Ang Pangmalas ng Bibliya
Mga Alternatibong Istilo ng Pamumuhay—Sinasang-ayunan ba Ito ng Diyos?
“KAILAN ko malalaman kung anong kasarian ang pipiliin ko?” Gayon ang isinulat ng 13-taóng-gulang na dalagita sa isang tudling na nagpapayo sa mga tin-edyer. Ipinakikita ng kaniyang katanungan ang saloobin ng marami na nakadaramang malaya ang mga tao na magtaguyod ng anumang seksuwal na istilo ng pamumuhay na kanilang piliin.
May mga tao na baka talagang litung-lito na nakikipagpunyagi hinggil sa kanilang seksuwal na damdamin. Lantaran namang tinanggap ng iba ang mga alternatibong istilo ng pamumuhay gaya ng homoseksuwalidad. Ang iba naman ay napakalakas ng loob na kumikilos at nagbibihis na gaya ng hindi nila mga kasekso. Nagpapaopera pa nga ang iba upang palitan ang kanilang kasarian. May mga indibiduwal pa nga na nangangatuwirang dapat pahintulutang makipagtalik ang mga adulto sa mga bata.
Personal na desisyon nga lamang ba ang mga gawain sa sekso at pagpili ng kasarian? Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa mga bagay na ito?
“Nilalang Niya Sila na Lalaki at Babae”
Ayon sa aklat ng Bibliya na Genesis, nilikha mismo ng Diyos na magkaiba ang mga lalaki at mga babae. Ganito ang sabi ng ulat: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan . . . Nilalang niya sila na lalaki at babae. Gayundin, pinagpala sila ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.’”—Genesis 1:27, 28.
Nilikha ng Diyos ang mga tao na may kalayaang magpasiya at binigyan sila ng mga pagkakataon para masiyahan sa kanilang kalayaan. (Awit 115:16) Dahil ipinagkatiwala sa kanila ang pangangalaga sa lahat ng iba pang bagay na buháy sa lupa, pinahintulutan pa nga ang tao na siya ang magpangalan nang naaangkop sa mga ito. (Genesis 2:19) Gayunman, pagdating sa mga bagay hinggil sa seksuwalidad, nagbigay ng espesipikong mga tuntunin ang Diyos.—Genesis 2:24.
Dahil sa pagsuway ni Adan, minana nating lahat ang di-kasakdalan. Kaya naman, kailangan nating paglabanan ang makalamang mga kahinaan at masidhing mga pagnanasa na hindi kasuwato ng orihinal na layunin ng Diyos. Dahil dito, sa pamamagitan ng mga kautusang ibinigay kay Moises, espesipikong binanggit ng Diyos ang mga gawaing kinasusuklaman niya—samakatuwid nga, ang pangangalunya, insesto, homoseksuwalidad, at pakikipagtalik sa hayop. (Levitico 18:6-23) Ipinagbawal din ng Diyos na kumilos ang isa na para bang kabilang siya sa hindi niya kasekso para sa imoral na mga layunin. (Deuteronomio 22:5) Hindi nagbabago ang Bibliya sa itinuturo nito na ang tanging sinasang-ayunan ng Diyos na seksuwal na ugnayan ay sa pagitan lamang ng ikinasal na lalaki at babae. (Genesis 20:1-5, 14; 39:7-9; Kawikaan 5:15-19; Hebreo 13:4) Makatuwiran ba ang gayong mga pamantayan?
Sino ang Dapat Magpasiya?
Inihalintulad ng Bibliya ang kalagayan ng tao sa harap ng kaniyang Maylalang bilang luwad sa mga kamay ng magpapalayok. Sinabi nito: “O tao, sino ka nga bang talaga upang sumagot sa Diyos? Ang bagay ba na hinubog ay magsasabi sa kaniya na humubog dito, ‘Bakit mo ako ginawang ganito?’” (Roma 9:20) Maliwanag mula sa paraan ng pagkalikha ng Diyos sa mga lalaki at babae na likas lamang para sa kanila na maakit sa isa’t isa. Kung gayon, hindi likas ang seksuwal na pagkaakit sa isang kasekso, isang hayop, o maging sa isang bata.—Roma 1:26, 27, 32.
Dahil dito, ang mga taong nagtataguyod ng gayong di-likas na hilig sa sekso ay lumalaban sa Diyos. Ang Bibliya ay nagtataglay ng ganitong babala: “Sa aba niyaong lumalaban sa kaniyang Tagapag-anyo, gaya ng isang bibingang luwad sa iba pang mga bibingang luwad sa lupa! Dapat bang sabihin ng luwad sa tagapag-anyo nito: ‘Ano ang ginagawa mo?’” (Isaias 45:9) Tiyak na makatuwiran para sa Maylikha ng mga tao na magbigay ng tagubilin hinggil sa seksuwal na mga bagay. Hindi nga ba makatuwirang sumunod ang mga tao sa gayong tagubilin?
Pagsupil sa Kaniyang Sariling Sisidlan
Ginamit ng manunulat sa Bibliya na si Pablo ang katulad na ilustrasyon nang magbigay siya ng patnubay sa mga Kristiyano hinggil sa seksuwal na paggawi. Sinabi niya: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso.” (1 Tesalonica 4:4, 5) Inihambing ni Pablo ang katawan ng isang tao sa isang sisidlan. Ang pagsupil sa sisidlang iyon ay nangangahulugang iniaayon ng isa ang kaniyang kaisipan at mga naisin sa moral na mga kautusan ng Diyos.
