Ang Di-magandang Aspekto ng Pagiging Kaakit-akit ng Moda
Ang Di-magandang Aspekto ng Pagiging Kaakit-akit ng Moda
WALANG alinlangan na ang pagsunod sa uso ay makatutulong sa iyo para mapaganda ang iyong hitsura at madagdagan ang iyong kumpiyansa sa sarili. Maaaring bawasan ng angkop na pananamit ang ilang pisikal na kapintasan at patingkarin pa nga ang iyong magagandang katangian. May epekto rin ito sa kung ano ang tingin ng iba sa iyo.
Subalit may di-magandang aspekto ang daigdig ng moda na hindi maipagwawalang-bahala ng isa. Ang mga mamimili ay maaaring mabitag sa walang katapusang pagbili ng kanilang mga damit. Tutal, patuloy namang naglalabas ng bagong mga istilo ang industriya ng damit. Hindi naman ito nagkataon lamang, sapagkat ang mga tindahan ng usong mga damit ay kumikita nang mas malaki kapag madaling mawala sa uso ang mga damit. Gaya ng sinabi ng tagadisenyo na si Gabrielle Chanel, “ginawa ang moda para maluma ang uso.” Kaya, ang mapaniwalaing mamimili ay baka makadama na obligado siyang bumili ng bagong mga damit upang makasunod sa moda.
Nariyan din ang panganib ng pagsunod sa tusong panggigipit ng anunsiyo. Ang mga kompanya ng moda ay gumugugol ng milyun-milyong dolyar upang ipakilala ang kanilang mga produkto, anupat kadalasang ipinakikita ang isang masayang pamumuhay na waring tinatamasa ng nagsusuot ng mga damit na may tatak nila. Napakalakas ng impluwensiya ng mga mensaheng ito. “Wala nang ikinababalisa ang mga tin-edyer kundi ang pagkakaroon ng sapatos na may ‘tamang tatak,’” ang sabi ng isang guro sa Espanya.
Ang Pang-akit ng mga Moda
May ilang grupo na nagsusuot ng isang pantanging istilo ng pananamit upang ipakilala ang kanilang sarili. Ang kanilang isinusuot ay maaaring maghatid ng mensahe ng pagtatakwil sa lipunan, isang liberal na istilo ng pamumuhay, o maging ng mga prinsipyong mararahas o nagtatangi ng lahi. Bagaman nakapangingilabot o nakagigitla ang ilan sa mga istilong ito, karaniwan nang napakalakas ng impluwensiya nito sa grupo upang makisunod. Maging ang mga taong hindi sumusuporta sa mga prinsipyo ng grupo ay maaaring maakit sa istilo. Ang mga sumusunod sa usong mga damit na iyon ay maaaring magbigay ng impresyon sa iba na sila’y nakikiisa at nagtataguyod ng pangunahing mga paniniwala ng grupo.
Karaniwan nang pabalik-balik lamang ang moda, ang ilan ay nauulit sa loob ng ilang buwan. Maaaring magmula ang mga ito sa isang kilalang manunugtog o iba pang nagpapauso. Ngunit may ilang moda na nagiging permanenteng mga istilo na. Halimbawa, ang pantalong maong ay naging popular sa mga kabataang nagpoprotesta noong mga dekada ng 1950 at 1960. Subalit ngayon, ang mga ito’y isinusuot ng mga tao na may sari-saring edad sa iba’t ibang okasyon.
Ang Paghahangad Para sa Isang Perpektong Katawan
Ang mga taong masyadong dumidibdib sa moda ay maaaring maging labis na mabahala sa kanilang hitsura. Ang mga modelo ng moda ay karaniwan nang matatangkad at balingkinitan, at laging nakatambad sa atin ang kanilang mga larawan. * Ginagamit ang “tamang” pangangatawan upang magbenta ng lahat ng bagay mula sa mga kotse hanggang sa mga kendi. Tinataya ng Social Issues Research Centre ng Britanya na “ang mga kabataang babae sa ngayon ay mas maraming nakikitang larawan ng ubod-gandang mga babae sa loob ng isang araw kaysa sa nakita ng ating mga ina sa buong panahon ng kanilang kabataan.”
