Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nagpapahaba ng Buhay ang Pagkakaroon ng Positibong Pananaw

Nasumpungan ng isang katatapos na pag-aaral na ang mga may-edad na na may higit na positibong pananaw sa buhay at sa pagtanda ay “nabuhay nang 7.5 taon na mas matagal kaysa sa mga taong di-gaanong positibo ang pananaw sa sarili hinggil sa pagtanda,” ang sabi ng isang artikulong inilathala sa Journal of Personality and Social Psychology. Dalawang bagay ang napatunayan ng pag-aaral, na isinagawa sa loob ng 23 taon sa 660 katao na may edad 50 pataas: Ang negatibong saloobin hinggil sa pagtanda ay “maaaring magpaikli ng buhay,” at ang positibong pananaw ay “maaaring magpahaba ng buhay.” Sa katunayan, ang positibong pananaw sa sarili ay maaaring higit na makapagpahaba ng buhay kaysa sa mga bagay na tulad ng mababang kolesterol sa dugo at kaayaayang presyon ng dugo, ang sabi ng ulat. Nagtapos ito sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga tao sa pangkalahatan na magtaglay ng higit na positibong pangmalas sa mga may-edad na sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na sumama sa mga gawain at “hindi pagtatampok sa karaniwang negatibong pangmalas hinggil sa pagtanda,” na siyang hilig ng mga tao na tanggapin​—kahit na hindi ito napapansin​—na ikinapipinsala naman nila.

Nakamamatay na mga Bag sa Pamimili

Tinataya sa buong daigdig na taun-taon, mahigit sa 100,000 mamalya, ibon, at isda ang namamatay bunga ng pagkain o pagkasakal sa itinapong mga plastik bag. Sa Australia na lamang, gumagamit ang mga mamimili ng 6.9 bilyong plastik bag sa pamimili taun-taon, na may katamtamang bilang na 360 bag para sa bawat mamimili. Sa mga bag na ito, tinatayang 25 milyong plastik bag ang itinatapon. Iniulat noong huling bahagi ng 2002 ng Sunday Telegraph ng Sydney na papalitan ng mga supermarket sa Australia ang karaniwang plastik bag ng biodegradable na mga bag upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay na hayop. Bagaman ang bagong mga bag na ito ay parang plastik, ang mga ito ay gawa sa gawgaw na tapioca at natutunaw sa loob ng tatlong buwan. “Ito ang kauna-unahang bag sa Australia na nakita naming bio-degradable at ang mga ito ay kasinghalaga ng karaniwang plastik bag,” ang sabi ni Paul Shenston, tsirman ng Planet Ark, isang grupong nangangampanya para sa pag-iingat ng kapaligiran. Nasumpungan ng isang kamakailang surbey na “81 porsiyento ng mga mamimili ang ‘mariing sumasang-ayon’ na dapat gamitin ang mga bag na bio-degradable.”

Ang Aspirin at ang mga Pasyenteng Dumanas ng Operasyong Bypass

“Ang pagbibigay ng aspirin sa mga pasyente sa unang 48 oras pagkatapos ng operasyong bypass sa puso ay makababawas nang malaki sa panganib na sila’y mamatay at magkaroon ng malulubhang komplikasyon na nagsasangkot sa puso, utak, mga bato at mga sangkap ng panunaw.” Iyan ang sinabi ng isang pag-aaral na iniulat sa The New York Times. Mas mababa nang 67 porsiyento ang bilang ng mga namatay na binigyan ng aspirin kaysa sa mga hindi binigyan nito. Ang bilang ng mga naistrok at inatake sa puso ay nabawasan nang kalahati, ang bilang ng nagkasakit sa bato ay mas mababa nang 74 na porsiyento, at ang bilang ng may malulubhang komplikasyon sa bituka ay nabawasan nang 62 porsiyento. Ang pag-aaral, bagaman isang pagsubok na ginawa ayon sa tiyak na pagkakasunud-sunod, ay nagsuri sa 5,065 pasyente na ginamot sa 70 ospital sa 17 bansa. Noon, sa pangkalahatan ay hindi pinahihintulutan ng mga siruhano ang mga pasyente na uminom ng aspirin sa loob ng ilang araw bago ang operasyon o pagkatapos na pagkatapos nito, dahil sa takot na baka lalong duguin ang pasyente. Gayunman, ipinakita ng pagsusuri na talagang mas kaunti ang mga insidente ng pagdurugo sa mga pasyenteng binigyan ng aspirin di-nagtagal pagkatapos ng operasyon at na ang maliliit na dosis nito​—tulad ng pambatang aspirin​ay sapat na. Tinataya na ang pagkakapit ng mga natuklasang ito ay maaaring magligtas ng mga 27,000 buhay sa buong daigdig taun-taon.

