Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maihihinto ang Pagsisikap na Maging Perpekto?

Paano Ko Maihihinto ang Pagsisikap na Maging Perpekto?

“Kontrolado ng perpeksiyonismo ang aking buhay.”​—Carly.

ANG perpeksiyonismo​—ang paniniwala na ang isa ay kailangang maging lubos na perpekto sa lahat ng kaniyang ginagawa​—ay nagpapahirap sa isipan ng maraming kabataan.

Ganito ang sabi ng aklat na Perfectionism​—What’s Bad About Being Too Good?: “May malaking pagkakaiba sa pagitan ng matinong paghahangad na maging mahusay at ng nakapipinsalang pagpupursigi para sa isang imposibleng mithiin. Ang mga taong nagsisikap na maging mahusay ay maaaring may matinding hangarin na maging maayos at organisado at mataas ang inaasahan sa kanilang sarili, subalit tinatanggap din nila ang kanilang mga pagkakamali at may positibong mga paraan ng pagharap sa mga ito. . . . Sa kabilang dako naman, ang mga perpeksiyonista ay laging nababalisa na baka sila magkamali. Mayroon silang napakataas na mga pamantayan.”

Ganiyan ka ba? Kung ang iyong mga pamantayan ay napakataas, maaari itong humadlang sa iyo na kumilos. Baka masumpungan mo na iniiwasan mo ang paggawa ng anumang bagay na bago. O baka ipagpaliban mo ang paggawa ng mahahalagang bagay dahil natatakot kang mabigo. Baka madama mo pa nga na tinatanggihan mo ang sinuman na hindi nakatutugon sa iyong mga pamantayan, at maaaring masumpungan mo ang iyong sarili na walang mga kaibigan.

Kung totoo man sa iyo ang nabanggit, isaalang-alang ang pananalita sa Bibliya na nasa Eclesiastes 7:16: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni labis-labis na magpakarunong. Bakit mo dudulutan ng kaabahan ang iyong sarili?” Oo, maaaring ‘dulutan ng kaabahan’ ng perpeksiyonista ang kaniyang sarili! Sa katunayan, ang perpeksiyonismo ay iniuugnay pa nga sa mga sakit na may kinalaman sa pagkain na gaya ng anorexia nervosa at bulimia na nagsasapanganib sa buhay. *

‘Paano ko maihihinto ang pagsisikap na maging perpekto?’ ang maaari mong itanong. Totoo, maaaring maging hamon na baguhin ang pag-iisip ng isa tungkol sa bagay na ito. Subalit sa tulong ng Diyos, magagawa ito. Kaya tingnan natin ang pangmalas ng Diyos hinggil sa perpeksiyonismo.

Pagiging Perpekto​—Isa Bang Maaabot na Tunguhin?

Una sa lahat, posible bang ikaw ay maging perpekto sa lubos na diwa? Hindi ayon sa Bibliya, na nagsasabing: “Walang taong matuwid, wala ni isa man . . . Ang lahat ng tao ay suminsay, silang lahat ay sama-samang naging walang-halaga.” (Roma 3:10-12) Nakapupukaw-kaisipang pananalita, hindi ba? Ipinakikita nito na ang sinumang nagsisikap na maging lubos na perpekto ay mabibigo.

Isaalang-alang si apostol Pablo, na maliwanag na isang namumukod-tanging halimbawa sa espirituwalidad. Gayunman, maging si Pablo ay hindi nakapaglingkod sa Diyos nang walang pagkakamali. Ipinahayag niya: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin. Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:21-23) Tanging sa tulong ng Diyos maaaring maging tapat si Pablo bilang isang Kristiyano.

Mabuti na lamang, hindi humihiling o umaasa ang Diyos ng kasakdalan sa atin. “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Sa bagong sanlibutan lamang ng Diyos maaabot ng mga tao ang kasakdalan sa wakas.

Baguhin ang mga Inaasahan

Samantala, hindi nga makatotohanang isipin na maaari kang maging lubos na perpekto. Sa katunayan, dapat mong asahan na magkakamali ka sa pana-panahon. (Roma 3:23) Aba, hindi pa nga natin namamalayan kung minsan na tayo’y nagkakamali! Ang Awit 19:12 ay nagsasabi: “Walang sinuman ang nakakakita ng kaniyang sariling pagkakamali.” (Today’s English Version) Ganito ang pagkakasabi ng isang kabataang nagngangalang Matthew: “Hindi ka perpekto​—walang sinuman sa Lupa ang perpekto. Kung inaasahan mong maging perpekto, hinding-hindi ka magiging maligaya. . . . Hindi ito makatotohanan, hindi ito posible.”

Taglay iyan sa isipan, bakit hindi baguhin ang ilan sa iyong mga inaasahan? Halimbawa, pinapagod mo ba ang iyong sarili sa pagsisikap na maging pinakamagaling sa isang bagay? Ipinakikita ng Bibliya na ang gayong nakapapagod na pagsisikap ay maaaring, sa diwa, maging “walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:4) Ang totoo ay, iilan ang nagtatagumpay sa pagiging pinakamagaling. At kahit na kung may maging pinakamagaling, karaniwan nang darating ang panahon na may ibang lilitaw na mas magaling.

Si apostol Pablo ay nagpayo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.” (Roma 12:3) Maging makatotohanan! Baguhin ang iyong mga inaasahan upang maipakita kapuwa ang iyong mga kakayahan at ang iyong mga limitasyon. Maghangad na maging mahusay, subalit huwag maghangad na maging perpekto. Magtakda ng isang espesipiko subalit maaabot na tunguhin.