Totoo, hindi ito madali. Mauunawaan naman na mahihirapan ang isa na nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso noong kaniyang pagkabata, na pinalaki ng mga magulang o ng iba pang tagapag-alaga na hindi naging mabuting halimbawa sa pagiging lalaki o pagiging babae, o nahantad sa pornograpya sa murang edad. Ang mga salik sa henetikong kayarian, hormon, at sikolohiko ay may ginagampanan ding bahagi sa pilipit na damdamin sa sekso. Gayunman, nakaaaliw malaman na ang ating Maylalang ay makapaglalaan ng tulong at suporta sa mga nangangailangan nito.—Awit 33:20; Hebreo 4:16.
Hayaang Hubugin Ka ng Dakilang Magpapalayok
Ang isang limpak ng luwad ay kailangang isentro sa makinang panghubog ng luwad bago simulan ng magpapalayok ang paghubog dito. Pagkatapos, habang umiikot ang makinang panghubog ng luwad, may-kasanayan at dahan-dahang hinuhubog ng magpapalayok ang luwad sa pamamagitan ng kaniyang mga daliri ayon sa gusto niyang hugis. Bago tayo mahubog upang maging isang kaayaayang tao sa paningin ng Diyos, kailangan nating isentro ang ating buhay sa di-nagbabagong mga simulain at kautusan ng Diyos. Kapag sinimulan nating pagsikapan ito, magiliw at malumanay na huhubugin tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya, ng kaniyang banal na espiritu, at ng Kristiyanong kapatiran. Saka madarama at mararanasan ng isang tao ang personal na pangangalaga ng Diyos sa kaniyang buhay.
Mangyari pa, dapat nating linangin ang pagtitiwala sa karunungan ng Maylalang, anupat nagtitiwala sa kaniya na alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Nalilinang ang pagtitiwalang ito sa pamamagitan ng panalangin at masigasig na pag-aaral ng Bibliya. Ang isang taong nagtataglay ng kaisipang iyan, kapag napapaharap sa problema ng mahalay na damdamin sa sekso, ay nahuhubog sa mga kamay ng Maylalang. Ang 1 Pedro 5:6, 7 ay nagsasabi: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”
Sa regular na pagbabasa ng Bibliya, nakikilala natin ang napakaraming tapat na mga lingkod ng Roma 7:24, 25.
Diyos na nakipagpunyagi sa makalamang mga pagnanasa subalit hindi sumuko. Talagang nakapagpapatibay-loob nga ang mga halimbawang ito! Madarama natin ang pagkasira ng loob ni apostol Pablo sa kaniyang sarili paminsan-minsan nang sabihin niya: “Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” Subalit, itinuro rin niya sa atin ang pangunahing pinagmumulan ng tulong nang sagutin niya ang kaniyang sariling tanong: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”—Isang Puwersa Para sa Pagbabago
Makatutulong din sa atin ang banal na espiritu ng Diyos. Malakas na puwersa ito para sa pagbabago. Ang banal na espiritu ay tumutulong sa atin na ‘alisin ang lumang personalidad’ at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Ang ating maibigin at makalangit na Ama ay hindi kailanman nabibigong tumugon kapag taimtim na hinihiling ang banal na espiritu para makatulong sa pagbabagong ito. Binibigyang-katiyakan tayo ni Jesus na ang Ama ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Subalit kailangan ang pagtitiyaga sa panalangin, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.” (Mateo 7:7) Lalo itong totoo kapag sinusupil ang masisidhing seksuwal na pagnanasa.
Tinutulungan din tayo ng Diyos sa pamamagitan ng tunay na Kristiyanong kapatiran, na binubuo ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan. Ang ilang Kristiyano sa unang-siglong kongregasyon sa Corinto ay dating “mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin” at “mga lalaking sumisiping sa mga lalaki.” Ngunit nagbago sila. Nilinis sila ng dugo ni Kristo, at sila ay naging kaayaaya sa paningin ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Kailangan ng ilan sa ngayon ang gayunding mga pagbabago. At ang gayong mga tao ay matutulungan ng Kristiyanong kongregasyon upang kanilang mapaglabanan ang maling mga pagnanasa.
Ibig bang sabihin nito na kusang matatanggal ng isang tao ang lahat ng di-likas na pagnanasa o kalituhan sa kasarian kapag naging Kristiyano ang isa? Hindi naman. Ang patuloy na pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay nakatulong sa ilan na magkaroon ng normal na buhay. Magkagayunman, ang mga Kristiyanong ito ay kadalasang kailangang makipagpunyagi araw-araw laban sa maling mga pagnanasa. Kaya naman nakapaglilingkod sa Diyos ang gayong mga tao sa kabila ng pagkakaroon ng makasagisag na “tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Hangga’t ipinagpapatuloy nila ang pakikipagpunyagi sa maling mga hilig at pinananatili ang matuwid na paggawi, itinuturing sila ng Diyos na tapat na mga lingkod at malinis sa kaniyang paningin. Makaaasa sila sa panahon sa hinaharap kapag ang buong sangkatauhan ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
Samantala, ang lahat ng nagnanais na paluguran ang Diyos ay dapat sumunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Pinipili ng tunay na mga Kristiyano ang maglingkod sa Diyos—hindi ang sumunod sa kanilang makasariling mga hilig. Yaong mapagpakumbabang nagpapasakop sa kalooban ng Diyos sa lahat ng pitak ng buhay ay gagantimpalaan ng walang-hanggang kagalakan at kaligayahan.—Awit 128:1; Juan 17:3.
[Blurb sa pahina 13]
Pagdating sa mga bagay hinggil sa seksuwalidad, nagbigay ng espesipikong mga tuntunin ang Diyos
[Blurb sa pahina 14]
Ang ilang Kristiyano sa unang-siglong kongregasyon sa Corinto ay dating “mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin” at “mga lalaking sumisiping sa mga lalaki.” Ngunit nagbago sila
[Larawan sa pahina 15]
Ang pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa isa na linangin ang matataas na pamantayang moral