pytheas ang naglayag sa palibot ng Britanya at maaaring nakarating hanggang sa mga lugar na kasinlayo ng Iceland. At matagal na panahon bago pa man nakapasok sa Indian Ocean ang mga barko mula sa Europa, binabagtas na ng mga magdaragat na Arabe at Tsino mula sa Silangan ang karagatang ito. Sa katunayan, ang unang Europeo na naglayag patungong India, si Vasco da Gama, ay nakarating doon nang ligtas sa tulong ng Arabeng timonero na si Ibn Majid, na umugit sa mga barko ni Da Gama sa 23-araw na paglalayag sa Indian Ocean. Paano nalaman ng gayong sinaunang mga nabigante ang kanilang daan sa dagat?

Pinanatili Silang Buháy ng Dead Reckoning

Kinailangang umasa ang sinaunang mga marinero sa dead reckoning (isang sinaunang uri ng nabigasyon). Kailangang malaman ng nabigante ang tatlong bagay, gaya ng ipinakikita ng ilustrasyon sa ibaba: (1) posisyon kung saan nagsimulang maglayag ang kaniyang barko, (2) bilis ng kaniyang barko, at (3) ang direksiyon ng barko (heading). Madaling malaman kung saan nagsimulang maglayag ang barko. Pero paano malalaman ang direksiyon nito?

Upang malaman ang kaniyang direksiyon noong 1492, gumamit si Christopher Columbus ng kompas. Ngunit nagkaroon lamang ng mga kompas sa Europa mula noong ika-12 siglo C.E. Kung walang mga kompas, isinasagawa ng mga timonero ang kanilang nabigasyon sa pamamagitan ng araw at mga bituin. Kapag hinahadlangan ng mga ulap ang mga ito, umaasa ang mga magdaragat sa mahahaba at regular na mga alon na dulot ng tuluy-tuloy na hangin. Sinusubaybayan nila ang mga alon na ito may kaugnayan sa pagsikat at paglubog ng araw at ng mga bituin.

Paano nila tinataya ang bilis? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pag-alam kung gaano katagal nilalampasan ng barko ang isang bagay na inihagis sa tubig sa prowa ng barko. Nang maglaon, isang mas tumpak na pamamaraan ang ginamit na nagsasangkot sa paghahagis sa tubig ng isang piraso ng kahoy na tinalian ng lubid na may sunud-sunod na buhol na pare-pareho ang agwat. Hinihila ng lumulutang na kahoy ang lubid habang tumatakbo ang barko. Pagkatapos ng isang espesipikong oras, ang lubid ay hinihila pabalik sa barko at ang mga buhol ay binibilang. Ipinakikita nito ang bilis ng barko sa mga knot (buhol)​—mga milya sa dagat bawat oras​—isang yunit ng panukat na ginagamit pa rin hanggang ngayon. Yamang nalalaman na ang kaniyang bilis, maaari nang kalkulahin ng nabigante ang layo ng nilakbay ng kaniyang barko sa loob ng isang araw. Sa isang tsart, na siyang mapa ng dagat, gumuguhit siya ng isang linya upang ipakita ang kaniyang narating sa napili niyang direksiyon.

Siyempre pa, maaaring ibahin ng daloy ng dagat at ng hangin ang direksiyon ng barko. Kaya sa pana-panahon ay kinakalkula at itinatala ng nabigante ang kinakailangang mga pagbabago sa landas ng barko upang manatili ito sa tamang direksiyon. Araw-araw, ipinagpapatuloy niya kung saan siya huminto​—nagsusukat, nagkakalkula, at gumuguhit ng mapa. Kapag sa wakas ay nakarating na ang barko sa destinasyon nito, ang araw-araw na talâ nito sa kaniyang mga tsart ang bumubuo sa permanenteng ulat kung paano nakarating ang barko sa destinasyon nito. Sa pamamagitan ng dead reckoning, nakapaglayag si Columbus mula sa Espanya patungong Hilagang Amerika at nakabalik sa Espanya mahigit 500 taon na ang nakalipas. Ang kaniyang tsart na may detalyadong guhit ang nagpangyari sa modernong mga magdaragat na sundan ang kaniyang kahanga-hangang paglalakbay.

