Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

St. Petersburg—Ang “Bintana sa Europa” ng Russia

St. Petersburg—Ang “Bintana sa Europa” ng Russia

St. Petersburg​—Ang “Bintana sa Europa” ng Russia

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA RUSSIA

“Sa mga gawa ni Peter ay giliw na giliw ako!/Nakabibighani ang pagiging simple at simetriya nito;/Ang tahimik at mayuming agos ng Neva/Sa pagitan ng mga daungang yari sa batong granito.”​—ALEKSANDR SERGEYEVICH PUSHKIN.

ANG kilalang tula ni Pushkin tungkol sa St. Petersburg, na bahagyang sinipi rito, ay nagtuon ng pansin sa tagapagtatag ng lunsod at sa kinaroroonan nito sa dulong hilaga, kung saan dumadaloy papasók ang Ilog Neva sa Dagat Baltic. ‘Pero,’ baka maitanong mo, ‘paano lumitaw sa isang latian sa gawing hilaga ang malaking lunsod na ito sa daigdig?’

Noong dakong huli ng ika-17 siglo, nahadlangan ang pag-unlad ng Russia dahil malayo ito sa dagat. Ang pangarap ng kabataang tsar ng Russia, si Peter the Great, ay magtatag ng isang “bintana sa Europa” para sa Russia na nasa anyong daang-labasan patungong dagat. Sa bandang timog, ang daang patungong Dagat na Itim ay hinaharangan ng Imperyo ng Ottoman. Kaya bumaling si Peter sa hilaga kung saan ang Sweden ang nagmamay-ari ng teritoryo na humahangga sa Dagat Baltic.

Para matupad ang kaniyang pangarap, noong Agosto 1700, nakipagdigma si Peter sa Sweden. Bagaman noong una ay hindi siya nagtagumpay sa kaniyang pakikipagdigma, hindi siya sumuko. Noong Nobyembre 1702, sapilitang pinaalis ni Peter ang mga Sweko sa Lawa ng Ladoga. Ang pinakamalaking lawa na ito sa Europa ay karugtong ng Ilog Neva na patungong Dagat Baltic, halos 60 kilometro ang layo. Lumaban ang mga Sweko mula sa isang tanggulan sa isang maliit na isla malapit sa dinadaluyan ng Neva mula sa lawa. Naagaw ni Peter sa mga Sweko ang tanggulang ito sa isla at muli itong pinangalanang Shlissel’burg.

Nang maglaon, nakipaglaban ang mga Sweko sa mga Ruso sa isang tanggulang tinatawag na Nienshants, malapit sa dinadaluyan ng Neva patungong Baltic. Noong Mayo 1703, ang garison ng mga Sweko ay lubusang nagapi. Dahil sa tagumpay na ito kung kaya nasakop ng mga Ruso ang buong delta. Agad-agad na nagtayo si Peter ng isang tanggulan sa kalapit na Isla ng Zayachy para maipagtanggol ang wawa ng Neva. Kaya noong Mayo 16, 1703, mga 300 taon na ang nakalilipas, nailatag ni Peter the Great ang unang bato na kilala sa ngayon bilang Peter-Paul Fortress. Ito ang tinatanggap na petsa ng pagkakatatag ng St. Petersburg, ipinangalan sa santong patron ng tsar, si apostol Pedro.

Pagbuo ng Isang Kabisera

Di-tulad ng maraming kabiserang lunsod, sa simula pa lamang ay isinaplano nang gawing isang kahanga-hangang kabisera ang St. Petersburg. Bagaman nasa dulong hilaga ito​—matatagpuan sa latitud na kinaroroonan ng Anchorage, Alaska sa ngayon​—itinuloy ni Peter ang pagtatayo. Ang mga kahoy ay nanggaling pa nga sa lugar ng Lawa ng Ladoga at sa Novgorod. Ang isang paraan para makakuha si Peter ng mga bato para sa pagtatayo ay sa pamamagitan ng pagpapataw ng kota. Ang sinumang Ruso na nagdadala ng mga paninda sa St. Petersburg ay kailangan ding magdala ng tiyak na bilang ng mga bato. Isa pa, ipinagbawal ni Peter ang pagtatayo ng mga bahay na bato, una sa Moscow at pagkatapos ay sa kaniyang buong imperyo. Bunga nito, nakapagtrabaho sa St. Petersburg ang mga mason na nawalan ng hanapbuhay.