Halimbawa, hinimok ni Pablo si Timoteo na maging isang “manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Oo, pinasisigla ni Pablo na maging mahusay ang isa, pero hindi ang maging perpekto. Sa katulad na paraan, magtakda ng makatuwirang mga tunguhin para sa iyong sarili. At kung hindi mo tiyak kung ano ang “makatuwiran,” ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang o sa ibang adulto na pinagkakatiwalaan mo.

Inirerekomenda pa nga ng ilan na subukin mong gawin ang ilang bagay na doo’y hindi ka magaling, gaya ng paglalaro ng isang bagong isport o pagtugtog ng isang instrumento sa musika. Totoo, habang natututuhan mo ang isang bagong bagay, makagagawa ka ng maraming pagkakamali. Subalit hindi naman masama iyan. Marahil ay tutulong ito sa iyo na makita na ang pagkakamali ay bahagi lamang ng proseso ng pagkatuto.

Anuman ang hangarin mong gawin​—ito man ay pagsulat ng isang report sa paaralan o may-kahusayang pagtugtog sa piyano ng isang piyesa​—isaalang-alang ang isa pang payo mula kay apostol Pablo: “Huwag magmakupad sa inyong gawain.” (Roma 12:11) Oo, huwag ipagpaliban ang mga bagay-bagay, dahil lamang sa natatakot kang mabigo.

Laging ipinagpapaliban ng isang kabataan ang mga proyekto niya sa paaralan sa pamamagitan ng pangangatuwirang “inoorganisa pa niya ang kaniyang sarili.” Bagaman kapuri-puri ang pag-oorganisa ng sarili, mag-ingat na huwag itong gamiting dahilan sa pagpapaliban ng gawain. Sa wakas ay natanto ng batang babaing ito na “kapag papipiliin kung ipapasa ang isang sanaysay sa paaralan na hindi lubusang nakasisiya sa iyo o ang hindi pagpapasa ng isang sanaysay, mas mabuting piliin ang pagpapasa ng sanaysay.”

Iwaksi ang Nakapipinsalang mga Kaisipan!

Walang alinlangan, hindi madaling gawin ang isang trabahong hindi perpekto. Maaaring lipos pa rin ng kritikal at negatibong mga bagay ang iyong isip. Ano ang magagawa mo? Ang totoo, nakapipinsala ang pagtutuon sa negatibong mga kaisipan. Kaya gumawa ng puspusang pagsisikap na alisin sa iyong isipan ang di-makatuwirang mga bagay tungkol sa iyong sarili. Tawanan mo ang iyong mga pagkakamali. Tutal, may “panahon ng pagtawa.” (Eclesiastes 3:4) Tandaan din, hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mapang-abusong pananalita​—kahit na ipinatutungkol natin ito sa ating sarili.​—​Efeso 4:31.

Sa halip na palaging kagalitan ang iyong sarili, ikapit ang mga pananalita sa Kawikaan 11:17: “Ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa, ngunit ang taong malupit ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling katawan.” Kaya isaalang-alang ang tanong na ito, Madali ba sa iyo na magkaroon ng mga kaibigan dahil sa pagkakaroon mo ng napakatataas na pamantayan? Marahil hindi. Marahil ay tinanggihan mo pa nga ang mga tao dahil sa hindi sila perpekto. Kaya, ano ang magagawa mo?

Ikapit ang utos ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Colosas 3:13) Oo, sa pamamagitan ng pagiging higit na makatuwiran sa kung ano ang iyong inaasahan sa iba, mas malamang na masiyahan ka sa pakikipagkaibigan!

Maitatanong mo, ‘Bakit ako iiwasan ng mga tao dahil sa aking pagiging perpeksiyonista?’ Buweno, isaalang-alang ang epekto sa iba ng pagsasabi mong mataas ang inaasahan mo sa iyong sarili. Ganito ang paliwanag ng aklat na When Perfect Isn’t Good Enough: “Ang labis-labis na pagrereklamo kapag nakakuha ka ng mababa sa markang A [pinakamataas na marka] sa isang eksamen ay maaaring nakaiinsulto sa mga kaibigang nakikipagpunyagi upang makakuha ng markang B [mas mataas sa katamtamang marka] o markang C [katamtamang marka].” Kaya pagsikapang bawasan ang pagiging negatibo at makasarili. Mas magugustuhan ng iba na makasama ka.

Ganito ibinuod ng kabataang si Carly ang bagay na ito nang sabihin niya: “Talagang sinasabihan ko ang aking sarili na iwaksi ang perpeksiyonismo.” Paano mo magagawa iyan? Bulay-bulayin ang mga bagay ayon sa pangmalas ng Diyos. Kung nahihirapan ka pa ring baguhin ang iyong pag-iisip tungkol sa bagay na ito, ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na Kristiyano sa inyong kongregasyon. Manalangin sa Diyos at hingin ang kaniyang tulong upang mabago ang iyong pag-iisip. Ang panalangin ay maaaring maging isang malakas na tulong upang mapaglabanan ang perpeksiyonismo.​—Awit 55:22; Filipos 4:6, 7.

Laging tandaan na hindi hinihiling ni Jehova ang kasakdalan; inaasahan lamang niya na maging tapat tayo sa kaniya. (1 Corinto 4:2) Kung ikaw ay nagsisikap na maging tapat, tunay na magiging maligaya ka sa iyong sarili​—kahit na hindi ka perpekto.

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan ang artikulong “Bakit Nadarama Kong Kailangan Akong Maging Perpekto?” sa aming labas ng Hulyo 22, 2003.

[Larawan sa pahina 17]

Maaaring hindi ka kumilos dahil sa natatakot kang mabigo

[Larawan sa pahina 18]

Ang pagsubok na pag-aralan ang bagong mga bagay ay makatutulong sa iyo na matanggap ang mga pagkakamali