Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Malnutrisyon Interesadung-interesado ako habang binabasa ko ang seryeng “Malnutrisyon​—‘Ang Tahimik na Krisis.’” (Pebrero 22, 2003) Wala kaming masyadong ganitong problema sa Hapon, kaya gulat na gulat ako sa aking nabasa. Sana’y mapag-ibayo pa ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taong dumaranas ng problemang ito.

Y. T., Hapon

Mga Music Video Paminsan-minsan ay nakatatanggap ako ng mga magasin ninyo mula sa isang kakilala kong Saksi ni Jehova. Para sa akin, napakaganda ng pagkakagawa sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Manood ng mga Music Video?” (Pebrero 22, 2003) Ito’y talagang espesipiko at nagsisiwalat ng mga panganib na nakatago sa modernong musika.

M. M., Hapon

Nang matanggap ko po ang artikulo, binasa ko agad ito hanggang sa matapos. Ang karamihan po sa aking mga kaibigan ay nanonood ng mga music video, at gustung-gusto nilang pagkuwentuhan ang mga ito. Natulungan po ako ng artikulo na huwag mahulog sa tukso na panoorin ang mga ito. Ako po’y 12 taóng gulang, at tamang-tama para sa akin ang pagdating ng artikulong ito.

K. W., Estados Unidos

Tuwang-tuwa ako sa artikulo. Isa akong pambuong-panahong ebanghelisador at alam ko na dapat akong magpakita ng magandang halimbawa sa ibang kabataan. Kaya kapag tinatanong ako ng mga kabataan kung bakit hindi pa ako nakapanonood ng music video, masasabi ko na ngayon na ito’y dahil ayokong sirain ang aking kaugnayan kay Jehova. Pakisuyong mag-imprenta pa kayo ng nakapagtuturong mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .”

R. B., Estados Unidos

Halos 21 anyos na ako, at gustung-gusto kong manood ng mga music video. Pero tama kayo sa pagsasabing nakaiimpluwensiya ang mga videong ito sa mga tagapanood ng mga ito. Kadalasan, nagugustuhan ng mga kabataan ang isang musika dahil sa himig o indayog nito pero wala naman sa loob nila ang liriko nito. Lalo nang totoo ito kapag ang mga salita ay nasa ibang wika. Karaniwan nang isinisiwalat sa mga video kung anong mensahe ang tunay na ipinahihiwatig ng musika. Kung minsan ay nagugulat ako sa video ng isang awiting akala ko’y maganda naman! Kapag nakikita kong masagwa ang video, inililipat ko ang channel at hindi ko na pinakikinggang muli ang awiting iyon.

T. G., Pransiya

Mga Wildebeest Talagang nagustuhan ko ang artikulong “Ang Malaking Pandarayuhan.” (Pebrero 22, 2003) Mahilig ako sa mga hayop, at kapag may dumarating na bagong Gumising!, binabasa ko muna ang anumang artikulo tungkol sa mga ito. Nagulat ako nang mabasa kong kapag nasa panganib pala, puwedeng pigilin muna ng babaing wildebeest ang panganganak at gawin ito sa mas ligtas na panahon at lugar! Pakisuyong maglathala pa kayo ng ganito kagagandang artikulo.

K. R., Italya

Di-mapatatawad na Kasalanan Hindi ko malaman kung paano ako magpapasalamat kay Jehova at sa inyo dahil sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Mayroon Bang Di-mapatatawad na Kasalanan?” (Pebrero 8, 2003) Matagal ko nang hinahanap ang ganitong impormasyon. Noon ko pa sinisikap unawain ang Hebreo 10:26, at akala ko’y kapit lamang ito sa 144,000 na aakyat sa langit. Salamat at niliwanag ninyo ang bagay na ito.

R. A. P., Ghana

Sirya Talagang nagustuhan ko ang kakaibang istilo ng artikulong “Sirya​—Mga Bakas ng Kawili-wiling Lumipas.” (Pebrero 8, 2003) Palibhasa’y napakahilig ko sa kasaysayan at heograpiya, tuwang-tuwa ako dahil naiuugnay ninyo ang mga talata sa Bibliya sa isang eksaktong lokasyon sa mapa. Sana’y maglathala pa kayo ng iba pang mga artikulong gaya nito.

M. P., Pransiya

[Picture Credit Line sa pahina 30]

UN/DPI Photo by Eskinder Debebe