Paninindak—Isang Pangglobong Problema
Paninindak—Isang Pangglobong Problema
“Kapag pumasok ka bukas sa paaralan, papatayin ka namin.”—Isang estudyanteng taga-Canada na nagngangalang Kristen ang nakatanggap ng pagbabantang iyan sa telepono mula sa isang di-nagpakilalang babae. *
“Hindi ako isang emosyonal na tao, ngunit umabot ako sa punto na hindi ko na gustong pumasok sa paaralan. Sumasakit ang tiyan ko, at tuwing umaga pagkatapos mag-almusal, nagsusuka ako.”—Naalaala ni Hiromi, isang estudyanteng tin-edyer sa Hapon, ang naranasan niyang paninindak.
NAPAHARAP ka na ba sa paninindak ng isang maton? Sa paanuman ay naranasan na iyan ng karamihan sa atin. Maaaring naganap ito sa paaralan o sa lugar ng trabaho, o baka sa bahay pa nga mismo—kung saan nakababahalang makita sa ngayon ang madalas na pag-abuso sa kapangyarihan. Halimbawa, isang reperensiya mula sa Britanya ang nagtaya na 53 porsiyento ng mga adulto ang berbal na sinisindak ng kanilang asawa o kinakasama. Ang mga maton at ang kanilang mga biktima ay maaaring mga lalaki o mga babae at mula sa anumang katayuan sa buhay saanmang bahagi ng daigdig.
Ano ba talaga ang paninindak? Karaniwan nang nasasangkot dito ang maraming maliliit na insidente na naiipon sa paglipas ng panahon sa halip na iisang insidente o ilang insidente lamang. Binanggit ng sikologong si Dan Olweus, isang tagapanguna ng sistematikong pag-aaral sa paninindak, ang karaniwang mga pagkakakilanlan ng paggawing ito, tulad ng likas na pagiging agresibo at kapansin-pansing paghahari-harian ng kinikilalang mas malakas.
Marahil ay walang iisang kahulugan ang makasasaklaw sa lahat ng aspekto ng paninindak, ngunit tinawag itong “kusa at may-kabatirang hangarin na saktan at ligaligin ang iba.” Naliligalig ang isa hindi lamang dahil sa aktuwal na nangyayari kundi dahil din sa takot sa posibleng mangyari. Maaaring kasama sa mga taktika ang nakasasakit na panunukso, walang-tigil na pamumuna, mga insulto, pagkakalat ng tsismis, at paghiling ng mga bagay na di-makatuwiran.—Tingnan ang kahon sa pahina 4.
Si Kristen, ang tin-edyer na binanggit sa pasimula, ay nakursunadahan ng mga maton sa kalakhang bahagi ng mga taon ng kaniyang pag-aaral sa eskuwela. Noong nasa elementarya pa siya, dinidikitan ng mga maton ang kaniyang buhok ng chewing gum, tinutukso siya sa kaniyang hitsura, at pinagbabantaang bubugbugin siya. Lalong lumala ang mga bagay-bagay noong nasa haiskul na siya—hanggang sa punto na nakatanggap siya sa telepono ng mga bantang papatayin siya. Ngayong edad 18 na, siya’y naghihinagpis: “Ang paaralan ay isang lugar kung saan dapat kang matuto, hindi upang pagbantaang patayin at bulyawan.”
Ganito ang komento ng isang propesyonal sa kalusugan sa isip: “Ito ay isang nakalulungkot ngunit karaniwang aspekto ng pakikipag-ugnayan ng tao at ng di-nakikitang mga impluwensiyang nag-uudyok sa kanila. May mga taong nasisiyahang manghamak ng iba.” Kapag lumala ang gayong paggawi, maaari itong humantong sa marahas na pagganti ng iba at sa trahedya pa nga. Halimbawa, isang empleado ng kompanya ng transportasyon na may kapansanan sa pagsasalita ang tinukso
at sinindak nang labis-labis anupat sa dakong huli ay pinatay niya ang kaniyang apat na katrabaho, at pagkatapos ay binaril niya ang kaniyang sarili.Pangglobo ang Paninindak
Ang paninindak sa mga batang nag-aaral sa eskuwela ay nagaganap sa buong daigdig. Isinisiwalat ng isang surbey na inilathala sa Pediatrics in Review na sa Norway, 14 na porsiyento ng mga bata ang mga maton o kaya’y biktima ng mga maton. Sa Hapon, 15 porsiyento ng mga estudyante sa elementarya ang nagsabi na sila ay sinisindak, samantalang sa Australia at sa Espanya naman, ang problema ay laganap sa 17 porsiyento ng mga estudyante. Sa Britanya, tinaya ng isang eksperto na 1.3 milyong bata ang nasasangkot sa paninindak.
