Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aking Pundasyon Para sa Makabuluhang Buhay

Ang Aking Pundasyon Para sa Makabuluhang Buhay

Ang Aking Pundasyon Para sa Makabuluhang Buhay

AYON SA SALAYSAY NI ERNEST PANDACHUK

Isinilang ako sa kaparangan ng Saskatchewan, Canada. Nang ako ay 23 taóng gulang, nagpunta ako sa Aprika, kung saan ginugol ko ang 35 taon ng kawili-wiling buhay bilang isang misyonero. Paano nangyari ito? Hindi ito nagkataon lamang. Hayaan mong ipaliwanag ko.

ANG aking unang tahanan ay yari sa mga ladrilyo​—halos hindi sapat upang ipagsanggalang ang aming pamilya mula sa napakaginaw na taglamig sa kaparangan. Noong 1928, bago isilang ang karamihan sa aming siyam na magkakapatid, sina Itay at Inay ay tumanggap ng literatura sa Bibliya mula sa isang lalaking dumalaw sa aming homisted. Noong sumunod na mahabang taglamig, nag-aral sila ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyong ito. Nang dumating ang tagsibol, kumbinsido sila na nasumpungan na nila ang katotohanan. Ipinakipag-usap nila ito sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay subalit lalo na sa kanilang mga anak.

Isinilang ako noong 1931, at lima pa sa aking nakababatang kapatid ang sumunod sa akin. Ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ay bahagi na ng rutin ng aming pamilya. Natutuwa akong alalahanin ang palagi naming ginagawa tuwing umaga. Si Itay ang nangunguna sa pagtalakay sa amin ng isang teksto sa Bibliya, kahit na may mga bisita kami. Sina Inay at Itay, gayundin ang mas nakatatandang mga anak, ang naghahali-halili sa pagbasa nang malakas mula sa mga publikasyong salig sa Bibliya.

Bukod sa pagtuturo sa amin na bumasa at sumulat, tinuruan din kami ni Itay na magsaliksik sa paggamit ng mga konkordansiya sa Bibliya. Di-nagtagal at natutuhan namin kung paano gamitin ang Bibliya upang ipaliwanag ang aming paniniwala sa iba. Ang kasiya-siyang mga pag-uusap na ito ang nakatulong sa akin na mangatuwiran hinggil sa mga paksa sa Bibliya. Nang maglaon, nagagamit ko na ang Bibliya upang pasinungalingan ang huwad na relihiyosong mga turo. Kaya kong patunayan na ang kaluluwa ay namamatay, na walang apoy ng impiyerno, at na ang Diyos at si Jesus ay hindi magkapantay o bahagi ng tinatawag na Trinidad.​—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4; Juan 14:28.

Tinuruan kami nina Itay at Inay sa pamamagitan ng halimbawa at pinalakas-loob kami na manindigan sa kung ano ang tama, kahit na mangahulugan ito ng pagiging di-popular. Halimbawa, hindi sila kailanman nanigarilyo, at binabalaan nila kami sa nakapagpaparuming mga epekto nito at sa panggigipit na mararanasan namin sa paaralan upang manigarilyo. Natatandaan ko pa ang mga salita ni Itay: “Maaari kayong tawaging bakla kung tatanggi kayong manigarilyo. Subalit tanungin lamang ninyo ang taong iyon, ‘Sino ang tunay na lalaki? Ang isa na kontrolado ng sigarilyo o ang isa na kumukontrol sa sigarilyo?’”

Ang isa pang pagsubok kung ako ba ay susunod sa salig-Bibliyang pagsasanay na tinanggap ko sa aking pagkabata ay dumating noong ako’y 11 taóng gulang. Nang panahong iyon ay nagsimula na ang Digmaang Pandaigdig II, at ang mga bata sa paaralan ay inaasahang manunumpa ng katapatan sa bandila. Naunawaan ko mula sa aking pag-aaral ng Bibliya na ang gayong panunumpa ay isang gawa ng pagsamba, kaya tumanggi akong makibahagi rito. Humantong ito sa pagpapatalsik sa akin mula sa paaralan sa loob ng anim na buwan.

