Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Korte Suprema Salamat sa inyong seryeng itinampok sa pabalat na “Ang Korte Suprema ng Estados Unidos at ang Kalayaan sa Pagsasalita.” (Enero 8, 2003) Ipinakita ng mga artikulong ito kung paanong ang pagtatangi ng karamihan ay maaaring ituring kung minsan na di-mapag-aalinlanganan at tama. Sinasabi ng karamihan na wasto ang maniwala sa anumang bagay na gusto mong paniwalaan pero bawal itong ipakipag-usap. Pagkatapos basahin ang mga artikulong ito, higit akong magiging prangka sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa aking mga relihiyosong paniniwala.

S. O., Hapon

Tunay na isang tagumpay para sa kalayaan sa pagsasalita ang kaso sa Stratton, Ohio. Ang paborableng desisyon ay maaaring humikayat sa mga tao sa ibang bahagi ng daigdig na magbago ng pangmalas, gaya rito sa Pilipinas, kung saan sa ilang lugar ay hinahadlangan ang mga Saksi ni Jehova ng mga sekular na awtoridad na humihiling na kumuha sila ng permit para sa pangangaral sa bahay-bahay. Nagpapasalamat kami sa napakahalagang tagumpay na ito.

N. E., Pilipinas

Pagkapoot Ako ay nagpapasalamat mula sa kaibuturan ng aking puso sa karanasan ni José Gomez, na inilahad sa artikulong “Napalaya Mula sa mga Tanikala ng Poot.” (Enero 8, 2003) Naranasan ko rin ang malupit na pagtrato sa loob ng maraming taon. Hindi na ako ngayon napopoot sa sinuman. Kapit din sa akin ang mga salita ni José, “Nasaan kaya ako ngayon kung hindi dahil sa awa ni Jehova sa akin?” Salamat sa napakagandang karanasang ito hinggil sa kung paano niya napagtagumpayan ang kaniyang pagkapoot.

N. T., Hapon

Mas Ligtas na Pagdadalang-tao Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ginagawang Mas Ligtas ang Iyong Pagdadalang-tao.” (Enero 8, 2003) Maliwanag na ipinakita sa akin ng artikulong ito kung ano ang nasasangkot sa pagdadalang-tao. Ako ay 32 taóng gulang, at talagang kailangan ko ang artikulong ito. Ngayon ay nauunawaan ko na kung ano ang dapat kong gawin upang maging mas ligtas ang pagdadalang-tao at ipakita ang pagpapahalaga sa kamangha-manghang kaloob na ito.

B. C., Italya

Binabanggit ng artikulong ito na ang isang babae ay maaaring suriin sa pagitan ng ika-26 at ika-28 linggo ng pagbubuntis upang malaman kung mayroon siyang group B streptococcus. Sa kasalukuyan, ang inirerekomendang panahon para sa pagsusuri ay sa pagitan ng ika-35 at ika-37 linggo ng pagbubuntis at hindi sa pagitan ng ika-26 at ika-28 linggo. Malamang na magtatanong ang mga mambabasa ng artikulong ito sa kanilang mga doktor kung bakit hindi sila sinusuri sa pagitan ng ika-26 at ika-28 linggo. Baka hindi tanggapin ng kanilang mga doktor ang Gumising! bilang isang kapani-paniwalang reperensiya para sa kanilang mga pasyente.

L. S., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Inihahanda ang aming mga magasin maraming buwan patiuna upang magbigay ng panahon para maisalin ito sa mahigit na 80 wika. Nang isulat ang artikulo hinggil sa mas ligtas na pagdadalang-tao, tinatanggap ng marami na ang angkop na panahon para sa pagsusuri ay sa pagitan ng ika-26 at ika-28 linggo. Gayunman, noong Agosto 2002, nagpalabas ang American Academy of Pediatrics ng bagong impormasyon na inilaan sa kanila ng U.S. Centers for Disease Control. Sa kasalukuyan, gaya ng may-kawastuang binanggit ng mambabasang ito, ang inirerekomendang panahon ng pagsusuri ay sa pagitan ng ika-35 at ika-37 linggo.

Sa pahina 13, isang talababa ang nagsabi na ang iron at folic acid ay masusumpungan sa atay at sa mga nuwes. Gayunman, maraming bitamina A ang atay​—na maaaring mapanganib sa sanggol, gaya ng sinasabi ng inyong artikulo.

B. J., Britanya

Sagot ng “Gumising!”: Salamat sa paalaala.

Panggigipit ng Kasamahan Ako po’y isang 15-taóng-gulang na dalagita na nahihirapang harapin ang panggigipit ng kasamahan. Tuwang-tuwa po ako nang mabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Haharapin ang Panggigipit ng Kasamahan?” (Disyembre 22, 2002) Ang pagbasa hinggil sa ibang mga kabataang nagkaroon ng gayunding problema ay nakaaliw sa akin na malamang hindi ako nag-iisa. Mapagtatagumpayan natin ang panggigipit ng kasamahan sa tulong ng isa at tanging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Maraming salamat po sa impormasyong ito, na dumating sa tamang panahon.

K. R., Australia

[Picture Credit Line sa pahina 30]

Photo by Josh Mathes, Collection of the Supreme Court of the United States