Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangalan ni Jehova sa Pasipiko

Ang Pangalan ni Jehova sa Pasipiko

Ang Pangalan ni Jehova sa Pasipiko

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI

MANGHANG-MANGHA ang maraming tao. Ang mga bagong-dating sa kanilang isla sa Pasipiko ay nanalangin muna bago kainin ang piging na inihanda para sa kanila. “Ano’ng ginagawa ninyo?” ang tanong ng mga tagaisla.

“Nagpapasalamat sa Diyos para sa Kaniyang mga kaloob,” ang tugon.

“Saan nakatira ang Diyos ninyo?” ang nais malaman ng mga tagaisla.

“Sa langit,” ang sabi sa kanila.

“Ano ang Kaniyang pangalan?”

“Jehova.”

“Kumakain ba ang inyong Diyos?” ang tanong ng mga tagaisla.

“Ang Diyos ay Espiritu,” ang sagot ng mga bagong-dating. “Hindi Siya katulad natin; nabubuhay Siya magpakailanman. Siya ang gumawa ng lupa, langit, dagat, at ng lahat ng bagay. Siya ang gumawa sa atin.”

Namangha ang mga tagaisla sa mga simpleng katotohanang ito at nagtanong kung bakit ang mga estrangherong ito ay nagpunta sa kanilang isla. Simple lamang ang tugon: “Nais naming ipakilala sa inyo ang tunay na Diyos na si Jehova, at ang Kaniyang Anak na si Jesus ang ating Tagapagligtas.”​—From Darkness to Light in Polynesia.

Sino ang mga estrangherong ito? Modernong-panahong mga Saksi ni Jehova? Hindi. Sila ay dalawang guro na taga-Tahiti, mga ebanghelisador, na dumating sa isla ng Mangaia (sa timugang bahagi ng Cook Islands) noong Hunyo 15, 1824. Bakit kaya nila ginamit ang pangalang Jehova? Ito ba ay isang beses lamang nangyari? Ang sagot sa mga tanong na ito ang magpapaliwanag kung bakit napakahalaga pa rin ng pangalan ni Jehova sa maraming kultura ng mga isla sa Pasipiko.

Malawakang Ginamit ang Pangalan ng Diyos

Noong ika-19 na siglo, maraming misyonerong dumating sa Pasipiko mula sa Inglatera at Amerika ang gumamit sa pangalan ni Jehova sa araw-araw na pananalita at sa kanilang mga isinulat. Sa katunayan, isang istoryador ang nagkamali pa ngang nagsabi na ang sinaunang mga misyonerong ito “ay mga tagasunod ni Jehova sa halip na mga alagad ni Kristo.”

Ang personal na mga liham ng mga misyonerong ito ay madalas na nagsisimula sa isang pariralang gaya ng: “Iligtas ka nawa ng Diyos, ng Ating Panginoong Jehova nga at ni Jesu-Kristo ang hari ng kapayapaan.” Kung gayon, hindi nga kataka-takang sabihin ni Albert J. Schütz, isang kilalang lingguwista, na sa isang pangunahing aklat-aralin para sa pagbabasa na inilabas noong 1825 sa Fiji, iisang salita lamang sa aklat na iyon ang kinuha sa Ingles. Ito ay ang pangalang Jehova.

Ang paggamit na ito ng sinaunang mga misyonero sa pangalan ni Jehova ay may matinding epekto sa mga tagaisla sa Pasipiko. Ang ilan sa mga naturuang ito ay ipinadala naman bilang mga misyonero, o mga guro, upang dalhin ang kanilang mensahe sa ibang mga isla. Sa pagkokomento hinggil sa nabanggit sa itaas na pagdating ng dalawang misyonerong taga-Tahiti sa isla ng Mangaia, ganito ang sinabi ng aklat na The Covenant Makers​—Islander Missionaries in the Pacific: “Para sa mga gurong taga-Tahiti, si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Nilalang niya ang buong daigdig at ang tao ay bahagi ng paglalang ng Diyos. . . . Sinasabi [nila] na si Jehova ang tanging tunay na Diyos at ang Kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”

Habang dinadala nila ang mensahe ng Bibliya sa iba’t ibang isla, napaharap ang ilang sinaunang misyonero sa malalaking panganib, yamang ang mga naninirahan doon ay mararahas kung minsan. Sa paglalarawan sa mga problemang nasasangkot, ganito ang sabi ng aklat na Mission, Church, and Sect in Oceania: “Ang matibay na pananampalataya kay Jehova ang madalas na nag-aalis ng takot at pagkasira ng loob.”

Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng gayong pananampalataya kay Jehova ay ipinakita noong 1823 nang dalhin ang mensahe ng Bibliya sa isla ng Rarotonga, sa Cook Islands. Ang misyonerong magdaragat na si John Williams ay dumating doon at nagpadala ng dalawang mag-asawa sa baybayin upang turuan ang mga taga-Rarotonga. Gayunman, pagkatapos ng di-pagkakaunawaan sa isang lasing-na-lasing na hari, ang mga misyonerong ito ay pinagbubugbog nang husto. Ninakaw ang lahat ng kanilang ari-arian, at muntikan na silang hindi makatakas nang buháy.

Pagbalik sa kanilang barko, inilarawan ng mga misyonero ang mga taga-Rarotonga bilang pinakamababangis na taong-gubat na kanilang nakilala. Palibhasa’y natatakot na may mas masama pang mangyari, nagpasiya si Williams na lisanin ang isla, kahit pansamantala lamang. Dahil dito, isang gurong nagngangalang Papeiha ang nagboluntaryong sumubok na mangaral sa isla nang mag-isa. “Patayin man ako o hindi ng mga taong-gubat na ito,” ang sabi niya, “basta pupuntahan ko sila.”

Sinabi ni Papeiha, na ginagamit ang mga salitang madalas sipiin sa mga ulat ng gawain ng sinaunang mga misyonero: “Ko Jehova toku tiaki! Tei roto au i tona rima! (Si Jehova ang aking pastol! Ako ay nasa Kaniyang kamay!)” Pagkatapos, suot ang simpleng pananamit at dala ang isang aklat na naglalaman ng ilang teksto sa Bibliya sa wika ng mga taga-Tahiti, tumalon siya mula sa barko at lumangoy hanggang sa baybayin. Hindi lamang siya basta nabuhay. Pagdating niya sa isla, nasumpungan niyang marami roon ang tumugon sa mga bagay na kaniyang itinuro.

Isang taga-Rarotonga, na naging misyonero rin, ay si More Ta’unga. Noong 1842, siya ang naging kauna-unahang misyonero na nagtatag ng isang sentro para sa mga misyonero sa isla ng New Caledonia. Hinggil sa isang tagaroon na personal niyang tinulungan at tinuruang bumasa at sumulat, ganito ang isinulat niya sa kaniyang talaarawan: “Unti-unti niyang natutuhan ang mga bagay na ito. Di-nagtagal pagkatapos nito ay sinabi niya sa akin, ‘Gusto ko nang manalangin.’ Ngunit pinayuhan ko siyang huwag magmadali. Nang maglaon ay itinanong niya ulit, ‘Hindi mo pa ba ako papayagang manalangin?’ Pagkatapos ay tinanong niya ako kung bakit ayaw ko pa siyang payagang manalangin, kaya sinabi ko sa kaniya, ‘Dapat mo munang alisin ang mga idolo mo, pagkatapos ay maaari ka nang manalangin kay Jehova. Siya lamang ang makaririnig sa iyo.’ Kaya dinala niya sa akin ang isang basket ng mga diyos niya, na sinasabi, ‘Sunungin mo na ang mga ito. Si Jehova na ngayon ang aking Diyos.’ Natuto siyang manalangin.”

Tinanggap ng mga Tagaisla sa Pasipiko si Jehova

Yamang malayang ginamit ng mga misyonero ang pangalan ng Diyos, hindi nga kataka-taka na yaong pinangaralan nila ay nagsimulang tumanggap kay Jehova bilang kanilang Diyos. Inilalarawan ng aklat na Missionary Adventures in the South Pacific ang isang malaking pagpupulong na idinaos sa isang isla sa gawing hilaga ng Pasipiko pagkarating ng barko ng mga misyonero na Morning Star. Sinabi ng aklat na ang mga tagaisla “ay bumoto sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga kamay, anupat ang karamihan sa kanila ay dalawang kamay pa at pinananatiling nakataas ang mga ito nang matagal bilang pagdiriin, na kanilang iiwan ang idolatriya at sasambahin si Jehova. Karagdagan pa, ilalaan nila ang mga pangangailangan ng mga guro. Isang piraso ng lupa ang itinalaga at inialay kay Jehova para sa isang simbahan at tirahan ng pastor.”

