Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena

Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena

Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

Ang impresyon habang papalapít sa isang natutulog na abuhing balyena, higit sa lahat, ay ang sobrang kalakihan nito. Nakagugulat at nakapanliliit ang hitsura ng balyena. Paminsan-minsan ay maririnig mo ang paghinga nito at marahil ay matitilamsikan ka nito. Sa sandaling ito, natatanto ng tao na siya’y papalapit sa isang kinapal na hindi niya mapagwari kung ano; isang kababalaghang nakapaloob sa isang di-kapani-paniwalang itim na katawang hugis silinder.​​—Jacques-Yves Cousteau, manggagalugad ng dagat.

TAMANG-TAMA ang pagkakalarawan ng mga pangungusap na ito sa itaas sa aming nadama habang papalapit ang maliit naming bangkang de-motor sa abuhing balyena (gray whale) na nasa nangingislap na tubig ng Magdalena Bay sa Baja California, Mexico. Malaon na naming pinangarap na makita ang dakilang mga kinapal na ito, na nandarayuhan taun-taon sa dagat-dagatan ng Baja upang magparami.

Pinatay ng aming guide ang motor at tahimik na sumagwang papalapít. Waring walang kamalay-malay ang mga balyena sa aming paglapit. Pinanood namin ang ritwal ng kanilang pagliligawan habang sila’y nagpapagulung-gulong, nagpapapulandit ng tubig, at sumisisid, sabay pagmamalaki sa kanilang buntot. Ang ilan sa kanila ay “naniniktik”​—isinusungaw ang kanilang ulo sa tubig at nagmamatyag sa kanilang paligid.

Sinabi sa amin ng guide na bagaman hindi kami puwedeng lumapit sa mga balyena nang higit sa 30 metro, madalas naman na ang nag-uusisang mga inang balyena at ang kanilang mga anak ang mismong lumalapit sa mga bangkang de-motor at sila’y nagpapahawak!

Pagsisikap na Mabuhay

Pagkatapos ng aming karanasang ito, naudyukan kaming gumawa ng pananaliksik. Napag-alaman namin na noong ika-19 na siglo, halos maubos ang mga balyena sa silangang Pasipiko dahil sa masusugid na humuhuli sa mga ito. Nang maglaon, bumaba ang bentahan ng langis at buto ng balyena, at muling dumami ang populasyon ng balyena. Pagkatapos, sa unang mga taon ng ika-20 siglo, nang ang mga bangka ay gawin nilang ‘lumulutang na mga pabrika’ anupat maaari nang iproseso ng mga nanghuhuli ang sakay nitong mga patay na balyena, nagsimula na naman ang paghuli sa mga ito. Halos maubos na muli ang abuhing balyena sa silangang Pasipiko.

Noong 1947, lubos na pinrotektahan ng International Whaling Commission ang mga abuhing balyena. Nitong nakaraang mga taon, nagpagawa pa nga ang pamahalaan ng Mexico ng mga kanlungan ng balyena at ng Vizcaíno Biosphere Reserve. * Ngayong mga 26,000 na ang populasyon nito, ang abuhing balyena ay hindi na isang papaubos na uri.

Ang Kanilang Kamangha-manghang Pandarayuhan

Ang pinanginginainan ng abuhing balyena kung tag-init ay sa malayong hilaga, sa karagatan ng Bering at Chukchi. Nilalantakan ng mga balyena roon ang maliliit na krustasyo (crustacean), kung kaya nakapag-iipon sila ng taba para sa 16,000 kilometrong paglalakbay nila sa timog patungo sa dagat-dagatan ng Baja at pabalik. Sa paglalakbay na may bilis na lima hanggang sampung kilometro bawat oras, inaabot ang mga balyena nang dalawa hanggang tatlong buwan bago makarating sa kanilang destinasyon. Nababawasan ang kalakhang bahagi ng kanilang timbang sa panahon ng pandarayuhan at habang sila’y nasa Baja California sa loob ng ilang buwan, yamang umaasa ang mga abuhing balyena sa kanilang nakareserbang taba.

