Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Krisis sa Kabukiran ay Magwawakas

Ang Krisis sa Kabukiran ay Magwawakas

Ang Krisis sa Kabukiran ay Magwawakas

“ANG ilang nakakakita sa kalagayang kinakaharap ng mga magbubukíd ay nagtataka kung bakit may mga taong gusto pa ring magpatuloy sa pagbubukíd,” ang sabi ni Rodney, isang ikatlong-henerasyong magbubukíd. Gayunman, milyun-milyon sa buong daigdig ang patuloy pa rin sa pagbubukíd. Sa ilang papaunlad na mga lupain, maaaring walang gaanong mapagpipiliang trabaho; ang pagbubukíd ay makatutulong kahit paano sa pamilya upang may makain sa araw-araw.

Karagdagan pa, maraming pamilya ang nakadarama na ang pagbubukíd ay hindi lamang isang hanapbuhay kundi isang paraan ng pamumuhay. Ang maraming tao na nagpatuloy sa pagbubukíd sa kabila ng tagtuyot, sakit, mahirap na kalagayan sa ekonomiya, at iba pang mga krisis ay nagpapatotoo sa kanilang husay na makibagay at pagmamahal sa buhay sa bukid. Bago suriin ang solusyon sa krisis sa kabukiran, tingnan natin kung paano natulungan ang ilang magbubukíd na maharap ang mga ito.

Kung Paano Ito Nahaharap ng Ilan

Ang pagbubukíd ay may kaakibat na ilang di-maiiwasang mga hamon. Dapat kilalanin na ang lagay ng panahon, ekonomiya, at maraming iba pang salik ay hindi talaga mapipigilan. “Isang masakit na aral para sa maraming magbubukíd na ang pagpapagal ay hindi laging nagdudulot ng tagumpay,” ang sabi ng isang report na inilathala ng North Carolina Cooperative Extension Service. “Ang etika sa paggawa na naikintal sa mismong buhay ng bawat magbubukíd ay hindi laging nagdudulot ng mga gantimpalang ipinangangako nito. Sa bawat magbubukíd, may mga kalagayan at mga dahilan na hindi niya kayang kontrolin.” Bilang paglalarawan kung paano siya nananatiling masaya, sinabi ng isang may-edad nang magsasaka: “Natutuhan kong makibagay sa hindi ko kayang iwasan.”

Isang sinaunang kawikaan ang nagsasabi: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” (Eclesiastes 11:4) Ang kawalang-katiyakan at pag-uurong-sulong ay nakapaparalisa. Ang pagpapalit sa negatibong mga kaisipan ng positibong mga pagkilos ay makatutulong upang mabawasan ang di-kinakailangang kaigtingan.

Ang tamang pagkain, sapat na pahinga, at tamang ehersisyo ay makatutulong din. Iniulat ng The Western Producer na ang mga magbubukíd na nananatiling malusog ay “nakagagawa ng mas mabubuting desisyon.” Isang magbubukíd na nagngangalang Eugene at ang kaniyang asawang si Candace ay nagsabi sa Gumising!: “Ang sapat na pahinga ay nakatutulong sa amin na maharap ang kaigtingan. Ang mga problema ay waring mas maliit at mas madaling lunasan kung kami ay nakapagpahinga. Nakatutulong din ang tamang pagkain, lalo na kapag pinagsasaluhan ng buong pamilya.” Ang payong ito ay kasuwato ng sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”​—Eclesiastes 3:13.

Pagsuporta sa Pamilya

Sinabi ng isang magbubukíd sa Gumising!: “Kinailangang suportahan ng maraming pamilyang magbubukíd ang kanilang sarili sa pamamagitan ng ibang trabaho. Bagaman ito ay nilayon upang guminhawa sila mula sa kaigtingan sa pinansiyal, maaaring magkaroon ng iba namang mga kaigtingan na may kinalaman sa mga ugnayan. Ang ilang pamilya sa kabukiran na dati’y malapít sa isa’t isa ay nagkahiwa-hiwalay na ngayon.” Paano ito mahaharap ng mga pamilya?

Mga 2,700 taon na ang nakalilipas, ang mga ulo ng pamilya ay pinayuhan: “Ihanda mo ang iyong gawain sa labas, at ihanda mo iyon sa bukid para sa iyo. Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.” (Kawikaan 24:27) Si Randy, isang ama at ikaapat-na-henerasyong magbubukíd, ay nagsabi: “Ang pagkakaroon ng panahon upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga kapamilya ay napakaimportante. Bawat miyembro ng pamilya ay nangangailangan ng suporta at pag-ibig. Ang mga salita at gawa ng kabaitan ay nagpapadama sa lahat na sila ay kailangan at pinahahalagahan.”

