Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Komunikasyon—Mahalaga sa Kawing ng Buhay sa Daigdig

Komunikasyon—Mahalaga sa Kawing ng Buhay sa Daigdig

Komunikasyon​—Mahalaga sa Kawing ng Buhay sa Daigdig

NANG sanggol pa lamang si Julie, wala nang pinakahihintay ang kaniyang mga magulang kundi ang sandaling masabi nito ang kaniyang unang mga salita. “Napakasarap pakinggan ang ‘Mama’ at ‘Dada’ mula sa mga labi ng isang sanggol anupat hindi ito lubos na mailarawan ng isang magulang,” ang sabi ng nanay ni Julie. “Nang unang-unang tawagin ako ni Julie na ‘Mama,’ para bang niyayakap ako ng kaniyang maliliit na bisig at nagsasabing: ‘Nanay ko po kayo. Mahal ko po kayo, at gusto ko pong makipag-usap sa inyo.’ Hinding-hindi ko malilimot ang pambihirang sandaling iyon.” Oo, tunay na isang napakahalagang kaloob ang kakayahang makipag-usap!

Mangyari pa, hindi lamang mga tao ang may kakayahang makipag-usap. Bagaman karaniwan nang inuugitan ng likas na kakayahan, ang mga hayop ay may sarili ring kahanga-hangang paraan ng pakikipag-usap. Halimbawa, ang nagliligawang mga emperor penguin sa mayelong Antartiko ay nagsasagawa ng kanilang taunang ritwal ng paghuni sa isa’t isa bago magtaglamig​—pero hindi bilang katuwaan. Sangkot dito ang buhay ng magiging anak nila. Paano nagkagayon?

Pagkatapos mangitlog, ipinauubaya ito ng inahin sa kaniyang asawa para limliman sa pinakalukbutan nito habang siya naman ay pumupunta sa dagat para manginain. Pagkalipas ng 65 araw, bumabalik siya, sa pamamagitan ng pagiwang-giwang na paglakad at padapang pagpapadulas sa yelo na umaabot hanggang 150 kilometro. Ang kakayahang masumpungan ang kanilang pinamumugaran ay isa nang milagro mismo, subalit paano kaya nito masusumpungan ang kaniyang asawa at kapipisang sisiw sa gitna ng sampu-sampung libong naghuhunihang mga emperor? Sa panahon ng kanilang pagliligawan, tinatandaang mabuti ng bawat isa ang kani-kaniyang huni anupat kahit ilang buwan na silang magkahiwalay, nagagawa pa rin nilang dalawa na magkita!

Bukod pa sa pambihirang pagkakaiba-iba ng mga huni, kabilang sa pakikipag-usap ng mga hayop ang pagkumpas, pag-agaw ng atensiyon sa pamamagitan ng mga kulay, paglalabas ng liwanag, at kakaibang amoy. At bagaman waring di-kapani-paniwala, maging ang mga halaman ay nakikipag-usap din sa isa’t isa at sa ilang hayop, gaya ng makikita natin. Oo, ang komunikasyon ay tunay na mahalaga sa umaasa-sa-isa’t isa at masalimuot na kawing ng buhay sa daigdig na ito.

Gusto mo bang madagdagan pa ang iyong kaalaman tungkol sa ilan sa kahanga-hangang mga uri ng komunikasyon sa daigdig sa palibot natin? At gusto mo bang lalong mapahalagahan ang iyong sariling kakayahang makipag-usap at mapasulong pa ang mga ito? Makatutulong sa iyo ang susunod na mga artikulo.

[Larawan sa pahina 3]

Paano nasusumpungan ng isang babaing “emperor penguin” ang kaniyang asawa?