Moseyk—Mga Larawang Iginuhit sa Bato
Moseyk—Mga Larawang Iginuhit sa Bato
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
ANG moseyk ay tinawag na “isang kakaibang anyo ng sining,” isang “kahanga-hangang” paraan ng pagpapalamuti, at isa sa “pinakamatitibay na uri ng palamuti mula sa sinaunang panahon.” Tinawag ito ng Italyanong alagad ng sining na si Domenico Ghirlandajo noong ika-15 siglo na “tamang paraan ng pagguhit na mananatili magpakailanman.” Anuman ang palagay mo sa moseyk, ang mga ito’y tunay na may kabigha-bighaning kasaysayan.
Ang moseyk ay maaaring bigyang-katuturan bilang ang sining ng pagpapaganda sa isang pang-ibabaw—gaya ng sahig, dingding, o kisame—sa pamamagitan ng mga disenyong gawa sa maliliit, pinagtabi-tabing piraso ng bato, salamin, o baldosa. Mula pa noong sinaunang panahon, ang moseyk ay ginagamit nang pampalamuti sa mga sahig at mga dingding. Iginagayak din ang moseyk sa mga spa, languyan, at mga bukal—mga lugar na mahalumigmig na maaaring makasira sa mas maseselang anyo ng sining.
Iba’t iba ang hitsura ng moseyk, mula sa simpleng sahig na iisa ang kulay hanggang sa mga disenyong itim at puti at mula sa masalimuot na bulaklaking dibuho na may iba’t ibang kulay hanggang sa napakahirap na pinagsama-samang larawan.
Imbensiyon at Pagsulong
Hindi pa matiyak kung sino ang nakaimbento ng moseyk. Ginagayakan noon ng sinaunang mga Ehipsiyo at Sumeriano ng makukulay na dibuho ang kanilang mga gusali. Gayunman, waring lumipas na ang sining na ito nang hindi man lamang napasulong. Ang Asia Minor, Cartago, Creta, Espanya, Gresya, Sicilia, at Sirya ay kinikilalang siyang pinagmulan ng moseyk, anupat ipinalagay tuloy ng isang manunulat na ang pamamaraang ito ay “inimbento, nilimot, at inimbento uli sa iba’t ibang panahon at kung saan-saang lugar sa palibot ng Dagat Mediteraneo.”
Ang sinaunang mga moseyk, na ang ilan ay kasintanda ng ika-siyam na siglo B.C.E., ay yari sa makikinis na pebble (maliliit
na bato) na inayos sa simpleng mga dibuho. Ang mga bato sa lugar na iyon ay may iba’t ibang kulay. Ang sukat ng mga bato ay karaniwan nang 10 hanggang 20 milimetro, subalit ang ilang detalyadong seksiyon ng dibuho ay ginamitan ng mga batong kasinliliit lamang ng limang milimetro. Pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., sinimulan ng mga artisano ang pagputol ng mga pebble hanggang sa mas maliliit pang piraso, na nakatulong upang lalong madetalye ang dibuho. Unti-unting napalitan ng maliliit na kuwadra-kuwadradong bato, o tesserae, ang mga pebble. Mas maraming kulay ang tesserae at mas madaling ilatag at ibagay sa kinakailangang disenyo. Nakagagawa mula rito ng makinis na pang-ibabaw na maaaring bulihin at pahiran ng wax upang lalong tumingkad ang kulay ng mga ito. Pagsapit ng ikalawang siglo C.E., malawakang ginamit ang maliliit na piraso ng mga may-kulay na salamin, na lalong nagpaunlad sa paleta ng tagagawa ng moseyk.Noong Helenistikong panahon (mga 300 B.C.E. hanggang mga 30 B.C.E.), lumitaw ang napakadetalyadong mga larawang gawa sa moseyk. “Sa paggamit ng halos lahat ng kulay at sa pagpapaliit sa sukat ng tesserae hanggang sa isang kubiko milimetro . . . , ang mga sining ng Griegong mga tagagawa ng moseyk ay maaari nang ilaban sa pandingding na mga larawang iginuhit,” ang sabi ng aklat na Glossario tecnico-storico del mosaico (Technical-Historical
Glossary of Mosaic Art). Buong-husay na ginamit ang kulay upang mapalabas ang epekto ng liwanag, sombra, lalim, bulto, at perspektiba.Pangkaraniwan na sa mga Griegong moseyk ang pagsisingit sa gitna nito ng napakadetalyadong larawan, o emblema—kadalasa’y isang de-kalidad na reproduksiyon ng isang bantog na painting—na pinalamutian ang mga gilid. Ang ilang nakasingit na mga larawan ay may tesserae na pagkaliliit at eksaktung-eksakto ang lapat anupat para itong iginuhit ng pinsel sa halip na ginawa mula sa indibiduwal na mga piraso ng bato.
