Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkatapos ng mga Pagsabog

Pagkatapos ng mga Pagsabog

Pagkatapos ng mga Pagsabog

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ECUADOR

ANG Nobyembre 20, 2002, ay isang napakagandang araw sa lunsod ng Riobamba sa Ecuador. Kulay asul ang kalangitan, at makikitang nakalutang sa himpapawid ang mapuputi at parang bulak na mga ulap. Ang nakapalibot na mga bulkan na ang taluktok ay nababalutan ng niyebe ay pagkaganda-gandang tanawin para sa isang postkard. Ang 124,000 katao na naninirahan doon, mga 2,700 metro ang taas sa Kabundukan ng Andes, ay nagsasagawa ng kanilang normal na mga rutin, anupat walang kamalay-malay na ang payapang tanawing ito ay malapit nang mabulabog sa marahas na paraan. Biglang-bigla, sa mapayapang hapon, nagkaroon ng nakabibinging pagsabog! Nayanig ang mga bintana at sahig. Isang nakatatakot at napakabilis-lumaking tulad-kabuting ulap ang nagsimulang mabuo.

Sa loob lamang ng sampung minuto, naganap ang ikalawang pagsabog, na may kasamang malakas na shock wave na bumasag sa mga bintana at gumiba sa mga pintuan anupat tumilapon ang mga ito mula sa kanilang mga bisagra. Pagkatapos ay lumitaw ang isang tila ipuipong ulap ng apoy at usok​—na mas malaki kaysa sa naunang ulap. Sinundan ito ng sunud-sunod na mga pagsabog at pagkislap ng liwanag.

Sina José at Ana​—kapuwa mga Saksi ni Jehova​—ay mag-asawang mahigit nang 60 taóng gulang na naninirahan mga 400 metro mula sa pinangyarihan ng pagsabog. Tumilapon sila sa sahig dahil sa lakas ng pagsabog. Nakatayo noon si Ana malapit sa harapang pintuan nang mabunot ito sa mga bisagra nito at humagis sa pader sa likod. Habang nagmamadaling nagtungo sa likod ng kanilang bahay ang nasindak na mag-asawa, ang kisame ay nagsimulang bumagsak sa kanila. Sa paanuman ay nagawa nilang lumabas patungo sa isang maliit na patyo sa likod, kung saan magkayakap silang nanalangin. Mabuti na lamang, makalipas ang 15 minuto ay dumating ang kanilang anak na lalaki sakay ng kaniyang kotse at dinala sila sa ligtas na lugar.

Hindi lahat ay nakaligtas sa pinsala. Pagkatapos ng mga pagsabog ay nagkagulo dahil sa takot. Napakaraming tao ang nagsilikas nang naglalakad. Sa gitna ng sigawan at tilian, nadulas ang ilan at bumagsak sa basag na mga salamin na nagkalat sa mga bangketa. Ang mga kotse, bus, at mga trak ay rumaragasang lumabas ng lunsod, anupat ang ilan ay sumalungat sa mga kalyeng pang-isahang direksiyon lamang! Marami sa mga tumakas mula sa kanilang mga paaralan o trabaho ang walang kaalam-alam sa sinapit o sa kinaroroonan ng mga miyembro ng kanilang pamilya sa loob ng halos 24 na oras.

Ano ba ang sanhi ng lahat ng kaguluhang ito? Isang sunog sa taguan ng armas sa ilalim ng lupa sa kalapit na base-militar ang naging dahilan ng malaki at sunud-sunod na pagsabog ng mga flare, granada, at mga bala ng tangke at kanyon. Habang patuloy ang pagsabog, inianunsiyo ng mga sasakyan ng pulisya sa pamamagitan ng mga laud-ispiker na dapat lisanin ng lahat ang lunsod at dumistansiya nang di-kukulangin sa 15 kilometro.

Hindi nagtagal at tiwangwang na ang Riobamba. Libu-libong lokal na mamamayan ang makikita sa haywey sa labas ng lunsod, nagsisiksikan sa malamig na gabi​—marami ang walang damit-panlamig o diyaket. Pagkalipas ng ilang oras ay naging madalang na ang mga pagsabog. Palibhasa’y ginaw na ginaw dahil sa halos nagyeyelong temperatura, ang mga residente ay maingat na nagsimulang maglakad pabalik sa lunsod. Kinabukasan, nang lumiwanag na, natuklasan ng marami na nawasak ang mga bintana, pintuan, bubong, kisame, at pader ng kanilang mga tahanan. Nakita ng isang pamilya ang hugis punyal na piraso ng mga salamin na bumaon sa kutson ng kama. Nakita naman ng iba na tadtad ng shrapnel ang loob at labas ng kanilang mga tahanan.

Itinala ng naunang mga report ang di-kukulangin sa 7 patay, 538 sugatán, at 18,000 bahay na napinsala. Walang nasawi sa 950 Saksi ni Jehova sa lugar na iyon, bagaman dalawa ang ginamot dahil sa kanilang malalalim na sugat.

Tulong sa Napighati

Kinabukasan pagkatapos ng mga pagsabog, ang mga elder sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon ay nagsimulang dumalaw sa kanilang mga kapatid na Kristiyano upang tingnan kung anong nangyari sa kanila. Nang araw ring iyon, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ang nakipagpulong sa mga elder ng 13 lokal at kalapit na mga kongregasyon upang tayahin ang pinsala at suriin ang mga nasaktan. Pinatibay-loob niya ang mga elder na pangalagaan ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng mga nakaligtas. Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong kahit sa ilalim ng gayon kahirap na mga kalagayan ay napakahalaga! (Hebreo 10:24, 25) Kaya naman, idinaos ng lokal na mga kongregasyon ang kanilang regular na nakaiskedyul na mga pulong noong gabi pagkatapos ng kasakunaan.

