Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Komunikasyon sa Daigdig sa Palibot Natin

Komunikasyon sa Daigdig sa Palibot Natin

Komunikasyon sa Daigdig sa Palibot Natin

“Kung walang komunikasyon, bawat indibiduwal ay magiging parang hiwa-hiwalay na mga isla.”​—The Language of Animals.

SA ISANG kapirasong lupa sa kagubatan, sa sabana, o maging sa iyong sariling halamanan, may mga hayop na maaaring abalang nag-uusap. Ang aklat na The Language of Animals ay nagsasabi: “Ang mga hayop ay gumagamit ng lahat ng pandamdam, anupat kumukumpas sila sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang katawan at ng mga posisyon nila; naglalabas din sila at sumasagap ng mga amoy bilang hudyat na kung minsa’y halos di-maamoy​—o kung minsan naman ay napakatapang ng amoy lalo na kung ito’y galing sa natakot na mga skunk; umiirit, pumuputak, umaawit at sumisiyap; naglalabas at sumasagap ng elektrikal na mga hudyat; naglalabas ng mga liwanag; nagbabago ng kulay ng balat; ‘sumasayaw;’ at kinakatok pa nga at inuuga ang nilalakaran nila.” Subalit ano kaya ang ibig sabihin ng lahat ng hudyat na ito?

Natuklasan ng mga siyentipiko ang kahulugan ng mga hudyat ng hayop sa pamamagitan ng masusing pagmamasid. Halimbawa, napansin nila na kapag ang isang bantam (maliit na manok) ay nakakita sa lupa ng isang maninilang gaya ng weasel, ang bantam ay huhuni ng napakatinis na kuk, kuk, kuk upang babalaan ang iba pang mga bantam. Pero kapag natanaw nito ang isang lawin, ang bantam ay minsanang titilî nang mahaba. Agad namang sasagutin ang bawat huni depende sa kanilang narinig na babala, na nagpapahiwatig na ang mga ibon ay nagbibigay ng espesipikong impormasyon. Ang ibang mga ibon ay napansing humuhuni ng gayunding natatanging mga pantawag-pansin.

“Isa sa pangunahing mga paraan upang pag-aralan ang komunikasyong ginagawa ng mga hayop,” ang sabi ng aklat na Songs, Roars, and Rituals, “ay ang pagrerekord ng tamang hudyat at pagkatapos ay iparirinig ito sa mga hayop at titingnan kung tutugon sila ayon sa inaasahan mo.” Ang mga resulta sa pagsubok sa mga bantam ay kagaya ng naobserbahan nila sa gubat. Nagtagumpay rin ang pamamaraang ito maging sa mga gagamba. Upang malaman kung bakit naaakit ang mga babaing wolf spider sa mga lalaking nanliligaw​—na nagsisikap pahangain ang mga babae sa pamamagitan ng pagkaway ng kanilang mabalahibong mga binti sa mga ito​—nag-eksperimento ang mga mananaliksik sa pamamagitan ng pagkuha ng video ng isang lalaking wolf spider at sa pamamagitan ng computer ay inalis ang mga balahibo sa mga binti nito. Nang ipakita nila sa babae ang video, bigla itong nawalan ng interes. Ang leksiyon? Maliwanag na ang mga babaing wolf spider ay naaakit lamang sa mga lalaking ikinakaway ang kanilang mabalahibong mga binti!

Paghudyat sa Pamamagitan ng Amoy

Maraming hayop ang naghuhudyatan sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglalabas ng matatapang na kemikal na tinatawag na pheromone, na karaniwang nanggagaling sa partikular na mga glandula, o sa kanilang ihi o dumi. Kung paanong sa pamamagitan ng bakod at pangalan o numero ay nakikilala ang ari-arian ng isang tao, ang pheromone naman ang nagpapahiwatig o nagmamarka sa teritoryo ng ilang hayop, kabilang na ang mga aso at pusa. Bagaman hindi nakikita, ang pinakaepektibong paraang ito ng pagmamarka ay tumutulong sa magkakauring hayop na dumistansiya nang maayos sa isa’t isa.

