Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ang mga Panganib ng Paggawa ng Maraming Bagay Nang Sabay-sabay

Ang paggawa ng maraming bagay nang sabay-sabay ay “talagang magtutulak sa iyo na maging di-gaanong produktibo at, siyempre pa, mas hangal,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Ang pagsisikap na gawin ang dalawa o tatlong bagay nang sabay-sabay o magkakasunod at minamadaling gawin ay umuubos ng mas malaking panahon kaysa sa kung ginagawa ito nang isa-isa, at maaaring maging sanhi ng pagbagal ng takbo ng iyong utak para gawin ang bawat atas.” Ang ilang palatandaan ay saglit na pagkamalilimutin (gaya ng pagkalimot sa bagay na kagagawa o kasasabi pa lamang), kahirapan sa pagtutuon ng pansin, kawalan ng konsentrasyon, mga sintomas ng kaigtingan (gaya ng pangangapos ng hininga), at mga problema sa pakikipag-usap sa iba. Ang kahusayan sa paggawa ang apektado sa lahat kapag kailangang gamitin sa mga gawain ang iisang bahagi ng utak, gaya kapag sabay na nakikipag-usap sa telepono at nakikinig sa sigaw ng isang bata sa kabilang silid. Lalo nang mapanganib ang paggawa ng maraming bagay nang sabay-sabay kapag nagmamaneho. Ang mga gawain gaya ng pagkain o pag-inom, pag-abot sa isang bagay, buhos na buhos na pakikipag-usap sa isang pasahero o sa telepono, pagme-makeup, o kahit ang paglilipat lamang ng istasyon ng radyo o paggamit ng iba pang kontrol ay sandaling makagagambala sa iyo at makaaaksidente.

Huwag Kailanman Yugyugin ang Sanggol!

Ang malakas na pagyugyog sa isang sanggol ay nagiging sanhi ng pagkalog ng ulo nito na para bang humampas ito anupat “maaaring maging sanhi ng pagdurugo sa loob ng ulo at matinding presyon sa utak, na nagiging dahilan ng pagkahati nito,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star. Yamang ang mga kalamnan ng sanggol ay hindi pa lubusang lumalaki at may napakaselang himaymay ng utak, “ang pagyugyog sa sanggol kahit na sa loob ng ilang segundo lamang ay magdudulot ng habambuhay na pinsala. Kasama sa mga pinsala sa utak ang pamamaga at pagkakaroon ng diperensiya nito, cerebral palsy, mabagal na pag-unlad ng isip, pagkaantala ng paglaki, pagkabulag, pagkabingi, pagkaparalisa at pagkamatay.” Si Dr. James King, isang pedyatrisyan sa Children’s Hospital of Eastern Ontario, ay nagsaliksik sa masasamang epekto ng pagyugyog sa mga sanggol. Sinabi niya na dapat itong ituro sa publiko, yamang hindi agad nahahalata ang mga pinsala sa maraming kaso at baka masuri pa nga na may trangkaso o sakit na sanhi ng virus ang sanggol. “Ang mensahe na hindi dapat yugyugin kailanman ang sanggol ay kailangang maipaalam na mabuti,” ang sabi ni Dr. King. “Kailangan itong malaman ng bagong mga magulang.”

Hindi Interesado sa Relihiyon

“Mukhang hindi bumabaling [ang mga Hapones] sa relihiyon para sa mga kasagutan habang nakikipagpunyagi sila sa nakapanlulumong mga kalagayan sa ngayon,” ang ulat ng pahayagang IHT Asahi Shimbun. Sa pagsagot sa tanong na “May pinaniniwalaan ka ba o interesado ka ba sa relihiyon o sa isang uri ng pananampalataya?” tanging 13 porsiyento ng kapuwa lalaki’t babae ang sumagot ng oo. Sinabi ng karagdagang 9 na porsiyento sa kalalakihan at 10 porsiyento sa kababaihan na sila ay “medyo” interesado. “Higit na kapansin-pansin ang pagiging hindi gaanong interesado ng mga kababaihang nasa edad 20 pataas, anupat 6 na porsiyento lamang ang nagpakita ng interes,” ang sabi pa ng pahayagan. Isiniwalat ng taunang surbey na 77 porsiyento ng kalalakihan at 76 na porsiyento ng kababaihan sa Hapon ang nagsabi na hindi talaga sila interesado sa relihiyon o sa anumang anyo ng paniniwala. Halos kalahati ang ibinaba ng bilang ng mga Hapones na interesado sa relihiyon kung ihahambing sa katulad na surbey na ginawa noong 1978. Sa pangkalahatan, ang mga may-edad na, na tumugon sa surbey, ang nagpapakita ng interes, lalo na ang mga mahigit nang 60 taóng gulang.

Nauugnay ang Panlulumo sa Iba Pang mga Sakit

“Tinataya ng World Health Organization na pagsapit ng 2020, ang panlulumo ang papangalawa sa sakit sa puso bilang nangungunang sanhi ng kapansanan sa buong daigdig,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Lalo nang hindi itinuturing na “sa isip lamang” ang malubhang problemang ito sa kalusugan ng publiko. Ayon kay Philip Gold, ang pinuno ng clinical neuroendocrinology sa National Institute of Mental Health, “ang panlulumo ang tanging sakit sa katawan na nakaaapekto​—at nagpapasalimuot​—sa halos lahat ng iba pang mga sakit.” Maaari pa ngang pagmulan ng sakit sa puso at diyabetis ang panlulumo. Halimbawa, ipinakikita ng pananaliksik na ang mga taong nanlulumo “ay may mga pusong hindi gaanong makaagapay sa pabagu-bagong pangangailangan ng katawan para sa dugo at oksiheno,” ang sabi pa ng artikulo. Isa pa, “naghahatid ng mga hudyat ang nanlulumong utak na kailangan nito ng higit na enerhiya, na maaaring magparami sa cortisol, na siya namang nagpapataas ng asukal sa dugo.” Nakita rin ang kaugnayan ng panlulumo sa osteoporosis at kanser. Isinasagawa rin ang mga pag-aaral upang makita kung malulunasan ang mga epekto ng gayong mga sakit kung gagamutin ang panlulumo.