Ang pagtatayo ng lunsod ay isinagawa sa tinatawag ng The Great Soviet Encyclopedia na “kakaibang bilis sa panahong iyon.” Di-nagtagal, naglitawan ang mga drenahe at kanal, mga pilote para sa pundasyon, mga lansangan, gusali, simbahan, ospital, at mga tanggapan ng gobyerno. Noong taóng itinatag ang lunsod, sinimulan ang pagtatayo sa isang pagawaan ng barko, na nakilala bilang Admiralty, anupat nang maglaon ay naging mga punong-himpilan ng plota ng mga Ruso.

Noong 1710, pinasimulan ang pagtatayo ng Summer Palace, ang tahanan ng mga tsar kung tag-araw. Noong 1712, inilipat ang kabisera ng Russia kasama na ang maraming tanggapan ng gobyerno mula sa Moscow tungo sa St. Petersburg. Ang unang batong palasyo ng lunsod, na naiingatan pa rin, ay natapos noong 1714. Itinayo iyon para sa unang gobernador ng lunsod, si Aleksandr Menshikov. Noong taon ding iyon, pinasimulang itayo ang Peter-Paul Cathedral sa loob ng tanggulan na gayundin ang pangalan. Ang napakataas na tore nito ang naging palatandaan sa lunsod. Itinayo rin ang Winter Palace sa Ilog Neva, subalit giniba ito noong 1721 at pinalitan ng istrakturang yari sa bato. Nang maglaon, itinayo noon ang kasalukuyang Winter Palace na may mga 1,100 silid. Ang napakarangyang palasyong ito ang naging sentro ng lunsod at siyang kinaroroonan ng kilalang Hermitage, ang museo ng Estado.

Kamangha-mangha ang pag-unlad ng St. Petersburg sa unang dekada nito. Iniulat na may mga 34,500 gusali ang nasa lunsod mismo pagsapit ng 1714! Walang tigil ang pagtatayo ng mga palasyo at naglalakihang mga gusali. Ang napakalakas na impluwensiya ng relihiyon sa kasaysayan ng Russia ay kitang-kita sa maraming gusali ng lunsod.

Halimbawa, nariyan ang Kazan Cathedral, na hating-bilog ang hugis at may kolonada sa harapan. Ang kahanga-hangang hitsura nito na makikita sa pangunahing kalsada ng lunsod, ang Nevsky Prospekt, ay gumanap ng malaking papel kung bakit tinawag ang kalsada na isa sa pinakamalalaking kalye sa daigdig. Nang maglaon, sinimulang itayo ang St. Isaac’s Cathedral. Mga 24,000 pilote ang ibinaon sa ilalim ng malating lupa nito upang magsilbing suporta sa gusali, at 100 kilo ng purong ginto ang ikinalupkop sa napakalaking kupola nito.

Kamangha-mangha rin ang ginawang pagtatayo sa mga lugar na malayo sa St. Petersburg. Ang pagtatayo ng Great Palace, ang tahanan ni Peter, ay pinasimulan noong 1714 sa Peterhof, ngayo’y Petrodvorets. Samantala, itinayo naman sa kalapit na bayan ng Tsarskoe Selo, tinatawag ngayon na Pushkin, ang magarbong Catherine Palace para sa kabiyak ni Peter. Nang dakong huli ng siglo ring iyon, dalawang malalaking palasyo ang itinayo naman sa dalawang arabal sa bandang timog, ang Pavlovsk at Gatchina.

Ang kagandahan ng bagong gawang lunsod na ito ay lalong pinatingkad ng daan-daang tulay na ginawa sa maraming lagusan at kanal ng ilog. Kaya, kadalasang inilalarawan ang St. Petersburg bilang ang “Venice ng Hilaga.” Kasamang gumawa ng mga arkitektong Pranses, Aleman, at Italyano ang mga arkitektong Ruso upang itayo ang tinatawag ng The Encyclopædia Britannica na “isa sa pinakamaririlag at pinakamagkakatugmang mga lunsod sa Europa.”