Gayunpaman, nang maglaon ay nakatapos din ako sa pag-aaral, at noong Marso 1947, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkaraan ng anim na buwan ako ay naging payunir, isang buong-panahong tagapaghayag ng mabuting balita. Una akong naglingkod sa gawing timog ng Saskatchewan, na nagpapatotoo sa mga magbubukid at mga rantsero sa napakalawak na teritoryong ito. Kapag tag-araw ay naglalakbay ako sakay ng kabayo, at sa maginaw na taglamig, ginagamit ko ang isang may-takip na sleigh na hila-hila ng kabayo, na tinatawag naming caboose. Pinaiinit ito ng isang kalan na de-uling, kaya kailangan kong maging maingat upang hindi tumaob ang sleigh.

Ang mga tao sa kabukiran ay palakaibigan at mapagpatuloy. Kapag inabot ako ng dilim sa aking pagdalaw, kadalasan nang inaanyayahan nila akong doon na magpalipas ng gabi. Talagang pinahahalagahan ko ang masiglang pag-uusap sa Bibliya na kasunod nito! Ang pamilyang Peterson ay tumugon pagkatapos ng magdamag na pag-uusap. Si Earl at ang kaniyang ina ay naging masisigasig na Saksi ni Jehova.

Paglilingkod sa Quebec

Noong 1949, tumugon ako sa panawagan para sa mga payunir upang tumulong sa gawaing pangangaral sa lalawigan ng Quebec. Mga 200 payunir ang tumugon mula sa kanlurang Canada. Dumating sila sa lunsod ng Montreal noong Setyembre, anupat handang tanggapin ang mga atas sa buong Quebec. Ito’y noong panahong nasa tungkulin ang Katolikong punong ministro na si Maurice Duplessis, na sumumpang aalisin ang mga Saksi sa lalawigan.

Abala at kapana-panabik ang mga panahong iyon na punô ng mga problema. Kalakip dito ang pag-aaral ng wikang Pranses gayundin ang pag-aresto at pang-uumog at paggambala sa aming Kristiyanong mga asamblea ng panatikong mga taong pumasok nang walang pahintulot. Subalit ang gayong pagkapanatiko ay hindi nakatakot sa akin o nakapagpahina sa aking karera bilang isang ministro ng Diyos. Ikinintal sa akin ng mga magulang ko ang pag-ibig sa kung ano ang tama at ang pananalig na ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na inihula ni Jesus ay maisasagawa, sa kabila ng pagsalansang.​—Mateo 24:9, 14.

Noong panahong iyon sa Quebec, nakilala ko si Emily Hawrysh, isang tapat na payunir mula sa Saskatchewan. Mula nang ikasal kami noong Enero 27, 1951, si Emily ay naging aking matapat na kamanggagawa at nakapagpapatibay na kasama. Sapagkat ang aming tunguhin ay makibahagi nang lubusan sa ministeryo, nag-aplay kami at natanggap bilang mga estudyante sa Watchtower Bible School of Gilead, na nagbibigay ng isang kursong tumatagal nang ilang buwan upang ihanda ang mga ministro para sa paglilingkod bilang misyonero. Nagtapos kami mula sa ika-20 klase ng Gilead noong Pebrero 1953.

Habang hinihintay namin ang mga dokumento na magpapahintulot sa amin na makapasok sa Aprika, inanyayahan kaming tumulong sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Alberta at Ontario, Canada. Noong panahong iyon, naglalakbay kami sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon. Kaya natutuhan naming gawing simple ang aming buhay at pagkasyahin ang lahat ng gamit namin sa isang maleta. Pagkaraan ng ilang buwan, nang handa na ang aming mga dokumento sa paglalakbay at pagpasok sa Aprika, nagtungo kami sa Timog Rhodesia, ngayo’y tinatawag na Zimbabwe.

Pakikibagay sa Buhay sa Aprika

Limang buwan pagkatapos naming dumating, kami ay naatasang dumalaw sa mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe gayundin sa Botswana at sa timugang mga bahagi ng Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia). Sa Paaralang Gilead, kami ay pinatibay-loob na huwag ihambing ang bansang iniatas sa amin sa lupang tinubuan namin at tandaan na anuman ang maging kalagayan namin, may matututuhan kami sa aming mga karanasan. Ang mga salitang iyon ng karunungan ay nakatulong upang baguhin ang aming pag-iisip. Hanggang sa ngayon, kami ni Emily ay sumasang-ayon sa kasabihang, “Pagbutihin ang bawat situwasyon; baka hindi na ito maulit.”

