Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anim na Paraan Upang Ingatan ang Iyong Kalusugan

Anim na Paraan Upang Ingatan ang Iyong Kalusugan

Anim na Paraan Upang Ingatan ang Iyong Kalusugan

Isang Hamon sa Papaunlad na mga Bansa

MARAMING tao sa ngayon ang kailangang magpunyagi para manatiling malinis, lalo na sa mga lugar na salat sa malinis na tubig at sapat na sanitasyon. Subalit, sulit naman ang manatiling malinis. Tinataya na mahigit sa kalahati ng lahat ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga bata ay sanhi ng mga mikrobyo na pumapasok sa kanilang bibig sa pamamagitan ng maruruming kamay o maruming pagkain o tubig. Maraming sakit, lalo na ang pagtatae, ang maiiwasan kung ikakapit ang sumusunod na mga mungkahi na inilathala sa Facts for Life, isang publikasyon ng United Nations Children’s Fund.

1 Maingat na itapon ang dumi

Maraming mikrobyo ang matatagpuan sa dumi. Kapag ang mga mikrobyong nagdadala ng sakit ay napunta sa tubig at pagkain o sa mga kamay, mga kagamitan, o sa mga ibabaw kung saan inihahanda at inihahain ang pagkain, maaaring mailipat ito sa bibig at malulon, na nagiging sanhi ng pagkakasakit. Ang pinakamabuting paraan upang maiwasang kumalat ang gayong mga mikrobyo ay itapon ang lahat ng dumi. Ang dumi ng tao ay dapat mapunta lamang sa inodoro o palikuran. Tiyaking malayo ang dumi ng hayop sa mga bahay, daan, o mga lugar kung saan naglalaro ang mga bata.

Kung walang mga inodoro o palikuran, ibaon agad sa lupa ang dumi. Tandaan na ang lahat ng dumi ay may mga mikrobyo na nagdudulot ng sakit, maging ang dumi ng mga sanggol. Ang dumi ng mga bata ay dapat ding mapunta sa palikuran o ibaon sa lupa.

Palaging linisin ang mga palikuran at mga inodoro. Palaging takpan ang mga palikuran at i-flush o buhusan ang mga inodoro.

2 Maghugas ng mga kamay

Laging maghugas ng iyong mga kamay. Ang paghuhugas ng mga ito na gamit ang sabon at tubig o abo at tubig ay nag-aalis ng mga mikrobyo. Hindi sapat na banlawan ng tubig ang mga kamay​—dapat kuskusin ng sabon o abo ang mga kamay.

Mahalaga na maghugas ng iyong mga kamay pagkatapos dumumi at pagkatapos hugasan ang isang sanggol o isang bata na katatapos lamang dumumi. Maghugas din ng iyong mga kamay pagkatapos humawak ng mga hayop, bago humawak ng pagkain, at bago magpakain ng mga bata.

Tumutulong ang paghuhugas ng kamay upang maingatan ang mga tao mula sa mga bulati na nagdudulot ng sakit. Ang mga bulating ito ay napakaliliit para makita kung walang mikroskopyo. Nabubuhay ang mga ito sa dumi at ihi, sa ibabaw ng tubig at lupa, at sa hilaw o hindi gaanong lutong karne. Ang pangunahing paraan para maiwasang pumasok ang mga bulati sa katawan ay hugasan ang iyong mga kamay. Isa pa, kapag nakasapatos ka at malapit sa mga palikuran, maiiwasan mo ang mga bulati, na maaaring naroon, na pumasok sa iyong katawan sa balat ng inyong mga paa.

Madalas isubo ng mga bata ang kanilang mga kamay, kaya malimit na hugasan ang kanilang mga kamay, lalo na pagkatapos nilang dumumi at bago sila kumain. Turuan sila na maghugas mismo ng kanilang mga kamay at huwag maglaro malapit sa palikuran, inodoro, o mga lugar kung saan sila dumudumi.

3 Maghilamos araw-araw

Upang maiwasang maimpeksiyon ang mga mata, maghilamos araw-araw na gamit ang sabon at tubig. Dapat ding hilamusan ang mga bata. Ang maruming mukha ay dinadapuan ng mga langaw, na may dalang mga mikrobyo. Ang mga mikrobyong ito ay maaaring maging sanhi ng mga impeksiyon sa mata at pagkabulag pa nga.

Regular na suriin ang mga mata ng inyong mga anak. Ang malulusog na mata ay mamasa-masa at kumikinang. Kung ang mga mata ay tuyo, namumula, o namamaga o may lumalabas sa mga ito, dapat patingnan ang bata sa isang tagapangalaga ng kalusugan o isang doktor.