Paglalayag na Inuugitan ng Kalangitan

Paano ginamit ng sinaunang mga nabigante ang mga bagay na nakikita sa kalangitan upang ugitan ang kanilang mga barko? Ipinakikita ng pagsikat at paglubog ng araw ang silangan at kanluran. Sa pagbubukang-liwayway, makikita ng mga magdaragat kung gaano kalaki ang ipinagbago ng posisyon ng araw sa pamamagitan ng paghahambing sa posisyon nito sa unti-unting nawawalang mga bituin. Sa gabi naman, maaari nilang malaman ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng Polaris​—ang Bituing Hilaga​—na lumilitaw halos sa itaas ng Polong Hilaga pagkatapos ng takipsilim. Sa dako pang timog, isang maliwanag na konstelasyong kilala bilang Southern Cross ang nakatulong sa kanila na matunton ang Polong Timog. Kaya sa isang maaliwalas na gabi saanman sila naglalayag, maaaring malaman ng mga magdaragat ang kanilang direksiyon sa pamamagitan ng kahit man lamang isang bagay sa kalangitan.

Ngunit hindi lamang ang mga ito ang mga bituing nagsisilbing mga giya. Halimbawa, sa gabi ay maaaring basahin ng mga taga-Polynesia at ng ibang mga magdaragat sa Pasipiko ang kalangitan na para bang ito’y isang mapa ng lansangan. Ang isa sa mga pamamaraang ginagamit nila ay ang pagtatakda ng landas sa direksiyon ng isang bituin na alam nilang sumisikat o lumulubog sa tanawin ng direksiyon na pupuntahan nila. Sa buong magdamag, tinitingnan din ng mga nabiganteng ito ang mga pagkakahilera ng iba pang bituin upang matiyak na tama ang kanilang direksiyon. Kung mali ang kanilang direksiyon, maitutuwid nila ito sa pamamagitan ng pagtingin sa kalangitan.

Gaano katumpak ang sistemang ito? Noong panahong madalas maglayag malapit sa baybayin ang mga Europeong magdaragat dahil sa takot na mahulog sa gilid ng lapád na lupa, lumilitaw na ang mga marinero sa Pasipiko ay naglalayag na sa gitna ng malaking karagatan sa pagitan ng maliliit na isla. Halimbawa, mahigit sa 1,500 taon na ang nakalipas, nilisan ng mga taga-Polynesia ang Marquesas Islands at nagtungo sa hilaga patawid sa napakalawak na Karagatang Pasipiko. Sa kanilang pagdaong sa Hawaii, nakapaglakbay sila nang 3,700 kilometro! Inilalahad ng mga kuwentong-bayan ng isla ang hinggil sa pagpaparoo’t parito sa Hawaii at Tahiti ng sinaunang mga taga-Polynesia. Sinasabi ng ilang istoryador na ang mga ulat na ito ay mga alamat lamang. Sa kabila nito, inulit ng makabagong mga magdaragat ang paglalakbay na iyon, anupat nagsagawa ng nabigasyon sa pamamagitan ng mga bituin, alon ng karagatan, at iba pang likas na penomeno​—nang walang mga instrumento.

Dala ng Hangin

Ang mga naglalayag na barko ay lubusang nakadepende sa hangin. Ang hanging humihihip sa likuran ng barko ay nakatutulong sa magandang paglalayag ng barko, ngunit ang hanging pasalungat sa direksiyon ng barko ay lubhang nagpapabagal dito. Kung walang hangin, na karaniwan nang nararanasan sa doldrums​—ang rehiyon sa palibot ng ekwador​—hindi tutulak ang barko. Nang maglaon, natuklasan ng mga magdaragat ang mga nananaig na hangin sa karagatan (prevailing ocean winds) na tumulong naman sa pagtatatag ng mga daanan para sa mga naglalayag na mga barko sa laot. Sinamantala ng mga nabigante ang mga hanging ito.