Naglakbay kami sa mga lugar sa pamamagitan ng tren, bus, trak, o bisikleta​—anuman ang magagamit namin. Bagaman mahirap ito, may iba pang kalagayan na sumubok sa aming pasiya na “pagbutihin ang bawat situwasyon.” Sa unang dalawang taon, hindi nakasama sa akin si Emily sa paglalakbay sa mga teritoryo ng tribo dahil sa mga paghihigpit ng batas. Kaya kailangang manatili ang aking asawa, na iilang taon ko pa lamang pinakasalan, sa mga bayan na malapit sa dulo ng daanan ng tren, kung saan kadalasan nang walang ibang mga Saksi. Ang pananampalataya, lakas ng loob, at determinasyon ni Emily ay hindi lamang nagpaibayo sa aking paghanga at pag-ibig sa kaniya kundi nagdulot din ito ng mga bunga ng Kaharian sa mga pamayanang iyon.

Pagkatapos makakita ng matitirhan sa isa sa mga tagaroon, nagpatotoo agad si Emily sa paligid ng lugar na iyon hanggang sa bumalik ako mula sa tribo. Kung minsan, naglilingkod siyang mag-isa sa loob ng isang buwan. Nakasumpong siya ng lakas at proteksiyon sa pagtitiwala sa makapangyarihang kamay ni Jehova, at nagbunga ang kaniyang ministeryo. Isang halimbawa, si Rita Hancock ay tumugon sa katotohanan ng Bibliya at nang maglaon ay tumugon din ang kaniyang asawa. Siya ay naging isang tapat na kapatid at naglingkod bilang isang Kristiyanong matanda hanggang sa kaniyang kamatayan. Ngayon ay mayroon nang mauunlad na kongregasyon sa ilang bayan na pinaghasikan ni Emily ng mga binhi ng katotohanan ng Bibliya.

Pagkamapagpatuloy at Pagkamapanlikha ng mga Aprikano

Samantala, sa mga teritoryo ng tribo, ang matinding pagpapahalaga ng mga Saksing Aprikano sa organisasyon ni Jehova at sa naglalakbay na mga kinatawan nito ay isang nakaaantig na karanasan para sa akin. Inasikaso ako nang husto ng maibiging mga kapatid na Kristiyanong ito. Tuwing Lunes ay naglalakbay ako mula sa isang lokasyon ng asamblea tungo sa susunod na lokasyon. Ang aking mga tuluyan ay karaniwan nang isang bagong gawang bahay-kubo, na nagpapagunita sa homisted ng aming pamilya sa Saskatchewan. Ang aking higaan ay isang banig ng talaksan ng damo na 30 sentimetro ang kapal na inilatag sa sahig at nilagyan ng sapín.

Ang mga asamblea sa mga tribo ay karaniwang ginaganap sa kagubatan mismo. Hinahawan ng mga dumadalo ang maliliit na halamang tumutubo sa ilalim ng malalaking punungkahoy, anupat naiiwan ang mga punungkahoy na may mayayabong na dahon na nagbibigay ng lilim. Ang mga bungkos ng damo ay itinataling mabuti at inihahanay nang maayos para maging upuan. Sa pinakahuli, ang hinawan na lugar ay binabakuran ng damo. Sa likas na kapaligirang ito, ang aking puso ay laging naaantig sa magagandang tinig ng ating mga Aprikanong kapatid habang umaawit ng mga papuri kay Jehova sa di-malilimutang armonya.

Isang Di-malilimutang Karanasan

Sa aking ministeryo, nakilala ko si Gideon Zenda, punong inspektor ng mga paaralan para sa mga misyong pinatatakbo ng Simbahang Anglikano. Ang simbahan ang nagpaaral kay Gideon hanggang kolehiyo. Gayunman, hindi siya nakatanggap ng kasiya-siyang mga kasagutan sa marami niyang katanungan sa Bibliya. Kaya hiniling niya na makipagkita ako sa kaniya at sa ilang kasamahan niya upang sagutin ang mga tanong na ito. Mga 50 katao ang naroroon sa sesyong iyon, pati na ang mga inspektor ng paaralan, mga prinsipal, at mga guro. Si Gideon ang naging tagapangulo sa sesyon. Sa maayos na paraan, isa-isa naming tinalakay ang mga paksa. Nagsalita ako nang 15 minuto sa bawat paksa at pagkatapos ay sinagot ko ang mga tanong. Ang sesyon ay tumagal nang ilang oras.

