Paglaya Mula sa Paninindak
Paglaya Mula sa Paninindak
‘Ang paninindak ay natututuhan, at anumang bagay na natutuhan ay maaaring burahin sa isipan.’—Dr. C. Sally Murphy.
KAPUWA ang maton at ang biktima nito ay nangangailangan ng tulong. Kailangang matutuhan ng maton kung paano siya makikitungo sa iba nang hindi inaabuso ang kaniyang kapangyarihan. At ang biktima ng paninindak ay nangangailangan ng ilang praktikal na pamamaraan upang maharap ang problema.
Kadalasan nang hindi alam ng maton kung paano makikisama sa iba at hindi niya nauunawaan ang damdamin ng kaniyang mga tinatakot. Kailangan siyang subaybayang mabuti at turuan kung paano wastong makikipagtalastasan. Ganito ang sabi ng aklat na Take Action Against Bullying: “Malibang matuto at magkapit ng bagong mga paggawi, patuloy na maninindak ang mga maton habang buhay. Sisindakin nila ang kani-kanilang asawa, mga anak, at posible ang kanilang mga nasasakupan sa lugar ng kanilang negosyo.”
Tulong Upang Hindi Maging Maton
Ang pagsasanay sa mga anak na magpakita ng empatiya habang bata pa sila ay makatutulong na maiwasan na sila’y maging mga maton. Isinasagawa ng mga edukador sa ilang lupain ang isang bagong paraan ng pagtuturo na tinatawag na pagsasanay sa empatiya. Ang tunguhin nito ay upang turuan ang mga estudyante na kasimbata ng limang taóng gulang na maunawaan ang damdamin ng iba at pakitunguhan ang mga tao nang may kabaitan. Bagaman kakaunti pa ang estadistika hinggil
sa pangmatagalang epekto nito, ipinahihiwatig ng unang mga resulta na yaong dumaan sa pagsasanay na ito ay hindi gaanong agresibo kung ihahambing sa mga hindi nakapagsanay rito.Bilang magulang, hindi mo dapat lubusang iasa ang gayong pagsasanay sa isang programa ng paaralan. Kung ayaw mong maging maton ang iyong anak, kailangan mong turuan siya sa salita at sa gawa kung paano pakikitunguhan ang iba nang may paggalang at dignidad. Ano ang makatutulong sa iyo? Malamang na taglay mo ang mainam ngunit di-pinahahalagahang mapagmumulan ng pagsasanay hinggil dito—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Paano ito makatutulong?
Una sa lahat, itinuturo nito nang maliwanag kung ano ang nadarama ng Diyos sa paninindak. Kinamumuhian niya ito! Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa Diyos: “Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Karagdagan pa, hindi bulag ang Diyos sa mga nangyayari. Iniulat ng Bibliya ang kaniyang pagkalungkot may kinalaman sa mga Israelita nang sila’y magdusa “dahil sa mga naniniil sa kanila at doon sa mga umaapi sa kanila.” (Hukom 2:18) Sa maraming pagkakataon, pinarusahan ng Diyos ang mga nag-aabuso sa kanilang kapangyarihan at mga nananakot sa mahihina at walang kalaban-laban.—Exodo 22:22-24.
Masusumpungan din sa Bibliya ang marahil ay pinakatanyag na tagubilin na ibinigay kailanman hinggil sa kung paano magpapakita ng empatiya. Ganito ang sabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang pagtuturo sa mga bata na ikapit ang Ginintuang Alituntunin—ang ibigin ito at mamuhay ayon dito—ay hindi madali; kailangan ang mabuting halimbawa, pagtitiyaga, at puspusang pagpapagal, lalo na dahil likas sa mga bata na maging makasarili. Ngunit sulit naman ang lahat ng pagsisikap na ito. Kapag natutuhan ng iyong anak na maging mabait at madamayin, kasusuklaman nila ang paninindak.