Noong Huwebes at Biyernes, isang detalyadong report ng pinsala sa mga tahanan ng mga Saksi ang tinipon at ipinadala sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Guayaquil. Binanggit ng report ang apurahang pangangailangan na takpan ang daan-daang basag na mga bintana upang ipagsanggalang ang mga residente mula sa lamig. Sa loob ng ilang oras, nakabili na ang tanggapang pansangay ng malalaking rolyo ng malinaw na plastik, tape, at mga pangkongkretong pako, upang pansamantalang makapagkumpuni.

Isang trak ng suplay mula sa tanggapang pansangay ang dumating sa ganap na alas 9:00 n.u. noong Sabado. Ang mga pangkat ng mga lalaki at babaing Saksi ay tumutulong na sa kanilang mga kapuwa Saksi sa pag-aalis ng basag na mga salamin sa kanilang mga tahanan upang masimulan ang paglalagay ng plastik. Isang Kingdom Hall doon ang naging sentro ng paggawa. Nilagyan ng mga marka ang sahig para madaling sukatin ang plastik. Sa paggamit sa mga sukat na kinuha ng mga miyembro ng grupong tumutulong, gumupit sila ng angkop na mga haba ng plastik at saka ipinadala sa naghihintay na grupong tagakabit nito.

Si José, na binanggit kanina, ay naglahad: “Nang dumating kami sa bahay kinahapunan pagkatapos ng pagsabog, naroroon na ang mga kapatid na nag-aalis ng pira-pirasong labi. Noong Sabado ay pumunta sa akin ang mismong kapitbahay ko at pinuri ang mahusay na trabaho sa pagkakabit ng plastik sa aking bahay, at tinanong niya ako, ‘Magkano lahat ang nagastos mo?’ ” Gulat na gulat ang kapitbahay nang malaman niya na ginawa ang lahat ng iyon nang libre!

Pagsapit ng Sabado ng gabi, natakpan na ng halos 200 boluntaryo mula sa mga kongregasyon doon ang mga bintana ng 91 bahay ng Saksi. Maraming di-Saksi ang nakinabang din. Inilathala ng isang lokal na diyaryo ang larawan ng isang bahay na kinumpuni ng mga Saksi, anupat binanggit na isa lamang sa walong nakatira roon ang Saksi ni Jehova.

Inilaan ang Emosyonal na Suporta

Likas lamang na lumikha ng matinding kabagabagan ang mga pagsabog. Upang makapagbigay ng kaaliwan sa mga Saksi roon, isang pantanging pagpupulong ang isinaayos noong Lunes, Nobyembre 25, sa ganap na ala 5:00 n.h. Ipinadala ang mga kinatawan ng tanggapang pansangay roon upang idaos ito. Dahil walang kuryente, hindi maaaring ganapin ang pulong nang mas gabi pa. Yamang ang oras ay waring di-kumbinyente, isang katamtamang bilang lamang na mga 600 ang inaasahang dadalo. Gayunman, isang pulutong ng 1,421, kabilang na ang ilang di-Saksing mga kapitbahay, ang pumuno sa Assembly Hall sa Riobamba! Ang susing teksto na tinalakay sa programa ay ang Awit 4:8: “Sa kapayapaan ay mahihiga ako at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin nang tiwasay.” Ang lahat ng dumalo ay nagpahayag ng kanilang malaking pasasalamat sa nakaaaliw na espirituwal na programa.

Daan-daang kopya ng artikulo sa Gumising! na “Likas na mga Sakuna​—Pagtulong sa Iyong Anak na Harapin Ito” (Hunyo 22, 1996) ang ipinamahagi sa mga magulang sa pagtatapos ng programa. Ganito ang binabanggit ng isang parapo sa artikulo:

“Sinabi ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) ng Estados Unidos na pagkatapos na pagkatapos ng isang malaking sakuna, karaniwang ang mga bata ay natatakot na (1) maiwang mag-isa, (2) sila’y mapahiwalay sa pamilya, (3) mangyari muli ang sakuna, at (4) may masasaktan o masasawi.” Batay sa artikulong ito, ang mga magulang ay hinihimok na:

1. Sikaping pisanin ang buong pamilya.

2. Gumugol ng panahon upang ipaliwanag ang kalagayan sa mahinahon at matatag na paraan.

3. Himukin ang iyong anak na magsalita.

4. Isama ang mga bata sa paglilinis.

Ang karagdagang mga kopya ng artikulong iyon sa Gumising! ay ipinamahagi nang maglaon sa mga kapitbahay at mga estudyante ng Bibliya.

Tatlong linggo pagkatapos ng pagsabog, bumili ng mga materyales para gawin ang mas permanenteng pagkukumpuni, lakip na ang pagkakabit ng bagong mga bintana, kisame, at mga bubong. Sa loob lamang ng sumunod na tatlong linggo, ang mga proyektong ito ay natapos na, lakip na ang pagkukumpuni sa dalawang Kingdom Hall. Marami ang nagpahayag ng pasasalamat sa maibiging mga paglalaang ito.

Ang iba’t ibang uri ng kasakunaan ay karaniwan sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Gayunman, ang suportang ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova sa isa’t isa at sa kanilang kapuwa ay nagpapatotoo sa lakas ng tunay na Kristiyanismo. Tamang-tama ang pagkakasabi ni José: “Hindi nagpapaliban ang organisasyon ni Jehova sa pagtulong sa atin kapag nasa kagipitan tayo.”

[Mga larawan sa pahina 15]

Mga 200 Saksi ang nagboluntaryo sa paglilinis. Sinukat, pinutol, at ikinabit ang bagong mga bintana. Pinalitan ang mga bubong