Ang resulta ng kakaibang pamamaraang ito ay na si Gideon, ang kaniyang pamilya, at marami sa kaniyang mga kasamahan ay pawang naging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova. Inalis sila ng lokal na obispo sa kanilang trabaho sa Anglikanong sistema ng pagtuturo. Gayunman, silang lahat ay di-natakot at nanatiling matatag sa paglilingkod kay Jehova, anupat ang ilan ay nagpayunir pa nga.

Tugon sa Madamdaming Pelikula

Noong 1954, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang pelikulang The New World Society in Action. Nang sumunod na taon, inalis na ang legal na mga pagbabawal sa asawang babae na sumama sa kaniyang asawa sa mga tribo. Malaya na ngayon si Emily na maglakbay na kasama ko sa mga teritoryo ng tribo. Nang panahong iyon, kami ay pinaglaanan ng isang motorsiklo, genereytor ng kuryente, at isang prodyektor upang ipalabas ang pelikula sa lahat ng mga komunidad ng tribo. Marami ang hindi pa kailanman nakapanood ng isang pelikula, kaya nakatawag-pansin sa marami ang aming mga palabas. Ipinakita sa pelikula ang baytang-baytang na paggawa ng mga Bibliya at literatura sa Bibliya sa ating malaking palimbagan sa Brooklyn, New York.

Kasama rin sa pelikula ang mga tagpo ng internasyonal na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova na nakibahagi sa pagsamba sa Yankee Stadium, New York, noong 1953. Noon lamang nakakita ang mga Aprikanong ito ng gayong pagkakaisa at pag-ibig na ipinamalas ng magkakaibang lahi. Pinakilos ng pelikulang ito ang maraming pamilya sa Zimbabwe na mag-aral ng Bibliya at makisama sa mga Saksi. Tumanggap kami ng maraming kahilingan na ipalabas ang pelikula mula sa mga prinsipal sa buong bansa na nakauunawa sa edukasyonal na kahalagahan ng gayong pelikula sa kanilang mga mag-aaral.

Minsan, gabing-gabi na noon, ginising ako ng mga Saksi na humihiling na ipalabas ko ang pelikula. Nagulat ako dahil mga 500 tao ang naglakad nang ilang oras upang mapanood ito. Nabalitaan nila na naroon ako at ipinalalabas ito. Nang mag-alisan na ang mga tao, isa pang grupo na mga 300 ang dumating. Kaya ipinalabas kong muli ang pelikula. Mga alas tres na ng umaga nang umalis ang mga huling nanood! Sa loob ng mahigit na 17 taon, sa Zambia lamang, mahigit na isang milyong tao na ang nakapanood ng mabisang pelikulang iyon!

Mga Bagong Atas sa Aprika

Pagkatapos maglingkod sa loob ng mahigit na lima at kalahating taon sa Zimbabwe, inilipat kami sa Timog Aprika. Nangangahulugan ito na kailangan naming mag-aral ng wikang Afrikaans. Nang maglaon, natuto rin kaming magsalita ng Sesotho at Zulu. Ang makapagturo ng Salita ng Diyos sa iba pang mga wika ay nakaragdag sa aming pagiging mabisa sa ministeryo at nagpadama sa amin na mayroon kaming nagawa.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1960, kami’y naatasan sa gawaing paglalakbay sa gawing timog ng Aprika. Sa sumunod na 27 taon, naglakbay kami sa buong Lesotho, Namibia, Timog Aprika, at Swaziland gayundin sa mga isla ng Ascension at St. Helena sa Timog Karagatang Atlantiko. Lahat-lahat, daan-daang libong kilometro ang aming nilakbay upang maglingkod sa ating Kristiyanong mga kapatid. Ang kanilang mga gawa ng pananampalataya at pagkamatapat sa ilalim ng di-kaayaayang mga kalagayan ay naging pampatibay-loob sa amin na huwag kailanman tumigil.

Halimbawa, personal kong nakilala ang mga Saksi sa Swaziland na hindi ikinompromiso ang kanilang pananampalataya nang mamatay si Haring Sobhuza II. Yamang tumanggi silang makibahagi sa di-makakasulatang mga ritwal na ginaganap sa kamatayan ng gayong dignitaryo, pinaalis sila sa kanilang pinagtatrabahuhan at pinagkaitan ng kanilang mga karapatan bilang mga mamamayan. Sa kabila ng mga taon ng pagkakait at kahirapan, hinding-hindi nila tinalikdan ang kanilang pananampalataya. Isang malaking pribilehiyo na makilala ang kahanga-hangang mga kapatid na Kristiyanong ito at makausap sila nang personal anupat lagi ko itong ipagpapasalamat kay Jehova.