Ang mga bata lalo na ay kailangang bigyang-katiyakan kapag nagaganap ang biglaang mga pagbabago. Ang kalugihang nadarama ng mga bata matapos mailit ang bukid ng pamilya ay maihahalintulad sa nadarama ng mga anak kapag naghiwalay o namatay ang kanilang mga magulang. Kailangan nilang malaman na wala silang kasalanan sa problemang iyon at na sama-sama pa rin ang pamilya.

Kung Paano Makatutulong ang Iba

Maaaring umiwas sa pakikihalubilo sa mga tao ang mga magbubukíd na apektado ng kaigtingan, anupat iniiwasan maging ang kanilang mga kaibigan. (Kawikaan 18:1) Gayunman, sa panahon ng kabagabagan, kailangan ng isang tao ang suporta ng iba higit kailanman!

Mayroon ka bang kaibigan o kapitbahay na nagdurusa dahil sa krisis sa kabukiran? Kahit ang pagpapakita lamang ng empatiya sa gayong mga tao ay makatutulong na. “Ang bagay na nababatid ng aming mga kaibigan ang mahirap na kalagayang dinaranas namin ay isa nang kaaliwan,” ang sabi ng isang magbubukíd na nagngangalang Ron. Oo, magkusang dalawin ang mga kaibigan mo at makinig habang ipinahahayag nila ang kanilang damdamin.

Si Jack ay nakinabang sa gayong mga pagdalaw. Ganito ang inilahad niya: “May-kasiyahan kong naaalaala ang maraming pagkakataon kapag napapansin ng aking mga kaibigan ang maigting na kalagayan ko at maibigin silang dumadalaw para patibayin ako.” Ang malalim na pagkaunawa sa pagpapatakbo ng bukid o hayupan ay hindi na kailangan ng isang tao para makatulong. Si Rodney, na binanggit sa pasimula, ay nagsabi: “Ang bagay lamang na nababatid ng aking mga kaibigan na mabigat ang aking trabaho ay nagbibigay na sa akin ng lakas at hangarin na gawin ang makakaya ko.” Ipinaaalaala sa atin ang kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Isang Permanenteng Solusyon

Ang krisis sa kabukiran ay isa lamang sa maraming katibayan ng kawalang-kakayahan ng tao na pamahalaan ang lupa at ang mga kayamanan nito. Sinabi ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Maliwanag, kailangan ng tao ang tulong ng Diyos. At makapagtitiwala ka na ang gayong tulong ay malapit nang dumating.

Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi: “Kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Genesis 2:15) Oo, ang utos ng ating Maylalang ang nagpasimula sa agrikultura! Makalipas ang maraming siglo, dinala ng Diyos ang kaniyang bayan, ang mga Israelita, tungo sa lupain ng Canaan. Hinggil sa lupaing iyon, sinabi ng kinasihang ulat: “Mula sa ulan ng langit ay umiinom ito ng tubig; isang lupaing pinangangalagaan ni Jehova na iyong Diyos. Ang mga mata ni Jehova na iyong Diyos ay palaging nakatingin doon, mula sa pasimula ng taon hanggang sa pagtatapos ng taon.” (Deuteronomio 11:11, 12) Nagbigay rin si Jehova ng mga kautusan na nagsanggalang sa Lupang Pangako laban sa pang-aabuso. Halimbawa, dapat hayaang tiwangwang ng mga Israelita ang kanilang mga bukid, ubasan, at mga taniman ng olibo tuwing ikapitong taon. (Exodo 23:10, 11) Sa gayo’y napanatili ang pagiging mataba ng lupa.

Makapagtitiwala tayo na sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos​—isang makalangit na pamahalaan na pinamumunuan ni Jesu-Kristo​—ang lupa ay magtatamasa ng walang-kaparis na pagkamabunga sa agrikultura. (Isaias 35:1-7) Noong nasa lupa pa, ipinakita ng hinirang na Tagapamahala ng Kahariang ito, si Jesu-Kristo, ang kaniyang kakayahang kontrolin ang likas na mga puwersang nakaaapekto sa agrikultura. (Marcos 4:37-​41) Inilalarawan ng Awit 72 ang mga kalagayang iiral kapag ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang pagalingin ang lupa at ang mga mamamayan nito. Tinitiyak nito sa atin: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw. Ang kaniyang bunga ay magiging gaya ng sa Lebanon, at yaong mga mula sa lunsod ay mamumulaklak na tulad ng pananim sa lupa.” (Awit 72:16) Napakasaganang ani, na tinatamo nang may masidhing kagalakan, ang naghihintay sa bayan ng Diyos sa ipinangakong bagong sanlibutang iyon.

[Blurb sa pahina 9]

“Isang masakit na aral para sa maraming magbubukíd na ang pagpapagal ay hindi laging nagdudulot ng tagumpay”

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pangangalaga sa emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya ay makatutulong sa kanila na harapin ang mga suliranin

[Larawan sa pahina 10]

Sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang lupa ay magluluwal ng pagkain nang napakasagana

[Picture Credit Line sa pahina 9]

Garo Nalbandian