Siyempre pa, kapag masama ang hihip ng hangin, maaari rin itong magdulot ng kahapisan at kamatayan. Halimbawa, nang maglayag si Da Gama mula sa Portugal patungo sa kilalang Malabar Coast ng India noong 1497, dinala siya ng mga nananaig na hangin sa Timog Atlantiko at pagkatapos ay dinala siya pabalik sa timog-silangan at paikot sa Cape of Good Hope ng Aprika. Pero sa Indian Ocean, sinalubong siya ng habagat​—hanging nagbabago ng direksiyon sa pana-panahon. Sa unang bahagi ng bawat taon, ang habagat sa tag-araw ay nagsisimulang humihip sa timog-kanlurang bahagi ng Indian Ocean, at sa loob ng maraming buwan, tinatangay nito patungong Asia ang lahat ng bagay na lumulutang. Sa huling bahagi naman ng taglagas, ang habagat sa taglamig ang nagsisimulang humihip. Ito ay nagmumula sa hilagang-silangan taglay ang matinding lakas at humihihip pabalik sa Aprika. Ngunit umalis si Da Gama sa India noong Agosto at di-nagtagal ay napaharap sa sumasalungat na mga hangin. Sa halip na gumugol ng 23 araw para makatawid siya sa silangan, ang kaniyang biyahe pabalik ay inabot nang halos tatlong buwan. Dahil sa pagkaantalang ito, naubos ang sariwang pagkain, at marami sa kaniyang mga tauhan ang namatay dahil sa scurvy.

Ang mapamaraang mga nabigante sa Indian Ocean ay natutong tumingin sa kalendaryo at gayundin sa kompas. Ang mga barko na patungong silangan na dumaraan sa Cape of Good Hope ay dapat magsimulang maglayag patungong India sa unang bahagi ng tag-araw o maghintay nang maraming buwan para sa kaayaayang hangin. Sa kabilang dako naman, ang mga kapitan ng mga barkong nagmula sa India na papunta sa Europa ay umaalis sa pagtatapos ng taglagas upang maiwasang makipagsagupaan sa habagat sa tag-araw. Kaya ang ruta sa Indian Ocean ay parang isang patunguhang kalye na nagpapalit ng direksiyon​—ang pagdaan sa karagatan sa pagitan ng Europa at ng Malabar Coast ng India ay madalas na sa iisa lamang direksiyon sa loob ng isang panahon.

Pagsulong ng Nabigasyon

Sa paglipas ng panahon, ang sining ng nabigasyon ay patuloy na sumulong sa kalaunan. Nabawasan ang pagdepende sa nakikita lamang at sa pagtantiya nang lumitaw ang mekanikal na mga instrumento. Ang astrolabe at nang maglaon ay ang mas tumpak na sextant​—mga kagamitang nagsasabi ng taas ng araw o ng isang bituin mula sa isang tanawin (horizon)​—ay nagpangyaring hanapin ng mga marinero ang kanilang latitud na pahilaga o patimog sa ekwador. Ang marine chronometer​—isang mapananaligan at matibay na orasan​—ay nagbigay sa kanila ng kakayahan na malaman ang longhitud, ang kanilang posisyon sa silangan o kanluran. Ang mga instrumentong ito ay di-hamak na mas tumpak kaysa sa dead reckoning.

Sa ngayon, ipinakikita ng mga gyrocompass ang hilaga nang walang magnetikong panturo. Ang Global Positioning System ay maaaring magsabi ng eksaktong kinaroroonan ng isa sa pamamagitan ng pagpindot lamang ng ilang buton. Kadalasan nang pinapalitan ng mga electronic display ang mga tsart na papel. Oo, ang nabigasyon ay naging isang eksaktong siyensiya. Subalit ang lahat ng pagsulong na ito ay nagpapasidhi lamang sa ating paggalang sa lakas ng loob at kasanayan ng sinaunang mga magdaragat na umugit sa kanilang mga barko sa napakalawak na laot sa pamamagitan lamang ng kanilang kaalaman sa tubig, kalangitan, at hangin.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 12, 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Dead Reckoning

Maingat na itinala ang “dead reckoning” para sa nabigasyon sa hinaharap

1 Posisyon kung saan nagsimulang maglayag

2 Bilis Nalalaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng

isang piraso ng kahoy, isang lubid na may

sunud-sunod na buhol na pare-pareho ang agwat,

at isang orasan

3 Direksiyon Nalalaman ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa

daloy ng karagatan, mga bituin, araw, at hangin

[Mga larawan]

Kompas

“Sextant”

[Mga larawan sa pahina 14]

Ang nabigasyon ay naging isang eksaktong siyensiya dahil sa makabagong mga instrumento

[Credit Line]

Kværner Masa-Yards