Tulong Para sa mga Biktima
Ang mga biktima ng paninindak, partikular na ang mga kabataan, ay napapaharap sa isang mahirap na hamon—ang manatiling mahinahon kapag ginigipit. Kapag may naninindak sa iyo, marahil ay gusto niyang mawalan ka ng pagpipigil sa iyong damdamin. Umaasa siya na magwawala ka dahil sa tindi ng galit o takot. Kapag nagwala ka dahil sa galit o umiyak at nasaktan o natakot, nakukuha ng maton ang gusto niya. Kaya baka tangkain niyang pukawin ang iyo’t iyon ding reaksiyon.
Ano ang maaari mong gawin? Isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi. Isinulat ang mga ito pangunahin na para sa mga kabataan, ngunit ang mga simulain ay maaari ring ikapit ng mga adulto sa pakikitungo sa mga maton.
◼ Manatiling mahinahon. Huwag magpadala sa galit. May-katalinuhang nagpapayo ang Bibliya: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit.” (Awit 37:8) Kapag hindi mo napigilan ang iyong galit, hinahayaan mong kontrolin ka ng maton, at malamang na makagawa ka ng mga bagay na pagsisisihan mo lamang.—Kawikaan 25:28.
◼ Sikaping iwaksi ang paghihiganti sa iyong isipan. Madalas na nakasasama pa nga ang paghihiganti. Sa paanuman, hindi talaga nagbibigay-kasiyahan ang paghihiganti. Naalaala ng isang dalagita nang bugbugin siya ng limang kabataan noong siya’y 16 na taóng gulang: “Nagpasiya ako sa aking puso, ‘Gaganti ako.’ Kaya humingi ako ng tulong sa aking mga kaibigan at naghiganti sa dalawa sa mga nambugbog sa akin.” Ano ang resulta? “Hindi pa rin ako nasisiyahan,” ang sabi niya. At sumamâ ang kaniya mismong paggawi pagkatapos nito. Tandaan ang matalinong mga salita ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.”—Roma 12:17.
◼ Kapag nagkakainitan na, umalis na kaagad. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kawikaan 17:14) Sa pangkalahatan, sikaping iwasan ang mahihilig manindak. Sinasabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”
◼ Kung nagpapatuloy ang paninindak, baka kailangan mo nang magsalita. Pumili ng panahong mahinahon ka, tingnan ang maton sa mata, at magsalita sa isang matatag at kalmadong tinig. Sabihin mo sa kaniya na hindi mo gusto ang ginagawa niya sa iyo—na hindi ito nakatutuwa kundi nakasasakit pa nga. Huwag kang mang-iinsulto o maghahamon.—Kawikaan 15:1.
◼ Ipakipag-usap sa isang responsable at nagmamalasakit na adulto ang tungkol sa paninindak. Maging espesipiko sa problemang ito, at humingi ng tulong kung paano haharapin ito. Gawin din ito kapag nananalangin ka sa Diyos, at maaari itong maging isang kamangha-manghang 1 Tesalonica 5:17.
pagmumulan ng tulong at kaaliwan.—◼ Tandaan na mahalaga ka bilang indibiduwal. Baka gusto ng maton na isipin mong wala kang halaga, na karapat-dapat kang pakitunguhan nang masama. Subalit hindi siya ang iyong hukom. Ang Diyos ang iyong hukom, at hinahanap niya ang mabuti sa bawat isa sa atin. Ang maton ang siyang nawawalan ng halaga dahil sa gayong paggawi.
Mga Magulang—Protektahan ang Inyong mga Anak
Maaari ring magsimula nang maaga ang mga magulang sa paghahanda sa kanilang mga anak na pakitunguhan nang may katalinuhan ang mga maton. Halimbawa, maaari silang maglaro kasama ng kanilang mga anak na isinasadula kung paano magpapakita ng kumpiyansa sa sarili.