Unang nakararating sa dagat-dagatan ang mga buntis na balyena, kung saan nanganganak sila sa matining na tubig. Ang mga anak ay isinisilang na una ang buntot at dapat ilutang agad hangga’t maaari para sila makahinga. Katulong sa panganganak ang dalawang iba pang babaing balyena, na tinatawag na mga tiyahin, na umaaktong mga komadrona. Ang panahon ng pagbubuntis ay 12 hanggang 13 buwan, kaya isang anak ang isinisilang tuwing dalawa o tatlong taon. Isip-isipin na lamang ang pagsisilang sa isang anak na tumitimbang nang 680 kilo at may sukat na mga 5 metro ang haba!

Sa loob ng mga walong buwan, ang mga anak ay sumususo ng gatas na may 53 porsiyentong taba​—na sampung ulit na mas maraming taba kaysa sa gatas ng baka. Ang mga balyena ay nananatili sa dagat-dagatan sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan, mula Enero hanggang kalagitnaan ng Marso, na siyang panahon upang ang mga anak ay makapagtipon ng makakapal na taba upang makasustine sa kanila sa paglalakbay nila pahilaga at upang mapanatili ang mainit na pakiramdam habang nasa mas malamig na katubigan ng Artiko.

Napahanga kami sa lahat ng impormasyong ito tungkol sa abuhing balyena, na karagdagan sa aming di-malilimutang karanasan na makita sila sa kanilang tirahan. Dahil sa mga kinapal na ito, binulay-bulay namin ang mga salita sa Awit 148:7: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, ninyong mga dambuhalang hayop-dagat at ninyong lahat na matubig na mga kalaliman.”

[Talababa]

^ par. 9 Ang pinahihintulutan lamang ng International Whaling Commission ay ang panghuhuli ng mga katutubo ng Alaska at Siberia bilang kanilang hanapbuhay. Kapaki-pakinabang ang pamamaraang ito para sa mga abuhing balyena, na ngayon ay itinuturing ng mga tagaroon na maamo dahil sa mga ikinikilos nito na binanggit ng aming guide.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

PANGINGINAIN

Sa halip na mga ngipin, ang abuhing balyena, isang balyenang walang ngipin, ay may kulay-kremang mga baleen plate (makikita sa larawan). Ang mga ito’y dalawa hanggang sampung pulgada ang haba at nakabitin sa magkabilang panig ng panga nito sa itaas. Ang mga plate ay binubuo ng keratin​—kapareho ng sangkap na bumubuo sa ating mga kuko sa kamay. Ang abuhing balyena ay sa ilalim ng tubig nanginginain​—samakatuwid nga, sumisisid ito sa pusod ng dagat, na hinihigop ang mga banlik at mga krustasyo. Pagkatapos ay sinasala nitong palabas ang tubig sa mga gilid ng baleen.

[Credit Line]

Courtesy Gray whales with Winston

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

IMPORMASYON HINGGIL SA ABUHING BALYENA

◼ Ang abuhing balyena ay may mga puting patse sa balat nito​—resulta ng mga taliptip at mga parasito.

◼ Ang mga lalaking balyena ay lumalaki hanggang 14 na metro​—mas mahaba sa bus na ginagamit sa lunsod​—at ang mga babae naman ay mas malaki nang kaunti.

◼ Ang abuhing balyena ay may dalawa hanggang limang kulubot sa lalamunan sa gawing ibaba, na nababanat habang nanginginain.

◼ Ang katamtamang timbang ng isang abuhing balyena ay 16 na tonelada, pero ang ilan ay umaabot sa timbang na 30 hanggang 40 tonelada.

◼ Ang abuhing balyena ay lumulutang sa tubig tuwing tatlo hanggang limang minuto upang huminga, pero nakatatagal ito sa ilalim ng tubig hanggang 15 minuto.

[Credit Line]

© Richard Herrmann/Seapics.com

[Larawan sa pahina 16, 17]

“Naniniktik”

[Credit Line]

© Michael S. Nolan/Seapics.com

[Picture Credit Line sa pahina 16]

© Howard Hall/Seapics.com