Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinyata—Isang Sinaunang Tradisyon

Ang Pinyata—Isang Sinaunang Tradisyon

Ang Pinyata​—Isang Sinaunang Tradisyon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

NAGKAKASIYAHAN ang mga batang magkakapitbahay. Naririnig namin ang kanilang masasayang pagsisigawan: “Dale! Dale! Dale!” (Hampasin mo! Hampasin mo! Hampasin mo!) Sumilip kami mula sa patyo at tiningnan ang isang makulay at napapalamutiang asnong papier-mâché na nakabitin sa dalawang puno. Hinahampas ng isang batang nakapiring ang asno, anupat tinatangkang tamaan ito. Nagsisigawan ang mga panauhin para palakasin ang loob ng bata. Sa wakas, pumutok ang asno, at sumambulat ang mga kendi, prutas, at laruan. Habang nagtatawanan ang mga bata, hindi magkamayaw ang lahat sa pamumulot ng mga regalo. Wari ngang nakatutuwa iyon. Sinabi sa amin na ang asno ay tinatawag na pinyata at ang paghampas sa pinyata sa mga pista ay isang tradisyon dito sa Mexico at sa iba pang mga bansa sa Latin Amerika.

Nagtataka kami kung bakit napakapopular ng pinyata. Ano ba ang pinagmulan nito? Mayroon bang kahulugan ang paghampas sa pinyata? Ipinasiya naming magsaliksik.

Ang Pinagmulan ng Pinyata

Ang laganap na opinyon ay na baka ang mga Tsino ang kauna-unahang gumamit ng isang bagay na tulad ng pinyata bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Bagong Taon, na nagsisilbi ring pasimula ng tagsibol. Gumawa sila ng mga pigura ng baka, barakong baka, at kalabaw, at binabalutan ang mga ito ng may-kulay na papel at saka pinupuno ng limang uri ng mga binhi. Ginagamit ang kinulayang mga kahoy para hampasin ang mga pigura. Ang may-palamuting papel na bumabalot sa mga pigura ay sinusunog at tinitipon ang abo at itinatago para magkasuwerte sa taóng darating.

Ipinapalagay na noong ika-13 siglo, ang taga-Venice na manlalakbay na si Marco Polo ay nag-uwi ng “pinyata” sa Italya mula sa Tsina. Doon kinuha ang kasalukuyang pangalan nito na nagmula sa salitang Italyano na pignatta, o babasaging palayok, at pinunô ito ng mga abubot, alahas, o kendi sa halip na mga binhi. Pagkatapos ay kumalat na ang tradisyon sa Espanya. Ang paghampas sa pinyata ay naging kaugalian na kapag unang Linggo ng Kuwaresma. * Waring noong pasimula ng ika-16 na siglo dinala ng mga Kastilang misyonero ang pinyata sa Mexico.

Gayunman, maaaring nagulat (gaya natin) ang mga misyonero na matuklasang may katulad na tradisyon ang mga katutubo ng Mexico. Ipinagdiwang ng mga Aztec ang kaarawan ni Huitzilopochtli, ang kanilang diyos ng araw at digmaan, sa pamamagitan ng paglalagay ng luwad na palayok sa isang poste sa kaniyang templo sa pagtatapos ng taon. Ang palayok ay pinapalamutian ng makukulay na balahibo at pinupuno ng mumunting kayamanan. Pagkatapos ay hinahampas ito ng isang kahoy, at ang mga kayamanang sumambulat ay inihahandog sa imahen ng diyos. May laro rin ang mga Maya na hinahampas ng nakapiring na mga kalahok ang isang nakabiting luwad na palayok.

Bilang bahagi ng kanilang estratehiya sa pag-eebanghelyo sa mga Indian, ginamit ng mapamaraang mga Kastila ang pinyata para lumarawan sa pagdaig ng Kristiyano sa Diyablo at kasalanan, bukod pa sa ibang bagay. Ang tradisyonal na pinyata ay isang luwad na palayok na binalutan ng may-kulay na papel at ginawang hugis bituin na may pitong tulis at nilagyan ng borlas. Ang pitong tulis na ito ay sinasabing kumakatawan sa pitong nakamamatay na mga kasalanan: kasakiman, katakawan, katamaran, pagmamapuri, inggit, poot, at kahalayan. Ang paghampas sa pinyata habang nakapiring ay lumalarawan sa di-mapag-aalinlanganang pananampalataya at matatag na determinasyong daigin ang tukso o ang masama. Ang masasarap na pagkain sa loob ng pinyata ang gantimpala.

Ang Pinyata sa Ngayon

Nang maglaon, ang pinyata ay naging bahagi na ng mga kapistahan ng posadas * kung Pasko at nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon. (Ang hugis-bituing pinyata ay ginagamit upang lumarawan sa bituing gumabay sa mga astrologo patungong Betlehem.) Ang paghampas sa pinyata ay napakahalagang bahagi rin ng mga parti sa pagdiriwang ng kaarawan. Sa katunayan, ang mga pinyata ay lubhang nakilala bilang tradisyon ng Mexico anupat nagluluwas pa nga ang Mexico ng mga ito sa ibang bansa.

Natuklasan namin na para sa maraming taga-Mexico, naiwala na ng pinyata ang relihiyosong kahulugan nito at itinuturing ng karamihan na isang di-masamang katuwaan na lamang. Sa katunayan, ang mga pinyata ay ginagamit sa maraming kasayahan sa Mexico, hindi lamang sa posadas o pagdiriwang ng kaarawan. At mabibili ang mga pinyata sa maraming anyo bukod pa sa pangkaraniwang hugis bituin. Kung minsan ay nakakahawig ito ng mga hayop, bulaklak, at mga payaso.

Kapag pinag-iisipan kung ilalakip ang isang pinyata sa sosyal na pagtitipon, dapat maging sensitibo ang mga Kristiyano sa budhi ng iba. (1 Corinto 10:31-33) Ang pangunahing ikinababahala natin ay, hindi ang kahulugan ng tradisyong ito sa nakalipas na daan-daang taon, kundi kung paano ito minamalas sa inyong lugar sa ngayon. Mauunawaan naman, maaaring magkakaiba-iba ang opinyon sa iba’t ibang lugar. Kung gayon, isang katalinuhan na iwasang gawing malaking usapin ang bagay na ito. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”​—1 Corinto 10:24.

[Mga talababa]

^ par. 7 Sa ilang relihiyon, gaya ng Katolisismo, ang Kuwaresma ay 40-araw na pagpepenitensiya na nagtatapos sa mga pagdiriwang ng Semana Santa sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.

^ par. 11 Sa Mexico, ang posadas ay siyam na araw na pagdiriwang bago ang Pasko, na isinasadula ang paghahanap nina Jose at Maria ng posada, o tuluyan. Hinahampas ang isang pinyata bilang pagtatapos ng mga kapistahan ng bawat gabi sa loob ng siyam na gabing pagdiriwang.

[Larawan sa pahina 23]

Kapag pinag-iisipan kung ilalakip ang isang pinyata sa sosyal na pagtitipon, maging sensitibo sa budhi ng iba

[Larawan sa pahina 23]

Iba’t iba ang hugis at laki ng mga pinyata