Mahalaga ang Tulog Para Matuto ng Bagong mga Kasanayan

Ang pagtulog nang mahimbing pagkatapos na pagkatapos matutuhan ang bagong mga kasanayan ay mahalaga upang maalaala ang mga ito, ang sabi ng mga siyentipiko. Bagaman matagal na nilang nalalaman ang kahalagahan ng sapat na tulog may kinalaman sa pagsasaulo ng impormasyon, nananatili pa rin ang mga tanong hinggil sa kung paano nakaaapekto ang tulog sa mga kasanayan, na nagsasangkot sa ibang bahagi ng utak. Ang bagong mga pag-aaral sa Alemanya at sa Estados Unidos ay nagkaroon ng konklusyon na bagaman mahalaga ang pagtulog para manatili ang mga kasanayang ito sa utak, dapat itong maganap sa “isang tiyak na oras,” ayon sa babasahing Proceedings of the National Academy of Sciences. Ang mga taong tinuruan ng isang kasanayan sa gabi at muling sinubok pagkatapos matulog nang sapat ay mas mahusay kaysa sa mga sinanay sa umaga at pagkatapos ay sinubok pagkalipas ng 12 oras, bago matulog.

“Hindi Na Nagnanais Maging Kabilang sa Simbahang Katoliko”

Sa Italya, maaari nang ipaalis ng isang taong nabinyagan bilang Katoliko na “hindi na gustong maging miyembro ng Simbahang Katoliko” ang kaniyang pangalan sa talaan ng simbahan, ang ulat ng pahayagang Il Sole-24 Ore. Noon, ang paghiling na alisin ang pangalan ng isa mula sa rehistro ng mga nabinyagan ay tinanggihan dahil sa ito ay “makasisira sa ‘mga labí’ ng kasaysayan ng Simbahan.” Gayunman, pagkatapos ng pag-apela ng maraming tao na humihiling na alisin ang kanilang pangalan sa talaan ng simbahan, ang garantor para sa Safeguard of Personal Information ay nagbigay ng pahintulot na baguhin ang rehistro sa parokya ng mga bautismo na may ganitong pananalita: “Hindi na nagnanais maging kabilang sa Simbahang Katoliko.” Hiniling na ng garantor sa mga pari ng mga parokya na sundin ang mga kahilingan ng di-kukulangin sa tatlong dating mga parokyano.

Dumarami ang mga Bahay Dahil sa Bumukod na mga Pamilya

Nasumpungan ng isang internasyonal na pag-aaral na pinangunahan ni Dr. Jianguo Liu ng Michigan State University, E.U.A., na kahit sa mga bansang ang mga populasyon ay bumababa, ang bilang ng mga sambahayan ay dumarami habang bumubukod ang mga pamilya at nagtatayo ng sariling tahanan ang mga anak. Habang mas maraming tahanan ang itinatayo para tirhan ng gayunding dami ng tao, lumalawak ang lunsod nang di-naiplano at lalong nasisira ang kapaligiran. “Halimbawa, ang isang bahay na may tatlong kuwarto ay umookupa ng gayundin kalaking lupa, gumagamit ng gayundin karaming materyales sa pagtatayo at gayundin karaming panggatong sa pagpapainit, ito man ay bahay na para sa dalawa o apat na tao,” ang ulat ng New Scientist. Inihula ng mga mananaliksik na kapag nagpatuloy ang kasalukuyang kalakarang ito, magkakaroon ng karagdagang 233 milyong sambahayan pagsapit ng 2015.

