Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Patpat na Nakalilinis ng mga Ngipin

Isang Patpat na Nakalilinis ng mga Ngipin

Isang Patpat na Nakalilinis ng mga Ngipin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ZAMBIA

APRIKA​—isang kontinente ng mga taong may magagandang ngipin subalit kakaunti lamang ang mabibiling sipilyo roon! Paano nangyari iyan? Para sa marami, ang lihim ng kumukutitap na ngiti ay nasa isang simpleng piraso ng kahoy​—ang nginunguyang patpat!

Ang nginunguyang mga patpat ay ginamit noon ng mga Babilonyo at nang maglaon ay ginamit naman ng mga Ehipsiyo, Griego, at mga Romano. Ang maliliit na kahoy na “mga sipilyo” na ito ay pangkaraniwan din noong panahon bago naging Islamiko ang Arabia. Hindi na gaanong ginamit ng mga Europeo ang nginunguyang patpat halos 300 taon na ang nakalilipas, ngunit popular pa rin ito sa mga lugar sa Aprika, Asia, at Gitnang Silangan.

Ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng nginunguyang patpat sa Gitnang Silangan ay ang saltbush, na kilala rin bilang toothbrush tree. Sa Kanlurang Aprika, ang mga puno ng dayap at kahel ay ginagamit, samantalang ang mga neem ang pangunahing pinagkukunan ng nginunguyang mga patpat sa malaking lupain ng India. Sa Silangang Aprika, halos 300 iba’t ibang uri ng punungkahoy at mga palumpong ang ginagamit bilang nginunguyang mga patpat. Paano ba nalilinis ng patpat ang mga ngipin?

Kapag nginuya ang patpat, ang mga himaymay sa dulo ay nabubuhaghag, anupat nagiging “sipilyo” na di-pantay ang dulo. Natatanggal ng patuloy na pagnguya ang mga tinga sa pagitan ng mga ngipin at napasisigla nito ang sirkulasyon ng dugo sa gilagid. Ang pagnguya ay nakatutulong din sa paglalaway, na nagsisilbing natural na pangmumog na nag-aalis ng baktirya at nakahahadlang sa pagdami ng mga ito. *

Subalit ang nginunguyang patpat ay hindi lamang basta isang sipilyo. Ang maliliit na sanga at mga ugat ng ilang uri ng halaman ay nagtataglay ng kemikal na sangkap na nagpapabagal sa pamumuo ng dumi sa ngipin (plaque). Napag-alaman na ang dagta ng ilang patpat ay nakaaalis ng baktirya at mga fungus. Ang maliliit na sanga ng toothbrush tree, na naunang binanggit, ay makatutulong pa nga upang maiwasan ang ulser. Sa Namibia, ang mga patpat na kinuha sa halamang kilala bilang muthala ay nakapipigil sa pagdami ng mikrobyo na sanhi ng pagkabulok ng ngipin, sakit sa gilagid, at pamamaga ng lalamunan. Ang likas na kagamitang ito sa ngipin ay makahahadlang sa pagkabulok ng ngipin at makapagpapatibay rin sa mga ugat sa ngipin at gilagid. Ang ilang kompanya sa ngayon ay gumagawa ng toothpaste na may mga himaymay at resina na kinuha mula sa gayong mga halaman.

Mangyari pa, mas gusto ng iba na gumamit ng tradisyonal na sipilyo. Kapag ipinasiya mo mang gawin iyon o gamitin ang isang patpat, gaya ng ginawa ng mga tao noong sinaunang panahon, isang bagay ang tiyak: Ang pangangalaga sa ngipin ay mahalagang bahagi ng personal na pangangalaga sa kalusugan.

[Talababa]

^ par. 6 Sabihin pa, mahalaga rin ang pagkain. Malimit na mas maraming kinakaing mga binutil at mga gulay ang mga tagalalawigan sa Aprika kaysa sa mga tagalunsod. Karaniwan ding mas kaunti ang kanilang kinokonsumong asukal, kinakaing naprosesong pagkain, at iniinom na mga soft drink​—kilalang mga dahilan ng pagkabulok ng ngipin.

[Larawan sa pahina 11]

Ang “neem” ay isa sa pinagkukunan ng nginunguyang patpat

[Credit Line]

William M. Ciesla, Forest Health Management International, www.forestryimages.org