Nariyan din si Philemon Mafareka, isang payunir mula sa Mokhotlong, Lesotho, na nasa kabundukan na ang taas ay umaabot ng mahigit na 3,000 metro. Yamang walang transportasyong masasakyan, sila ng mahal niyang asawa, ng kanilang dalawang anak, at apat na kandidato sa bautismo ay naglakad nang mahigit na 100 kilometro patungo sa isang asamblea na ginanap sa isang dako na may taas na 1,200 metro. Kalimitan, kailangan nilang umakyat sa matatarik na lupain. Pagapang nilang inakyat at nilusong ang makikipot na daanan sa bundok at tinawid ang maraming batis at ilog.

Habang naglalakad sila pauwi pagkatapos ng asamblea, dala-dala nila ang sandaang kopya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang mga ito ay para sa mga tao sa Mokhotlong. Subalit dahil sa nagugustuhan ng mga nasasalubong nila sa daan ang literatura sa Bibliya, naubos ang suplay nilang mga aklat bago pa man sila makauwi ng bahay. Isang pribilehiyo para sa amin ni Emily, na pinakaiingatan namin sa aming alaala hanggang sa ngayon, na masaksihan mismo ang sigasig at debosyon ng Kristiyanong mga kapatid na gaya ni Philemon at ng kaniyang asawa.

Kung minsan, nakakaharap namin ang mga panganib ng makamandag na mga ahas, gaya ng mga kobra, gayundin ng mga biglang pagbaha at iba pang mga panganib. Ang mga karanasang ito, bagaman nakatatakot kung minsan, ay walang sinabi kung ihahambing sa mga gantimpala at mga kagalakan ng isang karera sa paglilingkod kay Jehova. Natutuhan namin na hinding-hindi niya pinababayaan ang mga matapat sa kaniya.

Nang magkaroon ng malubhang problema sa kalusugan si Emily, binigyan kami ni Jehova ng karunungan upang maharap ang kalagayan sa isang timbang na paraan. Ang pagbabago ng pagkain at pagsasaayos ng mas malinis na kalagayan ay nakatulong upang mapabilis ang kaniyang paggaling. Gumawa kami ng isang tirahan sa maliit na trak upang si Emily ay magkaroon ng isang kontroladong kapaligiran habang kami ay naglalakbay, at nang maglaon, nanumbalik ang kaniyang mabuting kalusugan.

Bumalik sa Canada

Noong 1988, pagkaraan ng 35 taon sa gawaing misyonero sa kaakit-akit na kontinente ng Aprika, naatasan kaming bumalik sa Canada. Pagkatapos, noong 1991, muli na naman akong naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkaraan ng walong taon ay naistrok ako. Bagaman limitadung-limitado na ang pagkilos ko mula noon, nakasusumpong pa rin ako ng kaluguran sa paglilingkod bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon sa London, Ontario.

Ngayon ay ginugunita ko nang may kasiyahan ang panahon nang magsimula ako bilang isang payunir sakay ng kabayo sa timog ng Saskatchewan mga 56 na taon na ang nakalipas. Kaylaki ng pasasalamat ko na nagpatuloy si Itay sa pagtuturo sa amin na mag-isip bilang espirituwal na mga tao, na hindi kailanman natatakot na manindigan sa katotohanan at sa katuwiran! Itinuro niya sa akin ang Salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng makabuluhang buhay. Nakinabang ako sa pamanang iyon sa buong buhay ko. Hinding-hindi ko ipagpapalit ang buhay ko sa paglilingkod kay Jehova sa anumang bagay na maiaalok ng matandang sanlibutang ito.

[Larawan sa pahina 19]

Ang aming pamilya na may siyam na anak noong 1949, na karga ni Inay ang bunso. Nakatayo ako sa likuran niya

[Larawan sa pahina 20]

Ginawa ko ang “caboose” na ito para gamitin ko sa aking ministeryo

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga babae sa Quebec na inaresto dahil sa pangangaral

[Larawan sa pahina 22, 23]

Nakibahagi ako sa pagtuturo sa mga naglalakbay na tagapangasiwang ito sa Zimbabwe

[Larawan sa pahina 23]

Ginawa namin ang tirahang ito para sa paggaling ni Emily

[Larawan sa pahina 23]

Isang bagong larawan na kasama si Emily