Sa paglalarawan sa pagkakumberte kay Malietoa, isang mataas na pinuno sa Samoa, sinabi ng aklat na Wiliamu​—Mariner-Missionary​—The Story of John Williams: “Nagbigay ng mahabang pahayag si Malietoa sa kaniyang bayan, anupat ipinangako sa madla na siya’y magiging isang mananamba ni Jehova, at magtatayo ng simbahan para sa pagsamba sa Kaniya. Inutusan niya ang mga taong hindi umaalis sa kanilang tahanan na magsimulang mag-aral hinggil kay Jehova at kay Jesu-Kristo.”

Ang lahat ng gawaing ito ay nagdulot ng namamalaging epekto sa buhay ng maraming komunidad sa mga isla sa Pasipiko. Kahit sa ngayon sa mga bansang gaya ng Fiji at Samoa, karaniwan nang maririnig ang pangalan ni Jehova sa radyo o makikita ito sa lokal na mga pahayagan.

Ngunit hindi lamang dito natatapos ang epekto. Sa kaniyang aklat na Treasure Islands, na unang inilathala noong 1977, inilarawan ni Pearl Binder ang kahalagahan ng pangalan ni Jehova sa mga taga-Banaba. Ang mga taong ito ay orihinal na nakatira sa Kiribati ngunit nang maglaon ay nanirahan sa isla ng Rabi, sa Fiji. Ganito ang isinulat ni Binder: “Ipinagkaloob ng mga misyonerong dumating sa Banaba ang isang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa inakala nila. . . . Ang kanilang paniniwala kay Jehova ay nagkaroon ng mahalagang papel sa kanilang buhay, napagkaisa sila nito na hindi nagawa ng anupamang bagay sa loob ng pitumpung taon ng tumitinding kahirapan at kapighatian, at hanggang ngayon ay ito pa rin ang sumusustine sa kanilang espirituwalidad. Kung hindi dahil sa Jehova ng mga puti (na higit pang ipinagwawalang-bahala mismo ng mga puti), malamang na nawalan na ng pag-asa ang mga taga-Banaba.”

Ang Pangalan ng Diyos sa mga Salin ng Bibliya

Ang isa sa pangunahing mga tunguhin ng sinaunang mga misyonero ay ang gumawa ng mauunawaang salin ng Bibliya sa mga wika ng mga isla sa Pasipiko. Dahil sa kanilang masikap na pagpapagal, ang Bibliya ay makukuha na sa maraming wika na ginagamit sa buong rehiyon ng Pasipiko. Waring makatuwiran sa mga tagapagsalin na isulat ang transliterasyon ng pangalan ni Jehova, gaya ng ginawa nila sa lahat ng iba pang mga pangalan sa Bibliya.

Sa masikap na estudyante ng Bibliya, kapansin-pansin na ginamit ng sinaunang mga tagapagsalin ang pangalan ni Jehova hindi lamang sa kanilang mga salin ng Hebreong Kasulatan kundi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan din naman, ang tinatawag na Bagong Tipan. Isang surbey sa pitong wika ng mga isla sa Pasipiko ang nagsisiwalat na ang pangalan ni Jehova ay ginamit sa 72 iba’t ibang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Hindi lamang ito yaong mga salin na ginawa noong ika-19 na siglo. Kabilang dito ang isang makabagong salin sa wikang Rotuman na inilabas noong 1999. Ginagamit ng Bibliyang ito ang pangalan ni Jehova sa 48 talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, si William Wyatt Gill, isang matagal nang misyonero sa Pasipiko, ay sumulat hinggil sa isa sa sinaunang mga salin: “Sa paggamit ko ng Bibliyang Rarotonga sa loob ng apatnapung taon, mapagpapaumanhinan ako sa pagsasabing itinuturing ko ito na isang kahanga-hangang salin mula sa orihinal. . . . Katulad ng lahat ng iba pang salin sa Pasipiko at New Guinea, ang sagradong pangalang ‘Jehova’ ay ginamitan ng transliterasyon, hindi kailanman isinalin, sa gayo’y nakadaragdag sa malaking pagkakaiba ng buháy na Diyos at ng mga bagay na sinasamba ng mga pagano.”