Pag-aasawa at ang Puso

“Ipinakikita ng pananaliksik na ang uri ng pag-aasawa ng isang tao ay makatutulong upang tiyakin ang kaniyang paggaling mula sa operasyon sa puso,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Ayon kay Dr. James Coyne, ng University of Pennsylvania, E.U.A., ang maligayang pag-aasawa ay nagbibigay ng dahilan para magpunyaging gumaling ang maysakit, subalit “ang isang magulong pag-aasawa ay mas makasasamâ sa pasyente kaysa sa isang maysakit na walang asawa.” Kinunan ng video ni Dr. Coyne at ng kaniyang grupo ang mga pagtatalo ng mga mag-asawa sa bahay at natuklasan nila na ang mga pasyenteng hindi makasundo ang kanilang mga asawa ay halos dalawang beses ang tsansang mamatay sa loob ng apat na taon kaysa sa mga mag-asawang hindi gaanong nagbabangayan. Si Dr. Linda Waite, isang propesor sa sosyolohiya sa University of Chicago, ay naghinuha na ang mabuting pag-aasawa ay “kagayang-kagaya ng mabuting pagkain, pag-eehersisyo at hindi paninigarilyo.”

Nanganganib ang “mga Punong Pambiyolin”

“Para sa de-kalidad na mga panghilis ng biyolin, kailangan ang isang pantanging uri ng kahoy​—subalit umuunti na ang kahoy na ito,” ang sabi ng magasin sa siyensiya na natur & kosmos ng Alemanya. Ang punungkahoy na pinagmumulan ng kahoy na ito ay ang Caesalpinia echinata, na kilala rin bilang Pernambuco o pau brasil. Likas na tumutubo ito sa tabing-dagat na kagubatan ng Brazil. Subalit mabilis na nakakalbo ang kagubatang ito yamang hinahawan ng mga tao ang lupa para gamitin sa pagsasaka. Apat na porsiyento na lamang sa ngayon ang lupang sinasaklaw ng mga punungkahoy mula sa orihinal na laki na saklaw ng mga ito at napabilang na ang mga ito sa talaan ng nanganganib malipol na uri ng punungkahoy. Isa pa, tanging ang mga punungkahoy na 20 taóng gulang o mas matanda pa ang nagkakaroon ng dilaw o mamula-mulang kayumanggi na pinakaubod ng punungkahoy na tamang-tama para sa paggawa ng panghilis ng biyolin. Sinabi ng artikulo na ayon sa ekspertong tagagawa ng panghilis ng biyolin na si Thomas Gerbeth, wala pang makitang kahalili para rito, sapagkat “ang sintetikong materyal ay hindi pa nakaaabot sa mataas na kalidad nito.” Hinihimok ng mga tagagawa ng panghilis ng biyolin at ng mga manunugtog ang konserbasyon ng kanilang “mga punong pambiyolin.”

Ang Sinaunang Sakit na Hindi Pa Naglalaho

“Mahigit sa 700,000 bagong mga kaso ng ketong ang natuklasan sa buong daigdig noong 2002, ayon sa estadistika mula sa World Health Organization,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Mula pa noong panahon ng Bibliya, ang ketong ay kinatatakutan nang sakit. Sa kasalukuyan, ang uri ng ketong na umiiral sa ngayon ay magagamot na. Sa katunayan, mga 12 milyon katao ang gumaling na sa ketong sa nakalipas na mahigit na 20 taon. Gayunman, “hindi natin maaaring ipalagay na lubusan nang nasugpo ang ketong,” ang sabi ng mananaliksik na si Jeanette Farrell. Hindi pa nasusugpo ng mga awtoridad sa kalusugan ang sakit, at patuloy na lumilitaw ang dumaraming bagong mga kaso nito. Ang pangunahing mga bansa na apektado pa rin ng ketong ay Brazil, India, Madagascar, Mozambique, Myanmar, at Nepal. Sa kasalukuyang pagtuklas sa henetikong kayarian ng tao, umaasa ang mga siyentipiko na makasusumpong sila ng angkop na bakuna.

“Nakababahalang Pagtaas ng Bilang ng Lalaki sa Babae” sa Tsina

“Ayon sa ikalimang pambansang sensus ng Tsina, ang proporsiyon ng pagsilang [ng lalaki sa babae] sa ngayon ay 116.9:100 anupat mas marami ang sanggol na lalaki, kung ihahambing sa 113.8:100 noong 1990,” ang sabi ng magasing China Today. “Lampas ang dalawang bilang na ito sa internasyonal na pamantayan na 105:100, at nagpapahiwatig ng paglala ng nakababahalang pagtaas ng bilang ng lalaki sa babae sa Tsina.” Inihuhula na sa hinaharap ay mga 50 milyong Tsinong lalaki ang hindi makapag-aasawa kapag tumuntong sila sa edad na maaari na silang mag-asawa. Sinabi pa ng artikulo: “Si Zheng Zizhen, pinuno ng Sociology and Demography Institute of Guangdong Province, ay sinipi na nagsabi na ang napakatagal nang abnormalidad na ito sa dami ng pagsilang ng lalaki sa babae ay magdudulot ng negatibong epekto sa kayarian ng populasyon, lipunan, at moralidad ng Tsina.”