Katatagan sa Kabila ng Kahirapan

Walang kamalay-malay ang mga kalaban ni Peter kung gaano kahigpit ang mga Ruso sa kanilang pagtatanggol sa St. Petersburg. Ang aklat na Peter the Great​—His Life and World ay nagpapaliwanag: “Mula nang araw na tumuntong si Peter the Great sa wawa ng Neva, ang lupain at ang lunsod na lumitaw roon ay nanatili sa mga kamay ng Ruso.”

Kaya, gaya ng sinabi ng siniping aklat sa itaas, “sa loob ng maraming siglo, walang manlulupig na sunud-sunod na lumusob sa Russia na may napakalalaking hukbo​—Charles XII, Napoleon, Hitler​—ang nakasakop sa daungan ni Peter sa Baltic, bagaman nakubkob ng mga hukbong Nazi ang lunsod sa loob ng 900 araw noong Digmaang Pandaigdig II.” Sa loob ng mahabang panahong iyon ng pangungubkob, halos isang milyon katao sa lunsod ang namatay. Marami ang nasawi dahil sa lamig at taggutom noong taglamig ng 1941/42, nang umabot ang temperatura sa -40 digri. Sa temperatura lamang na ito nagkakapareho ang antas na naitatala ng Celsius at Fahrenheit.

Noong 1914, nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I, ang pangalan ng lunsod ay pinalitan ng Petrograd. Nang mamatay noong 1924 ang unang pinuno ng Unyong Sobyet, si Vladimir Lenin, ang pangalan nito ay naging Leningrad. Sa wakas, noong 1991, sa pagbagsak ng Unyong Sobyet, ibinalik ang orihinal na pangalan ng lunsod na St. Petersburg.

Mga Ambag sa Daigdig

Noong 1724, ang taon bago namatay si Peter sa edad na 52, naitatag ang Russian Academy of Sciences ayon sa kaniyang utos, at noong 1757 ay naitatag naman sa lunsod ang Academy of Arts. Doon nag-aral at nang maglaon ay nakilala sa buong daigdig ang ika-19 na siglong mga pintor na Ruso na sina Karl Bryullov at Ilya Repin.

Noong 1819, itinatag ang St. Petersburg State University, at nang maglaon ay naglitawan na rin ang maraming iba pang institusyon para sa matataas na edukasyon. Sa dulo ng ika-19 na siglo, ang Rusong pisyologo na nagwagi ng Nobel Prize na si Ivan Pavlov, na isang residente ng St. Petersburg, ang nakabuo ng ideya hinggil sa nakondisyong pagtugon (conditioned reflex). At doon din nabuo ng kimikong Ruso na si Dmitry Mendeleyev ang kaniyang periodic table ng mga elemento, o Mendeleyev’s table, gaya ng kilala sa Russia.

Ang kultura ng lunsod ay napansin din sa buong daigdig. Noong 1738, naitatag ang isang akademya sa sayaw, na nang dakong huli ay nakilala sa daigdig bilang Mariinsky Ballet. Hindi nagtagal, gumanda ang lunsod dahil sa maraming bulwagan at teatrong pam-ballet at pangkonsiyerto. Nanirahan sa St. Petersburg ang bantog na mga mangangatha ng musika, kasali na si Pyotr Ilich Tchaikovsky. Nakilala siya sa kaniyang walang-kupas na musika gaya ng mga tugtugin sa classical ballet na Sleeping Beauty, Swan Lake, at The Nutcracker gayundin sa kaniyang bantog na katha na 1812 Overture.

Sa St. Petersburg din nakapag-aral ang maraming bantog na mga makata at manunulat na Ruso na doon nanirahan. Nang maglaon, itinuring ng marami ang kabataang si Aleksandr Sergeyevich Pushkin bilang ang “pinakamahusay na makata at ama ng makabagong panitikan ng Russia.” Ang naging pambatò ng Russia kay Shakespeare ay si Pushkin, na ang mga akda ay isinalin sa lahat ng malalaking wika at isa na rito ang oda sa lunsod na itinuring niyang tahanan, na sinipi sa pasimula. Isa pa, nariyan din si Dostoyevski, na “karaniwang itinuturing bilang isa sa pinakamagagaling na nobelista na nabuhay kailanman,” ang sabi ng The Encyclopædia Britannica.

Kaya masasabi na anuman ang tinanggap ng St. Petersburg mula sa Europa sa hamak na pasimula nito, maraming ulit naman nitong sinuklian ng saganang pakinabang ang Europa. Tiyak na pinagyaman ng mga mamamayan nito ang kultura ng daigdig sa loob ng maraming taon.