Kung Bakit Nila Ginamit ang Pangalan ng Diyos

Bakit gayon na lamang kalawak ang paggamit ng mga misyonero, tagapagsalin ng Bibliya, at mga guro sa personal na pangalan ng Diyos na Jehova? Partikular nang dahil sa nasumpungan nilang kailangang ipakita ang kaibahan ni Jehova, ang tanging tunay na Diyos, mula sa maraming huwad na mga diyos na sinasamba ng mga tagaisla sa Pasipiko. (Juan 17:3; 1 Corinto 8:5, 6) Ang bawat isa sa mga diyos na ito ay may pangalan, at likas lamang para sa kanilang mga mananamba na itanong, “Sino ang Diyos ninyo? Ano ang kaniyang pangalan?” Ang paggamit sa lokal na termino para sa “diyos” ay malamang na makalito sa mga nagtatanong o marahil ay magbunga ng basta pag-iisip nila na ang Makapangyarihan-sa-lahat ay isa pang diyos na idaragdag sa kanilang kalipunan ng mga diyos. Kaya nga hindi kataka-taka na malawakang ginamit ng sinaunang mga misyonerong ito ang pangalan ni Jehova.

Nangangahulugan ba ito na ang lahat ng gumagamit sa pangalan ni Jehova ay tiyak na nakauunawa kung sino siya? Hindi. Nakita ni Hiram Bingham, isang misyonerong tagapagsalin at anak ng kilalang misyonerong taga-Hawaii na gayundin ang pangalan, ang mga naninirahan sa Abaiang (sa Kiribati) na sumisigaw “iisa lamang ang Diyos​—si Jehova” habang sinisira nila ang kanilang idolo. Ngunit ganito ang sinabi ng Missionary Adventures in the South Pacific hinggil sa insidenteng ito:

“Pero alam ni Bingham na ang pagsira sa idolong iyon ay hindi nangangahulugan na talagang tinatanggap ng mga tao ang Kristiyanismo​—hindi pa sa pagkakataong iyon sa paanuman. Hindi pa nila lubusang nauunawaan ang tunay na kahulugan ng mensahe ng ebanghelyo, ngunit pasimula na ito.” Maliwanag, higit pa ang kailangan kaysa sa basta pag-alam lamang sa pangalang Jehova. Dapat makilala ng tunay na mga Kristiyano si Jehova bilang isang persona at sundin siya sa lahat ng bagay.​—Roma 10:13-17.

Maging ang tapat na si Moises, isang lalaking nakaaalam sa pangalan ni Jehova at gumamit nito, ay kailangan pang makaalam nang higit. Nanalangin siya: “Ngayon, pakisuyo, kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita, nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” (Exodo 33:13) Oo, nais ni Moises na makaalam pa nang higit kaysa sa basta pangalan lamang ni Jehova. Gusto niyang malaman ang mga katangian ni Jehova at kung paano siya paluluguran. Dahil sa kahilingang ito, ipinagkaloob kay Moises ang kamangha-manghang pribilehiyo, yaong makita ang isang paghahayag na nagsasangkot sa kahulugan ng pangalan ni Jehova.​—Exodo 33:19; 34:5-7.

Gayundin sa ngayon, libu-libong Saksi ni Jehova sa buong rehiyon ng Pasipiko ang gumagamit ng mga Bibliyang orihinal na isinalin ng sinaunang mga misyonero upang tulungan ang mga tapat-puso na maunawaan, hindi lamang ang kahulugan ng pangalan ni Jehova, kundi pati ang kaniyang hinihiling sa mga sasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Oo, ang pangalan ni Jehova ay niluluwalhati sa “mga pulo sa dagat.” Kaya libu-libo ang naglalagak ng kanilang pag-asa sa kaniyang maringal na pangalan.​—Isaias 24:15; 42:12; 51:5; Kawikaan 18:10.

[Larawan sa pahina 12]

Ang mga tagaisla sa Pasipiko, na nakaalam sa pangalan ng Diyos mula sa sinaunang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, ang nagpakilala naman nito sa iba

[Credit Line]

Puno ng palma at larawan sa kaliwa: Mula sa aklat na Gems From the Coral Islands

[Larawan sa pahina 13]

John Williams

[Credit Line]

Culver Pictures

[Larawan sa pahina 13]

Papeiha

[Credit Line]

Courtesy Institute of Pacific Studies, from Mission Life in the Islands of the Pacific, by Aaron Buzacott

[Larawan sa pahina 15]

Ipinakikilala ng mga Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos sa buong daigdig