Mga Inang Tin-edyer

Sa Mexico, ang porsiyento ng mga babaing nagdadalang-tao sa edad na mula 10 hanggang 19 “ay tumaas nang 50 porsiyento sa nakalipas na tatlong dekada,” ang sabi ng magasing Cambio ng Mexico City. Naganap ang pagtaas na ito sa kabila ng programa ng pagpaplano sa pamilya at mga kurso ng edukasyon sa sekso sa mga pampublikong paaralan. Isinisiwalat ng mga pag-aaral ng mga awtoridad sa kalusugan na ang “mga tin-edyer na naninigarilyo, umiinom ng inuming de-alkohol, o gumagamit ng ilegal na droga ay apat na beses na mas may tendensiyang makipagtalik sa mas maagang edad.” Karagdagan pa, 30 porsiyento ng mga inang tin-edyer ang di-inaasahang nagkaroon ng ikalawang anak sa loob ng taóng naisilang nila ang kanilang panganay na anak, at 50 porsiyento ang nagdadalang-tao sa kanilang pangalawang anak sa loob ng dalawang taon. Bukod pa sa mga problemang nauugnay sa mga pagdadalang-tao ng mga tin-edyer at hindi pa tin-edyer, 60 porsiyento ng mga kabataang inang ito ang kailangang magpalaki ng kanilang mga anak nang walang suporta ng ama ng bata.

Paninira ng Asido

Halos 65 porsiyento ng mga aklat at dokumentong inilathala sa pagitan ng 1875 at 1960 na nakaimbak sa National Library sa Paris ang nanganganib na masira, ang ulat ng pahayagang Le Monde. Ang naisulat na pamanang ito ay unti-unting nasisira dahil sa pagkakaroon ng sulfuric acid, na siyang dahilan ng paglutóng at pagkadurog ng mga pahina. Mga 20,000 aklat ang inaalisan ng asido taun-taon ng mga serbisyong inilalaan ng National Library, sa halagang $7 hanggang $8 bawat aklat. Mula noong dekada ng 1980, ang karamihan sa mga aklat ay iniimprenta na sa papel na walang asido.

Payag Magpabinyag Pero Ayaw Mamuhay Ayon Dito

“Ang Espanya ay isa pa ring bansang binubuo ng bininyagang [mga Katoliko], ngunit taun-taon ay nawawala ang pagiging Katoliko nito,” ang ulat ng pahayagang El País sa Espanya. Noong diktadura ni Heneral Franco, “ang pananampalatayang Katoliko ang opisyal na relihiyon ng Estado, at ang lahat ng iba pang relihiyon ay ipinagbawal at inusig. Sa mga lalawigan, ang pagpunta sa Misa tuwing Linggo ay isang obligasyon, at yaong mga nangahas na suwayin ang gayong utos ng simbahan ay nanganganib na magmulta,” ang sabi ng pahayagan. Sa ngayon, lubhang nagbago ang situwasyon. Ayon sa surbey ng Sentro ng Pagsusuri sa Pangangailangan ng Lipunan (CIS sa Kastila), 18.5 porsiyento lamang ng mga Kastila ang regular na nagpupunta sa Misa. “Nakaligtas ang Simbahang Katoliko mula sa mapag-imbot na pakikipagsabuwatan nito sa digmaang [sibil] at sa diktadura ni Franco, ngunit ipinakikita ng surbey ng CIS na ang unti-unting pagbaba ng bilang ng miyembro nito ay napakahirap na ngayong baligtarin,” ang sabi ng El País.