Subalit hindi lamang pangmarka ng teritoryo ang pheromone. Para rin itong isang kemikal na bulletin board na gustung-gustong “basahin” ng ibang mga hayop. Ayon sa aklat na How Animals Communicate, “maaaring kalakip [sa amoy na pangmarka] ang iba pang impormasyon tungkol sa nakatira, gaya ng edad, kasarian, lakas sa pisikal at iba pang mga kakayahan nito, [at] ng kasalukuyang kalagayan ng siklo ng pag-aanak ng may-ari . . . Ang amoy ng marka ng hayop ay nagsisilbing pasaporte niya para makilala ang isang indibiduwal.” Hindi nga kataka-taka na napakahalaga sa ilang hayop ang kanilang amoy na pangmarka​—isang bagay na alam na alam ng mga tagapangalaga sa zoo. Sa tuwing lilinisin ang mga kulungan o lugar na pinagtatakbuhan ng mga hayop, napapansin ng mga tagapangalaga sa zoo na agad muling minamarkahan ng maraming hayop ang kanilang lugar. Sa katunayan, “nagdudulot ng tensiyon ang pagkawala ng sarili nitong amoy at maaaring pagmulan ng kakaibang paggawi at pagkabaog pa nga,” ang sabi ng nabanggit na aklat.

Mahalaga rin ang papel ng pheromone sa daigdig ng mga insekto. Halimbawa, ang pheromone na nagbibigay-babala ay nag-uudyok sa kanila na magkuyug-kuyog at umatake. Ang pheromone na para sa pagbuo ng grupo ay humihikayat sa mga indibiduwal na puntahan ang pinanggagalingan ng pagkain o ang isang angkop na lugar na puwede nilang pamugaran. Kabilang sa mga ito ang pheromone para sa pagtatalik, na dito’y napakasensitibo ng ilang kinapal. Ang mga lalaking silkworm moth ay may dalawang detalyadong antena na parang maliliit na dahon ng pakô. Napakasensitibo ng mga antenang ito anupat nasasagap nito ang isang molekula ng pambabaing pheromone para sa pagtatalik! Mga 200 molekula ang kailangan upang maudyukan ang lalaki na hanapin ang babae. Gayunman, ang komunikasyon sa pamamagitan ng kemikal ay hindi lamang para sa mga hayop.

“Nagsasalitang” mga Halaman

Alam mo bang nag-uusap din ang mga halaman at maging ang ilang hayop? Iniulat ng magasing Discover na napansin ng mga mananaliksik sa Netherlands na ang mga halamang patani, kapag inatake ng mga spider mite, ay naglalabas ng kemikal bilang paghingi ng saklolo na umaakit sa iba pang uri ng mga hanip na siya namang sumisila sa spider mite. Sa katulad na paraan, ang halamang mais, tabako, at bulak, kapag sinalakay ng mga higad, ay naglalabas ng mga kemikal na sumasama sa hangin na nilalapitan naman ng mga putakti​—ang mortal na kaaway ng mga higad. Ang sabi ng isang mananaliksik: “Ang mga halaman ay hindi lamang nagsasabing, ‘Oo, sinisira ako,’ sinasabi rin nila kung sino ang mismong sumisira sa kanila. Tunay na ito’y isang masalimuot at kahanga-hangang sistema.”

Nakapagtataka rin ang pag-uusap ng mga halaman. Ayon sa Discover, “napansin [ng mga mananaliksik] na ang mga punong sause, alamo, alder, at birch ay nakikinig sa kauri nilang puno at ang mga punla ng sebada ay nakikinig sa kanilang kapuwa mga punla ng sebada. Sa bawat kaso, ang mga nasirang halaman, ito man ay kinain ng mga higad, inamag, [o] pinamugaran ng mga spider mite, . . . ay nakapaglabas ng mga kemikal na siyang dahilan upang dumepensa ang katabing mga halaman na hindi pa nasisira.” Maging ang ibang uri ng mga halaman ay tumutugon din sa kemikal na mga babala.

