Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sakuna sa Dagat—Trahedya sa Lupa

Sakuna sa Dagat—Trahedya sa Lupa

Sakuna sa Dagat​—Trahedya sa Lupa

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

ISANG sakuna sa ekolohiya at ekonomiya ang nagsimula noong Nobyembre 13, 2002, nang magkaroon ng tagas ang tangker ng langis na Prestige habang nasa karagatan ito. Nabigo ang mga pagsisikap na iligtas ang nasirang barko, at pagkatapos ng anim na araw​—na sa panahong iyon ay halos 20,000 tonelada ng langis ang tumagas​—ang tangker sa wakas ay nahati sa dalawa at lumubog, mga 200 kilometro mula sa baybayin ng Espanya.

Dala-dala ng tangker ang mahigit na 50,000 tonelada ng langis nang lumubog ito, at patuloy na tumatagas mula sa kasko nito ang mga 125 tonelada ng langis bawat araw. Nagkaroon ng bagong pagkalat ng langis sa tubig at walang tigil na inanod ang mga ito patungo sa baybayin. Ang pagiging malapot at nakalalason ng malagkit na panggatong na langis ay lalo nang nakapipinsala sa kapaligiran.

Ang amoy ng langis ay hindi nakayanan ng ilang boluntaryo na nagsikap na linisin ang mga dalampasigan. Karagdagan pa, namuo ang langis at naging alkitran na kumapit sa mga bato na parang chewing gum. “Isa ito sa pinakamalubhang pagkalat ng langis sa tubig sa kasaysayan,” ang hinagpis ni Michel Girin, direktor ng Centre of Documentation, Research and Experimentation on Accidental Water Pollution.

Mga Kabayanihan

Sa loob ng maraming linggo, daan-daang mangingisda ang pumalaot upang pigilan ang pagkalat ng langis sa tubig na nagbabanta sa kanilang kabuhayan. Puspusang nagsikap ang mga mangingisda upang tipunin ang langis bago nito paitimin ang kanilang mga dalampasigan at sirain ang isa sa pinakamayamang pángisdaan sa daigdig. Manu-manong inalis ng ilang lalaki ang mga tipak ng madulas na burak mula sa tubig. “Nakapapagod na trabaho iyon, ngunit kaming nasa maliliit na bangka ay wala nang ibang mapagpipilian,” ang paliwanag ni Antonio, isang lokal na mangingisda.

Habang nagsisikap ang mga mangingisda na pigilan ang pagkalat ng langis sa laot, libu-libong boluntaryo naman na nagmula sa buong Espanya ang nagtrabaho para linisin ang mga dalampasigan. Palibhasa’y balót ang buong katawan ng puting kasuutan na itinatapon pagkatapos gamitin at nakasuot ng mga maskara, mukha silang kasali sa biyolohikal na digmaan. Ngunit kabilang sa kanilang atas ang napakahirap na pagpapala ng langis at paglalagay nito sa mga timba upang maalis ito. Tulad ng mga mangingisda, ginamit pa nga ng ilang boluntaryo ang kanilang mga kamay upang alisin ang langis na nagparumi sa mga dalampasigan.

Kalunus-lunos na mga Epekto

“Akala ko’y mamamatay ako sa sama ng loob nang una kong makita ang itim na mga alon ng langis na sumasalpok sa pantalan sa Muxía,” ang sabi ni Rafael Mouzo, alkalde ng Corcubión sa hilagang Galicia, kung saan napinsala ang baybayin. “Ang pagtagas na iyon ng langis ay nakaapekto sa kabuhayan ng napakaraming tao sa aming bayan.”

Nakalulungkot, ang maganda at bagong pambansang parke ng Espanya, ang Las Islas Atlánticas (Mga Isla sa Atlantiko), ay isa sa malubhang naapektuhan ng mga pagkalat ng langis sa tubig. Malalaking langkay ng mga seabird ang namumugad sa hindi pa nagagalaw na limang islang ito malapit sa baybayin ng Galicia. Ang nakapalibot na sea shelf ay lalo nang mayaman sa mga uring buhay-dagat.

Sa pasimula ng Disyembre, 95 porsiyento ng baybayin ng parke ang nadumhan na ng langis. Tinataya ng mga ornitologo na mga 100,000 ibon ang maaapektuhan. Nakita pa nga ng mga maninisid ang malalaking tipak ng tumigas na langis na lumulutang sa sahig ng dagat at sumisira sa maselang ekosistema ng buhay-dagat.

Ganito ang ulat ni Jay Holcomb, na nag-organisa ng isang sentro para sa pagsagip sa mga ibon: “Kadalasan, namamatay ang mga ibon dahil sa pagkalunod o labis na ginaw. Nabababad sa langis ang mga pakpak, na sumisira sa kakayahan ng mga ito na labanan ang lamig at hindi tablan ng tubig. Karagdagan pa, nagpapabigat sa kanilang katawan ang malagkit na langis, kung paanong napabibigatan ang isang manlalangoy ng basang kasuutan. . . . Napakalaki ng kasiyahan namin na makapagligtas ng ilang ibon, kahit na kakaunti lamang ang mga ito.”

‘Isang Aksidente na Naghihintay na Mangyari’

Ang daigdig ay umaasa sa langis para sa enerhiya, ngunit para mapanatiling mababa ang presyo nito, ang langis ay madalas na ibinibiyahe sakay ng mapanganib at hindi namamantining mga barko. Kaya naman, inilarawan ng The New York Times ang situwasyong iyon bilang “isang aksidente na naghihintay lamang na mangyari.”

Ang Prestige ang ikatlong tangker na lumubog malapit sa baybayin ng Galicia sa nakalipas na 26 na taon. Mga sampung taon na ang nakalilipas, lumubog ang Aegean Sea malapit sa La Coruña sa hilagang Galicia at nagtapon ng 40,000 tonelada ng krudo, na mula rito ay hindi pa rin nakababawi ang ilang bahagi ng kalapit na mga baybayin. At noong 1976 ang Urquiola ay lumubog sa wawa ring iyon, na naging dahilan ng kapaha-pahamak na pagkalat ng mahigit na 100,000 tonelada ng langis sa tubig.

Dahil sa pinakabagong kasakunaang nangyari, nagpasiya ang European Union na ipagbawal ang lahat ng tangker ng langis na hindi doble ang kasko. Gayunman, malalaman natin kung ang hakbang na iyon ay makasasapat upang ipagsanggalang ang paulit-ulit na napinsalang baybayin ng Europa.

Maliwanag, hindi kayang garantiyahan ng mga gobyerno ng tao ang isang daigdig na walang polusyon​—ito man ay pagkalat ng langis sa tubig, nakalalasong basura, o polusyon sa hangin. Gayunman, umaasa ang mga Kristiyano sa panahon kapag pangangasiwaan na ng Kaharian ng Diyos ang pagbago sa ating planeta upang maging isang paraiso na hindi na kailanman magkakaroon ng polusyon.​—Isaias 11:1, 9; Apocalipsis 11:18.

[Picture sa pahina 20, 21]

Ang Prestige ay may kargang 50,000 tonelada ng langis nang lumubog ito

[Credit Line]

AFP PHOTO/DOUANE FRANCAISE