Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Orkid—Pagkagaganda ng mga Ito

Mga Orkid—Pagkagaganda ng mga Ito

Mga Orkid​—Pagkagaganda ng mga Ito

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA COSTA RICA

“Mula sa pader na tisà, buong-pagmamalaki nilang ipinaglalantaran ang kanilang kagandahan. Nakikipaglaro sila sa mahinang hihip ng hangin, sa lilim, at sikat ng araw, at ngayon higit kailanman, bigay na bigay ang kanilang pagmamalaki.”

ITO ang simula ng isang artikulo sa pahayagan na nagpatalastas ng Annual National Orchid Exposition sa San José, Costa Rica. Sa pagbanggit pa lamang sa mga orkid, maguguniguni na ang larawan ng ilan sa pinakapambihira at pinakamagagandang bulaklak sa buong mundo. Isang panauhin sa eksibit ang naulinigang nagsabi: “Paano pa kaya maitatanggi ng isa na ang mga ito’y talagang gawa ng Diyos kapag nakikita ang ganitong kasalimuutan at kagandahan?” Oo, ang mga orkid ay isang papuri sa Diyos na Jehova, na ang di-nakikitang mga katangian ay napag-uunawa sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang nilalang!​—Roma 1:20.

Ilang milenyo nang hinahangaan ang mga orkid. Ipinakikita ng katibayan na mahigit 4,000 taon nang nagtatanim ang mga Tsino ng mga ito. Sa kabilang bahagi naman ng daigdig, si Montezuma, na namahala sa ngayo’y Mexico mula 1502 hanggang 1520, ay iniulat na nagpatubo ng ilang uri ng orkid. Subalit, nauso lamang nang husto ang mga halamang ito noong sumapit ang ika-19 na siglo.

Noong 1818, isang lalaki sa Inglatera na nagngangalang William Cattley ang tumanggap ng isang kargamento ng mga halamang tropiko mula sa Brazil. Napansin niya sa materyal na ginamit sa pag-iimpake ang ilang bahagi ng halaman na parang mga ugat. Nang itanim niya ang mga ito, tuwang-tuwa siya nang lumitaw pagkaraan, ang isang magandang bulaklak na kulay lila. Ang partikular na uring ito ng orkid ay kilala ngayon bilang ang Cattleya.

Noong ika-19 na siglo, usung-uso sa mayayaman na mangolekta ng kakaibang mga orkid. Napakamamahal ng presyo nito lalo na ang mga bagong uri. Subalit, sa pagsisimula ng ika-20 siglo, nabawasan ang pagkahumaling sa orkid. Pagkatapos ay nagbalik na naman ito pagkaraan ng ilang dekada nang matuklasan ang mumurahing paraan ng artipisyal na pagpaparami ng orkid. Maaari na ngayong magkaroon ang sinuman ng pambihirang mga bulaklak na ito!

Di-kapani-paniwalang Pagkakasari-sari

Sa bilang na 20,000 uri sa buong mundo, ang pamilya ng orkid marahil ang siya nang pinakamalaking pamilya ng namumulaklak na halaman. * Masusumpungan ang mga ito halos kahit saan, mula sa Arctic Circle hanggang sa mga rehiyon na medyo disyerto. Bagaman ang ilang orkid ay makikita sa tuktok ng mga punungkahoy sa taas na 3,000 metro sa Kabundukan ng Andes, ang iba naman​—gaya niyaong mga nasa Australia​—ay halos nananatili sa ilalim ng lupa.

Ang mga orkid ay may iba’t ibang laki at kulay at lahat ng uri ng amoy. Sa Papua New Guinea, ang ilan ay umaabot nang maraming metro ang taas at hanggang dalawang tonelada ang timbang. Ang iba naman, na may mga bulaklak na kasinlaki lamang ng ulo ng karayom, ay maipapasok sa isang didal. Ang ilang orkid ay nakatanim sa lupa, samantalang ang karamihan naman (tinatawag na mga epiphyte) ay tumutubo sa mga punungkahoy o ibang halaman. May mga orkid na amoy niyog o raspberry na nagpapabango sa hangin, samantalang ang iba naman ay amoy bulok na karne.

Baka may magtanong, ‘Posible kayang nagmula sa isang pamilya ang lahat ng iba’t ibang bulaklak na ito?’ Bagaman may ganitong di-kapani-paniwalang pagkakasari-sari, dalawa ang pagkakakilanlan ng mga orkid mula sa ibang namumulaklak na halaman. Una, naiiba ang pagkakaayos ng mga talulot ng orkid. Ikalawa, ang orkid ay may tagdan na pantanging nagdurugtong sa sangkap ng lalaki at babae sa pagpaparami.

