Pantaboy sa Insekto—Para sa mga Unggoy!
Pantaboy sa Insekto—Para sa mga Unggoy!
ANG tropikal na kagubatan sa Venezuela ay pinaninirahan ng napakatatalinong tsonggo, ang unggoy na capuchin na may nakaumbok na tuktok. Kapag sumapit na ang tag-ulan sa kagubatan na pinaninirahan ng unggoy, may lumilitaw rin na kasabay nito—mga kuyog ng mababagsik na lamok. Bukod sa nakayayamot ang mga ito, ang dumaragsang mga insektong ito ay mapanganib din. Karaniwan nang tangay nito ang mga itlog ng parasitikong bangaw (botfly) na nagdudulot ng nakapanghihina at nagnanaknak na mga bukol kapag naiturok sa balat ng unggoy.
Malamang na upang makapag-ingat sa paglusob na ito, pinapahiran ng mga capuchin ang kanilang buong katawan ng isang mabisa at likas na pantaboy—ang likido mula sa isang uri ng singsing-pari sa kagubatan (jungle millipede). Ang mga singsing-pari na ito ay naglalabas ng dalawang sangkap na mabisang panlaban sa mga insekto. Sa katunayan, ang likidong ito ay mas mabisa pa sa mga gawang-taong pantaboy na ginagamit ng militar!
Kaya, sa panahon ng tag-ulan, ang unggoy na capuchin na may nakaumbok na tuktok ay nagpapaikut-ikot sa banakal ng punungkahoy o kaya ay sa mga punso ng anay upang humanap ng mga singsing-pari na sampung sentimetro ang haba. Kapag nakakuha ito ng isa, ikinukuskos niya ang singsing-pari sa kaniyang buong katawan—mula ulo hanggang paa. “Gustung-gusto ng mga unggoy ang likido mula sa singsing-pari na ito anupat hanggang apat sa kanila ang naghahati-hati sa isang singsing-pari,” ang sabi ng Journal of Chemical Ecology. Kahit ang kinaugaliang pagpaparaya sa mga nakatataas, na makikita sa panahon ng pagkain at iba pang mga okasyon, ay hindi na sinusunod kapag kuskusan na ng singsing-pari.
[Larawan sa pahina 15]
Likido mula sa singsing-pari
[Credit Line]
Thomas Eisner/Cornell University
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Dr. Zoltan Takacs