Kapag sinasalakay o binababalaan, ang halaman ay nagsasagawa ng sarili nitong depensa. Kalakip dito ang mga lason na pumapatay sa mga insekto o mga sangkap na humahadlang o nag-aalis pa nga sa kakayahan ng sumasalakay na kainin ang halaman. Ang gagawin pang pagsasaliksik tungkol sa kaakit-akit na larangang ito ay maaaring umakay sa higit pang kahanga-hangang mga tuklas, anupat ang ilan sa mga ito ay maaaring pakinabangan sa agrikultura.

‘Morse Code’ sa Pamamagitan ng mga Liwanag

“Ang kanilang maliliit na ilawan sa ere, na kumukuti-kutitap sa mga bituin, ay nagbigay sa aming ordinaryong distrito sa labas ng bayan ng isang napakagandang uri ng gayuma,” isinulat ng ekologong si Susan Tweit sa isang artikulo tungkol sa mga alitaptap. Ang mga insektong ito na kapamilya ng mga uwang ay nakikipag-usap sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng liwanag “mula sa isang simpleng pagkislap bilang babala hanggang sa isang komplikadong pagkislap bilang pagtatawagan at pagtutugunan ng mga nagliligawan,” ang sabi ni Tweit. Ang kulay ng kanilang ilaw ay iba’t iba mula berde hanggang dilaw at hanggang kulay-kahel. Palibhasa’y bihirang lumipad ang mga babae, ang karamihan sa ating nakikitang liwanag ay mula sa mga lalaki.​—Tingnan ang kahon na “Ang Malamig na Ilaw ng Alitaptap.”

Ang bawat isa sa 1,900 uri ng alitaptap ay may sariling paraan ng pagkislap. Maaari itong buuin ng tatlong pagkislap, na ang pagitan ay mga isang segundo, o ng sunud-sunod na pagkislap na may iba’t ibang haba at pagitan. Kapag gusto nang mag-asawa, ang lalaking alitaptap ay lumilipad-lipad habang kumikislap-kislap na nagpapahiwatig na siya’y nanliligaw. “Napapansin naman ito ng babaing alitaptap dahil sa tiyempo ng pagkislap,” ang sabi ng magasing Audubon, at “sasagot ng ‘Heto ako’ sa pamamagitan ng pagkislap na ang pagitan ay ayon sa kaniyang uri.” Naiintindihan ng lalaki ang kaniyang tahimik na paanyaya at ito’y lilipad palapit sa kaniya.

Mga Ibong Dalubhasa sa Pag-awit

“Sa haba, pagkakaiba-iba at pagkasalimuot, wala nang iba pang awit ng hayop ang makapapantay sa awit ng isang ibon,” ang sabi ni David Attenborough sa kaniyang aklat na The Life of Birds. Ang awit ng ibon ay nanggagaling hindi sa lalamunan kundi sa isang sangkap ng katawan na tinatawag na syrinx, na nasa kaloob-looban ng dibdib ng ibon malapit sa lugar na mula roo’y naghihiwalay ang lalaugan bago pumasok sa bagà.