Mga Romanong Moseyk
Ang moseyk ay kadalasan nang itinuturing na isang sining ng Roma dahil sa dami ng moseyk na matatagpuan sa Italya at sa mga lalawigan ng Imperyo ng Roma. “Daan-daang libo ng ganitong uri ng palitada ang makikita sa mga gusali noong panahon ng mga Romano mula hilagang Britanya hanggang Libya, mula sa baybayin ng Atlantiko hanggang sa disyerto ng Sirya,” ang sabi ng isang reperensiya. “Kung minsan ay itinuturing itong pagkakakilanlang tanda na may nanirahang mga Romano sa isang lugar, yamang napakalaki ng kaugnayan ng kakaibang pamamaraang ito sa paglaganap ng kultura ng mga Romano.”
Subalit ang makukulay na larawang gawa sa moseyk ay hindi nakatugon sa pangangailangan ng sinaunang imperyo. Ang mabilis na pagdami ng mga lunsod noong unang siglo C.E. ay umakay sa dagdag na pangangailangan para sa mas mabilis at mas murang mga moseyk. Dito nagsimula ang mga moseyk na gumagamit lamang ng itim at puting tesserae. Biglang-dami ng produksiyon, at ayon sa Enciclopedia dell’arte antica (Encyclopedia of Ancient Art), “lahat ng bahay ng mayayaman saanmang lunsod ng imperyo ay may m[oseyk].”
Ang eksaktong mga replika ng ilang dibuho ay makikita sa magkakalayong lugar. Ipinahihiwatig nito na may mga grupo ng mga artisano—o marahil mga aklat na may mga dibuho ng moseyk—na nakarating sa iba’t ibang gusali. Kung nanaisin, puwedeng patiunang makaorder ng isang emblemang gawa sa istudyo, bubuuin ito, dadalhin sa lugar ng konstruksiyon na nakalagay sa isang marmol o bandehang
terra-cotta, at saka ito ikakabit. Lahat ng iba pang moseyk ay ginagawa noon sa mismong lugar ng konstruksiyon.Kailangan ang maingat na pagpaplano upang mailapat sa pagkakabitan ang mga dibuho at mga panggilid. Tinitingnan nilang mabuti ang pundasyon at pang-ibabaw nito upang matiyak na ito’y makinis at pantay. Pagkatapos, papahiran ng manipis na suson ng pinong argamasa (tinatawag na balangkas) ang isang maliit na bahagi upang mailapat ito bago matuyo—marahil ay wala pang isang metro. Puwedeng markahan ng isang krokis ang ibabaw bilang giya. Pagpuputul-putulin ang tesserae, at saka ito ilalapat ng artisano.
Isa-isang inilalapat ang tesserae sa argamasa, na sumisingit naman sa pagitan ng mga piraso. Kapag nalagyan na ang isang bahagi, maglalatag na naman ng balangkas sa susunod na bahagi, at sa susunod pa, at patuloy. Ang mga ekspertong artisano ang gumagawa sa mahihirap na seksiyon, anupat ipinauubaya sa kanilang mga katulong ang mas madadaling bahagi.
Ang mga Moseyk sa Sangkakristiyanuhan
Noong ikaapat na siglo C.E., ang moseyk ay pinasimulang gamitin sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Dahil sa madalas na pagsasalarawan ng mga kuwento sa Bibliya, ang gayong mga moseyk ay nagsilbing tagapagturo sa mga mananamba. Dahil sa paandap-andap na liwanag na tumatalbog sa ginintuan at may-kulay na salaming tesserae, ang paligid ay nagmistulang mahiwaga. Ang sabi ng Storia dell’arte italiana (The History of Italian Art): “Ang moseyk ay kasuwatung-kasuwato ng ideolohiya sa panahong iyon, na lubhang naiimpluwensiyahan ng . . . Neoplatonismo. May isang proseso sa paggawa ng moseyk na dito’y nawawala ang kapusyawan ng isang bagay at sa halip ay nagkakaroon ng dalisay na espirituwalidad, dalisay na liwanag at dalisay na anyo.” * Kaylaking pagkakaiba mula sa simpleng anyo ng pagsambang itinuro ng tagapagtatag ng Kristiyanismo—si Jesu-Kristo!—Juan 4:21-24.