Ang pagdagsa ng mga larawang ito ay may masamang epekto. Halimbawa, sa Estados Unidos, natuklasan sa isang surbey na sinipi ng Newsweek na 90 porsiyento ng puting mga tin-edyer ay hindi nasisiyahan sa kanilang katawan. Gagawin ng ilan sa * Ganito ang inamin ng modelong Kastila na si Nieves Álvarez, na nagkaroon ng anorexia: “Mas takót akong bumigat ang aking timbang kaysa mamatay.”
mga ito ang lahat ng bagay para lamang magkaroon ng ‘pinakamimithing katawan.’ Ngunit, sinabi ng Social Issues Research Centre na wala pang 5 porsiyento ng mga kababaihan ang nakaaabot sa pinakamimithing timbang at sukat na ipinakikita sa media. Magkagayunman, ang pagkahumaling sa napakapayat na katawan ay umakay sa milyun-milyong kabataang babae na maging sunud-sunuran na lamang. Napasadlak ang ilan sa pagkakaroon ng anorexia nervosa dahil dito.Totoo, ang mga sakit na nauugnay sa pagkain gaya ng anorexia at bulimia ay maaaring sanhi ng maraming iba pang salik. Gayunman, sina Dr. Anne Guillemot at Michel Laxenaire ay nagsabi: “May pananagutan ang pagkahumaling sa pagiging payat.”
Maliwanag, ang moda ay may positibo at
negatibong epekto. Nasasapatan nito ang karaniwang pagnanais ng tao na maging presentable at magkaroon ng bagong maisusuot. Subalit ang pagiging labis sa moda ay maaaring umakay sa atin na magsuot ng mga damit na magbibigay ng maling impresyon sa iba. At kung masyado tayong magpapahalaga sa hitsura, baka ayunan natin ang maling paniniwala na ang ating halaga ay nakadepende sa ating panlabas na hitsura sa halip na sa ating panloob na pagkatao. “Kailangang mas pahalagahan natin ang kakayahan at panloob na pagkatao ng isa, sa halip na basta panlabas na anyo lamang,” ang sabi ni Álvarez, na naunang sinipi. Subalit ang gayong mga pagbabago sa pamantayan ay malayong mangyari agad. Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng timbang na pangmalas sa moda?[Mga talababa]
^ par. 9 Ang mga modelo ay karaniwang inaasahang “di-kukulangin sa 5 talampakan 9 na pulgada ang taas, halos buto’t balat, makapal ang labi, mataas ang buto sa pisngi, malalaki ang mata, mahahaba ang binti at matangos, di-gaanong prominente ang ilong,” ang ulat ng magasing Time.
^ par. 10 Tinataya ng U.S. National Association of Anorexia Nervosa and Associated Disorders na walong milyong tao ang may sakit na anorexia sa Estados Unidos lamang at ang maraming kaso ay nakamamatay pa nga. Ang karamihan sa mga ito (86 na porsiyento) ay dumanas ng mga sakit na nauugnay sa pagkain bago pa man sila tumuntong sa edad na 21.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Mayroon ba Talagang Magsusuot Niyan?
Ang mga tindahan ng usong damit sa New York, Paris, at Milan ay nagpaparada ng piling mga kasuutan ng kilalang mga tagadisenyo tuwing tagsibol at taglagas. Bukod pa sa napakamamahal nito, marami sa mga disenyo nila ay waring talagang hindi praktikal, kung hindi man imposibleng isuot. “Ang magarbo at kakatwang mga disenyo na makikita mo ay hindi talaga ginawa para isuot ng publiko,” ang sabi ng Kastilang tagadisenyo na si Juan Duyos. “Ang layunin ng mga palabas ng usong damit ay upang higit na maituon ang pansin sa tagadisenyo o sa tatak kaysa sa magbenta ng mga damit na nakadispley. Halimbawa, ang isang kahanga-hangang koleksiyon na umaagaw ng pansin ng media ay makatutulong upang makapagbenta ng isang kilalang tatak ng pabango.”
[Larawan sa pahina 7]
Maaaring maging napakagastos ng pagsunod sa moda
[Larawan sa pahina 7]
Napasadlak ang ilan sa pagkakaroon ng “anorexia”
[Larawan sa pahina 7]
Baka maiugnay ka sa isang grupo dahil sa pagsunod mo sa ilang usong damit