Ang mga awit ng ibon ay may bahaging minamana at may bahaging natututuhan mula sa mga magulang. Dahil dito, maaari pa ngang magkaroon ang ibon ng puntó depende sa kanilang lugar. Ang sabi ng The Life of Birds: “Ang mga ibong itim na nagmula sa mga ibong dinala sa Australia noong ikalabinsiyam na siglo upang aliwin ang mga nandayuhang Europeo sa pamamagitan ng mga huni mula sa kanilang sariling bayan, ay may puntong Australiano na ngayon.” Ang awit ng lalaking lyrebird, na sinasabing pinakamasalimuot at pinakamalambing sa lahat ng awit ng mga ibon, ay halos natutuhang lahat mula sa ibang mga ibon. Sa katunayan, likas na napakagaling manggaya ng mga lyrebird anupat nagagaya nila ang halos lahat ng tunog na kanilang marinig​—kasali na ang mga instrumento sa musika, kahol ng mga aso, mga alarma para sa mga magnanakaw, haginit ng palakol, at motor pa nga ng kamera! Mangyari pa, ang lahat ng panggagayang ito ay pangunahin nang para pahangain ang potensiyal na mapapangasawa.

Ang mga tariktik (woodpecker), na karaniwan nang ginagamit ang kanilang tuka para maghukay ng pagkain, ang tagatuktok sa daigdig ng mga ibon, anupat hinuhudyatan ang ibang mga ibon sa pamamagitan ng pagtuktok ng kanilang tuka sa isang maalingawngaw na trosong guwang ang loob o sa isang sanga. Maaari pa ngang “gamitin [ng ilan] ang nakatutuwang bagong mga instrumento . . . , isang kanaladong yerong bubong o isang tubo ng kalan,” ang sabi ni Attenborough. Ang mga ibon ay nakikipagtalastasan din sa paraang nakikita, may saliw man ng musika o wala. Halimbawa, maaari silang maghudyatan sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagdidispley ng kanilang makulay na balahibo.

Kapag ipinagbibigay-alam ang kaniyang teritoryo, ginagawa ng lalaking palm cockatoo ng Australia ang lahat​—tumutuktok, umaawit, umiindak-indak, at nagdidispley ng kaniyang balahibo. Binabali niya ang isang angkop na sanga, sinusunggaban ng kaniyang paa, at saka itutuktok ito sa isang patay na punò. Kasabay nito, ibinubuka niya ang kaniyang mga pakpak, ipinapaypay ang kaniyang palong, ipinapaling sa magkabilang tabi ang kaniyang ulo, at tumitilî nang napakatinis​—kaygandang panoorin!

Nakikilala ng ibang mga hayop ang huni ng ilang ibon. Tingnan natin ang honey guide, isang ibong maliit at parang pipit (thrush) na karaniwang masusumpungan sa Aprika. Angkop na angkop sa pangalan nito, aakayin ng honey guide, sa pamamagitan ng natatanging huni nito, ang isang ratel, na mukhang kuneho na kapamilya ng weasel, patungo sa isang punungkahoy na may bahay-pukyutan. Kapag dumapo na ang ibon sa punungkahoy o malapit dito, huhuni naman ito ng ibang klase na, sa diwa, ay nagsasabing, “May pulot sa banda rito!” Matatagpuan ng ratel ang punungkahoy, bibiyakin ang pinakakatawan ng punò sa pamamagitan ng matutulis na kuko nito, at saka magpapakasawa sa tamis nito. Pagkatapos, kakainin naman ng ibon ang pinakapagkit at uod ng pukyutan.

Pag-uusap sa Ilalim ng Tubig

Mula nang magkaroon ng mga hydrophone, ang mga aparatong pang-ilalim ng tubig para makapakinig, namangha ang mga mananaliksik sa maraming tunog na maririnig sa kailaliman. Mula sa mahinang huni hanggang sa ngiyaw at maging mga tilî, ang mga tunog na ito ay napakarami anupat ginamit ito ng mga nagpapaandar ng submarino upang itago ang mga ingay na nagmumula mismo sa kanilang umaandar na submarino. Pero may sariling huni rin ang mga isda. Sa kaniyang aklat na Secret Languages of the Sea, sinabi ng biyologo sa karagatan na si Robert Burgess: “Kapag may isdang ‘umingit, kumurok, at kumahol,’ pagkatapos ay inulit ito nang eksakto, may ibang isda rin na ‘lalagitik at sasakmal,’ pagkatapos ay ‘gagaralgal at kukurok’ bilang pag-uulit.”