Isang Panahon ng Pagbubulay-bulay

Noong linggo ng Mayo 24 hanggang Hunyo 1, daan-daang bisita sa St. Petersburg ang nakiisa sa pagdiriwang ng ika-300 taóng anibersaryo nito. Dahil sa nasiyahan sila sa bunga ng napakalaking paghahanda, marami ang nagbulay-bulay sa kagandahan at kahanga-hangang kasaysayan ng lunsod.

Nagkataon naman, isang linggo bago nito, marami ang bumisita sa St. Petersburg para sa pag-aalay ng pinalaking mga pasilidad ng tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, na nasa karatig-pook ng lunsod. Kinabukasan, 9,817 ang nagtipon sa Kirov Stadium sa St. Petersburg upang pakinggan ang kapuwa repaso ng programa sa pag-aalay at nakapagpapasiglang mga ulat tungkol sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa.

Napakarami ang Makikita

Kadalasang nadarama ng maraming bisita sa St. Petersburg na pagkarami-raming bagay ang makikita roon anupat hindi nila alam kung saan magsisimula. Gayon ang problema sa Hermitage. Tinataya na kung gugugol ang isang tao ng isang minuto sa bawat bagay sa daan-daang silid ng mga displey, ilang taon ang gugugulin niya para matapos ang paglilibot.

Itinuturing ng iba na ang ballet ang pinakamagandang makita sa St. Petersburg. Halimbawa, sa bantog na Mariinsky Theater, makapanonood ang isa sa ilalim ng marangya at kristal na mga aranya na nakapalibot sa kumikinang na mga patsada at dingding sa loob ng gusali, na kinalupkupan ng halos 400 kilo ng ginto. Sa ganitong tanawin mapanonood ang posibleng ilan sa pinakamahuhusay na ballet sa daigdig.

Ang paglalakad-lakad lamang sa lunsod na ito na may mga limang milyong mamamayan ay nakasisiyang karanasan na dahil sa pagkakita sa mariringal na gusali sa kahabaan ng Ilog Neva. Masisiyahan ka sa kultura nito sa pagsakay pa lamang sa kamangha-manghang subwey ng lunsod, ang isa sa pinakamalalalim sa buong daigdig. Mahigit sa dalawang milyon katao ang sumasakay sa subwey araw-araw, na naglalakbay sa mahigit na 50 istasyon at sa riles na halos 98 kilometro ang haba. Ang ilang istasyon ay kabilang sa pinakamagaganda sa buong daigdig. Noong 1955, ang taon na nagbukas ang subwey, tinawag ng The New York Times ang mga istasyon bilang “isang hilera ng mga palasyo sa ilalim ng lupa sa ikadalawampung siglo.”

Tunay ngang mapahahanga ka sa St. Petersburg​—sa kagila-gilalas na pagkakagawa at pag-unlad nito, gayundin sa walang-kupas na pamana ng kagandahan, sining, kultura, edukasyon, at musika nito. Anuman ang hilig nila, maaaring sumang-ayon ang mga bisita sa reperensiyang akda na nagtaguri sa St. Petersburg bilang “isa sa pinakamagagandang lunsod sa Europa.”

[Larawan sa pahina 23]

Si Peter the Great, ang tagapagtatag ng lunsod

[Larawan sa pahina 24]

Ang Peter-Paul Fortress at ang katedral nito, kung saan itinayo ang mga pundasyon ng St. Petersburg

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang Winter Palace sa Ilog Neva, na kinaroroonan ngayon ng museo ng Hermitage (nasa kanan ang larawan ng loob nito)

[Credit Line]

The State Hermitage Museum, St. Petersburg

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang Great Palace

[Larawan sa pahina 25]

Ang St. Petersburg ay tinawag na Venice ng Hilaga

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang Mariinsky Theater na bantog sa buong daigdig

[Credit Lines]

Steve Raymer/National Geographic Image Collection

Photo by Natasha Razina

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang mga istasyon ng subwey ng St. Petersburg ay tinaguriang “mga palasyo sa ilalim ng lupa”

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Larawan sa itaas: Edward Slater/Index Stock Photography; ipinintang larawan at mga sagisag: The State Hermitage Museum, St. Petersburg