Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagbabagong Anyo ng Moda

Ang Nagbabagong Anyo ng Moda

Ang Nagbabagong Anyo ng Moda

BATID man natin o hindi, ang ating pang-araw-araw na desisyon sa kung ano ang ating isusuot ay naiimpluwensiyahan ng moda sa paanuman. Sa katapus-tapusan, malaki ang impluwensiya ng moda sa kung ano ang mabibili.

Kahit ang mga damit na para sa atin ay pangkaraniwan lamang sa ngayon ay usung-usong istilo pala noon. Halimbawa, ang polo at kurbata ng lalaki ay usung-uso noong nakalipas na siglo. At ang pambabaing sweter ang nausong istilo noong dekada ng 1920.

Dalawang pangunahing pagnanais ang siyang nagpapasigla sa industriya ng moda​—ang pagiging naiiba at ang pagsunod sa uso. Gusto ng halos lahat na magsuot ng bago. Iyan ang dahilan kung bakit minsan ay bumibili tayo ng mga damit, hindi dahil sa luma na ang dati nating isinusuot, kundi gusto lamang nating magbago ng istilo. Isa pa, ayaw nating magmukhang makaluma, kaya bumibili tayo ng mga damit na sa paanuman ay sunod sa istilo ng ating mga kasama. Sa nagdaang mga siglo, binigyang-kasiyahan ng industriya ng damit​—sinamantala pa nga kung minsan​—ang mga hangaring ito na maging naiiba at nakasunod sa uso.

Isang Maikling Kasaysayan

Upang makabuo ng istilo, ginagamit ng mga tagadisenyo ang limang pangunahing elemento: kulay, lapat sa katawan ng tela, bagsak ng tela, pagkakahabi ng tela, at disenyo ng mga linya (line balance o mga disenyo ng tela). Ang mapagpipilian ng mga tagadisenyo at mananahi sa limang elementong ito ay dumami sa loob ng maraming taon. Halimbawa, sa sinaunang Ehipto, ang manipis na lino na gawa roon ang pinakapaboritong tela, at tamang-tama naman ito sa mainit na klima. Ngunit yamang hindi madaling itina ang lino, karaniwan nang isa lamang ang kulay nito​—puti. Gayunman, ang tela ay nilagyan ng mga tupi ng mga Ehipsiyong tagadisenyo ng damit upang magkaroon ng magandang bagsak at lapat sa katawan ang kanilang mga damit. Dahil dito, lumitaw ang isa sa pandaigdig na mga istilong nagtagal sa uso.

Pagsapit ng unang siglo C.E., nagkaroon ng bagong mga tela at mga kulay. Ang mayayamang Romano ay nag-angkat ng seda mula sa Tsina o India, bagaman naging kasingmahal ng ginto ang hinabing seda dahil sa gastos sa pag-angkat. Ang kinulayang lana mula sa Tiro ang isa pang nausong tela, na ang isang libra nito ay maaaring magkahalaga ng 1,000 denario​—tatlong taóng suweldo ng isang karaniwang manggagawa. Dahil sa bagong mga pantina at mga tela, ang mayayamang babaing Romano ay nakapagsuot ng estola​—isang mahaba at maluwang na panlabas na kasuutan​—na yari sa asul na koton mula sa India o marahil ay dilaw na seda mula sa Tsina.

Bagaman lumilitaw paminsan-minsan ang bagong mga istilo, ang mamahaling mga damit sa nagdaang mga panahon ay malamang na manatiling uso sa lahat ng panahon. Nagkaroon ng unti-unting pagbabago at karaniwan nang mga maharlika lamang ang apektado. Gayunman, dahil sa rebolusyong industriyal, higit na nakaimpluwensiya ang moda sa pangkaraniwang mga tao.

Noong ika-19 na siglo, nagsulputan ang malalaking industriya upang bihisan kapuwa ang mayayaman at mahihirap. Dumami ang mga pabrikang may makinarya para sa paggawa ng koton at lana, at bumaba ang presyo ng mga tela. Dahil sa mga makinang panahi, naging mas mura ang paggawa ng mga damit, at mas marami nang mapagpipiliang kulay dahil sa sintetikong mga pantina.

