Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Prostitusyon ng mga Bata Hindi sapat ang mga salita para ipahayag ang aking pasasalamat sa seryeng “Prostitusyon ng mga Bata—Isang Kalunus-lunos na Katotohanan.” (Pebrero 8, 2003) Ibinunyag ng seryeng ito ang nakapandidiri at kahila-hilakbot na problemang ito. Sa palagay ko, dapat itong imprentahing muli sa sekular na pamahayagan para malaman ng mas maraming tao na umiiral ang ganitong uri ng pang-aalipin.
M. K., Czech Republic
Sirya Salamat sa artikulong “Sirya—Mga Bakas ng Kawili-wiling Lumipas.” (Pebrero 8, 2003) Sa totoo lang, wala akong interes sa kasaysayan. Ngunit inilarawan ng artikulong ito sa aking isipan ang iba’t ibang daan at lunsod na dinalaw ni apostol Pablo. Ang impormasyong gaya nito ay tumutulong sa atin na mapalawak ang ating kaalaman at maunawaan kung ano ang kailangang harapin ng mga lingkod ng Diyos noon.
T. S., Estados Unidos
Pananatiling Malusog Gusto ko kayong pasalamatan sa lahat ng mungkahi hinggil sa pag-eehersisyo at pagpapapayat na lumabas sa bahaging “Pagmamasid sa Daigdig.” Partikular akong nasiyahan sa artikulong “Pananatiling Malusog.” (Pebrero 8, 2003) Ipinakita nito na makatutulong ang kahit kaunting pag-eehersisyo lamang upang mapabuti ang iyong kalusugan. Nakapagpapasigla ito sa akin yamang madali akong mahapo dahil sa gamot na iniinom ko at dapat na sandali lamang akong mag-ehersisyo. Salamat sa mungkahing ito hinggil sa pananatiling malusog.
G. P., Estados Unidos
Mga Crossword Puzzle Ito’y isa lamang maikling sulat upang lubos kayong pasalamatan sa paglalagay ng mga crossword puzzle sa inyong mga magasin. Tuwang-tuwa ako sa mga ito! Ang mga ito ay kawili-wili, nakapagtuturo, at isang mainam na paraan para sa akin upang makapagrelaks sa pagtatapos ng araw.
J. G., Estados Unidos
Matagal na akong nasisiyahang sagutan ang mga crossword puzzle, at nang pinasimulan ninyong ilagay ito sa Awake!, inasam-asam ko na ang mga ito. Noong una, kinailangan ko pang tingnan ang karamihan sa mga kasulatan, ngunit ngayon ay kaya ko nang sagutan ang marami sa mga puzzle nang hindi tumitingin sa Bibliya! Bunga nito, marami na akong natutuhang talata at tauhan sa Bibliya.
E. G., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Sa ilang wika, ang maikling pagsusulit na “Alam Mo Ba?” ang inihahalili sa “crossword puzzle.”
Pagngiti Noon ay tinatawag akong Smile ng aking pamilya at mga kaibigan. Binigyan pa nga ako ng kopya ng litrato ko mismo na may kapsiyon: “Kung may makita kang taong hindi nakangiti, ngitian mo siya.” Gayunman, kamakailan ay nakaranas ang aming pamilya ng ilang trahedya na lubhang nakapanlumo sa akin. Ang artikulong “Ang Kapangyarihan ng Isang Ngiti” (Enero 22, 2003) ang bumago sa aking pananaw. Ngayon ay muli kong mapaliligaya ang mga tao sa pamamagitan ng pagngiti. Pinasasalamatan ko si Jehova sa paggamit ng artikulong ito upang tulungan akong baguhin ang aking pangmalas.
O. F., Nigeria
Basura Sa seryeng “Basura—Matabunan Kaya Tayo Nito?” (Agosto 22, 2002), sinipi ninyo ang pagtaya ng isang asosasyong nagtataguyod sa pag-iingat ng kapaligiran mula sa Italya hinggil sa tagal ng pagtunaw ng ilang bagay sa tubig-dagat. Sa palagay ko ay maling-mali ang kanilang pagtaya na 500 taon ang gugugulin para matunaw ang mga latang metal. Sa maalat-alat na tubig sa Pelican Island National Wildlife Refuge ng Florida, napansin ko ang maraming latang aluminyo at tin na nagiging pulbos kapag sinagi ko ito ng aking bota. Tiyak na hindi hihigit sa sampung taon ang itinagal ng mga latang ito sa lugar na iyon—baka mas maikli pa nga. Gaya ng alam na alam ng sinumang may bangkang gawa sa aluminyo, tinutunaw ng tubig-alat ang aluminyo.
S. S., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Totoo na napakalaki ng ilang pagtaya. Gayunpaman, iminumungkahi ng “Elements of Marine Ecology,” ni R. V. Tait at F. A. Dipper, na maaaring gumugol ng 80 hanggang 100 taon para matunaw ang mga latang aluminyo at 50 hanggang 100 taon naman para sa mga latang “tin.” Ang mga latang metal na nahantad sa hangin ay maaaring mas mabilis matunaw kaysa sa nahantad lamang sa tubig.