Nasa mga simbahang Byzantine ang ilang pambihirang mga halimbawa ng moseyk. Sa ilang bahay ng pagsamba, halos lahat ng panloob na dingding at kisame ay nababalutan ng tesserae. Ang inilalarawan bilang “mga obra-maestra ng Kristiyanong moseyk” ay makikita sa Ravenna, Italya, kung saan litaw na litaw ang ginintuang tanawin sa likuran, na nagsisilbing banal na liwanag at di-maarok na kahiwagaan.
Patuloy na ginamit ang moseyk lalo na sa mga simbahan sa Kanlurang Europa sa buong panahon ng Edad Medya at buong-kadalubhasaang ginamit sa daigdig ng Islam. Noong panahon ng Renaissance sa Italya, ang mga pagawaang konektado sa malalaking katedral, gaya ng sa St. Mark ng Venice at sa St. Peter ng Roma, ay naging sentrong pagawaan ng mga moseyk. Noong mga 1775, natutuhan ng mga artisano sa Roma ang pagputol sa mga piraso ng tunaw na mga salamin na may iba’t ibang kulay upang gawing pagkaliliit na tesserae, anupat nagiging posible ang paggawa ng maliliit na reproduksiyon ng larawang iginuhit na gawa sa moseyk.
Modernong Pamamaraan at Paggamit
Ginagamit ng modernong tagagawa ng moseyk ang tinatawag na indirect method. Ginagawa ito sa pagawaan sa pamamagitan ng pabaligtad na pagdirikit ng tesserae sa isang dibuho na nasa malaking papel, anupat nakalitaw ang pinakalikod nito. Bawat seksiyon ng moseyk ay isa-isang dinadala sa lugar na paglalagyan, kung saan idinidikit ang mga likod ng tesserae sa balangkas nito. Kapag tuyo na ang argamasa, hinuhugasan ito upang maalis ang papel at pandikit, anupat naiiwang nakaharap ang karayagan nito. Mas mabilis at matipid sa trabaho ang paraang ito, subalit ang mapusyaw na pang-ibabaw nito ay walang kintab na di-tulad ng mga gawa noong Edad Medya.
Magkagayunman, maraming ika-19-na-siglong munisipyo, opera house, simbahan, at mga katulad nito ang ginayakan sa pamamagitan ng pamamaraang ito. Karagdagan pa, usung-uso ang paraang ito sa mga museo, istasyon ng subwey, shopping mall, at mga parke at palaruan, mula Mexico City hanggang Moscow at mula Israel hanggang Hapon. Palibhasa’y makinis naman kahit maraming kanto, ang pang-ibabaw na moseyk ay inisip din na tamang-tamang palamuti sa buong harapan ng malalaki at modernong mga gusali.
Si Giorgio Vasari, isang Italyanong alagad ng sining at istoryador sa sining noong ika-16 na siglo ay sumulat: “Ang moseyk ang pinakamatibay sa lahat ng larawan. Ang ibang larawang iginuhit ay kumukupas sa paglipas ng panahon, pero ang moseyk, habang nagtatagal ay lalong tumitingkad.” Oo, naaakit tayo sa husay ng pagkakagawa sa maraming moseyk. Ang moseyk ay tunay ngang kabigha-bighaning mga larawang iginuhit sa bato!
[Talababa]
^ par. 18 Bukod sa iba pa, itinataguyod ng di-makakasulatang mga pilosopiyang Neoplatoniko ang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa.
[Larawan sa pahina 16]
Mapa ng Jerusalem (ikaanim na siglo C.E.)
[Credit Line]
Garo Nalbandian
[Larawan sa pahina 16]
Si Alejandrong Dakila (ikalawang siglo B.C.E.)
[Credit Line]
Erich Lessing/Art Resource, NY
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Dome of the Rock, Jerusalem (itinayo noong 685-691 C.E.)
[Larawan sa pahina 17]
Si “Dionysos,” Antioquia (mga 325 C.E.)
[Credit Line]
Museum of Art, Rhode Island School of Design, by exchange with the Worcester Art Museum, photography by Del Bogart
[Larawan sa pahina 18]
Ang “tesserae,” may-kulay na salamin, at mga “pebble” ay ginagamit pa rin sa modernong moseyk
[Larawan sa pahina 18]
Moseyk na nakadispley sa Lynn Heritage State Park, Massachusetts
[Credit Line]
Kindra Clineff/Index Stock Photography
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga moseyk na dinisenyo ni Antoni Gaudí sa Barcelona (1852-1926)
[Credit Line]
Foto: Por cortesía de la Fundació Caixa Catalunya