Mas malaki ang ginampanang bahagi ng mga pagbabago sa lipunan at teknolohiya sa pananamit ng pangkaraniwang mga tao. Mas maraming panggastos ang mga tao sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika. Noong dekada ng 1850, lumitaw ang mga pambabaing magasin, at hindi nagtagal pagkatapos nito ang mga department store ay nagkaroon ng mga damit na yari na sa pangkaraniwang mga sukat. Gayundin noong ika-19 na siglo, pinasimulan ni Charles Frederick Worth ang mga palabas ng mga usong damit, na suot ng mga taong modelo upang pukawin ang interes ng potensiyal na mga kliyente.

Noong ika-20 siglo, nagkaroon ng napakaraming mapagpipiliang mga tela ang mga may-ari ng pabrika dahil sa bagong mga sintetikong himaymay, gaya ng rayon, naylon, at polyester. Ang mga disenyong ginawa sa tulong ng computer ang nagpadali sa paglikha ng bagong mga istilo, at dahil sa globalisasyon, ang mga moda ng damit ay makikita nang halos magkakasabay sa Tokyo, New York, Paris, at São Paulo. Samantala, nakatuklas ang mga tagadisenyo at mga may-ari ng pabrika ng mga paraan upang maipakilala ang kanilang mga produkto.

Ang mga kabataan sa ngayon ang pumalit sa mayayaman sa pagiging napakahilig sa moda. Buwan-buwan, milyun-milyon sa kanila ang bumibili ng bagong mga damit , at gumagawa ang mga industriya ng damit ng daan-daang bilyong dolyar na halaga ng mga damit taun-taon. * Subalit may mga patibong ba ito?

[Talababa]

^ par. 12 Sa isang nakalipas na taon, ang halaga ng mga damit na ginawa ay tinayang nasa $335 bilyon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 4, 5]

Ang mga Nagpapauso

Sa loob ng maraming siglo, ang mga hari at maharlika ang nagtatakda ng mga pamantayan sa damit. Noong ika-17 siglo, ipinasiya ni Haring Louis XIII ng Pransiya na magsuot ng peluka upang takpan ang kaniyang pagkakalbo. Hindi nagtagal, ang mga Europeong maharlika ay nag-ahit ng kanilang ulo at nagsuot ng peluka​—isang istilo na tumagal nang mahigit sa isang siglo.

Noong ika-19 na siglo, ipinakilala ng pambabaing mga magasin ang moda at nagbigay pa nga ng murang mga padron upang makapanahi ng kanilang sariling mga damit ang mga babae. Noong ika-20 siglo, habang nagiging popular ang mga pelikula at telebisyon, inidolo sa buong daigdig ang mga artista at sila ang nagtakda ng moda. Ang tanyag na mga manunugtog ay nagsuot din ng kakatwang mga istilo, na ginaya agad ng maraming kabataan. Sa ngayon, walang gaanong nagbago, yamang mabisang nagagamit ng mga tagaanunsiyo ang mga palabas ng usong mga damit, makikintab na magasin, mga paskil, displey sa mga tindahan, at mga anunsiyo sa telebisyon upang maparami ang pangangailangan para sa bagong mga damit.

[Larawan]

Haring Louis XIII

[Credit Line]

From the book The Historian’s History of the World

[Larawan sa pahina 4]

Ang damit na linong ito ng sinaunang Ehipsiyo ay isa sa pandaigdig na mga istilong nagtagal sa uso

[Credit Line]

Photograph taken by courtesy of the British Museum

[Larawan sa pahina 4]

Sa sinaunang Roma, ang mga babae ay nagsuot ng estola

[Credit Line]

From the book Historia del Traje, 1917

[Larawan sa pahina 4, 5]

Ang kimono ay ginamit hanggang noong mga 650 C.E.

[Credit Line]

From the newspaper La Ilustración Artística, Volume X, 1891

[Larawan sa pahina 5]

Ang mamahaling damit sa nagdaang mga panahon ay malamang na manatiling uso sa lahat ng panahon

[Credit Line]

EclectiCollections

[Larawan sa pahina 5]

Ginawang posible ng rebolusyong industriyal na mas maging palaisip sa moda ang pangkaraniwang mga tao

[Credit Line]

EclectiCollections