Mga Orkid na Tumutubo sa Costa Rica

Sa kabila ng maliit na lupain nito, ang Costa Rica ang may pinakamaraming orkid sa buong mundo. Sa katunayan, ang bansang ito ang tirahan ng humigit-kumulang 1,400 iba’t ibang uri, at tiyak na marami pang naghihintay na matuklasan. Dahil sa bahagyang epekto ng Dagat Caribbean sa silangan at ng Karagatang Pasipiko sa kanluran, ang Costa Rica ay isang lugar na may iba’t ibang antas ng halumigmig at sa gayo’y isang tirahan na nakabubuti sa paglaki ng maraming iba’t ibang orkid. Ang bansang ito ay marami ring maalinsangan at medyo mataas na lugar (na tinatawag na maulap na kagubatan), na kinaroroonan ng napakaraming orkid. Sa isang maulap na gubat, nasumpungan ang isang punungkahoy na kinakapitan ng 47 uri ng orkid!

Patuloy ang pagsisikap na iligtas ang maraming uri ng orkid na sinasabing malapit nang maubos. Subalit, mabuti na lamang at ang ibang uri ay nabubuhay pa rin sa kagubatan ng Costa Rica. Sa ngayon, naging libangan na ng mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay ang pagtatanim ng orkid. Hindi naman mahirap paramihin ang mga ito, pero may isang problema. Baka mahumaling ka sa pagtatanim ng orkid. Ganito ang pagkakasabi ng isang manunulat: “Ang pagsubok na magkaroon ng isang orkid ay para ring pagsubok na kumain ng isang mani lamang!”

[Talababa]

^ par. 9 Mayroon ding halos 100,000 mestisong orkid na nairehistro.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Annual National Orchid Exposition

Inorganisa ng Costa Rican Orchid Society ang una nitong pambansang eksibit noong 1971 upang palawakin ang kabatiran na kailangang pangalagaan ang likas na tirahan ng mga orkid. Sa pasimula ay maliit lamang ang eksibit, anupat mayroon lamang itong 147 halaman na nakadispley sa ilang mesa. Pero, sa isang kalilipas na taon, mahigit na 1,600 halaman ang idinispley. Pagdating sa eksibit, bumulaga sa mga panauhin ang matitingkad na kulay habang pinagsasawa nila ang kanilang mga mata sa panonood sa mga orkid na may iba’t ibang laki at hugis.

[Credit Line]

Jardín Botánico Lankester

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

Lankester Gardens

Matapos itatag ng Britanong naturalista na si Charles Lankester Wells noong 1917, ang tahimik na paraisong ito ay itinuturing na isa sa mga pinakaimportanteng harding botanikal sa mga lupain ng Amerika. Ipinagmamalaki ng Lankester Gardens ang 800 uri ng katutubo at banyagang orkid na tumutubo sa 10.7 ektarya ng kagubatan at mga halamanan. Nagsisilbi rin itong pambansang sentro ng konserbasyon. Ang mga ligáw na orkid​—lalo na yaong kakaibang uri​—​ay ilegal na ipinagbibili kung minsan. Kapag nakumpiska ng mga awtoridad, ang mga orkid na ito ay dinadala sa Lankester Gardens taglay ang pag-asang maiingatan ang mga ito.

[Credit Line]

Mga larawan sa itaas: Jardín Botánico Lankester de la Universidad de Costa Rica

[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]

Pagtatanim ng Orkid sa Bahay

◼ Karamihan sa mga orkid ay naitatanim sa mga paso o sa basket na may maliliit na bato o sa banakal ng punungkahoy.

◼ Bagaman karamihan sa mga orkid ay hindi nangangailangan ng lupa, kailangang-kailangan nila ang regular na abono​—lalo na kung sila’y namumulaklak na.

◼ Ang kinakailangang liwanag ay depende sa uri ng orkid. Ang matinding sikat ng liwanag mula sa bintanang nakaharap sa timog ay angkop para sa Vanda, samantalang ang matinding sikat ng liwanag naman mula sa kanluran o kulimlim na liwanag mula sa timog ay tamang-tama sa Cattleya. Gustung-gusto ng Phalaenopsis ang liwanag mula sa kanluran o kulimlim na liwanag mula sa bintanang nakaharap sa timog.

◼ Kailangang diligin ang mga orkid hanggang sa tumulo ang sobrang tubig mula sa mga butas sa ilalim ng paso. Kailangang medyo tuyo na ang halaman bago diligin muli.

◼ Gustung-gusto ng mga orkid ang maalinsangang kapaligiran. Kaya kung nakatira ka sa isang tuyong lugar, ilagay ang iyong halaman sa isang bandehadong may maliliit na bato at lagyan ng tubig nang hindi aabot sa ibabaw ng maliliit na bato.

[Mga larawan]

“Phalaenopsis”

“Vanda”

“Cattleya”

[Credit Line]

Jardinería Juan Bourguignon

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang “tiger orchid” ay maaaring tumaas hanggang mahigit sa 20 piye at tumimbang hanggang dalawang tonelada

[Credit Line]

Noemi Figueroa/Brooklyn Botanical Garden

[Larawan sa pahina 25]

Ang pinakamaliliit na orkid sa daigdig ay may sukat na isang milimetro lamang