Paninindak—Ilang Sanhi at Epekto
Paninindak—Ilang Sanhi at Epekto
BAKIT nagsisimulang manindak ang isang bata sa iba? Kung ikaw ay naging biktima na ng isang maton, baka matukso kang magsabi, “Wala akong pakialam! Hindi dapat palampasin ang gayong paggawi.” At marahil ay tama ka nga. Ngunit malaki ang pagkakaiba ng dahilan at ng katuwiran. Ang mga dahilan kung bakit nagiging maton ang isang bata ay hindi nagbibigay-katuwiran sa maling paggawi, ngunit maaari itong makatulong sa atin na maunawaan ito. At maaaring mahalaga nga ang gayong kaunawaan. Paano?
Ganito ang sinabi ng isang sinaunang kawikaan: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” (Kawikaan 19:11) Ang pagkagalit sa iginawi ng isang maton ay maaaring lumito sa atin, anupat nalilipos tayo ng pagkasiphayo at pagkapoot pa nga. Ngunit ang pag-unawa sa kaniyang paggawi ay maaaring tumulong na pahupain ang ating galit. Ito naman ang magpapahintulot sa atin na magkaroon ng higit na kaunawaan habang hinahanap natin ang mga solusyon. Kaya isaalang-alang natin ang ilang sanhi ng di-katanggap-tanggap na paggawing ito.
Ano ang Sanhi ng Paninindak?
Sa maraming kaso, ang mga taon ng paglaki ng maton ay nababahiran ng masamang halimbawa ng mga magulang o tahasang pagpapabaya ng mga ito. Maraming maton ang nagmumula sa mga tahanan kung saan ang mga magulang ay walang pagmamahal o walang interes, o sa diwa ay nagturo sa mga anak nila na gumamit ng galit at karahasan sa pagharap sa mga problema. Maaaring hindi ituring ng mga batang pinalaki sa gayong kapaligiran na ang kanila mismong berbal at pisikal na pagsalakay ay paninindak; baka akalain pa nga nilang ang kanilang paggawi ay normal at katanggap-tanggap.
Isang 16-na-taóng-gulang na dalagita na sinindak sa kanilang tahanan ng kaniyang amain at sa paaralan ng kaniya namang mga kaeskuwela ang nagsabi na siya’y naging maton din noong kaniyang ikapitong grado. Inamin niya: “Talagang naipon nang naipon ang galit sa aking dibdib; basta nakukursunadahan ko lang ang kahit sino. Matindi ang epekto ng kirot. Minsang makaramdam ka ng kirot, gusto mong ipasa ito sa iba.” Bagaman maaaring hindi pangkaraniwan sa mga babaing maton ang gayong pisikal na pagsalakay, *
ang galit naman sa likod niyaon ay pangkaraniwan.Maraming paaralan ang may napakaraming estudyante na iba’t iba ang pinagmulan, na pinalaki sa iba’t ibang paraan. Nakalulungkot na ang ilang bata ay agresibo dahil itinuro sa kanilang tahanan na ang paninindak at berbal na pag-abuso sa iba ang pinakamainam na paraan upang makuha ang kanilang gusto.
Ang masama pa rito, madalas na mabisa nga yata ang gayong mga pamamaraan. Dalawang dekada nang pinag-aaralan ni Shelley Hymel, kasamang dekano ng edukasyon sa University of British Columbia, sa Canada, ang paggawi ng mga bata. Sinabi niya: “May mga batang nag-iisip kung paano nila makukuha ang gusto nila at nakalulungkot, mabisa nga ang paninindak. Nakukuha nila ang gusto nila—nakukuha nila ang kapangyarihan, katanyagan at atensiyon.”
Ang isa pang dahilan ng paglaganap ng paninindak ay ang kawalan ng pangangasiwa. Maraming biktima ang nakadaramang wala silang mahingan ng tulong—at ang masaklap nito, madalas na tama nga sila. Maingat na pinag-aralan ni Debra Pepler, direktor ng LaMarsh Centre for Research on Violence and Conflict Resolution sa York University ng Toronto, ang mga estudyanteng nasa paaralan at natuklasan niyang mga 4 na porsiyento lamang ng mga insidente ng paninindak ang nahahalata at naihihinto ng mga guro.
