Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Halikayo, Makinig sa Pahayag Pangmadla na “Sinu-sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?”

Halikayo, Makinig sa Pahayag Pangmadla na “Sinu-sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?”

Halikayo, Makinig sa Pahayag Pangmadla na “Sinu-sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?”

Para sa relihiyosong mga tao, ang ideya ng pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos ay waring mahirap unawain. Hindi ba’t ang Diyos ang Pinakadakilang Soberano sa sansinukob? Kung gayon, paano nga siya maluluwalhati ng hamak na tao? Posibleng luwalhatiin ang Diyos, sapagkat hinihimok tayo ng Bibliya na “matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” (Apocalipsis 14:7) Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng ‘pakikinig sa salita ng Diyos at pagtupad dito.’ (Lucas 11:28) Oo, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pamumuhay ayon sa mga simulain nito, nagdudulot tayo ng karangalan at kaluwalhatian sa Awtor nito, ang Diyos na Jehova.

Subalit sinu-sino sa ngayon ang nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa ganitong paraan? Bilyun-bilyon ang nag-aangking relihiyoso, subalit ito lamang ba ang kailangan upang maluwalhati ang Diyos? Paano tayo makatitiyak na ang ating anyo ng pagsamba ay nakalulugod sa Diyos at sa gayo’y nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa nakapagpapasiglang pahayag na “Sinu-sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?” Ang pahayag pangmadlang ito ay bibigkasin sa mga pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na magsisimula sa susunod na buwan. Daan-daang kombensiyon na gaya nito ang gaganapin sa buong daigdig. Upang malaman ang lugar ng pinakamalapit sa inyo, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.