Paano kaya nakahuhuni ang mga isda gayong wala naman silang mga bagting sa lalamunan? Ginagamit ng ilan, sabi ni Burgess, ang mga kalamnang “nakadikit sa mga gilid ng kanilang pantog-hangin upang payanigin ang mga gilid na iyon hanggang ang kanilang mga pantog” ay tumunog na parang mga tambol. May mga isda naman na pinagkikiskis ang kanilang mga ngipin o kaya’y bukas-sara ang kanilang mga hasang na lumalagapak o pumapalakpak. Ang mga ito ba ay pawang mga walang-kabuluhang “pagsasatsatan”? Lumilitaw na hindi. Gaya ng mga hayop sa lupa, ang mga isda ay humuhuni upang “mang-akit ng di-kasekso, para makadepensa mula sa mga kaaway, at upang makipagtalastasan at manakot sa pangkalahatan,” ang sabi ni Burgess.

Matalas din ang pandinig ng mga isda. Sa katunayan, marami sa mga uring ito ang may panloob na mga tainga at isang hanay ng mga selulang sensitibo sa puwersa na nasa gitnang bahagi ng kanilang tagiliran. Nararamdaman ng hanay na ito ng mga selula, na tinatawag na laterál na linya, ang puwersa ng alon na likha ng tunog habang naglalakbay ito sa tubig.

Ang Pinakamahuhusay sa Larangan ng Komunikasyon sa Lupa

“Nang pinag-aaralan namin ang wika ng tao,” isinulat ng propesor sa mga wika na si Noam Chomsky, “sumasapit na kami sa kung tawagin ng ilan ay ‘likas na katangian ng tao,’ ang namumukod na mga katangian ng isip na, sa abot ng ating alam, ay para lamang sa tao.” Si Barbara Lust, propesor sa mga wika at pagsulong ng tao, ay nagsabi: “Ang mga batang 3 taóng gulang pa lamang ay nagtataglay na ng isang kahanga-hangang kaalaman sa pagbubuo at pagsusunud-sunod ng mga salita na napakakumplikado at eksakto anupat hindi kayang ipaliwanag ng teoriya kung paano ito natutuhan.”

Subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng makatuwirang paliwanag sa himala ng wika ng tao. Iniuugnay nito ang kaloob na ito sa Maylalang, sa Diyos na Jehova, na gumawa sa sangkatauhan ayon sa kaniyang “larawan.” (Genesis 1:27) Subalit paano nakikita ang mga katangian ng Diyos sa ating kakayahan sa wika?

Halimbawa, sa pagbibigay ng pangalan. Isinulat ng propesor sa speech communication na si Frank Dance na ang mga tao “ang tanging mga nilalang na nakapagbibigay ng pangalan.” Makikita sa Kasulatan na ito’y isang katangian ng Diyos. Sa pasimula pa lamang ng ulat ng paglalang, sinasabi sa atin ng Bibliya na tinawag ng Diyos na “Araw ang liwanag, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Genesis 1:5) Ayon sa Isaias 40:26, maliwanag na binigyan ng Diyos ang bawat bituin ng sarili nitong pangalan​—isang kagila-gilalas na gawa!

Matapos lalangin ng Diyos si Adan, isa sa unang ipinagawa sa kaniya ay ang pangalanan ang mga hayop. Tunay ngang hinamon ng atas na ito ang kakayahan ni Adan sa pagiging mapagmasid at malikhain! Nang dakong huli, ang ipinangalan naman ni Adan sa kaniyang asawa ay Eva. Tinawag naman ni Eva ang kanilang panganay na Cain. (Genesis 2:19, 20; 3:20; 4:1) Mula noon, lagi nang pinapangalanan ng mga tao ang lahat ng bagay na maisip nila​—at lahat ng ito ay upang mapadali ang komunikasyon. Oo, isip-isipin na lamang kung gaano kahirap ang matinong pag-uusap kung walang mga pangalan.