Maging ang tindig—ang pagtayo nang tuwid—ay maaaring magbigay ng di-tuwirang mensahe na nagpapahina sa loob ng mga maton. Ang pagtingin sa mata kapag nakikipag-usap, pananatiling nakarelaks ang mga kamay at bisig, at pagsasalita nang may matatag at maliwanag na tinig ay makatutulong din. Hinihimok ang mga magulang na turuan ang kanilang anak na umalis sa mainit na situwasyon, umiwas sa mga maton, at humingi ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang adulto, tulad ng guro.
Ang pag-alis sa hilig na manindak ay nagsisimula sa pagtuturo sa pamilya. Ang mga magulang na madaling lapitan ng kanilang mga anak, nakikinig nang may pagtitiyaga at empatiya sa mga hinaing nila, ay nagkikintal sa kanilang isipan na sila’y pinahahalagahan, sinusuportahan, at minamahal. Ang maraming propesyonal na tagapayo sa larangan ng pagiging magulang at pagkakaroon ng mga problema sa mga kasamahan ay humihimok sa mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na magkaroon ng positibong pangmalas sa kanilang sarili. Ang pagkakaroon ng gayong kapuri-puring pananaw ay makatutulong sa kanila upang hindi makursunadahan ng mga maton.
Ngunit higit pa sa pag-uusap ang kailangan. Ang bawat miyembro ng pamilya ay dapat matutong makitungo sa iba nang may paggalang at dignidad at maglinang ng empatiya. Kaya huwag payagan ang anumang paninindak sa inyong sambahayan. Gawin mong isang ligtas na kanlungan ang iyong tahanan, kung saan nananaig ang paggalang at pag-ibig.
Ang Wakas ng Paninindak
“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Ganiyan ang pagkakabuod ng Bibliya sa kasaysayan ng tao. Sa katunayan, matagal nang sinasalot ng paninindak ang sangkatauhan. Ganito ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Ako ay nagbalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.”—Eclesiastes 4:1.
Gayunman, tiyak na nakikita ng Diyos ang lahat ng paninindak na nagaganap sa daigdig, at nahahabag siya sa mga sinisiil. Pero may gagawin kaya siya hinggil dito? Oo, mayroon! Pansinin ang kaniyang pangako na masusumpungan sa Mikas 4:4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”
Isip-isipin na lamang kung ano ang magiging kalagayan ng daigdig kapag natupad ang pangakong iyan. Walang sinuman ang magpapanginig sa iba dahil sa takot—walang mga maton! Hindi ba’t kaakit-akit iyan? Ngunit higit pa sa pagbibigay ng pangakong iyan sa hinaharap ang nagawa na ng Diyos. Isinasagawa na ngayon sa buong daigdig ang isang napakabisang edukasyon sa Bibliya. Nag-aani na ito ng positibong mga resulta. Yaong mga nakikibahagi rito ay naturuang baguhin ang kanilang agresibong personalidad, manatiling mapayapa sa isa’t isa, at pakitunguhan ang iba nang may paggalang at dignidad. (Efeso 4:22-24) Sa napakalapit nang panahon, ang mga epekto ng pinakamainam na pagtuturong ito ay lalaganap sa buong lupa, at ang problema ng paninindak ay hindi na iiral. Ang mga pangako ng Diyos na iniulat sa Bibliya ay magkakatotoo. Kung gayon, ang lahat ng mabubuhay roon ay makapagtatamasa ng isang daigdig na walang mga maton!
[Larawan sa pahina 8]
Hindi kahiya-hiyang iwan ang isang maton
[Larawan sa pahina 9]
Sa isang kaayaayang kalagayan ng pamilya, tinuturuan ang mga bata na harapin ang lahat ng uri ng paninindak
[Mga larawan sa pahina 10]
Turuan ang inyong mga anak na magsalita para sa kanilang sarili sa isang matatag ngunit mataktikang paraan