Ang Pinakamalaking Buto sa Daigdig
Ang Pinakamalaking Buto sa Daigdig
Maraming taon na ang nakalilipas, nang mapadpad sa dalampasigan sa mga pulo ng Maldives at Indonesia ang isang buto na di-pangkaraniwan ang laki, sari-saring bagay na ang naglaro sa isip ng mga tao. Kumalat ang mga alamat tungkol sa pinagmulan nito. Inakala ng ilan na ito’y galing sa isang punungkahoy sa ilalim ng tubig. Kaya naman, pinanganlan itong Coco-De-Mer, o buko mula sa dagat. May naniniwala pa ngang ito raw ang ipinagbabawal na bungang kinain ni Adan sa halamanan ng Eden. Gayunman, natuklasan din ang katotohanan noong kalagitnaan ng ika-18 siglo. Ang misteryosong butong ito ay nanggaling sa isang uri ng puno ng palma na matatagpuan lamang sa Seychelles, isang maliit na grupo ng mga pulo sa Indian Ocean.
Ang pinakamaraming Coco-De-Mer ay matatagpuan sa Vallée de Mai, sa pulo ng Praslin. Ang mga palmang ito ay umaabot ng hanggang 30 metro ang taas at tinatayang nabubuhay sa loob ng daan-daang taon. Ang isang nakatutuwang bagay tungkol sa Coco-De-Mer ay na ito’y may kasarian; may mga lalaking puno at babaing puno. Para mamunga ang babae, dapat muna itong malagyan ng polen mula sa lalaking Coco-De-Mer. Kaya dapat na naroroon kapuwa ang babae at lalaking magugulang na puno upang patuloy na mabuhay ang uring ito sa iláng.
Ang bunga ng babaing Coco-De-Mer ay tunay na kakaiba sa lahat. Sa puno, para itong isang malaking puso na kulay berde. Subalit sa loob nito ay may isang malaking dalawahang-nakakurbang buto na tumitimbang ng hanggang 20 kilo. Ang ilang bunga ay may mahigit sa isang buto. Hindi nga kataka-takang mapaulat sa The Guinness Book of Records ang Coco-De-Mer bilang ang may pinakamalaking buto sa daigdig.
Kung titingnan mo ang mga kumpol ng tila malaking bato na bungang ito, hahangaan mo ang ganitong kababalaghan ng paglalang. Puwede rin itong maging panganib sa isa. Ang mga kumpol na ito ay posibleng tumitimbang ng 180 kilo. Pero, ang nakapagtataka, wala namang naiulat na nabagsakan ng prutas na ito. Magkagayunman, hindi pa rin isang katalinuhan na pumasyal sa Vallée de Mai kapag napakalakas ng bagyo. Pinakamabuting pagmasdan ang kakaibang bungang ito kapag maganda ang panahon.