Sinurbey ni Propesor Amos Rolider ng Emek Yizre’el College ang 2,972 mag-aaral sa 21 paaralan. Ayon sa The Jerusalem Post, natuklasan ng propesor na “65% ang nagreklamo na sila’y sinampal, tinadyakan, itinulak o niligalig ng kanilang kapuwa mag-aaral.”
Ang bagong tuso at mapaminsalang paninindak ay ang digital na paninindak—ang pagpapadala ng nagbabantang mga text message sa pamamagitan ng mga cellphone at mga computer. Gumagawa rin ang mga kabataan ng mga Web page na punô ng poot tungkol sa isang biktima ng paninindak, kasama ang personal na impormasyon. Ayon kay Dr. Wendy Craig ng Queen’s University sa Canada, ang paninindak na ito ay “lubhang nakasisira sa pagkatao ng batang biktima nito.”
Sa Lugar ng Trabaho
Ang paninindak sa lugar ng trabaho ay isa sa mabilis na nagiging pinakakaraniwang reklamo may kinalaman sa karahasan sa pinagtatrabahuhan. Sa katunayan, iniuulat ng ilang bansa na mas pangkaraniwan pa ito kaysa sa pagtatangi ng lahi o seksuwal na panliligalig. Taun-taon, humigit-kumulang 1 sa 5 taong nagtatrabaho sa Estados Unidos ang napapaharap sa paninindak.
Sa Britanya, isang ulat na inilabas noong 2000 ng University of Manchester Institute of Science and Technology ang nagsabi na sa 5,300 empleado mula sa 70 organisasyon, 47 porsiyento ang nag-ulat na nakasaksi sila ng mga insidente ng paninindak sa nakalipas na limang taon. Isang surbey ng European Union noong 1996, na salig sa 15,800 panayam sa 15 bansa nito, ang nagsiwalat na 8 porsiyento—mga 12 milyong manggagawa—ang napaharap sa paninindak.
Sa paaralan man o sa lugar ng trabaho, waring may iisang katangian ang lahat ng uri ng paninindak—ang paggamit ng lakas upang saktan o hiyain ang iba. Subalit bakit kaya sinisindak ng ilang tao ang iba? Ano ang mga epekto nito? At ano ang maaaring gawin hinggil dito?
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.
[Kahon sa pahina 4]
Iba’t Ibang Uri ng Maton
◼ Mga Maton na Nananakit sa Pisikal: Sila ang pinakamadaling makilala. Inilalabas nila ang kanilang galit sa pamamagitan ng pananampal, panunulak, o pananadyak sa kanilang piniling biktima—o sa pamamagitan ng paninira sa ari-arian ng biktima nila.
◼ Mga Maton na Nambubulas: Gumagamit sila ng mga salita upang saktan at hiyain ang kanilang biktima, sa pamamagitan ng kanilang pagbabansag, pag-iinsulto, o walang-tigil at masakit na panunukso.
◼ Mga Maton na Naninira ng Ugnayan: Nagkakalat sila ng mga paninira tungkol sa kanilang biktima. Ang paggawing ito ay pangunahin nang makikita sa mga babaing maton.
◼ Mga Biktimang Naging Maton: Ito ay mga biktima ng paninindak na naging mga maton na rin. Siyempre pa, ang kanilang pagiging biktima ay hindi nagbibigay-katuwiran sa kanilang paggawi; nakatutulong lamang ito na ipaliwanag ang dahilan ng paggawi nila.
[Credit Line]
Reperensiya: Take Action Against Bullying, nina Gesele Lajoie, Alyson McLellan, at Cindi Seddon