Ang Pangmalas ng Bibliya
Ginagantimpalaan ba Tayo ng Diyos ng Kayamanan?
“Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—KAWIKAAN 10:22.
ANG sinipi bang teksto sa Bibliya na nasa itaas ay nangangahulugang ginagantimpalaan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod ng materyal na kayamanan? May mga taong naniniwala rito. Tingnan ang pag-aangkin ng isang Australianong Pentecostal na ministro at awtor: “Sa [aking] aklat ay sasabihin ko sa iyo kung bakit kailangan mo ng mas maraming salapi at pangalawa ay kung paano ka magkakaroon ng mas maraming salapi . . . Kung mababago mo ang iyong pag-iisip at magkakaroon ka ng tamang saloobin sa salapi, naniniwala akong lalakad kang taglay ang pagpapala at kasaganaan ng Diyos at hindi kailanman muling magkakaproblema sa salapi.”
Subalit ang gayong pag-aangkin ay nagpapahiwatig na walang paglingap ang Diyos sa mahihirap. Talaga nga bang tanda ng pagpapala ng Diyos ang materyal na kasaganaan?
Pinagpala Dahil sa Isang Layunin
Nakaulat sa Bibliya ang ilang pagkakataon kung saan ginantimpalaan ng Diyos ng kayamanan ang tapat na mga lingkod. Halimbawa, si Jacob ay umalis sa kaniyang tahanan na baston lamang ang dala subalit nang siya’y magbalik pagkaraan ng 20 taon, mayroon na siyang sapat na mga tupa, baka, at asno upang makabuo ng dalawang kampo. Ayon sa Bibliya, ang kasaganaan ni Jacob ay isang kaloob mula sa Diyos. (Genesis 32:10) Isa pang halimbawa: Nawala ang lahat ng ari-arian ni Job, subalit pagkaraan ay ginantimpalaan siya ni Jehova ng “labing-apat na libong tupa at anim na libong kamelyo at isang libong pareha ng mga baka at isang libong asnong babae.” (Job 42:12) Pinagkalooban ni Jehova si Haring Solomon ng napakalaking kayamanan anupat napabantog ito hanggang sa modernong panahon.—1 Hari 3:13.
Sa kabilang dako naman, marami ring ulat ang Bibliya tungkol sa tapat at masunuring mananamba ng Diyos na mahihirap. Tiyak na hindi pinaghihirap ng Diyos ang ilan bilang parusa at pinasasagana naman ang iba bilang pagpapala. Kung gayon, ano
kaya ang layunin ng Diyos sa pagkakaloob ng kayamanan sa ilang pagkakataon?Iba-iba ang sagot sa bawat pagkakataon. Ang pagkakaroon ni Jacob ng materyal na pagpapala ay bumuo ng isang pundasyon para sa pagtatatag ng isang bansa, bilang paghahanda sa darating na ipinangakong Binhi. (Genesis 22:17, 18) Ang kasaganaan ni Job ay maliwanag na nagpahiwatig kung sino ang nagdulot kay Job ng kalamidad, anupat nagpabanal ito sa pangalan ni Jehova. (Santiago 5:11) At ginamit naman ni Solomon ang kalakhang bahagi ng kaniyang bigay-Diyos na kayamanan upang maitayo ang isang maringal na templo. (1 Hari 7:47-51) Kapansin-pansin, ginamit din ni Jehova si Solomon upang isulat mula sa sarili niyang karanasan ang tungkol sa limitadong halaga ng kayamanan.—Eclesiastes 2:3-11; 5:10; 7:12.
Kung Paano Tayo Pinagpapala ng Diyos
Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng tamang saloobin sa salapi nang sabihin niya sa kanila na “huwag na kayong mabalisa” tungkol sa mga ari-arian. Ikinatuwiran niya sa kanila na kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nabihisang gaya ng mga liryo sa parang. Subalit sinabi ni Jesus: “Kung dinaramtan nga ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, . . . hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya?” Tiniyak ni Jesus sa mga Kristiyano na kung hahanapin muna ng kaniyang mga tagasunod ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, kung gayon, ang pagkain, pananamit, at tirahan ay idaragdag sa kanila. (Mateo 6:25, 28-33) Paano natupad ang pangakong iyan?
Ang payo ng Bibliya, kapag sinunod, ay nagdudulot lalo na ng espirituwal na mga pagpapala. (Kawikaan 10:22) Pero, may iba pang pakinabang dito. Halimbawa, nagtagubilin ang Salita ng Diyos sa mga Kristiyano: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap.” (Efeso 4:28) Sinasabi rin nito na “ang gumagawang may kamay na makupad ay magiging dukha, ngunit ang kamay ng masikap ang magpapayaman sa isa.” (Kawikaan 10:4) Ang tapat at masisipag na Kristiyano na sumusunod sa payong ito ang madalas na pinipili bilang mga empleado. Masasabing isa na itong pagpapala.
Itinuturo rin ng Bibliya sa mga Kristiyano na iwasan ang sakim na libangan ng pagsusugal, ang maruming gawain ng paninigarilyo, at ang nakagugupong bisyo ng paglalasing. (1 Corinto 6:9, 10; 2 Corinto 7:1; Efeso 5:5) Nasusumpungan ng mga sumusunod sa payong ito na nababawasan ang kanilang gastusin at bumubuti ang kanilang kalusugan.
Mas Mahalaga Pa sa Pilak o Ginto
Gayunman, hindi pa rin dapat umasa sa materyal na kasaganaan bilang tanging indikasyon ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Halimbawa, inilantad ni Jesus ang di-magandang kalagayan sa espirituwal ng ilang Kristiyano sa Laodicea nang sabihin niya sa kanila: “Sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi na nangangailangan ng anuman,’ ngunit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” (Apocalipsis 3:17) Sa kabaligtaran, sa mga Kristiyano sa Smirna na mahirap sa materyal pero malusog sa espirituwal ay sinabi ni Jesus: “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan—ngunit ikaw ay mayaman.” (Apocalipsis 2:9) Malamang na naghirap sa pinansiyal ang mga Kristiyanong ito sa kamay ng mga mang-uusig dahil sa kanilang katapatan, subalit tinaglay nila ang kayamanang mas mahalaga pa sa pilak o ginto.—Kawikaan 22:1; Hebreo 10:34.
Pinagpapala ng Diyos na Jehova ang mga pagsisikap ng mga nagpupunyaging gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 1:2, 3) Pinaglaanan niya sila ng lakas at kakayahan upang harapin ang mga pagsubok, upang mapaglaanan ang kanilang pamilya, at upang hanapin muna ang kaniyang Kaharian. (Awit 37:25; Mateo 6:31-33; Filipos 4:12, 13) Samakatuwid, sa halip na malasin ang materyal na mga bagay bilang pangunahing pagpapala ng Diyos, ang tunay na mga Kristiyano ay nagsisikap na maging “mayaman sa maiinam na gawa.” Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang malapít na kaugnayan sa Maylalang, ang mga Kristiyano ay “maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap.”—1 Timoteo 6:17-19; Marcos 12:42-44.