Gayunman, naniniwala si Dr. Pepler na mahalagang may mamagitan. Sinabi niya: “Hindi kayang lutasin ng mga bata ang problema dahil tungkol ito sa kapangyarihan, at tuwing may nakukursunadahan ang isang maton, lalong lumalakas ang kapangyarihan niya.”
Kung gayon, bakit hindi naisusumbong ang maraming kaso ng paninindak? Dahil kumbinsido ang mga biktima na kapag nagsumbong sila, magiging malala lamang ang mga bagay-bagay. Kaya sa isang antas sa mga taon ng kanilang pag-aaral, maraming kabataan ang nakasadlak sa kabalisahan at kawalang-katiwasayan. Ano ba ang mga epekto ng pamumuhay sa gayong kalagayan?
Pisikal at Emosyonal na mga Epekto
Isang ulat mula sa National Association of School Psychologists sa Estados Unidos ang nagsabi na araw-araw, mahigit sa 160,000 bata ang lumiliban sa paaralan dahil sa takot na sila’y makursunadahan ng mga maton. Maaaring ayaw nang ungkatin ng mga biktima ng paninindak ang hinggil sa paaralan o ang tungkol sa isang partikular na klase o gawain sa eskuwela. Baka sikapin nilang magpahulí sa paaralan araw-araw o lumiban sa mga klase o magdahilan pa nga upang hindi na talaga pumasok.
Paano makikilala ang mga batang biktima ng paninindak? Buweno, baka sila ay nagiging sumpungin, mainisin, mayamutin, o umaarteng pagod at gustong mapag-isa. Baka nagiging palaaway sila sa kanilang mga kasambahay o sa mga kasamahan at mga kaibigan. Maaari ring maranasan ng mga nakakakita sa paninindak ang masasamang epekto nito bagaman hindi sila kasangkot. Ang situwasyon ay pumupukaw ng matinding takot sa kanila, na nakababawas sa kanilang kakayahang matuto.
Gayunman, ganito ang sabi ng babasahing Pediatrics in Review: “Ang pinakamalubhang epekto ng paninindak para sa mga biktima at sa lipunan ay karahasan, lakip na ang pagpapatiwakal at pagpaslang. Ang pagkadama ng mga batang biktima na sila’y walang kalaban-laban ay maaaring napakatindi anupat sinasaktan ng ilan ang kanilang sarili o kaya’y gumaganti sila hanggang makapatay.”
Si Dr. Ed Adlaf, isang siyentipikong mananaliksik at propesor ng siyensiya ukol sa kalusugan ng bayan sa University of Toronto, ay nagpahayag ng pagkabahala na “yaong nasasangkot sa paninindak ay mas malamang na makaranas ng emosyonal na mga problema sa ngayon at sa hinaharap.” Noong 2001 taon ng pag-aaral, mahigit sa 225,000 estudyante sa Ontario ang sinurbey, at sa pagitan ng sangkapat at sangkatlo sa mga ito ang nasangkot sa isang uri ng paninindak, bilang biktima o bilang maton. Sa grupo ring iyon, 1 sa 10 ang talagang nag-isip na magpatiwakal.
Dahil sa patuluyang paninindak, ang biktima ay maaaring mawalan ng kumpiyansa sa sarili, magkaroon ng malulubhang karamdaman, at mawalan pa nga ng propesyon. Ang mga biktima ng paninindak ay maaaring dumanas ng sakit ng ulo, di-pagkakatulog, pagkabalisa, at panlulumo. Ang ilan ay nagkakaroon ng post-traumatic stress disorder. Bagaman ang pisikal na pagsalakay ay maaaring pumukaw ng napakaraming suporta at simpatiya para sa biktima, ang emosyonal na pagsalakay ay hindi gayon. Mahirap mahalata ang pinsala. Kaya sa halip na magpakita ng simpatiya, baka magsawa ang mga kaibigan at pamilya sa pakikinig sa mga reklamo ng biktima.