Bukod pa sa kakayahan at pagnanais na pangalanan ang mga bagay-bagay, ang mga tao ay nagtataglay ng maraming iba pang kakayahan sa komunikasyon, na hindi pawang pasalita. Sa katunayan, talagang walang limitasyon ang maaari nating ibahagi sa isa’t isa, mula sa masalimuot na mga ideya hanggang sa pinakamagiliw na damdamin. Subalit may isang partikular na uri ng komunikasyon na nakahihigit sa lahat ng ito, gaya ng makikita natin ngayon.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

ANG MALAMIG NA ILAW NG ALITAPTAP

Sa isang napakaliwanag na bombilya, mahigit na 90 porsiyento ng enerhiya nito ang nasasayang anupat nagiging init lamang. Ang liwanag ng alitaptap, na salig sa masalimuot na kemikal na reaksiyon, ay 90 hanggang 98 porsiyentong napakikinabangan, na halos walang nasasayang anupat nagiging init lamang. Dahil dito, angkop lamang na tawagin itong malamig na ilaw. Ang kemikal na reaksiyon na gumagawa ng liwanag ay nagaganap sa pantanging mga selula na tinatawag na mga photocyte. Binubuksan at pinapatay ng mga nerbiyo ang mga photocyte.

[Credit Line]

John M. Burnley/Bruce Coleman Inc.

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

MGA MUNGKAHING TUTULONG UPANG PASULUNGIN ANG IYONG KAKAYAHANG MAKIPAG-USAP

1. Makinig na mabuti kapag may nagsasalita, at huwag pangibabawan ang usapan. Hindi papansinin ng mga tao ang maling bigkas ng salita o di-sinasadyang pagkakamali sa gramatika, subalit hindi nila kagigiliwan ang isang taong salita nang salita pero hindi naman nakikinig. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,” ang sabi ng Bibliya.​—Santiago 1:19.

2. Magpakita ng interes sa buhay at sa mga bagay sa iyong paligid. Maging palabasa pero gumamit ng matalinong pagpapasiya. Kapag ipinakikipag-usap ang iyong natututuhan, lakipan mo ng kahinhinan at kapakumbabaan ang iyong pakikipag-usap.​—Awit 5:5; Kawikaan 11:2.

3. Palawakin ang iyong bokabularyo​—ng praktikal na mga salita, hindi ng mararangyang termino na aakay lamang ng pansin sa tagapagsalita. Sinabi ng mga tao tungkol kay Jesus: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Juan 7:46) Gayunman, kahit ang mga taong “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” ay hindi nahirapang umunawa sa mga salita ni Jesus.​—Gawa 4:13.

4. Magsalita nang maliwanag, at bigkasin ang mga salita nang tama. Subalit iwasan na maging masyadong eksakto o di-natural. Kung magsasalita tayo nang maliwanag at naiintindihan at hindi minamadali ang pagsasalita o pinuputol ang huling pantig ng mga salita, nagbibigay tayo ng dignidad sa ating pagsasalita at nagpapakita ng konsiderasyon sa ating mga tagapakinig.​—1 Corinto 14:7-9.

5. Kilalanin na ang iyong kakayahang makipag-usap ay kaloob ng Diyos. Mauudyukan ka nito na ibigay ang nararapat na paggalang sa mga kakayahang ito.​—Santiago 1:17.

[Larawan sa pahina 5]

Ang mga “silkworm moth” ay may napakasensitibong antena

[Credit Line]

Courtesy Phil Pellitteri

[Larawan sa pahina 6, 7]

Tariktik

[Larawan sa pahina 7]

“Bird of paradise”

[Credit Line]

© Michael S. Yamashita/CORBIS

[Larawan sa pahina 7]

“Palm cockatoo”

[Credit Line]

Roland Seitre