Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Timbang na Pangmalas sa Moda

Isang Timbang na Pangmalas sa Moda

Isang Timbang na Pangmalas sa Moda

SINASABI ng Bibliya na ang ‘bawat bagay ay ginawa ng Diyos na maganda sa kapanahunan nito.’ (Eclesiastes 3:11) Ang kagandahan ay namamasdan natin sa daigdig na nakapalibot sa atin. Nakikita rin natin ito sa mga tao.

Layunin ng tagadisenyo ng damit na lalo tayong pagandahin sa pamamagitan ng ating isinusuot na mga damit. Subalit, gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, binago rin ng industriya ng moda ang kagandahan. Ganito ang sabi ng propesor sa sikolohiya na si Ruth Striegel-Moore: “Nasanay na tayong makakita ng napakapayat na mga babae, nailagay na sa isip natin na ito ang maganda.”

Maliwanag, hindi isang katalinuhang pahintulutan na gipitin tayong makiuso ayon sa kasalukuyang konsepto ng daigdig sa kagandahan. Sa kaniyang aklat na Always in Style, sinabi ni Doris Pooser na “hindi kailangang baguhin o ikubli ng babae sa ngayon ang kaniyang katawan sa tuwing may lilitaw na bagong ‘huwaran.’ ” Tunay nga, bakit natin pahihintulutan na ipaggiitan ng media ang sarili nitong ideya? “Mas madaling maging kontento sa kung sino talaga tayo, sa halip na mataranta na baguhin ang ating hitsura,” ang sabi ni Pooser.

Walang-Kupas na Kagandahan

Ang kumpiyansa sa sarili at kasiyahan sa buhay ay hindi nakadepende nang malaki sa magandang hitsura. “Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa loob,” ang isinulat ni Judy Sargent, dating nakaranas ng anorexia. “Hindi ito nakasalalay sa timbang ng isa.” Mas malalim ang sinasabi ng Bibliya hinggil dito. “Pagyamanin ninyo ang gandang natatago sa kaibuturan ng puso,” ang sabi ni apostol Pedro, “ang gandang walang kupas na likha ng mayumi at mahinhing diwa, at lubhang mahalaga sa mata ng Diyos.”​—1 Pedro 3:4, Ang Bagong Tipan ng Magandang Balita Biblia.

Ang walang-kupas na kagandahang tinutukoy ni Pedro ay nakahihigit sa pisikal na panghalina sapagkat ito ay nananatili at mahalaga sa paningin ng Diyos. Maraming siglo na ang nakalipas, isang matalinong hari ang nagsabi: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.”​—Kawikaan 31:30.

Bagaman maaaring higit na makaakit ng pansin sa ngayon ang pisikal na kagandahan, marami pa ring tao ang gumagalang sa taong nagpapakita ng Kristiyanong mga katangian. Nagpayo si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, . . . ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”​—Colosas 3:10, 12.

Dahil sa kalikasan ng moda kung kaya madali itong lumipas. Kahit sabihin pa ang pinakamabuting aspekto nito, panandalian lamang tayong mapagaganda ng pinakausong istilo. Subalit ang anumang mabuting impresyon ang magawa natin ay madaling masisira kung hindi tutugma ang personalidad natin sa ating hitsura. Tandaan, “ang mga bunga ng espiritu”​—kabilang dito ang mga katangian ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabutihan, at pagpipigil sa sarili​—​ay hindi kailanman kumukupas.​—Galacia 5:22, 23; 1 Timoteo 2:9, 10.

Gayunman, dapat naman nating bigyang-pansin ang ating pananamit. Inamin ni Aline, mula sa Pransiya, na isang hamon na mapanatili ang pagiging timbang pagdating sa bagay na ito. “Bilang isang tin-edyer,” ang sabi niya, “talagang napakahilig ko sa mga damit. Gusto kong sumunod sa pinakabagong moda dahil nagkakaroon ako ng kumpiyansa sa sarili. At mas magaling kung makabibili ako ng mga damit na may tatak.

“Pero nang lumaki na ako,” ang patuloy ni Aline, “kinailangan kong matutong suportahan ang aking sarili, at mas marami na akong panahon na ginugugol sa Kristiyanong ministeryo. Napag-isip-isip ko na kung gusto kong mabuhay sa kung ano lamang ang kaya ko, hindi ako dapat maging sunud-sunuran sa moda. Bumibili na lamang ako ng mga damit kapag may sale o sa mga tindahang bagsak ang presyo. Natuklasan kong makapagbibihis pa rin pala ako nang maayos​—subalit sa mas murang halaga. Ang sekreto ay ang matutong bumili ng mga damit na bagay sa iyo, praktikal, maiteterno sa mga damit na taglay mo na, at iyong hindi agad nawawala sa uso. Sa halip na hayaang ang moda ang magdikta ng kung ano ang dapat kong bilhin, ngayon ay iniisip ko kung anong istilo ang bagay sa akin. Hindi ko naman sinasabing hindi na mahalaga sa akin ang mga damit. Subalit ang halaga ko bilang isang indibiduwal ay hindi nakadepende nang malaki sa aking hitsura.”

Sa isang lipunan na kadalasang nagpapahalaga nang higit sa hitsura kaysa sa pagkatao, makabubuting isaisip ng mga Kristiyano ang mahalagang payo ng Bibliya: “Ang lahat ng nasa sanlibutan​—ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, at ang karangyaan sa buhay​—ay hindi nagmula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito; ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.”​—1 Juan 2:16, 17, Ang Bagong Tipan ng Magandang Balita Biblia.

[Larawan sa pahina 9]

Ang tunay na kagandahan ay nagmumula sa loob, hindi sa iyong isinusuot

[Larawan sa pahina 10]

Pumili ng mga damit na praktikal at maiteterno sa mga damit na taglay mo na