Masama rin ang epekto ng paninindak sa mga maton mismo. Kapag hindi ito naihinto habang bata pa, malamang na lálakí silang mga maton sa lugar ng trabaho. Sa katunayan, isinisiwalat ng ilang
pagsusuri na yaong naging mga maton noong bata pa sila ay nagkaroon ng gayong paggawi na nadala hanggang sa kanilang paglaki. Mas malamang din ang posibilidad na sila’y magkaroon ng rekord ng krimen kaysa sa mga hindi naging maton.Ang Epekto sa Pamilya
Ang paninindak sa lugar ng trabaho ay nakaaapekto sa katatagan at kapayapaan ng tahanan. Sa di-maipaliwanag na dahilan, maaari itong mag-udyok sa biktima na saktan ang kaniyang mga minamahal sa kanilang tahanan. Karagdagan pa, maaari itong umakay sa kabiyak o kapamilya ng biktima na labanan ang maton sa isang maling paraan ng pagpapakita ng suporta sa biktima. Sa kabilang dako naman, maaaring sisihin ng kabiyak ang kaniyang nabiktimang asawa dahil sa pagdudulot ng kaguluhan. Kapag ang gayong mga kaso ng paninindak ay nagtagal, maging ang mga asawang sumusuporta sa kanilang kabiyak ay iniuulat na nawawalan na ng pasensiya. Sa paglipas ng mga taon, malamang na mawasak ang pamilya.
Sa ilang pagkakataon, ang paninindak ay nagdudulot ng pagkawala ng propesyon at kabuhayan, ng paghihiwalay at diborsiyo, o ng pagpapatiwakal pa nga. Iniuulat ng kalahati hanggang dalawang sangkatlo ng mga biktima ng paninindak sa lugar ng trabaho sa Australia ang masasamang epekto sa kanilang matalik na pakikipag-ugnayan, tulad niyaong sa kanilang kinakasama, asawa, o pamilya.
Magastos ang Paninindak
Malaki ring gastos ang naidudulot ng paninindak sa lugar ng trabaho para sa mga nagpapatrabaho. Ang maton sa lugar ng trabaho ay maaaring isang amo na matalas ang dila o isang katrabaho na may maitim na balak, at maaaring ito’y isang lalaki o babae. Ang gayong mga tao ay sobrang istrikto, metikuloso, at nanghahamak ng iba sa pamamagitan ng negatibong mga komento at walang-tigil na pamimintas, anupat karaniwan nang hinihiya ang kanilang biktima sa harap ng iba. Bihirang umamin ang mga maton sa kanilang magaspang na pag-uugali o humingi ng tawad sa kanilang paggawi. Madalas na binibiktima nila ang mga manggagawang may kakayahan, matapat, at lubhang nagugustuhan ng mga kapuwa empleado.
Ang mga manggagawang nakararanas ng paninindak ay may tendensiyang maging di-gaanong mabisa sa trabaho. Ang produksiyon ng mga katrabahong nakasasaksi sa paninindak ay naaapektuhan din. Ang paninindak ay maaaring makabawas sa katapatan ng mga nagtatrabaho sa kanilang amo at makaapekto sa kanilang masikap na pagtatrabaho. Sinasabi ng isang ulat na ang industriya sa United Kingdom ay tinatayang nawawalan ng tatlong bilyong dolyar taun-taon dahil sa mga maton. At sinasabi na ang gayong paggawi ay nagdudulot ng mahigit sa 30 porsiyento ng mga karamdamang may kaugnayan sa kaigtingan.
Maliwanag na ang paninindak ay may epekto sa lipunan sa buong daigdig. Ang tanong ay, May magagawa ba upang masugpo ang problema at maalis ito?
[Talababa]
^ par. 6 Ang mga babaing maton ay karaniwan nang gumagamit ng mga taktikang gaya ng pagtanggi na isama sa barkada ang kanilang biktima at pagkakalat ng tsismis. Gayunman, waring dumarami na rin ang gumagamit ng pisikal na karahasan.
[Larawan sa pahina 7]
Nakalulungkot na karaniwan na ang paninindak sa lugar ng trabaho
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga biktima ng patuluyang paninindak ay maaaring makadama ng labis na pagkalungkot