4 Gumamit lamang ng malinis na tubig

Hindi gaanong nagkakasakit ang mga pamilya kung gumagamit sila ng malinis na tubig at iniingatan ito mula sa mga mikrobyo. Malamang na malinis ang inyong tubig kung ito ay nagmumula sa mga tubo na wasto ang pagkakagawa at minamantini o mula sa malilinis na balon at bukal. Ang tubig mula sa mga lawa, ilog, at walang takip na tangke o balon ay tiyak na hindi malinis, subalit maaari itong gawing ligtas kung pakukuluan.

Dapat takpan ang mga balon. Ang mga timba, lubid, at mga banga na ginagamit sa pagsalok at pagtitipon ng tubig ay dapat laging hugasan at itago sa malinis na lugar, hindi nakalapag sa lupa. Dapat na malayo ang mga hayop sa pinagkukunan ng iniinom na tubig at sa tinitirhan ng pamilya. Huwag gumamit ng pamatay-insekto o mga kemikal malapit sa pinagkukunan ng tubig.

Sa loob ng bahay, ang tubig ay dapat tipunin sa malinis at may takip na lalagyan. Pinakamabuting magkaroon ng lalagyan ng tubig na may gripo. Kung wala itong gripo, dapat kumuha ng tubig mula sa lalagyan na gumagamit ng malinis na sandok o tasa. Hindi dapat hawakan ng maruruming kamay ang iniinom na tubig.

5 Ingatan ang pagkain mula sa mga mikrobyo

Kapag nilutong mabuti ang pagkain, mapapatay mo ang mga mikrobyo. Ang pagkain, lalo na ang karne at manok, ay dapat lutuing mabuti. Mabilis dumami ang mga mikrobyo sa di-gaanong mainit na pagkain. Kung gayon, dapat kainin agad hangga’t maaari ang pagkain pagkaluto nito. Kung hindi mo pa kakainin ito nang mahigit sa dalawang oras, tiyaking nakalagay ito sa mainit o malamig na lugar. Gayundin, kung kailangan mong itabi ang nilutong pagkain para sa susunod na kainan, takpan ito. Naiingatan ito mula sa mga langaw at insekto. Bago kainin ang pagkain, initin itong muli.

Ang gatas ng ina ang pinakamahusay at pinakaligtas na gatas para sa mga sanggol at maliliit pang bata. Ang gatas ng hayop na bagong kulo o pastyurisado ay mas ligtas kaysa sa di-pinakuluang gatas. Iwasang gumamit ng biberon, malibang pinakuluan mo ito bago gamitin. Kadalasang may mga mikrobyo ang mga biberon na nagiging sanhi ng pagtatae. Mas makabubuting sumuso sa ina ang mga bata o painumin sila sa malinis na tasa.

Hugasan sa malinis na tubig ang mga prutas at gulay. Lalong mahalaga ito kung hilaw itong ipakakain sa mga sanggol at maliliit pang bata.

6 Itapon ang lahat ng basura sa bahay

Ang lahat ng langaw, ipis, at daga ay may dalang mikrobyo. Ang mga nilalang na ito ay nabubuhay sa basura. Kung walang nangongolekta ng basura sa inyong lugar, ilagay ang inyong mga basura sa isang hukay para sa basura kung saan maibabaon o masusunog ito araw-araw. Panatilihing malinis ang inyong bahay, walang basura at maruming tubig.

Kung palagi mong ikakapit ang mga mungkahing ito, hindi magtatagal at magiging bahagi na ito ng iyong pang-araw-araw na rutin. Hindi naman ito mahirap at hindi nangangailangan ng maraming salapi para ipatupad, subalit maiingatan nito ang kalusugan mo at ng iyong pamilya.

[Larawan sa pahina 11]

Kung walang mga inodoro o palikuran, ibaon agad sa lupa ang dumi

[Larawan sa pahina 11]

Laging maghugas ng iyong mga kamay

[Larawan sa pahina 12, 13]

Maghilamos araw-araw na gamit ang sabon at tubig

[Mga larawan sa pahina 12]

Hindi gaanong nagkakasakit ang mga pamilya kung gumagamit sila ng malinis na tubig at iniingatan ito mula sa mga mikrobyo

[Larawan sa pahina 13]

Kung kailangan mong itabi ang nilutong pagkain para sa susunod na kainan, takpan ito

[Larawan sa pahina 13]

Dapat ibaon sa lupa o sunugin araw-araw ang basura sa bahay