Isang Parasitiko Ngunit Kapaki-pakinabang na Putakti
Isang Parasitiko Ngunit Kapaki-pakinabang na Putakti
TOTOO, ang putakting ichneumon, ay waring kakaiba at halos nakatatakot pa nga ang hitsura. Ngunit bakit ba ito itinuring na parasitiko? Sapagkat karaniwan nang nagpaparami ito sa pamamagitan ng pangingitlog sa ibabaw o sa loob ng uod ng ibang insekto o ng isang gagamba.
Sa Hilagang Amerika ay may mahigit na 3,000 uri ng tunay na mga putakting ichneumon. Ang mga putakti namang ito ay bahagi ng isang malaking pamilya ng iba’t ibang klase ng mga putakting parasitiko. Tinataya ng mga siyentipiko na sa buong daigdig, mahigit 40,000 uri ang kabilang sa pamilyang ito ng mga insekto.
Iba’t iba ang laki ng mga putakting ichneumon mula 0.3 hanggang 5 sentimetro ang haba. Ang kanilang pahaba at pakurbang tiyan ay mas mahaba sa pinagsamang sukat ng ulo at dibdib. Naiiba ang mga ichneumon sa mga nangangagat na putakti yamang mas mahaba ang kanilang mga sungot.
Ang pinakakakaibang katangian ng mga ichneumon ay ang tulad-karayom na tubo sa dulo ng kanilang tiyan. Ito ay tinatawag na ovipositor at ang kayariang ito para sa pangingitlog ay kadalasan nang mas mahaba sa katawan ng insekto. Mas manipis pa ito sa isang hibla ng buhok ng kabayo at may tatlo itong tulad-sinulid na mga himaymay na pabalik-balik na dumadausdos upang palabasin ang itlog sa tubo.
Paano nadidiskubre ng ichneumon ang uod ng isang mabibiktima? Ang babaing putakti na Megarhyssa, isang uri ng ichneumon, ay napansing nagtututuktok sa punungkahoy sa pamamagitan ng mga sungot nito upang pakiramdaman ang pagyanig ng isang uod na nabubuhay dalawang sentimetro o higit pa sa ilalim ng balat ng punungkahoy. Kapag naramdaman niyang may uod, lalo nitong nilalakasan ang pagtuktok. Sa dakong huli, sisimulan niyang suriin ang ilalim ng balat ng punungkahoy sa pamamagitan ng tubo nito, na waring binubutasan ito.
Ganito ang komento ng mga tagapagmasid: “Kapag dumampi na sa uod ang dulo ng ovipositor ng putakti, isang itlog ang inilalabas sa tubo, upang mailagay sa tabi, o sa ibabaw, ng kawawang biktima.” Kapag napisa ang itlog, kakainin ng bagong uod ng putakti ang mga taba at katas ng katawan ng biktimang uod. Pagkatapos ay gagawa ito ng tulad-sedang tilas kung saan ito lálakí bilang isang adultong putakti. Kapag nakalabas na ang putakti sa punungkahoy, handa na nitong salutin ang isang bagong salinlahi ng mga insekto.
Bagaman maaaring ilarawan ng isa ang grupo ng mga insektong ito bilang walang-awang mga parasito, mayroon din namang mahalagang papel na ginagampanan ang mga putakting ichneumon. Kinakain ng mga uod nito ang mga insekto na nakapipinsala sa mga pananim na pagkain, tulad ng mga chinch bug, boll weevil, codling moth, at mga asparagus beetle. Kaya lumilitaw na kinokontrol ng mga ichneumon ang pagdami ng mga peste sa halaman.
Bagaman napakaraming ichneumon, bihira silang makita ng mga tao dahil karaniwan na silang nanginginain, nagpaparami, at nangingitlog sa mga tirahang bihirang puntahan ng mga tao. Kaya ang mga ichneumon ay isa pang halimbawa ng pagkakasari-sari at pagiging timbang ng mga nabubuhay na bagay na higit pang uunawain ng tao.
[Larawan sa pahina 24]
Putakting “ichneumon” na naghahandang mangitlog
[Credit Line]
Scott Bauer/Agricultural Research Service, USDA